KABAITAN
Ang katangian o kalagayan ng isa na may aktibong interes sa kapakanan ng iba; palakaibigan at matulunging mga gawa o mga pabor. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangunahing salita para sa “kabaitan” ay khre·stoʹtes. Ang Diyos na Jehova ang nangunguna at ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng kabaitan sa iba sa napakaraming paraan, anupat pinagpapakitaan niya nito kahit ang mga walang utang-na-loob at balakyot at hinihimok niya silang magsisi. (Luc 6:35; Ro 2:4; 11:22; Tit 3:4, 5) Ang mga Kristiyano naman, sa ilalim ng may-kabaitang pamatok ni Kristo (Mat 11:30), ay pinapayuhang damtan ang kanilang sarili ng kabaitan (Col 3:12; Efe 4:32) at linangin ang mga bunga ng espiritu ng Diyos, kabilang na rito ang kabaitan. (Gal 5:22) Sa ganitong paraan, inirerekomenda nila ang kanilang sarili bilang mga ministro ng Diyos. (2Co 6:4-6) “Ang pag-ibig ay . . . mabait.”—1Co 13:4.
Ang “kabaitan” (o, pagkamakatuwiran; sa literal, pagkamapagparaya; sa Gr., e·pi·ei·kiʹa) ay isang namumukod na katangian ni Kristo Jesus. (2Co 10:1, tlb sa Rbi8) Pinakitunguhan si Pablo nang may di-pangkaraniwang “makataong kabaitan” (sa literal, pagmamahal sa sangkatauhan; sa Gr., phi·lan·thro·piʹa) ng mga tumatahan sa Malta.—Gaw 28:2, tlb sa Rbi8.
Ang Maibiging-Kabaitan ng Diyos. Kung paanong ang kabaitan ay malimit banggitin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, totoo rin ito sa Hebreong Kasulatan. Kapag ginagamit upang tumukoy sa kabaitan, ang salitang Hebreo na cheʹsedh ay lumilitaw nang 245 ulit. Ang kaugnay na pandiwang cha·sadhʹ ay nangangahulugang “kumilos nang may pagkamatapat (o, maibiging-kabaitan)” at higit pa ang diwa nito kaysa basta magiliw na pakikitungo o kabaitan dahil sa pag-ibig, bagaman kalakip dito ang gayong mga katangian. (Aw 18:25, tlb sa Rbi8) Ang cheʹsedh ay kabaitan na maibiging nag-uugnay ng sarili nito sa isang bagay hanggang sa matupad ang layunin nito may kaugnayan sa bagay na iyon. Ayon sa Theological Dictionary of the Old Testament, ang cheʹsedh “ay aktibo, mapagkapuwa, at nagtatagal. . . . Ang [cheʹsedh] ay laging tumutukoy hindi lamang sa isang saloobin ng tao, kundi pati sa gawa na nagmumula sa saloobing ito. Isa itong gawa na nag-iingat o nagtataguyod ng buhay. Ito ay pagsaklolo alang-alang sa isa na dumaranas ng kasawian o kagipitan. Ito ay pagtatanghal ng pakikipagkaibigan o pagiging makadiyos. Nagtataguyod ito ng mabuti at hindi ng masama.” (Inedit nina G. J. Botterweck at H. Ringgren, 1986, Tomo 5, p. 51) Kaya upang masaklaw ang lahat ng diwang ito, ang cheʹsedh ay angkop na isinasalin bilang “maibiging-kabaitan,” o, yamang kaugnay nito ang pagkamatapat (fidelity), pagkakaisa, at subok na pagkamatapat (loyalty), ang isa pang posibleng salin para rito ay “matapat na pag-ibig.” Sa pangmaramihang bilang, maaari itong isalin bilang “mga maibiging-kabaitan,” “mga gawa ng matapat na pag-ibig,” “ganap na maibiging-kabaitan,” o “ganap na matapat na pag-ibig.”—Aw 25:6, tlb sa Rbi8; Isa 55:3, tlb sa Rbi8.
Ang maibiging-kabaitan ay isang mahalagang katangian ng Diyos na Jehova at ito ay kinalulugdan niya; nakikita ito sa lahat ng kaniyang pakikitungo sa mga lingkod niya. (Aw 36:7; 62:12; Mik 7:18) Kung hindi, matagal na sana silang pumanaw. (Pan 3:22) Dahil din dito, maaaring makiusap si Moises alang-alang sa mapaghimagsik na Israel, salig kapuwa sa dakilang pangalan ni Jehova at sa Kaniyang pagiging isang Diyos ng maibiging-kabaitan.—Bil 14:13-19.
