TAGAPAGBIGAY-KAUTUSAN
Isa na gumagawa ng mga kautusan; isang mambabatas. Itinatampok ng Bibliya si Jehova bilang ang pangunahing Tagapagbigay-Kautusan ng sansinukob.
Si Jehova Bilang ang Tagapagbigay-Kautusan. Ang totoo, si Jehova ang kaisa-isang tunay na Tagapagbigay-Kautusan sa sansinukob. Sa kaniya nagmula ang mga pisikal na batas na umuugit sa mga nilalang na walang buhay (Job 38:4-38; Aw 104:5-19), at sa buhay-hayop. (Job 39:1-30) Ang tao rin, palibhasa’y nilalang ni Jehova, ay sakop ng mga pisikal na batas ni Jehova, at yamang ang tao ay isang nilalang na may moralidad at talino, anupat may kakayahang mangatuwiran at maaaring magkaroon ng espirituwalidad, sakop din siya ng mga batas ng Diyos hinggil sa moral. (Ro 12:1; 1Co 2:14-16) Bukod pa rito, inuugitan din ng batas ni Jehova ang mga espiritung nilalang, ang mga anghel.—Aw 103:20; 2Pe 2:4, 11.
Hindi maaaring labagin ang mga pisikal na batas ni Jehova. (Jer 33:20, 21) Sa kilala at nakikitang sansinukob, ang kaniyang mga batas ay lubhang matatag at maaasahan anupat, sa mga larangan na doo’y may kaalaman sa mga batas na ito ang mga siyentipiko, nagagawa nilang kalkulahin nang may katumpakan ang mga galaw ng buwan, mga planeta, at ng iba pang mga bagay sa kalangitan. Kung sasalungatin ng isang tao ang mga pisikal na batas, agad siyang daranas ng masasaklap na resulta ng gayong pagkilos. Sa katulad na paraan, ang mga batas ng Diyos hinggil sa moral ay di-mababago at hindi maaaring lusutan o labagin nang ligtas sa anumang parusa. Ang mga ito ay tiyak na ipatutupad gaya ng Kaniyang mga batas sa kalikasan, bagaman maaaring hindi agad-agad na inilalapat ang kaparusahan. “Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”—Gal 6:7; 1Ti 5:24.
Bago ibinigay ni Jehova ang kaniyang kautusan sa Israel, paano nalalaman ng mga tao kung ano ang kalooban ng Diyos para sa kanila?
Bagaman lumago ang kasamaan sa gitna ng karamihan ng mga inapo ni Adan mula noong maghimagsik siya hanggang noong Baha, mayroon namang ilang taong tapat na “patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Gen 5:22-24; 6:9; Heb 11:4-7) Ang tanging espesipikong mga utos na nakatalang ibinigay ng Diyos sa gayong mga tao ay ang mga tagubilin kay Noe may kaugnayan sa arka. Sinunod ni Noe nang walang pasubali ang mga ito. (Gen 6:13-22) Gayunpaman, noon ay may mga simulain at mga saligan upang pumatnubay sa tapat na mga tao sa kanilang ‘paglakad na kasama ng tunay na Diyos.’
Alam nila ang saganang pagkabukas-palad ng Diyos nang paglaanan niya ang tao sa Eden; nakita nila ang katibayan ng kawalang-pag-iimbot at maibiging pagmamalasakit ng Diyos. Alam nila na sa pasimula pa lamang ay umiiral na ang simulain ng pagkaulo, anupat ang Diyos ang ulo ng lalaki at ang lalaki naman ang ulo ng babae. Alam nila na may gawaing iniatas ang Diyos sa tao at na ikinababahala Niya ang wastong pangangalaga sa mga bagay na ibinigay Niya sa tao upang gamitin nila at magdulot sa kanila ng kasiyahan. Alam nila na ang seksuwal na pagtatalik ay dapat na sa pagitan lamang ng lalaki at babae at na dapat itong gawin sa loob lamang ng kaugnayang pangmag-asawa, at na kanilang ‘iiwan ang ama at ang ina’ upang bumuo ng isang namamalaging pagsasama sa halip na pansamantala lamang (gaya sa kaso ng pakikiapid). Mula sa utos ng Diyos may kinalaman sa paggamit sa mga punungkahoy sa hardin ng Eden at partikular na sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, mauunawaan nila ang simulain ng karapatan sa pagmamay-ari at ang paggalang dito. Batid nila ang masasamang resulta ng unang kasinungalingan. Alam nila na sinang-ayunan ng Diyos ang paraan ng pagsamba ni Abel, na hindi sinang-ayunan ng Diyos ang inggit at poot ni Cain sa kaniyang kapatid, at na pinarusahan ng Diyos si Cain dahil sa pagpaslang niya kay Abel.—Gen 1:26–4:16.
