DIBLA
Isang lugar na binanggit ni Ezekiel (6:14) nang itala niya ang hula ni Jehova na ititiwangwang ang lupain ng Israel bilang kagantihan sa idolatrosong pagsamba nito. Walang kilalang sinaunang lokasyon na may ganitong pangalan, kaya itinuturing ng karamihan sa makabagong mga iskolar na lumitaw ang “Dibla,” sa halip na “Ribla,” dahil sa pagkakamali ng tagakopya, yamang ang unang titik Hebreo para sa “R” (ר) ay madaling mapagkamalang titik Hebreo para sa “D” (ד). Kung gayon nga, maaaring ito ang tinutukoy sa Bibliya na Ribla (isang kaguhuan malapit sa makabagong Ribleh) sa may Ilog Orontes, “sa lupain ng Hamat” (2Ha 23:33), at ang “ilang sa dakong Dibla [Ribla]” ay maaaring tumutukoy sa magrabang kapatagan ng Disyerto ng Sirya na nasa T at TS ng Ribla. Gayunman, isinasalin ng ilang tagapagsalin ang mga salita ni Ezekiel bilang “mula sa ilang hanggang sa Ribla.” (RS) Batay sa gayong salin, ang kahatulan ni Jehova ay sasaklaw mula sa “ilang,” ang kinikilalang timugang hangganan ng Lupang Pangako (Exo 23:31), hanggang sa rehiyon ng “Hamat” (kinakatawanan ng Ribla) sa malayong hilaga. (1Ha 8:65) Kaya ang paggamit ni Ezekiel ng gayong pananalita ay katumbas ng mas kilalang pananalita na “mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba.”—Huk 20:1; tingnan ang RIBLA Blg. 2.