Ipinakikita ng Kasulatan na ang maibiging-kabaitan ni Jehova, o ang kaniyang matapat na pag-ibig, ay itinatanghal sa maraming paraan at sa iba’t ibang kalagayan—sa mga gawa ng pagliligtas at ng pag-iingat ng buhay (Aw 6:4; 119:88, 159), bilang pag-iingat o pagsasanggalang (Aw 40:11; 61:7; 143:12), at bilang isang salik na nagdudulot ng kaginhawahan mula sa mga kabagabagan (Ru 1:8; 2:20; Aw 31:16, 21). Dahil dito, ang isa ay maaaring bawiin mula sa kasalanan (Aw 25:7), alalayan, at patibayin. (Aw 94:18; 117:2) Sa pamamagitan nito, ang mga pinili ng Diyos ay tinutulungan. (Aw 44:26) Pinalawak ang maibiging-kabaitan ng Diyos may kaugnayan kina Lot (Gen 19:18-22), Abraham (Mik 7:20), at Jose (Gen 39:21). Kinilala rin na ito ay may bahaging ginampanan sa pagpili ng babaing mapapangasawa ni Isaac.—Gen 24:12-14, 27.
Kasabay ng pag-unlad ng bansang Israel at pagkatapos nito, patuloy na pinalawak ang maibiging-kabaitan ni Jehova may kaugnayan sa kaniyang tipan. (Exo 15:13; Deu 7:12) Naranasan ito ni David (2Sa 7:15; 1Ha 3:6; Aw 18:50), ni Ezra at ng mga kasama niya (Ezr 7:28; 9:9), at gayundin ng ‘libu-libong’ iba pa (Exo 34:7; Jer 32:18). Bilang pagsuporta sa tipan kay David ukol sa kaharian, patuloy na ipinamalas ni Jehova ang kaniyang maibiging-kabaitan kahit noong patay na si Jesus, sapagkat Kaniyang binuhay-muli ang “matapat” na ito bilang katuparan ng hula: “Ibibigay ko sa inyo ang tapat na mga maibiging-kabaitan kay David.”—Aw 16:10; Gaw 13:34; Isa 55:3.
Ang maibiging-kabaitang ito ni Jehova ang dahilan kung bakit nagiging malapít sa kaniya ang mga indibiduwal. (Jer 31:3) Sila ay nagtitiwala rito (Aw 13:5; 52:8), umaasa rito (Aw 33:18, 22), nananalangin ukol dito (Aw 51:1; 85:7; 90:14; 109:26; 119:41), at naaaliw sa pamamagitan nito (Aw 119:76). Pinasasalamatan din nila si Jehova dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan (Aw 107:8, 15, 21, 31), pinagpapala at pinupuri nila siya dahil dito (Aw 66:20; 115:1; 138:2), at nakikipag-usap sila sa iba tungkol dito (Aw 92:2). Tulad ni David, hindi nila ito dapat itago kailanman (Aw 40:10), sapagkat ito ay mabuti (Aw 69:16; 109:21) at pinagmumulan ng malaking pagsasaya. (Aw 31:7) Tunay nga, ang maibiging-kabaitang ito ng Diyos ay tulad ng isang kaiga-igayang landas na malalakaran.—Aw 25:10.
Sa ibang mga teksto ng Bibliya, idiniriin ang nag-uumapaw na kasaganaan ng maibiging-kabaitan ng Diyos (Aw 5:7; 69:13; Jon 4:2), ang kadakilaan nito (Bil 14:19), at ang pagiging permanente nito (1Ha 8:23). Kasintaas ito ng langit (Aw 36:5; 57:10; 103:11; 108:4), pinupuno nito ang lupa (Aw 33:5; 119:64), iginagawad ito sa isang libong salinlahi (Deu 7:9) at ito ay “hanggang sa panahong walang takda” (1Cr 16:34, 41; Aw 89:2; Isa 54:8, 10; Jer 33:11). Sa Awit 136, inuulit sa bawat isa sa 26 na talata nito ang pariralang, ‘ang maibiging-kabaitan ni Jehova ay hanggang sa panahong walang takda.’
Kadalasan, ang kamangha-manghang katangiang ito ni Jehova, ang kaniyang maibiging-kabaitan, ay iniuugnay sa iba pang mariringal na katangian—sa kaniyang awa, kagandahang-loob, katotohanan, pagpapatawad, katuwiran, kapayapaan, kahatulan, at katarungan.—Exo 34:6; Ne 9:17; Aw 85:10; 89:14; Jer 9:24.