Dahil dito, kahit walang karagdagang espesipikong mga kapahayagan, utos, o batas mula sa Diyos, mapagbabatayan nila ang mga simulain at mga saligang ito upang pumatnubay sa kanila sa naiiba ngunit kahawig na mga situwasyon na maaaring bumangon. Maraming siglo pagkaraan nito, ganito minalas ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ang mga pangyayari bago ang Baha. (Mat 19:3-9; Ju 8:43-47; 1Ti 2:11-14; 1Ju 3:11, 12) Ang kautusan ay nangangahulugang isang tuntunin ng pagkilos. Sa pamamagitan ng mga salita at mga pagkilos ng Diyos, maaari nilang malaman noon ang ilang bagay tungkol sa kaniyang daan, sa kaniyang mga pamantayan, at ito ang tuntunin ng pagkilos, o kautusan, na dapat nilang sundin. Sa paggawa nito, sila ay ‘patuloy na makalalakad na kasama ng tunay na Diyos.’ Ang mga hindi gumagawa nito ay nagkakasala, anupat ‘sumasala sa marka,’ kahit walang kodigo ng kautusan na hahatol sa kanila.
Pagkatapos ng Baha, nagbigay ang Diyos kay Noe ng isang kautusan na dapat tuparin ng buong sangkatauhan, anupat ipinahintulot nito ang pagkain ng karne ngunit ipinagbawal ang pagkain ng dugo, at binigkas Niya ang simulain ng kaparusahang kamatayan para sa pagpaslang. (Gen 9:1-6) Di-katagalan pagkaraan ng Baha, ang mga lalaking gaya nina Abraham, Isaac, Jacob, at Jose ay nagpakita ng tunay na pagkabahala sa daan ng Diyos, sa kaniyang tuntunin ng pagkilos. (Gen 18:17-19; 39:7-9; Exo 3:6) Bagaman nagbigay ang Diyos ng espesipikong mga utos sa mga taong tapat (Gen 26:5), gaya ng batas sa pagtutuli, walang ulat na nagbigay siya sa kanila ng isang detalyadong kodigo ng kautusan na dapat nilang tuparin. (Ihambing ang Deu 5:1-3.) Gayunpaman, naging patnubay nila noon hindi lamang ang mga simulain at mga panuntunan noong panahon bago ang Baha kundi gayundin ang karagdagang mga simulain at mga panuntunan na maaaring hanguin mula sa kaniyang mga pananalita at mga pakikitungo sa sangkatauhan noong panahon pagkaraan ng Baha.
Kaya bagaman hindi nagbigay ang Diyos ng isang detalyadong kodigo ng kautusan, gaya ng ibinigay niya nang dakong huli sa mga Israelita, sa paanuman ay maaaring matiyak noon ng mga tao kung ano ang tama at maling paggawi. Halimbawa, hindi pa espesipikong hinahatulan noon ang idolatriya sa pamamagitan ng isang ipinahayag na kautusan. Gayunpaman, gaya ng ipinakikita ng apostol na si Pablo, hindi maipagdadahilan ang gayong gawain yamang ang “di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” Ang pagpapakundangan at pag-uukol ng “sagradong paglilingkod sa nilalang sa halip na sa Isa na lumalang” ay salungat sa matinong pangangatuwiran. Ang mga sumusunod sa gayong landasin ng kawalang-isip ay maaaring lumihis sa kalaunan patungo sa iba pang likong gawain, gaya ng homoseksuwalidad, anupat pinapalitan ang “likas na gamit ng kanilang sarili tungo sa isa na salungat sa kalikasan.” Muli, bagaman walang ibinigay na espesipikong kautusan, maliwanag na ang gayong gawain ay salungat sa daan ng Diyos na Maylalang, gaya ng ipinakikita ng mismong kayarian ng lalaki at babae. Yamang ang tao ay orihinal na ginawa ayon sa larawan ng Diyos, mayroon siyang sapat na talino upang maunawaan ang mga bagay na ito. Kaya naman mananagot siya sa harap ng Diyos kung sasalungat siya sa daan ng Diyos; nagkakasala siya, anupat ‘sumasala sa marka,’ kahit walang espesipiko at ipinahayag na kautusan na hahatol sa kaniya ng pagkakasala.—Ro 1:18-27; ihambing ang Ro 5:13.
