ELIAS
[Ang Aking Diyos ay si Jehova].
1. Isa sa mga pangunahing propeta ng Israel. Maliwanag na siya ay taga-Tisbe, na ipinapalagay ng ilan na isang nayon sa lupain ng Gilead, sa S ng Ilog Jordan. (1Ha 17:1) Pinasimulan niya ang kaniyang mahabang paglilingkod bilang propeta sa Israel noong panahon ng paghahari ni Haring Ahab, na nagsimulang mamahala noong mga 940 B.C.E., at nagpatuloy siya hanggang noong panahon ng paghahari ng anak ni Ahab na si Ahazias (nagsimula mga 919 B.C.E.). (1Ha 22:51) Ang huling pagkakataong binanggit na naglilingkod siya bilang propeta (para naman sa Juda) ay noong pagtatapos ng walong-taóng paghahari ni Haring Jehoram ng Juda, na nagsimulang mamahala noong 913 B.C.E.—2Cr 21:12-15; 2Ha 8:16.
Inilaan ni Jehova si Elias bilang isang tagapagtaguyod ng tunay na pagsamba noong panahong ang espirituwal at moral na kalagayan ng Israel ay bumagsak nang napakababa. Ipinagpatuloy ni Haring Ahab na anak ni Omri ang pagsamba sa guya na pinasimulan ni Jeroboam, ngunit mas masahol pa, napangasawa niya si Jezebel na anak ng Sidoniong hari na si Etbaal. Dahil sa impluwensiya nito, nagkasala si Ahab nang higit kaysa sa lahat ng naunang mga hari ng Israel sa pamamagitan ng pagpapasok ng malawakang pagsamba kay Baal. Dumami ang mga saserdote at mga propeta ni Baal, at umabot sa sukdulan ang katiwalian. Ang pagkapoot ni Jezebel kay Jehova ay naging dahilan ng pag-uusig at pagpatay sa mga propeta, kung kaya napilitang magtago ang mga ito sa mga yungib.—1Ha 16:30-33; 18:13.
Pinakain ng mga Uwak. Si Elias ay unang binanggit sa rekord nang isugo siya ni Jehova upang ipatalastas ang kaparusahan sa Israel dahil sa kanilang mga kasalanan. Ang kaniyang unang mga salitang napaulat ay: “Buháy si Jehova na Diyos ng Israel na sa harap niya ay nakatayo ako.” Sinabi ni Elias na itinalaga ni Jehova na Diyos na buháy ng Israel na hindi magkakaroon ng ulan o hamog sa loob ng ilang taon, malibang baligtarin ito ni Elias. Ang yugtong iyon ay umabot nang tatlong taon at anim na buwan. (1Ha 17:1; San 5:17) Pagkatapos ipatalastas ito ay pinapunta ni Jehova si Elias sa agusang libis ng Kerit sa dakong S ng Jordan sa teritoryo ng tribo ni Gad. Dito ay makahimalang dinadalhan siya ng mga uwak ng pagkain. Kumukuha naman siya ng tubig mula sa agusang libis, na nang maglaon ay natuyo dahil sa tagtuyot. Patuloy siyang pinatnubayan ni Jehova anupat isinugo siya sa labas ng teritoryo ng Israel sa Zarepat, isang bayan sa Fenicia na sakop ng Sidon noong panahong iyon. Dito, malapit sa lunsod ng Sidon, kung saan namamahala ang biyenan ni Haring Ahab na si Etbaal (1Ha 16:31), nakatagpo ni Elias ang isang babaing balo na naghahanda ng huling hapunan nila ng kaniyang anak at gagamitin na niya ang kahuli-hulihan nilang harina at langis. Si Elias ay humiling ng tinapay sa balo at nangakong paglalaanan siya ni Jehova sa panahon ng tagtuyot. Dahil nakilala niya si Elias bilang isang lalaki ng Diyos, siya ay sumunod at pinagpala. (Ihambing ang Mat 10:41, 42.) Samantalang nanunuluyan si Elias sa tahanan niya, ang kaniyang anak ay namatay. Nanalangin si Elias sa Diyos, na nagpanumbalik naman sa buhay ng bata. Ito ang unang pagkabuhay-muli na napaulat at ang ikatlo sa walong himala ni Elias.—1Ha 17.
Paano idiniin ni Elias sa Israel na si Jehova ang tunay na Diyos?
