JOEL, AKLAT NG
Isang kinasihang aklat ng Hebreong Kasulatan na isinulat ni “Joel na anak ni Petuel.” (Joe 1:1) Halos walang anumang nalalaman tungkol sa buhay ng propetang ito. Mula sa mga pagtukoy niya sa Juda, Jerusalem, at sa bahay ni Jehova roon, maipapalagay na nanghula siya sa Juda at marahil ay nanirahan sa Jerusalem. (1:9, 14; 2:17, 32; 3:1, 2, 16-20) Ipinahihiwatig ng pagbanggit niya sa “mababang kapatagan ni Jehosapat” (3:2, 12) na isinulat niya ang kaniyang aklat pagkatapos ng malaking tagumpay ni Jehova alang-alang kay Haring Jehosapat. Ngunit hindi matiyak ang eksaktong yugto na saklaw nito.
Panahon ng Pagsulat. Tinatakdaan ng mga iskolar ang aklat ng Joel ng iba’t ibang petsa na sumasaklaw sa mga taon bago 800 B.C.E. hanggang mga 400 B.C.E. May kinalaman sa kanilang mga argumento para sa isang mas huli o mas maagang petsa ng pagsulat ng aklat, ang The International Standard Bible Encyclopaedia (inedit ni James Orr, 1960, Tomo III, p. 1690) ay nagkomento: “Ang marami sa mga argumentong inihaharap ay negatibo, samakatuwid nga, ang pagsasaalang-alang sa kung ano ang hindi binanggit o tinukoy ng propeta [kasama na rito ang mga Caldeo, mga Asiryano, isang Judeanong hari, at ang sampung-tribong kaharian], at ang argumentong batay sa mga bagay na hindi sinabi ay talagang mabuway.” Gayundin, hindi mapatutunayan nang may katiyakan kung si Joel ang sumipi mula sa ibang mga propeta o kung sila ang sumipi mula sa kaniya. Kung sumipi si Joel (2:32) mula kay Obadias (17), ipahihiwatig nito na isinulat ang aklat pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya. Sa kabilang dako naman, maaaring hindi lamang si Obadias ang sumipi mula kay Joel kundi pati ang mas naunang propetang si Amos (ihambing ang Joe 3:16 sa Am 1:2). Mangangahulugan iyan na isinulat ni Joel ang kaniyang aklat nang hindi lalampas sa panahon ni Uzias (Am 1:1), marahil noong mga 820 B.C.E. Bagaman hindi ito tiyak, ang dako ng aklat ng Joel sa Hebreong kanon sa pagitan ng Oseas at Amos ay waring pabor sa mas maagang yugtong iyon.
Autentisidad. Hindi kinuwestiyon ng mga Judio ang pagiging kanonikal ng aklat ng Joel kundi inilagay nila ito bilang ikalawa sa mga “pangalawahing” propeta. Lubusan din itong kasuwato ng iba pang bahagi ng Kasulatan, gaya ng makikita sa maraming pagkakatulad ng Joel at ng iba pang mga aklat ng Bibliya. (Ihambing ang Joe 2:2 sa Zef 1:14, 15; Joe 2:4, 5, 10 sa Apo 9:2, 7-9; Joe 2:11 sa Mal 4:5; Joe 2:12 sa Jer 4:1; Joe 2:13 sa Exo 34:6, Bil 14:18, Aw 86:15, at 106:45; Joe 2:31 sa Isa 13:9, 10, Mat 24:29, 30, at Apo 6:12-17.) Ang isa pang katibayan ng autentisidad nito ay ang katuparan ng mga hula ni Joel. Gaya ng inihula, ang Tiro, Filistia, at Edom ay dumanas ng mga paghatol ni Jehova. (Joe 3:4, 19; para sa detalye, tingnan ang EDOM, MGA EDOMITA; FILISTIA, MGA FILISTEO; TIRO.) Noong araw ng Pentecostes ng taóng 33 C.E., ipinakita ng apostol na si Pedro na ang pagbubuhos ng espiritu ng Diyos sa mga alagad ni Jesu-Kristo ay isang katuparan ng hula ni Joel. (Joe 2:28-32; Gaw 2:17-21) Nang maglaon, ikinapit ng apostol na si Pablo ang makahulang mga salitang masusumpungan sa Joel 2:32 kapuwa sa mga Judio at mga di-Judio na tumatawag kay Jehova taglay ang pananampalataya.—Ro 10:12, 13.
[Kahon sa pahina 1235]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG JOEL
Isang buháy na buháy na hula na nagtatampok sa paghihiganti ni Jehova at sa kaniyang awa
Posibleng isinulat noong mga 820 B.C.E., siyam na taon pagkatapos na maging hari si Uzias at mga isang siglo pagkatapos ng malaking tagumpay ni Jehova laban sa Moab, sa Ammon, at sa mga tumatahan sa Seir noong mga araw ni Jehosapat
Masasalanta ang lupain dahil sa pagsalakay ng mga balang; ang araw ni Jehova ay malapit na (1:1–2:11)
Ang dumarating na salot ay pag-uusapan sa loob ng maraming salinlahi
Masasalanta ang mga pananim sa lupain anupat ang handog na mga butil at handog na inumin sa bahay ni Jehova ay matitigil
Ang mga saserdote ay sinabihan na magdalamhati at humingi ng tulong kay Jehova
Sa araw ni Jehova ay magaganap ang isang mapangwasak na pagsalakay ng “kaniyang hukbong militar”
Inanyayahan ang Israel na manumbalik kay Jehova; ibubuhos ang Kaniyang espiritu (2:12-32)
Ang mga tumatahan sa Sion ay inanyayahang “manumbalik” kay Jehova; pananauliin niya ang kanilang kasaganaan at ipagsasanggalang sila mula sa “taga-hilaga”
Ibubuhos ni Jehova ang kaniyang espiritu sa kaniyang bayan, at magbibigay siya ng mga palatandaan sa mga langit at sa lupa bago dumating ang kaniyang “dakila at kakila-kilabot na araw”
Yaong mga tumatawag sa pangalan ni Jehova ay makatatakas sa panahon ng kaniyang dakilang araw
Hahatulan ang mga bansa sa “mababang kapatagan ni Jehosapat” (3:1-21)
Hahatulan ang mga bansa dahil sa kalupitan nila sa bayan ng Diyos
Hinamon sila na maghanda sa pakikipagdigma kay Jehova at lumusong sa mababang kapatagan ni Jehosapat; doon sila duduruging gaya ng mga ubas sa pisaan
Sa panahong iyon, si Jehova ay magiging kanlungan para sa kaniyang bayan
Ang Ehipto at Edom ay magiging ilang, samantalang ang Juda ay tatahanan at magbubunga nang sagana; si Jehova ay tatahan sa Sion