Ang tipang Kautusan. Bago pa man ang Pag-alis mula sa Ehipto, si Jehova na ang naging Tagapagbigay-Batas ng kaniyang bayang Israel. (Exo 12:1, 14-20; 13:10) Ngunit ang isang namumukod-tanging halimbawa ng pagganap niya bilang Tagapagbigay-Kautusan ng isang bansa ay ang pagtatatag niya ng tipang Kautusan. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon ng isang kalipunan ng mga kautusan sa anyong kodigo na umuugit sa bawat aspekto ng buhay. Dahil sa tipang ito na nagbukod sa Israel bilang isang bayan, isang bansa na pantanging pag-aari Niya, namukod-tangi ang Israel sa lahat ng iba pang mga bansa.—Exo 31:16, 17; Deu 4:8; Aw 78:5; 147:19, 20.
Sa isang makahulang mensahe na patiunang naghahayag ng pagliligtas ni Jehova, sinabi ng propetang si Isaias: “Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-batas [“tagapaglagda ng kautusan,” AS; “tagapagbigay-kautusan,” Dy, Le, Yg], si Jehova ang ating Hari; siya ang magliligtas sa atin.” (Isa 33:22) Samakatuwid, sa Israel, si Jehova ang may-hawak ng kapangyarihang panghukuman, pambatasan, at tagapagpaganap; sama-sama sa kaniya ang tatlong sangay ng pamahalaan. Sa gayon, binigyang-katiyakan ng hula ni Isaias na ang bansa ay lubusang ipagtatanggol at papatnubayan, sapagkat itinampok nito na si Jehova ang Soberanong Tagapamahala sa ganap na diwa.
Nang ilarawan ni Isaias si Jehova bilang ang Tagapagbigay-Batas, o Tagapagbigay-Kautusan, ng Israel, ginamit niya ang isang anyo ng terminong Hebreo na cha·qaqʹ, na literal na nangangahulugang “iukit” o “itala.” Sa pagtalakay sa salitang iyon, ipinaliwanag ng Hebreong leksikon ni W. Gesenius: “Yamang ang pagsulat ng mga utos at mga batas sa pampublikong mga tapyas at mga bantayog ay tungkulin ng tagapagbigay-kautusan, ipinahihiwatig din nito na may kapangyarihan siyang magpalabas ng mga utos.” (A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, isinalin ni E. Robinson, 1836, p. 366) Isinalin ng mga tagapagsalin ng Bibliya ang salitang iyon bilang “tagapagbigay-kautusan,” “tagapamahala,” at “kumandante.” (Gen 49:10; Deu 33:21; Huk 5:14; Aw 60:7; 108:8; ihambing ang AT, KJ, NW, RS, Yg.) Samakatuwid, ang salin na “Tagapagbigay-batas” ay kaayon ng isang diwa ng salitang Hebreong iyon, at naglalaan ito ng angkop na pagkakaiba at pagiging ganap sa Isaias 33:22, kung saan ang salitang iyon ay kasama ng mga salitang “Hukom” at “Hari” sa iisang pangungusap.
Hindi nagbigay ang Diyos ng gayon kadetalyadong kautusan sa alinpamang bansa o bayan. Gayunpaman, orihinal na nilalang ng Diyos ang tao ayon sa katuwiran at sinangkapan Niya ito ng budhi. Sa kabila ng likas na di-kasakdalan ng taong nagkakasala at ng pagiging nakahilig niya na magkasala, may katibayan pa rin na ginawa siya ayon sa larawan at wangis ng kaniyang Maylalang at na mayroon siyang budhi. Kaya naman maging ang mga bansang di-Israelita ay bumuo ng ilang tuntunin ng pagkilos at hudisyal na batas na sa paanuman ay nagpapabanaag ng matuwid na mga simulain ng Diyos.
