PAGLALAPAT, TAGAPAGLAPAT
[sa Ingles, execution, executioner].
Upang magkabisa at maging kapaki-pakinabang ang mga kautusan, mga utos, at mga atas, kailangang ipatupad ang mga ito sa legal na paraan. Kadalasan, ang paglalapat ng hatol ay may kinalaman sa pagpapatupad ng mga parusa, lalo na ng parusang kamatayan, na ipinapataw dahil sa paglabag sa mga kautusan. Sa Kataas-taasang Kautusan, may Tagapagbigay-Kautusan at mayroon ding Tagapagpatupad ng Kautusan: “Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-batas, si Jehova ang ating Hari.” “May Isa na tagapagbigay-kautusan at hukom.” (Isa 33:22; San 4:12) Kaya si Jehova mismo ay isang tagapaglapat ng kahatulan at paghihiganti sa mga manlalabag ng Kaniyang kautusan.—Exo 12:12; Deu 10:17, 18; Eze 25:11-17; 2Te 1:6-9; Jud 14, 15.
Nag-atas din si Jehova sa iba ng ilang kapangyarihang maglapat ng hatol. Halimbawa: “Ang inyong dugo ng inyong mga kaluluwa ay sisingilin ko. . . . Mula sa kamay ng bawat isa na kaniyang kapatid, ay sisingilin ko ang kaluluwa ng tao. Sinumang magbububo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay ibububo ang kaniyang sariling dugo, sapagkat ayon sa larawan ng Diyos ay ginawa niya ang tao.” (Gen 9:5, 6) May kinalaman dito, ang ilang pananagutan bilang tagapaglapat ng hatol ay napasabalikat ng “tagapaghiganti ng dugo.” (Bil 35:19; tingnan ang TAGAPAGHIGANTI NG DUGO.) Depende sa mga kalagayan, kung minsan ay ipinagkakaloob sa mga saserdote ng Israel (Bil 5:15-31) o sa buong kongregasyon ang awtoridad bilang tagapaglapat ng hatol, anupat ang mga saksi ang nangunguna sa pagpatay sa isang manlalabag. (Lev 24:14-16; Deu 17:2-7) Humawak din ng kapangyarihang maglapat ng hatol ang mga hukom at mga hari o ang sinumang inatasan nila.—Huk 8:20, 21; 2Sa 1:15; 1Cr 14:16; 2Ha 9:6-9; 10:24-28; Jer 21:12; 22:3.
Noon, ang sinaunang mga tagapamahala ay napalilibutan ng pinagkakatiwalaang mga tagapagbantay na maaaring pagkatiwalaang magpatupad sa mga utos ng kanilang panginoon. Isa si Potipar sa mga humawak ng ganitong posisyon. (Gen 37:36; 41:12) Isa sa mga tagapagbantay ni Herodes ang pumugot sa ulo ni Juan na Tagapagbautismo.—Mar 6:27.
Sa Israel, inilalapat ang parusang kamatayan alinman sa pamamagitan ng pagbato o sa pamamagitan ng tabak. (Lev 20:2; 2Sa 1:15) Ang Mesiyanikong Hari ni Jehova, ang Panginoong Jesu-Kristo, at ang kaniyang matapat na mga kasamahan sa langit ay mga legal na tagapaglapat ng hatol, anupat ang “Hukom ng buong lupa” ang nagbigay sa kanila ng awtorisasyon sa gayong tungkulin.—Gen 18:25; Aw 149:6-9; Apo 12:7-9; 19:11-16; 20:1-3.