PAGSASAYAW
Ang maindayog na mga pagkilos ng katawan, kadalasa’y sinasaliwan ng musika, anupat maaaring mabagal o napakagulo. Ang pagsasayaw ay isang nakikitang kapahayagan ng mga emosyon at mga saloobin ng isa, kadalasan ay nagbabadya ng kagalakan at masidhing ligaya, ngunit kung minsan ay ng pagkapoot at paghihiganti (gaya ng ipinakikita sa mga sayaw na pandigmaan). Ang mga emosyon at mga damdaming ipinakikita sa sayaw ay higit pang pinatitingkad ng mga kostiyum na may angkop na mga kulay o ng makasagisag na mga aksesorya.
Ang pagsasayaw ay isang sining na napakatanda na, at mula pa noong sinaunang panahon ay ginagamit na ito ng halos lahat ng mga lahi bilang isang paraan ng pagpapahayag ng emosyon, partikular na sa pagsamba. Sa Hebreong Kasulatan ay may ilang pananalita na isinalin bilang “pagsasayaw,” “paikut-ikot na sayaw,” “sumasayaw,” at “naglululukso.” Ang pandiwang Hebreo na chul, na pangunahin nang nangangahulugang “uminog; bumaling,” ay isinasalin din bilang “sumayaw.” (Huk 21:21; ihambing ang Jer 30:23; Pan 4:6.) Dalawang pangngalan na nangangahulugang “sayaw; paikut-ikot na sayaw” ang hinalaw sa pandiwang ito, samakatuwid nga ay ang ma·chohlʹ (Jer 31:4; Aw 150:4) at ang mecho·lahʹ.—Sol 6:13; Huk 21:21.
Mga Sayaw ng Tagumpay at Kapistahan. Ipinahayag ng mga mananayaw ang kanilang taos-pusong papuri at pasasalamat kay Jehova matapos masaksihan ng Israel ang nakapagpapasigla-ng-pananampalatayang pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova nang puksain niya ang mga Ehipsiyo. Kaya habang sinasabayan ng mga kalalakihan si Moises sa pag-awit ng isang awit ng tagumpay, pinangunahan naman ni Miriam ang mga kababaihan sa pagsasayaw sa saliw ng mga tamburin. (Exo 15:1, 20, 21) Ang isa pang sayaw ng tagumpay na udyok ng masidhing relihiyosong damdamin ay ang sayaw ng anak na babae ni Jepte, na lumabas upang samahan ang kaniyang ama sa pagpuri kay Jehova dahil ibinigay Niya ang mga Ammonita sa mga kamay nito. (Huk 11:34) Habang nagsasayaw sa saliw ng musika ng mga laud at mga tamburin, sinalubong ng mga kababaihan ng Israel sina Saul at David pagkatapos ng tagumpay ni Jehova laban sa mga Filisteo. (1Sa 18:6, 7; 21:11; 29:5) Ang pagsasayaw ay bahagi rin ng ilang taunang kapistahang may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova. (Huk 21:19-21, 23) Inirerekomenda rin ng Mga Awit ang pagsasayaw bilang isang paraan ng pagpaparangal at pagpuri kay Jehova. “Purihin ninyo si Jah! . . . Purihin nawa nila ang kaniyang pangalan nang may sayawan. Tumugtog nawa sila para sa kaniya na may tamburin at alpa.” “Purihin ninyo siya ng tamburin at ng paikut-ikot na sayaw.”—Aw 149:1, 3; 150:4.
Nang dumating na sa Jerusalem ang kaban ng tipan, naging isang napakasayang okasyon iyon, partikular na para kay Haring David, na nagpadala sa kaniyang emosyon sa pamamagitan ng napakasiglang pagsasayaw. “At sumayaw si David sa harap ni Jehova nang kaniyang buong lakas, . . . na naglululukso at sumasayaw sa harap ni Jehova.”—2Sa 6:14-17; 1Cr 15:29.