Ang Maibiging-Kabaitan ng Tao. Mula sa mga nabanggit, maliwanag na yaong mga nais magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos ay dapat ‘umibig sa kabaitan’ at ‘magpakita sa isa’t isa ng maibiging-kabaitan at kaawaan.’ (Mik 6:8; Zac 7:9) Gaya ng sinasabi ng kawikaan, “Ang kanais-nais na bagay sa makalupang tao ay ang kaniyang maibiging-kabaitan,” at nagdudulot ito sa kaniya ng malalaking gantimpala. (Kaw 19:22; 11:17) Naalaala ng Diyos at ikinalugod niya ang maibiging-kabaitang ipinakita ng Israel noong kabataan nito. (Jer 2:2) Ngunit nang iyon ay maging “parang mga ulap sa umaga at parang hamog na maagang naglalaho,” hindi na nalugod si Jehova, sapagkat “sa maibiging-kabaitan ako nalulugod, at hindi sa hain,” ang sabi niya. (Os 6:4, 6) Palibhasa’y wala nang maibiging-kabaitan ang Israel, ito ay sinaway, bagaman sa totoo, ang saway na iyon ay maibiging-kabaitan ng Diyos. (Os 4:1; Aw 141:5) Pinayuhan din ang Israel na manumbalik sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapamalas ng maibiging-kabaitan at katarungan. (Os 12:6) Ang gayong mga katangian ay dapat ipakita sa lahat ng pagkakataon kung nais ng isa na makasumpong ng lingap sa paningin ng Diyos at ng tao.—Job 6:14; Kaw 3:3, 4.
Iniuulat sa Bibliya ang maraming pagkakataon na doo’y nagpakita ng maibiging-kabaitan sa iba ang mga indibiduwal. Halimbawa, nagpakita si Sara sa kaniyang asawa ng gayong matapat na pag-ibig noong sila ay nasa teritoryo ng kaaway, anupat ipinagsanggalang niya ito sa pagsasabing ito ay kaniyang kapatid. (Gen 20:13) Nakiusap si Jacob kay Jose na pagpakitaan siya nito ng gayunding katangian sa pamamagitan ng pangangakong hindi siya nito ililibing sa Ehipto. (Gen 47:29; 50:12, 13) Hiniling ni Rahab na pagpakitaan siya ng mga Israelita ng maibiging-kabaitan sa pamamagitan ng pag-iingat na buháy sa kaniyang sambahayan, kung paanong gayon ding pakikitungo ang ginawa niya sa mga Israelitang tiktik. (Jos 2:12, 13) Pinapurihan ni Boaz si Ruth dahil sa pagpapakita ng katangiang ito (Ru 3:10), at hiniling ni Jonatan kay David na ipakita ito kapuwa sa kaniya at sa kaniyang sambahayan.—1Sa 20:14, 15; 2Sa 9:3-7.
Lubhang nagkakaiba-iba ang mga motibo at mga kalagayang nag-uudyok sa mga tao upang magpakita ng kabaitan o maibiging-kabaitan. Ang di-sinadyang mga gawang kabaitan ay maaaring nagpapabanaag ng kinaugaliang pagkamapagpatuloy o ng tendensiya na maging mapagmahal, bagaman ang mga ito ay hindi laging nagpapahiwatig ng pagiging makadiyos. (Ihambing ang Gaw 27:1, 3; 28:1, 2.) Sa kaso ng isang lalaking tagalunsod ng Bethel, ang kabaitang inialok sa kaniya, sa totoo, ay kabayaran sa pabor na inaasahang ibibigay niya bilang ganti. (Huk 1:22-25) May mga pagkakataon naman na hinilingan ng mga gawa ng maibiging-kabaitan ang mga dating pinagpakitaan ng pabor, marahil ay dahil sa gipit na kalagayan niyaong nakikiusap. (Gen 40:12-15) Ngunit kung minsan ay may mga taong hindi nagbabayad ng maibiging-kabaitan sa pinagkautangan nila ng loob. (Gen 40:23; Huk 8:35) Gaya ng ipinakikita ng kawikaan, maraming tao ang maghahayag ng kanilang maibiging-kabaitan, ngunit kakaunti ang tapat na tutupad nito. (Kaw 20:6) Naalaala kapuwa ni Saul at ni David ang maibiging-kabaitang ipinakita ng iba (1Sa 15:6, 7; 2Sa 2:5, 6), at waring nagkaroon ng reputasyon ang mga hari ng Israel sa pagpapakita ng maibiging-kabaitan (1Ha 20:31), marahil ay kung ihahambing sa mga paganong tagapamahala. Gayunman, sa isang pagkakataon, tinanggihan ang maibiging-kabaitang ipinamalas ni David dahil sa maling interpretasyon sa mga motibo sa likod nito.—2Sa 10:2-4.