Samantala, kung saan-saan hinanap ni Ahab si Elias, walang alinlangang upang patayin ito. (1Ha 18:10) Nang bandang huli ay tinagubilinan ng Diyos si Elias na magpakita kay Ahab. Sinalubong ni Elias si Ahab at hiniling niyang makatagpo ang 450 propeta ni Baal at ang 400 propeta ng sagradong poste (Asera). Tinipon ni Ahab ang mga propeta sa Bundok Carmel, di-kalayuan sa Dagat Mediteraneo. (LARAWAN, Tomo 1, p. 950) Sa harap ng bayan, iminungkahi ni Elias ang isang pagsubok upang patunayan kung sino ang tunay na Diyos na dapat sundin. Ang isa na sasagot sa pamamagitan ng pagtupok sa toro na ihahain sa kaniya ang siyang dapat kilalanin ng lahat. Sumang-ayon ang bayan. Unang tinawagan si Baal, ngunit walang nangyari. Walang apoy, walang patotoo na si Baal ay isang diyos na buháy, bagaman ang kaniyang mga propeta ay patuloy na nananalangin sa kaniya, oo, naghiwa pa nga ng kanilang sarili ayon sa ritwal nila. Umika-ika sila sa palibot ng altar sa ilalim ng nakapapasong araw sa kalakhang bahagi ng maghapon habang patuloy silang nililibak ni Elias, na naging dahilan upang lalo pa silang magwala.—1Ha 18:18-29.
Ngayon ay pagkakataon naman ni Elias. Gamit ang 12 bato, inayos niya ang isang altar na giniba, malamang ay dahil sa sulsol ni Jezebel. Pagkatapos ay iniutos niya sa bayan na tatlong beses na basain ng tubig ang handog at ang altar, at pinuno nila ng tubig pati ang trinsera sa palibot ng altar, na nakapaligid sa isang dako na marahil ay 32 m (103 piye) kuwadrado. (1Ha 18:30-35) Noong oras ng regular na panggabing handog na mga butil, nanalangin nang minsan si Elias kay Jehova, na nagpababa naman ng apoy mula sa langit upang tupukin hindi lamang ang handog kundi pati ang kahoy, ang mga bato ng altar, at ang tubig sa trinsera. (1Ha 18:36-38) Nang makita ito ng bayan, isinubsob nila ang kanilang mukha at sinabi: “Si Jehova ang tunay na Diyos! Si Jehova ang tunay na Diyos!” Pagkatapos ay iniutos ni Elias na patayin ang 450 propeta ni Baal sa agusang libis ng Kison. Bilang sagot sa panalangin ni Elias, winakasan ni Jehova ang tagtuyot sa pamamagitan ng pagpapabuhos ng ulan. Pagkatapos nito, sa tulong ng kapangyarihan ni Jehova, tumakbo si Elias nang una pa sa karo ni Ahab, marahil ay mga 30 km (19 na mi), hanggang sa Jezreel.—1Ha 18:39-46.
Tumakas Mula kay Jezebel. Nang mabalitaan ang pagkamatay ng mga propeta ni Baal, sumumpa si Reyna Jezebel na ipapapatay niya si Elias. Dahil sa takot, tumakas si Elias at naglakbay nang mga 150 km (95 mi) sa timog-kanluran patungong Beer-sheba, sa dakong K ng mababang Dagat na Patay. (MAPA, Tomo 1, p. 949) Matapos iwanan doon ang kaniyang tagapaglingkod, naglakbay pa siya patungo sa ilang, at nanalanging mamatay na sana siya. Dito ay nagpakita sa kaniya ang anghel ni Jehova, upang ihanda siya sa isang malayong paglalakbay patungo sa “bundok ng tunay na Diyos,” ang Horeb (Sinai). Palibhasa’y napalakas siya ng mga kinakain niya noon para sa 40-araw na paglalakbay, nakarating siya sa layo na mahigit 300 km (190 mi). Sa Horeb, nakipag-usap si Jehova sa kaniya pagkatapos ng kasindak-sindak na pagtatanghal ng kapangyarihan sa pamamagitan ng hangin, lindol, at apoy. Si Jehova ay wala sa mga bagay na ito; hindi siya isang diyos ng kalikasan, o mga puwersa lamang ng kalikasan na binigyang-katauhan. Ang mga puwersang ito ng kalikasan ay mga kapahayagan lamang ng kaniyang aktibong puwersa, hindi si Jehova mismo. Ipinakita kay Elias ng Makapangyarihan-sa-lahat na may gawain pa itong gagampanan bilang propeta. Itinuwid ni Jehova ang kaisipan ni Elias na siya na lamang ang mananamba ng tunay na Diyos sa Israel nang ipakita niya kay Elias na may 7,000 na hindi lumuhod kay Baal. Pinabalik niya si Elias sa atas nito at binanggit ang tatlong tao na dapat pahiran, o atasan, upang gumanap ng gawain para kay Jehova: si Hazael bilang hari sa Sirya, si Jehu bilang hari sa Israel, at ang kaniya mismong kahalili na si Eliseo.—1Ha 19:1-18.