Inilarawan ito ng apostol na si Pablo nang sabihin niya: “Bilang halimbawa, ang lahat ng mga nagkasala nang walang kautusan [samakatuwid nga, ang kautusang ibinigay ng Diyos sa kaniyang bayan] ay malilipol din nang walang kautusan; ngunit ang lahat ng mga nagkasala sa ilalim ng kautusan ay hahatulan sa pamamagitan ng kautusan. Sapagkat hindi ang mga tagapakinig sa kautusan ang siyang matuwid sa harap ng Diyos, kundi ang mga tagatupad ng kautusan ang ipahahayag na matuwid. Sapagkat kailanma’t ang mga tao ng mga bansa na walang kautusan ay likas na gumagawa ng mga bagay na nasa kautusan, ang mga taong ito, bagaman walang kautusan, ay kautusan sa kanilang sarili. Sila mismo ang nagpapakita na ang diwa ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, samantalang ang kanilang budhi ay nagpapatotoong kasama nila at, sa pagitan ng kanilang sariling mga kaisipan, sila ay inaakusahan o ipinagdadahilan pa nga.” (Ro 2:12-15) Sa gayon, ang mga bansang iyon, bagaman hindi dinala sa isang legal na kaugnayan sa Diyos, ay hindi maituturing na walang kasalanan kundi ‘sumala sa marka’ ng sakdal na mga pamantayan ni Jehova.—Ihambing ang Ro 3:9.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng tipang Kautusan sa Israel, nilinaw ng Diyos na ang lahat ng mga tao ay nagkakasala, hindi lamang ang idolatrosong mga pagano kundi pati ang mga Israelita. Mariin nitong ipinadama sa mga Israelita na sa maraming paraan ay hindi nila naaabot ang sakdal na mga pamantayan. Ito ay “upang ang bawat bibig ay matikom at ang buong sanlibutan ay managot sa Diyos ukol sa kaparusahan . . . sapagkat ang tumpak na kaalaman tungkol sa kasalanan ay sa pamamagitan ng kautusan.” (Ro 3:19, 20) Bagaman ang isang Israelita ay malaya mula sa idolatriya, umiiwas sa dugo, at hindi nagkakasala ng pagpaslang, ipinahahayag pa rin siya ng tipang Kautusan bilang nagkasala. Ito ay dahil espesipikong tinukoy ng tipang Kautusan ang maraming pagkilos, at pati mga saloobin, bilang makasalanan. Kaya naman, si Pablo, na sa wari’y minamalas ang kaniyang sarili na buháy na sa mga balakang ng kaniyang mga ninuno bago ibinigay ang Kautusan, ay nagsabi: “Ang totoo ay hindi ko sana nakilala ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan; at, halimbawa, hindi ko sana nakilala ang kaimbutan kung hindi sinabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mag-iimbot.’ . . . Sa katunayan, ako ay dating buháy nang hiwalay sa kautusan; ngunit nang dumating ang utos, ang kasalanan ay muling nabuhay, ngunit ako ay namatay.”—Ro 7:7-9.
Iba Pang mga Tagapagbigay-Kautusan. Nang dumating sa lupa ang Anak ng Diyos, kinilala niya si Jehova bilang ang kaniyang Tagapagbigay-Kautusan at Diyos. Bilang isang Judio, si Jesus mismo ay ipinanganak sa ilalim ng tipang Kautusan at may obligasyong tuparin ito nang lubusan. (Gal 4:4, 5) Pagkatapos, siya naman ang nagbigay ng mga kautusan sa kaniyang mga tagasunod, kapuwa kapag nagsasalita siya sa kanila at sa pamamagitan ng banal na espiritu na gumana sa kaniyang mga tagasunod na sumulat ng Kristiyanong Kasulatan. Sa kabuuan, ang mga kautusang ito ay tinatawag na “ang kautusan ng Kristo.” (Gal 6:2; Ju 15:10-15; 1Co 9:21) Inuugitan ng kautusang ito ang “Israel ng Diyos,” ang kaniyang espirituwal na “bansa.” (Gal 6:16; 1Pe 2:9) Gayunman, hindi kay Kristo nagmula ang mga kautusang ito kundi tinanggap niya ang mga ito mula sa dakilang Tagapagbigay-Kautusan, si Jehova.—Ju 14:10.
Si Moises. Bagaman paulit-ulit na binabanggit ng Bibliya ang “kautusan ni Moises” (Jos 8:31, 32; 1Ha 2:3; 2Cr 23:18; 30:16), kinikilala rin nito na si Jehova ang aktuwal na Tagapagbigay-Kautusan at na ginamit lamang Niya si Moises bilang kasangkapan at kinatawan sa pagbibigay ng Kautusan sa Israel. (2Cr 34:14) Maging ang mga anghel ay nakibahagi upang katawanin ang Diyos sa bagay na ito, sapagkat ang Kautusan ay “inihatid ng mga anghel sa pamamagitan ng kamay ng isang tagapamagitan.” Gayunpaman, yamang si Moises ang inatasan ni Jehova bilang tagapamagitan ng tipan sa pagitan ng Diyos at ng Israel, tinutukoy siya na para bang siya ang tagapagbigay-kautusan.—Gal 3:19; Heb 2:2.