Ang pagsasayaw ay ginamit din ng mga tao sa mga bansang pagano para sa pagsamba. Ang mga prusisyon ng sinaunang Babilonya at ng iba pang mga bansa ay karaniwan nang nauugnay sa relihiyon, at kadalasan nang nagsasayaw sila ng mga sayaw na pamprusisyon bilang bahagi ng okasyon. Ang mga sayaw naman sa Gresya ay karaniwan nang mga pagsasadula ng mga alamat na may kaugnayan sa kanilang mga diyos, na inilalarawan din bilang nagsasayaw. Ang mga sayaw para sa pag-aanak ay nilayong pumukaw sa seksuwal na pagnanasa kapuwa ng mga mananayaw at ng mga nanonood. Ang mga Canaanita ay nagsagawa ng paikut-ikot na mga sayaw sa palibot ng kanilang mga idolo at mga sagradong poste bilang parangal sa mga puwersa ng kalikasan na nauugnay sa pagkapalaanakin. Ang pagsamba kay Baal ay iniuugnay sa magaslaw at walang-taros na pagsasayaw. Noong panahon ni Elias, nagsayaw sa gayong paraan ang mga saserdote ni Baal anupat, sa kalagitnaan ng makademonyong pagsasayaw na iyon ay naghiwa sila sa kanilang sarili sa pamamagitan ng mga kutsilyo habang patuloy silang “umiika-ika sa palibot” ng altar. (1Ha 18:26-29) Ang ibang mga salin ay nagsasabing sila ay “nagsagawa ng paika-ikang sayaw” (AT), “nagsayaw sa pahintu-hintong paraan” (JP), “nagsagawa ng papilay-pilay na sayaw” (JB), “nagsisilukso” (AS-Tg), “sasayaw-sayaw sa isang paa” (BSP). Nang gawin nila ang ginintuang guya, ang mga Israelita ay nagsagawa rin ng isang anyo ng paganong pagsasayaw sa harap ng kanilang idolo, kung kaya hinatulan sila ni Jehova dahil dito.—Exo 32:6, 17-19.
Iba Pang Pagbanggit ng Bibliya sa Pagsasayaw. Sa Israel, ang pagsasayaw ay karaniwan nang isinasagawa nang grupu-grupo, partikular na ng mga babae. Kapag sumasali sa pagsasayaw ang mga lalaki, mayroon silang sariling grupo, anupat lumilitaw na hindi nagsasayaw nang magkasama ang mga lalaki at mga babae. Ang mga sayaw ng mga Israelita ay nasa istilong pamprusisyon at paikut-ikot (Huk 21:21; 2Sa 6:14-16), ngunit ang mga istilong ito ay hindi katulad ng paganong mga sayaw na pamprusisyon o mga sayaw na paikut-ikot. Upang matiyak kung may pagkakatulad sa mga sayaw ng mga pagano ang mga galaw sa pagsasayaw, dapat isaalang-alang at ihambing sa mga iyon ang mga motibo at tunguhin ng mismong mga sayaw, ang binanggit na layunin ng mga sayaw, ang mga galaw ng katawan ng mga sumasayaw, at ang mga ideyang itinatawid ng gayong mga galaw sa mga nagmamasid.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang or·kheʹo·mai ay isinalin bilang “sayaw.” Ayon kay W. E. Vine, ito ay “malamang na orihinal na nangangahulugang iangat, gaya ng pag-aangat ng mga paa; samakatuwid nga, lumukso nang paulit-ulit.” (An Expository Dictionary of New Testament Words, 1962, Tomo 1, p. 266) Lubhang nalugod si Herodes sa pagsasayaw ni Salome sa piging para sa kaniyang kaarawan anupat ipinagkaloob niya ang kahilingan nito at pinapugutan niya ng ulo si Juan na Tagapagbautismo. (Mat 14:6-11; Mar 6:21-28; tingnan ang SALOME Blg. 2.) Inihalintulad ni Jesu-Kristo ang kaniyang salinlahi sa mga bata na napagmasdan niyang naglalaro at nagsasayaw sa pamilihan. (Mat 11:16-19; Luc 7:31-35) Ngunit sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak, ibang salitang Griego naman ang ginamit, kho·rosʹ, kung saan hinalaw ang salitang Ingles na “chorus.” Ang salitang Griegong ito ay tumutukoy sa isang grupo ng mga mananayaw, maliwanag na isang tropa ng mga mananayaw na inuupahan upang magpalabas para sa gayong masayang okasyon.—Luc 15:25.