Ang Kautusan, sabi ni Pablo, ay hindi ginawa para sa mga taong matuwid kundi para sa mga taong masasama, anupat bukod sa iba pang mga bagay, ang mga ito ay walang maibiging-kabaitan. (1Ti 1:9) Ang salitang Griego na a·noʹsi·os, na dito ay isinasalin bilang “walang maibiging-kabaitan,” ay may diwa rin na “di-matapat.”—2Ti 3:2.
Ang Di-Sana-Nararapat na Kabaitan. Ang salitang Griego na khaʹris ay lumilitaw nang mahigit na 150 ulit sa Griegong Kasulatan at isinasalin sa iba’t ibang paraan, depende sa konteksto. Sa lahat ng pagkakataon ay pinanatili ang pangunahing ideya ng khaʹris—yaong kaayaaya (1Pe 2:19, 20) at kaakit-akit. (Luc 4:22) Kung palalawakin ang pagkakapit, sa ilang pagkakataon ay tumutukoy ito sa isang maibiging kaloob (1Co 16:3; 2Co 8:19) o sa may-kabaitang paraan ng pagbibigay ng kaloob. (2Co 8:4, 6) Kung minsan naman ay tumutukoy ito sa kapurihan, utang na loob, o pasasalamat na marapat sa isang napakamaibiging gawa.—Luc 6:32-34; Ro 6:17; 1Co 10:30; 15:57; 2Co 2:14; 8:16; 9:15; 1Ti 1:12; 2Ti 1:3.
Sa kabilang dako, sa karamihan ng mga paglitaw nito, ang khaʹris ay isinasalin ng karamihan sa mga tagapagsalin ng Bibliya sa Ingles bilang “grace.” Gayunman, kung isasaalang-alang ang karamihan sa mga mambabasa, hindi itinatawid ng salitang “grace,” na may mga 14 na iba’t ibang kahulugan, ang mga ideyang nakapaloob sa salitang Griego. Bilang paglalarawan: Sa Juan 1:14, kung saan sinasabi sa King James Version na “the Word was made flesh . . . full of grace and truth,” ano ang ibig sabihin? Nangangahulugan ba ito ng “gracefulness,” o “favor,” o may iba pa ba itong kahulugan?
Sa Synonyms of the New Testament, sinabi ng iskolar na si R. C. Trench na ang khaʹris ay nagpapahiwatig ng “isang pabor na kusang-loob na ginawa, na walang inaangkin o inaasahang kagantihan—sa gayon ay madaling naikakapit sa salitang ito ang bagong pagdiriin nito [gaya ng ibinibigay rito sa mga kasulatang Kristiyano] . . . , upang ilahad ang buo at ganap na pagiging kusang-loob ng maibiging-kabaitan ng Diyos sa mga tao. Kaya naman nang bigyang-katuturan ni Aristotle ang [khaʹris], itinuon niya ang lahat ng pagdiriin sa mismong puntong ito, na ito ay iginagawad nang kusang-loob, anupat walang inaasahang anumang kagantihan, at ang tanging motibo para rito ay ang pagkabukas-palad at pagkukusang-loob ng nagbibigay nito.” (London, 1961, p. 158) Sinabi ni Joseph H. Thayer sa kaniyang leksikon: “Ang salitang [khaʹris] ay kinapapalooban ng ideya ng kabaitang naggagawad sa isa niyaong bagay na hindi naging marapat na ipagkaloob sa kaniya . . . ang [khaʹris] ay pangunahing ginagamit ng mga manunulat ng B. T. para sa kabaitang iyon ng Diyos na sa pamamagitan niyaon siya ay naggagawad ng mga pabor maging sa di-karapat-dapat tumanggap nito, at nagkakaloob sa mga nagkasala ng pagpapaumanhin para sa kanilang mga paglabag, at nananawagan sa kanila na tanggapin ang walang-hanggang kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo.” (A Greek-English Lexicon of the New Testament, 1889, p. 666) Ang khaʹris ay may malapit na kaugnayan sa isa pang salitang Griego, khaʹri·sma, na may kinalaman dito ay sinabi ng New Testament Wordbook ni William Barclay (1956, p. 29): “Ang buong saligang ideya ng salitang [khaʹri·sma] ay yaong walang-bayad at di-sana-nararapat na kaloob, isang bagay na ibinigay sa isang tao nang hindi pinagpaguran ni nauukol man.”—Ihambing ang 2Co 1:11, Int.