Mga tagapamahalang tao bilang mga tagapagbigay-kautusan. Hindi ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaan ng tao sa sanlibutan ni siya man ang nagbigay ng kanilang awtoridad, ngunit pinahintulutan niya silang umiral at kaniyang inaalis sila at pinahihintulutang lumitaw ang iba namang mga pamahalaan kung angkop sa kaniyang layunin. (Deu 32:8; Dan 4:35; 5:26-31; Gaw 17:26; Ro 13:1) Ang ilan sa mga tagapamahalang ito ay naging mga tagapagbigay-kautusan sa kanilang bansa, estado, o komunidad. Ngunit ang kanilang mga kautusan at mga batas ay wasto lamang kung nakasalig sa at kasuwato ng kautusan ng Dakilang Tagapagbigay-Kautusan, ang Diyos na Jehova. Sinabi ng bantog na huristang taga-Britanya na si Sir William Blackstone may kinalaman sa batas ng Diyos na umuugit sa mga bagay sa kalikasan: “May bisa ito sa buong globo, sa lahat ng mga bansa, at sa lahat ng panahon: walang batas ng tao ang makabuluhan, kung salungat dito; at hinalaw naman niyaong mga [batas na] makabuluhan ang buong puwersa ng mga ito, at ang buong awtoridad ng mga ito, di-tuwiran o tuwiran, mula sa orihinal na ito.” Gayundin, “Sa dalawang pundasyong ito, ang batas ng kalikasan at ang batas ng pagsisiwalat [masusumpungan lamang sa Banal na Kasulatan], ay nakasalalay ang lahat ng batas ng tao, samakatuwid nga, hindi dapat pahintulutang salungatin ng mga batas ng tao ang mga ito.”—Chadman’s Cyclopedia of Law, 1912, Tomo I, p. 89, 91; ihambing ang Mat 22:21; Gaw 5:29.
Sa kongregasyong Kristiyano. Sumulat ang kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago sa ilang Kristiyano na nagiging mapagmapuri, mapaghambog, at mapamintas sa kanilang mga kapatid na Kristiyano, anupat sinabi niya: “Tigilan ninyo ang pagsasalita nang laban sa isa’t isa, mga kapatid. Siya na nagsasalita nang laban sa isang kapatid o humahatol sa kaniyang kapatid ay nagsasalita nang laban sa kautusan at humahatol sa kautusan. Ngayon kung hinahatulan mo ang kautusan, ikaw ay hindi isang tagatupad ng kautusan kundi isang hukom. May Isa na tagapagbigay-kautusan [sa Gr., no·mo·theʹtes] at hukom, siya na may kakayahang magligtas at pumuksa. Ngunit ikaw, sino ka para humatol sa iyong kapuwa?” Pagkatapos ay tinukoy ni Santiago yaong mga nagyayabang tungkol sa kanilang mga gagawin sa hinaharap, na para bang hindi sila maaapektuhan ng anumang pangyayari, sa halip na magsabi, “Kung loloobin ni Jehova.” (San 4:11-16) Binanggit ni Santiago ang “makaharing kautusan,” “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (San 2:8) Dahil hindi nagpamalas ng pag-ibig sa kanilang kapuwa ang mga Kristiyanong ito, anupat nagsasalita pa laban sa kaniya, sa diwa ay tumatayo sila bilang mga hukom ng kautusan ng Diyos, bilang mga tagapagbigay-kautusan o mga mambabatas.
Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, nagbigay ang apostol na si Pablo ng kahawig na payo may kinalaman sa ilan na humahatol sa iba salig sa mga bagay na gaya ng kung ano ang kanilang kinakain at iniinom: “Sino ka upang humatol sa tagapaglingkod sa bahay ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay tumatayo siya o nabubuwal. Tunay nga, siya ay patatayuin, sapagkat mapatatayo siya ni Jehova.”—Ro 14:4.
