MENSAHERO
Isang tagapagdala ng mensahe na maaaring bibigan o nakasulat, o isa na isinugo upang gawin ang isang atas. (Gen 32:3-6; Huk 6:34, 35; 11:12-27; 2Sa 5:11; 1Ha 19:2; 2Ha 19:8-14; Luc 7:18-24; 9:52) Kung minsan, mga mananakbo ang gumaganap ng ganitong tungkulin. (2Cr 30:6-10; Jer 51:31) Para sa mas mabilis na komunikasyon, isinusugo ang mga mensahero sakay ng mga kabayo. (2Ha 9:17-19; Es 8:10-14; tingnan ang SUGO.) Kabilang sa mga mensahero noong sinaunang mga panahon ang mga tagapagbalitang naghahayag sa madla ng mga batas ng hari o ng estado. (Dan 3:4-6; 5:29) Maaaring isugo ang mga mensahero upang humiling ng kapayapaan (Isa 33:7), upang humiling ng tulong na pangmilitar (2Ha 16:7; 17:4), o upang humingi ng tributo o pasukuin ang isang lunsod (1Ha 20:1-9; 2Ha 18:17-35). Malaya silang pinararaan sa mga hangganan upang maisakatuparan nila ang kanilang misyon. Ang pagmamalupit sa mga mensahero ng hari na isinugo upang dumalaw bilang pagbibigay-galang ay napakaselan anupat maaari itong humantong sa digmaan.—2Sa 10:1-7; tingnan ang EMBAHADOR.
Kapuwa ang mga salitang Hebreo at Griego para sa “mensahero” ay maaaring tumukoy sa mga espiritung mensahero, o mga anghel. (Aw 104:4; Ju 1:51) Batay sa konteksto, maaaring malaman kung ang mensaherong tinutukoy ay tao o anghel. Halimbawa, sa Isaias 63:9, maliwanag na ang “sariling mensahero” ni Jehova ay ang kaniyang anghel, yamang ang mensaherong ito ang nagligtas sa mga Israelita.—Ihambing ang Exo 14:19, 20.
Bukod sa paggamit ng mga anghelikong mensahero upang maghatid ng impormasyon sa mga lalaki at mga babae sa lupa at upang gumanap ng iba pang mga atas (tingnan ang ANGHEL), paulit-ulit ding gumamit si Jehova ng mga taong mensahero. Ang kaniyang mga propeta at mga saserdote ay naging mga mensahero niya sa bansang Israel. (2Cr 36:15, 16; Hag 1:13; Mal 2:7) Tiyak ang katuparan ng mga kapahayagan ng kaniyang mga propeta, sapagkat si Jehova “ang Isa na lubusang tumutupad sa panukala ng kaniyang mga mensahero.”—Isa 44:26.
“Mensahero ng Tipan.” Bilang katuparan ng Malakias 3:1, dumating si Juan na Tagapagbautismo upang maging mensahero na maghahanda ng daan sa harap ni Jehova sa pamamagitan ng paghahanda sa mga Judio para sa pagdating ng punong kinatawan ng Diyos, si Jesu-Kristo.—Mat 11:10, 11; Mar 1:1-4; Luc 7:27, 28.
Bilang ang inihulang “mensahero ng tipan,” si Jesu-Kristo ay dumating sa templo at nilinis niya iyon. (Mat 21:12, 13; Mar 11:15-17; Luc 19:45, 46) Maliwanag na siya ang mensahero ng tipang Abrahamiko, yamang ang tipang ito ang saligan upang sa mga Judio unang maibigay ang pagkakataong maging mga tagapagmana ng Kaharian. Ito ang tipang binanggit ni Pedro nang manawagan siya sa mga Judio na magsisi. Kapansin-pansin din na ang tipang Abrahamiko ay tinukoy ng ama ni Juan na Tagapagbautismo, si Zacarias, may kaugnayan sa pagbabangon ni Jehova ng ‘isang sungay ng kaligtasan sa sambahayan ni David,’ anupat ang sungay na ito ay ang Mesiyas.—Ihambing ang Mat 10:5-7; 15:24; 21:31; Luc 1:69-75; Gaw 3:12, 19-26.