Inatasan si Eliseo Bilang Kahalili. Pagkatapos ay naglakbay si Elias patungo sa bayan ni Eliseo, sa Abel-mehola. Nang madatnan ni Elias si Eliseo na nag-aararo sa bukid, inihagis niya rito ang kaniyang opisyal na kasuutan, na nagpapahiwatig ng pag-aatas, o pagpapahid. Mula noon ay naging kasama ni Elias si Eliseo bilang kaniyang tagapaglingkod. Tiyak na kasama ni Elias si Eliseo nang muli siyang humula laban kay Ahab. Inagaw ng sakim na haring iyon na mananamba ni Baal ang isang ubasan, na minanang pag-aari ni Nabot na Jezreelita, anupat pinahintulutan ang kaniyang asawang si Jezebel na gumamit ng mga bulaang paratang, mga bulaang saksi, at di-matuwid na mga hukom upang maipapaslang si Nabot. Sinalubong ni Elias si Ahab sa ubasan at sinabi kay Ahab na ang dugo nito ay hihimurin ng mga aso sa dako ring iyon kung saan hinimod ng mga ito ang dugo ni Nabot. Ipinatalastas din niya na gayundin ang magiging kahihinatnan ni Jezebel.—1Ha 19:19; 21:1-26.
Pagkaraan ng mga tatlong taon ay namatay si Ahab sa pakikipagbaka. Ang kaniyang karong pandigma ay hinugasan sa tabi ng tipunang-tubig ng Samaria, at hinimod ng mga aso ang kaniyang dugo. Gayunman, ang paglalapat ng kamatayan kay Jezebel ay naghintay pa ng mga 15 taon. Si Ahab ay hinalinhan ng kaniyang anak na si Ahazias. Sinundan ng haring ito ang mga yapak ng kaniyang balakyot na ama, sapagkat nang masugatan siya sa isang aksidente ay bumaling siya sa huwad na diyos na si Baal-zebub, ang diyos ng Ekron, upang sumangguni tungkol sa kahihinatnan ng kaniyang sakit. Ipinarating sa kaniya ni Elias ang sinabi ni Jehova na dahil doon ay tiyak na mamamatay siya. Nang tatlong pangkat ang sunud-sunod na isugo ni Ahazias upang kunin si Elias, na bawat pangkat ay binubuo ng isang pinuno na may 50 tauhan, ang propeta ay nagpababa ng apoy mula sa langit upang lipulin ang unang dalawang pangkat, ngunit sa pakiusap ng ikatlong pinuno, bumalik siyang kasama nito upang personal na ipahayag ang hatol laban kay Ahazias.—1Ha 22:1, 37, 38; 2Ha 1:1-17.
Hinalinhan ni Eliseo. Kasuwato ng pagkilos ni Elias noong atasan niya si Eliseo ilang taon bago nito, dumating ang panahon na ang katungkulan ng propeta ay kailangan na niyang isalin kay Eliseo, na lubusan nang nasanay. Naganap ito noong panahon ng pamamahala ng kahalili ni Ahazias, ang kapatid nito na si Jehoram ng Israel. Nang panahong iyon ay pumaroon si Elias sa Bethel, at mula roon ay nagtungo siya sa Jerico at bumaba sa Jordan, anupat si Eliseo ay lagi niyang kasa-kasama noon. Doon, bilang gantimpala kay Eliseo dahil sa kaniyang katapatan, nakita niya ang isang maapoy na karong pandigma at ang maaapoy na kabayo habang si Elias ay umaakyat sa langit sa pamamagitan ng isang buhawi. Pinulot ni Eliseo ang opisyal na kasuutan ni Elias na nahulog mula rito, at sumakaniya ang “dalawang bahagi” (tulad ng takdang bahagi ng panganay na anak) ng espiritu ni Elias, isang espiritu ng lakas ng loob at ng pagiging ‘lubos na mapanibughuin para kay Jehova na Diyos ng mga hukbo.’—2Ha 2:1-13; 1Ha 19:10, 14; ihambing ang Deu 21:17.
Hindi namatay si Elias nang pagkakataong iyon, ni pumaroon man siya sa di-nakikitang dako ng mga espiritu, kundi inilipat siya sa ibang atas ng panghuhula. (Ju 3:13) Ipinakikita ito ng bagay na hindi nagsagawa si Eliseo ng anumang pagdadalamhati para sa kaniyang panginoon. Maraming taon pagkaraan ng kaniyang pag-akyat sa langit sa pamamagitan ng buhawi, si Elias ay buháy pa rin at aktibo bilang propeta, ngayon naman ay para sa hari ng Juda. Dahil sa balakyot na landasing tinahak ni Haring Jehoram ng Juda, sinulatan siya ni Elias ng liham na nagpapahayag ng kahatulan ni Jehova, na di-nagtagal ay natupad.—2Cr 21:12-15; tingnan ang LANGIT (Pag-akyat sa Langit).