Sa liwanag ng mga nabanggit, paano maaaring malasin ang mga tagubilin ni Pablo may kinalaman sa isang malubhang kaso ng pakikiapid sa kongregasyon sa Corinto? Sinabi niya: “Ako mismo, bagaman wala riyan sa katawan ngunit naririyan sa espiritu, ay talagang humatol na, na para bang naririyan ako, sa taong gumawa ng ganitong bagay . . . Hindi ba ninyo hinahatulan yaong mga nasa loob, samantalang ang Diyos ang humahatol sa mga nasa labas? ‘Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.’” Pagkatapos ay nagsalita siya tungkol sa paghatol sa mga bagay-bagay sa buhay na ito at tungkol sa mga ‘inilagay nila bilang mga hukom’ para sa kanilang sarili.—1Co 5:1-3, 12, 13; 6:3, 4; ihambing ang Ju 7:24.
Palibhasa’y pinagkalooban siya ng awtoridad bilang isang apostol ni Jesu-Kristo, naging pananagutan ni Pablo ang kalinisan at kapakanan ng mga kongregasyon (2Co 1:1; 11:28); kaya sinulatan niya yaong mga inatasan ng lupong tagapamahala na humawak ng awtoridad sa kongregasyon. (Gaw 14:23; 16:4, 5; 1Ti 3:1-13; 5:22) Pananagutan nilang ingatan ang mabuting katayuan ng kongregasyon, ang kadalisayan nito sa paningin ng Diyos. Ang mga lalaking ito, sa pag-upo nila upang humatol sa nabanggit na kaso, na isang lantaran at tahasang paglabag sa kautusan ng Diyos, ay hindi tumatayo bilang mga hukom ng kautusan ng Diyos, ni gumagawa man sila ng mga kautusan ayon sa kanilang kalooban. Hindi nila lalampasan ang mga hangganan ng bigay-Diyos na kautusan. Kikilos sila ayon sa kautusang ibinigay ng dakilang Tagapagbigay-Batas, anupat tutuligsain ang pakikiapid bilang marumi. Ang mga nagsasagawa ng gayong karumihan ay hindi makapapasok sa Kaharian ng Diyos, ayon sa kautusan ng Diyos. (1Co 6:9, 10) Hindi sila karapat-dapat na manatiling kaugnay ng kongregasyon ni Kristo. Magkagayunman, ang mga lalaking may pananagutan sa kalinisan ng kongregasyon, itinitiwalag man nila ang mga taong marurumi, ay hindi naglalapat ng parusa na mismong ang Diyos na Tagapagbigay-Kautusan ang maglalapat doon sa mga ayaw magsisi at nagpapatuloy sa pagsunod sa gayong landasin, samakatuwid nga, ang parusang kamatayan.—Ro 1:24-27, 32.
Itinatawag-pansin din ni Pablo sa mga Kristiyano na “ang mga banal ang hahatol sa sanlibutan” at na “hahatol tayo sa mga anghel.” Dito ay nagsasalita siya, hindi tungkol sa kasalukuyang panahon, kundi tungkol sa hinaharap, kapag yaong mga naghahari sa Kaharian kasama ni Kristo ay maglilingkod bilang makalangit na mga hukom, anupat magpapatupad ng kautusan ng Diyos at maglalapat ng kahatulan sa mga balakyot.—1Co 6:1-3; Apo 20:6; ihambing ang 1Co 4:8.
Ang pagpapala ni Moises kay Gad. Nang pagpalain ni Moises ang mga tribo ng Israel noong malapit na siyang mamatay, “tungkol kay Gad ay sinabi niya: ‘Pinagpala ang nagpapalawak ng mga hangganan ni Gad. . . . At kukunin niya [ni Gad] ang unang bahagi para sa kaniyang sarili, sapagkat doon nakalaan ang takdang bahagi ng isang tagapagbigay-batas.’” (Deu 33:20, 21) Ang paggamit na ito sa terminong “tagapagbigay-batas” ay maaaring may ganitong kahulugan: Karamihan sa mga tribo ay inatasan ng mana sa pamamagitan ng palabunutan, sa ilalim ng pangangasiwa ni Josue at ni Eleazar na mataas na saserdote. Ngunit, di-kalaunan pagkatapos ng pagkatalo ng mga Midianita, hiniling ng tribo ni Gad, kasama ng Ruben, ang lupain sa S ng Ilog Jordan. Yamang nagkaroon ng maraming alagang hayop ang mga tribong ito, angkop na angkop sa kanila ang lupaing iyon. Malugod na pinakinggan ni Moises ang kanilang kahilingan at ipinagkaloob niya sa kanila ang bahaging ito ng lupain. (Bil 32:1-5, 20-22, 28) Sa gayon, ang kanilang bahagi ay “takdang bahagi ng isang tagapagbigay-batas,” si Moises, na tagapagbigay-kautusan sa Israel.