JOEL
[Si Jehova ang Diyos].
1. Isang inapo ni Isacar at ulo ng pamilya sa kaniyang tribo.—1Cr 7:1-4.
2. Isang inapo ng anak ni Levi na si Kohat; “anak ni Azarias” at ninuno ng Blg. 5.—1Cr 6:36-38.
3. Isang Rubenita na ang inapong si Beerah ay dinala sa pagkatapon ng Asiryanong si Haring Tilgat-pilneser (Tiglat-pileser III).—1Cr 5:3-10.
4. Isang pangulo ng mga Gadita na naninirahan sa Basan.—1Cr 5:11, 12.
5. Ang panganay na anak ng propetang si Samuel; isang inapo ng Blg. 2 at ama ni Heman na Levitikong mang-aawit. (1Cr 6:28, 33, 36; 15:17) Si Joel at ang kaniyang nakababatang kapatid na si Abias ay inatasan ng kanilang ama na maging mga hukom, ngunit ang kanilang pagiging di-matapat sa katungkulan ay nagbigay sa bayan ng maidadahilan upang humingi ng isang haring tao.—1Sa 8:1-5.
Sa 1 Cronica 6:28 ang tekstong Masoretiko (at ang ilang salin) ay nagsasabi na si “Vashni” ang panganay ni Samuel. Gayunman, sa pangkalahatan ay nagkakaisa ang mga iskolar na “Joel” ang nasa orihinal na Hebreo, isang salin na pinanatili ng Syriac na Peshitta at ng edisyon ni Lagarde ng Griegong Septuagint. (Ihambing ang 1Sa 8:2.) Ang pagkakahawig ng “Joel” at ng dulo ng sinundang salita sa teksto (“Samuel”) ang posibleng naging dahilan kung bakit di-sinasadyang tuluyang inalis ng isang eskriba ang pangalang “Joel.” Waring napagkamalan niyang ang salitang Hebreo na wehash·she·niʹ (nangangahulugang “at ang ikalawa[ng anak]”) ay ang pangalang pantangi na “Vashni” at nagsingit siya ng titik na waw (at) sa unahan ng pangalang Abias.
6. Isa sa makapangyarihang mga lalaki ni David; kapatid ni Natan.—1Cr 11:26, 38.
7. Isang Gersonitang Levita na mula sa sambahayan ni Ladan; anak ni Jehiel(i). (1Cr 23:7, 8) Si Joel na pinuno at ang 130 sa kaniyang mga kapatid ay nagpabanal ng kanilang sarili at tumulong sa pagdadala ng kaban ng tipan sa Jerusalem. (1Cr 15:4, 7, 11-14) Si Joel at ang kaniyang kapatid na si Zetam ay inatasan nang maglaon bilang mga tagapangasiwa ng kabang-yaman ng santuwaryo.—1Cr 26:21, 22.
8. Isang prinsipe, noong panahon ng paghahari ni David, sa bahaging iyon ng Manases sa K ng Jordan; anak ni Pedaias.—1Cr 27:20-22.
9. Isang propeta ni Jehova at manunulat ng aklat ng Bibliya na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Siya ay anak ni Petuel.—Joe 1:1; tingnan ang JOEL, AKLAT NG.
10. Isang Kohatitang Levita; anak ni Azarias. Noong unang taon ni Hezekias, tumulong si Joel sa pagdadala ng maruruming bagay na inalis ng mga saserdote mula sa templo upang itapon ang mga ito sa Libis ng Kidron.—2Cr 29:1, 3, 12, 15, 16.
11. Isa sa ilang Simeonitang pinuno na puwersahang kumuha, noong mga araw ni Hezekias, sa lupain ng ilang Hamita at Meunim upang palawakin ang kanilang pastulan.—1Cr 4:24, 35, 38-41.
12. Isa sa mga anak ni Nebo na nagpaalis sa kanilang mga asawang banyaga at mga anak noong mga araw ni Ezra.—Ezr 10:43, 44.
13. Isang tagapangasiwa niyaong mga Benjamita na naninirahan sa Jerusalem noong panahon ng pagkagobernador ni Nehemias; anak ni Zicri.—Ne 11:4, 7-9.