Kapag ang khaʹris ay ginagamit sa nabanggit na diwa, bilang pagtukoy sa kabaitang iginagawad sa isa na hindi naman karapat-dapat tumanggap nito, gaya ng mga kabaitang iginagawad ni Jehova, ang “di-sana-nararapat na kabaitan” ay isang napakahusay na katumbas sa Tagalog para sa pananalitang Griegong iyon.—Gaw 15:40; 18:27; 1Pe 4:10; 5:10, 12.
Ang isang manggagawa ay marapat na tumanggap ng pinagpagalan niya, ng kaniyang kabayaran; inaasahan niya ang kaniyang suweldo bilang karapatan niya, bilang isang pagkakautang sa kaniya, at ang pagbabayad nito ay hindi kaloob ni pantanging di-sana-nararapat na kabaitan. (Ro 4:4) Ngunit kapag mga makasalanan na hinatulan ng kamatayan (at lahat naman tayo ay ipinanganak sa gayong kalagayan) ang pinalaya mula sa kahatulang iyon at ipinahayag na matuwid, ito ay tunay na kabaitan na talagang di-sana-nararapat. (Ro 3:23, 24; 5:17) Kung ipinangangatuwiran man na ang mga ipinanganak sa ilalim ng kaayusan ng tipang Kautusan ay higit na marapat hatulan ng kamatayan, sapagkat inilantad sila ng gayong tipan bilang mga makasalanan, dapat lamang tandaan na mas malaking di-sana-nararapat na kabaitan ang ipinakita sa mga Judio sapagkat ang kaligtasan ay unang inialok sa kanila.—Ro 5:20, 21; 1:16.
Ang pantanging kapahayagang ito ng Diyos ng di-sana-nararapat na kabaitan ukol sa sangkatauhan sa pangkalahatan ay ang pagpapalaya mula sa kahatulan sa pamamagitan ng pantubos dahil sa dugo ng minamahal na Anak ni Jehova, si Kristo Jesus. (Efe 1:7; 2:4-7) Sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitang ito, ang Diyos ay nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng uri ng tao (Tit 2:11), isang bagay na binanggit ng mga propeta. (1Pe 1:10) Samakatuwid, may saligan ang ganitong pangangatuwiran at argumento ni Pablo: “Ngayon kung iyon ay sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan, hindi na iyon dahil sa mga gawa; sapagkat kung gayon, ang di-sana-nararapat na kabaitan ay hindi na naging di-sana-nararapat na kabaitan.”—Ro 11:6.
Sa lahat ng manunulat, si Pablo ang pinakamadalas bumanggit sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos—mahigit na 90 ulit sa kaniyang 14 na liham. Binabanggit niya ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos o ni Jesus sa bating pambungad ng lahat ng kaniyang mga liham maliban sa aklat ng Mga Hebreo, at muli niya itong tinutukoy sa mga pansarang pananalita ng bawat isa sa kaniyang mga liham. Ang ibang mga manunulat ng Bibliya ay gumawa ng katulad na pagtukoy sa pambungad at sa pansara ng kanilang mga akda.—1Pe 1:2; 2Pe 1:2; 3:18; 2Ju 3; Apo 1:4; 22:21.
Taglay ni Pablo ang lahat ng dahilan upang idiin ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, sapagkat dati siyang “isang mamumusong at isang mang-uusig at isang taong walang pakundangan.” “Gayunpaman,” ipinaliwanag niya, “ako ay pinagpakitaan ng awa, sapagkat ako ay walang-alam at kumilos dahil sa kawalan ng pananampalataya. Ngunit ang di-sana-nararapat na kabaitan ng ating Panginoon ay sumagana nang labis-labis kasama ng pananampalataya at pag-ibig na may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (1Ti 1:13, 14; 1Co 15:10) Hindi tinanggihan ni Pablo ang gayong di-sana-nararapat na kabaitan, gaya ng may-kamangmangang ginawa ng iba (Judas 4), kundi malugod niya itong tinanggap nang may pasasalamat at hinimok din niya ang ibang tumanggap nito na ‘huwag sumala sa layunin nito.’—Gaw 20:24; Gal 2:21; 2Co 6:1.