Mga Himala. Walong himala ang kinikilalang isinagawa ni Elias sa ulat ng Bibliya. Ang mga ito ay: (1) pagpapatigil ng ulan mula sa langit, (2) hindi pagkaubos ng panustos na harina at langis ng babaing balo ng Zarepat, (3) pagbuhay-muli sa anak ng babaing balo, (4) pagpapababa ng apoy mula sa langit bilang sagot sa panalangin, (5) pagpapaulan upang wakasan ang tagtuyot bilang sagot sa panalangin, (6) pagpapababa ng apoy sa kapitan ni Haring Ahazias at sa 50 tauhan nito, (7) pagpapababa ng apoy sa ikalawang kapitan at sa 50 tauhan nito, at (8) paghawi sa Ilog Jordan nang hampasin niya ito ng kaniyang opisyal na kasuutan. Ang pag-akyat niya sa langit ay makahimala rin, ngunit iyon ay tuwirang ginawa ng Diyos, hindi isang bagay na pinasimulan ng isang panalangin o proklamasyon ni Elias.
Si Elias ay isang masigasig na tagapagtaguyod ng tunay na pagsamba kay Jehova. Isang napakalaking gawain ang ginampanan niya upang wasakin ang Baalismo sa Israel; ang gawaing pinasimulan niya ay ipinagpatuloy ni Eliseo, at ang paglalapat ng kamatayan kay Jezebel at ang pagwasak sa maruming Baalismo mula sa Sidon ay isinagawa ni Jehu. Noong mga araw ni Elias ay may 7,000, kabilang na si Obadias na tagapamahala ng sambahayan ni Ahab, na nasumpungang tapat kay Jehova; tiyak na lubhang pinatibay ni Elias ang ilan sa kanila. Inatasan ni Elias si Eliseo bilang kahalili niya, ngunit ang pagpapahid kay Hazael at kay Jehu ay isinagawa ni Eliseo.
Tiyak na tinutukoy ng apostol na si Pablo si Elias nang banggitin niya ang tungkol kay “Samuel at sa iba pang mga propeta, na sa pamamagitan ng pananampalataya ay . . . nagpangyari ng katuwiran . . . Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.” Kaya kabilang siya sa “ulap” ng tapat na mga saksi noong sinaunang panahon. (Heb 11:32-35; 12:1) Tinukoy ng alagad na si Santiago si Elias bilang patotoo na mabisa ang mga panalangin ng “isang taong may damdaming tulad ng sa atin,” na matuwid na naglilingkod sa Diyos.—San 5:16-18.
Ang Gawain ay Nagsilbing Hula Hinggil sa mga Bagay na Darating. Mga 450 taon pagkaraan ng panahon ni Elias, inihula ni Malakias na si Elias na propeta ay lilitaw “bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” (Mal 4:5, 6) Hinihintay ng mga Judio noong mga araw ni Jesus ang pagdating ni Elias upang tuparin ang hulang ito. (Mat 17:10) Inakala ng ilan na si Jesus ay si Elias. (Mat 16:14) Itinanggi ni Juan na Tagapagbautismo, na nadaramtan ng kasuutang balahibo at may pamigkis na katad sa kaniyang mga balakang gaya ni Elias, na siya mismo si Elias. (2Ha 1:8; Mat 3:4; Ju 1:21) Hindi sinabi ng anghel sa ama ni Juan na si Zacarias na si Juan ang magiging si Elias, kundi na tataglayin nito ang “espiritu at kapangyarihan ni Elias . . . upang ihanda para kay Jehova ang isang nakahandang bayan.” (Luc 1:17) Ipinahiwatig ni Jesus na ginawa ni Juan ang gawaing iyon ngunit hindi ito nakilala ng mga Judio. (Mat 17:11-13) Pagkamatay ni Juan, nakita si Elias sa pangitain kasama ni Moises nang magbagong-anyo si Jesus, anupat nagpapahiwatig na may isang bagay pang mangyayari na inilalarawan ng gawaing ginampanan ni Elias.—Mar 9:1-8.
2. Isang anak ng Benjamitang si Jeroham; isang taong nakatira sa Jerusalem at ulo ng kaniyang sambahayan.—1Cr 8:1, 27, 28.
3. Isang saserdoteng Levita mula sa “mga anak ni Harim” (1Cr 24:8; Ezr 2:1, 2, 39) na kabilang sa mga sumunod sa payo ni Ezra na paalisin ang kanilang mga asawang banyaga.—Ezr 10:21, 44.
4. Isang inapo ni Elam na kabilang sa mga sumunod sa payo ni Ezra na paalisin ang kanilang mga asawang banyaga.—Ezr 10:26, 44.