INGGIT
Paghihinanakit at pagkayamot sa iba dahil sa kanilang mga ari-arian, kasaganaan, mga bentaha, posisyon, o reputasyon. Nais ng mga taong mainggitin na makuha ang mga bagay na tinataglay ng iba at maaaring nadarama nila na yaong mga nagmamay-ari ng mga bagay na gustung-gusto nilang matamo ay walang karapatan sa mga iyon. Bagaman ang salitang Hebreo na qin·ʼahʹ, depende sa konteksto, ay maaaring tumukoy sa sigasig, pag-aalab, paghingi ng bukod-tanging debosyon, o paninibugho at pagkainggit (2Ha 19:31; Aw 79:5; Bil 25:11; 5:14; Job 5:2), ang Griegong phthoʹnos naman ay palaging may negatibong kahulugan at tumutukoy sa inggit.—Ro 1:29.
Ang isa sa masasamang tendensiya ng makasalanang tao ay ang pagkainggit. (San 4:5) Isa itong uri ng pagkapoot. Dahil kinainggitan ng mga Filisteo ang kasaganaan ni Isaac, tinabunan nila ang mga balon na pinagsasalukan niya ng tubig na ipinaiinom sa kaniyang mga kawan ng mga tupa at mga baka. Nang dakong huli, hiniling ng kanilang hari kay Isaac na lisanin ang lugar na iyon. (Gen 26:14-16, 27) May kaugnayan kina Kora, Datan, at Abiram, ang pagkainggit sa dignidad at marangal na posisyon nina Moises at Aaron ang nag-udyok sa kanila na batikusin nang matindi ang mga ito. (Bil 16:1-3; Aw 106:16-18) Dahil sa positibong tugon ng mga tao kay Jesus, napuno ng inggit ang mga punong saserdote at ang maraming matatandang Judio. Umabot sa sukdulan ang kanilang pagkainggit nang ibigay nila kay Pilato ang Anak ng Diyos upang maipataw sa kaniya ang hatol na kamatayan.—Mat 27:1, 2, 18; Mar 15:10.
Ang pagtataguyod ng mga turong hindi kasuwato ng mga turo ni Jesu-Kristo ay lumilikha ng inggit. Ang unang ikinababahala ng taong nagtuturo ng mga iyon ay, hindi ang kaluwalhatian ng Diyos, kundi ang pagpapalaganap ng sarili niyang doktrina. Ang ibinubunga nitong inggit ay maaaring mabanaag sa mga pagsisikap na magkalat ng maling impormasyon at manirang-puri laban sa mga tunay na Kristiyano, anupat sinisira ang kanilang mga pagpapagal at mabuting impluwensiya. (1Ti 6:3, 4) Kinailangan ng apostol na si Pablo na makipagkatuwiranan sa mga taong may maling motibo na nangangaral tungkol sa Kristo dahil sa inggit. Layunin nilang sirain ang reputasyon at apostolikong awtoridad ni Pablo, na siyang mga bagay na kanilang kinaiinggitan. Tinangka nilang siraan ng loob at panghinain ang nakabilanggong apostol. Sa ikapipinsala ni Pablo, sinikap nilang itaguyod ang kanilang sarili upang maisulong ang kanilang mapag-imbot na mga tunguhin.—Fil 1:15-17.
Ang Panganib ng Pagpapadala sa Inggit. Ang mga taong nagkakamit ng kanilang mga ninanais sa pamamagitan ng pandaraya at karahasan ay maaaring magtamasa ng kasaganaan, katiwasayan, at mabuting kalusugan sa loob ng ilang panahon. Maging ang kamatayan ng mga balakyot ay maaaring maging mapayapa, anupat walang kalakip na matinding pagdurusa. Kapag tinitingnan ng isang lingkod ng Diyos ang kaniyang kalagayan na posibleng hindi gayon kaganda, baka pahintulutan niyang sirain ng pagkainggit sa kalagayan ng mga balakyot ang pagpapahalaga niya sa paggawa ng kalooban ng Diyos, gaya ng nangyari sa salmistang si Asap. (Aw 73:2-14) Kaya naman paulit-ulit na bumabanggit ang Kasulatan ng matitibay na dahilan kung bakit hindi dapat kainggitan ang masasamang tao ni tularan man ang kanilang mga lakad: Ang mga nagsasagawa ng kalikuan ay pansamantala lamang gaya ng damo na madaling natutuyot sa matinding init ng araw. (Aw 37:1, 2) Gaano man kasagana yaong mga nagtatamo ng kanilang mga kagustuhan sa pamamagitan ng karahasan, karima-rimarim pa rin sila kay Jehova at nasa ilalim sila ng kaniyang sumpa. (Kaw 3:31-33) Walang kinabukasan ang buhay nila.—Kaw 23:17, 18; 24:1, 19, 20.
Ang kahabag-habag na kahihinatnan ng taong mainggitin ay nakasaad sa kinasihang kawikaan: “Ang taong may matang mainggitin [sa literal, “masama”] ay nagpupunyaging magkamit ng mahahalagang pag-aari, ngunit hindi niya nalalaman na ang kakapusan ay darating sa kaniya.” (Kaw 28:22) Ang totoo, patungo sa kakapusan ang taong may matang mainggitin. Habang nagpupunyagi siyang iangat ang kaniyang sarili upang mapantayan ang mga kinaiinggitan niya, ibinababa naman niya ang kaniyang sarili sa moral na paraan, anupat ipinagwawalang-bahala ang tamang mga simulain. Magtagumpay man siya sa pagkakamit ng kayamanan, ang mga ito ay pansamantala lamang at maiiwan niya kapag namatay siya. Sa gayon ay nagsikap siya o ‘nagpunyagi’ nang walang kabuluhan. Ibinilang ni Jesus ang “matang mainggitin [sa literal, “balakyot”]” sa mga balakyot na bagay na lumalabas mula sa loob ng isang tao at nagpaparungis sa kaniya.—Mar 7:22, 23.
Ang inggit ay isang kasuklam-suklam na gawa ng laman na humahadlang sa isa upang hindi siya magmana ng Kaharian ng Diyos. (Gal 5:19-21) Ang lahat ng namimihasa rito ay “karapat-dapat sa kamatayan.” (Ro 1:29, 32) Gayunman, sa tulong ng espiritu ng Diyos, maaaring paglabanan ang hilig na mainggit.—Gal 5:16-18, 25, 26; Tit 3:3-5; 1Pe 2:1.