Daniel
5 Kung tungkol kay Haring Belsasar,+ naghanda siya ng isang malaking salusalo para sa isang libo sa mga opisyal niya, at umiinom siya ng alak sa harap nila.+ 2 Habang nasa impluwensiya ng alak, iniutos ni Belsasar na ipasok ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ng kaniyang amang si Nabucodonosor mula sa templo sa Jerusalem,+ para makainom siya* sa mga ito at ang kaniyang mga opisyal, mga pangalawahing asawa, at iba pang asawa. 3 At ipinasok nila ang mga sisidlang ginto na kinuha mula sa santuwaryo sa bahay ng Diyos sa Jerusalem, at uminom sa mga ito ang hari at ang kaniyang mga opisyal, mga pangalawahing asawa, at iba pang asawa. 4 Uminom sila ng alak at pinuri ang mga diyos na gawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Nang sandaling iyon, may lumitaw na kamay ng isang tao at nagsimula itong sumulat sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, malapit sa patungan ng lampara, at nakikita ng hari ang kamay habang sumusulat ito. 6 At namutla ang* hari at natakot, at nanginig ang balakang niya+ at nag-umpugan ang mga tuhod niya.
7 Pasigaw na ipinatawag ng hari ang mga salamangkero, Caldeo,* at astrologo.+ Sinabi ng hari sa matatalinong tao sa Babilonya: “Ang sinumang makababasa sa sulat na ito at makapagsasabi sa akin ng ibig sabihin nito ay bibihisan ng purpura,* susuotan ng gintong kuwintas,+ at magiging ikatlong pinakamataas na tagapamahala sa kaharian.”+
8 Dumating ang lahat ng matatalinong tao sa kaharian niya, pero hindi nila kayang basahin ang sulat o ipaalám sa hari ang ibig sabihin nito.+ 9 Kaya takot na takot si Haring Belsasar at namutla ang mukha niya; at litong-lito ang mga opisyal niya.+
10 Nang marinig ng reyna ang pinag-uusapan ng hari at ng mga opisyal niya, pumasok siya sa bulwagan kung saan sila nagsasalusalo. Sinabi ng reyna: “O hari, mabuhay ka nawa magpakailanman. Bakit ka namumutla? Huwag kang matakot. 11 May isang lalaki* sa iyong kaharian na may espiritu ng mga banal na diyos. Noong panahon ng iyong ama, nakilala siya bilang isang tao na may kaalaman, unawa, at karunungan na tulad ng karunungan ng mga diyos.+ Inatasan siya ng iyong amang si Haring Nabucodonosor bilang pinuno ng mga mahikong saserdote, salamangkero, Caldeo,* at astrologo;+ ginawa ito ng iyong ama, O hari. 12 Si Daniel, na pinangalanan ng hari na Beltesasar,+ ay may di-pangkaraniwang talino at kaalaman at unawa para masabi ang ibig sabihin ng mga panaginip, maipaliwanag ang mga bugtong, at malutas ang mahihirap na problema.*+ Kaya ipatawag mo si Daniel, at sasabihin niya sa iyo ang ibig sabihin nito.”
13 Kaya dinala si Daniel sa harap ng hari. Tinanong ng hari si Daniel: “Ikaw ba si Daniel, ang isa sa mga bihag* na dinala ng ama kong hari mula sa Juda?+ 14 Narinig ko na taglay mo ang espiritu ng mga diyos,+ pati ang kaalaman, unawa, at di-pangkaraniwang karunungan.+ 15 Iniharap sa akin ang matatalinong tao at mga salamangkero para basahin ang sulat na ito at sabihin sa akin ang kahulugan, pero hindi nila maibigay ang kahulugan ng mensaheng ito.+ 16 Pero narinig ko na kaya mong ibigay ang kahulugan ng mga tanda+ at lutasin ang mahihirap na problema.* Ngayon, kung kaya mong basahin ang sulat na ito at ipaalám sa akin ang ibig sabihin nito, ikaw ay bibihisan ng purpura, susuotan ng gintong kuwintas, at magiging ikatlong pinakamataas na tagapamahala sa kaharian.”+
17 Sumagot si Daniel sa hari: “Hindi ko matatanggap ang mga regalo mo; ibigay mo na lang sa iba. Pero babasahin ko sa hari ang sulat at sasabihin ang kahulugan nito. 18 O hari, ibinigay ng Kataas-taasang Diyos sa iyong amang si Nabucodonosor ang kaharian at kadakilaan at karangalan at karingalan.+ 19 Dahil sa kadakilaang ibinigay Niya sa kaniya, lahat ng bayan at bansa na iba’t iba ang wika ay nanginginig sa takot sa harap niya.+ Pinapatay niya o hinahayaang mabuhay ang sinumang gusto niya, at pinararangalan niya o hinihiya ang sinumang gusto niya.+ 20 Pero dahil naging pangahas siya nang magmatigas siya at magmataas ang puso niya,+ ibinaba siya mula sa trono ng kaniyang kaharian at inalis sa kaniya ang kaluwalhatian niya. 21 Itinaboy siya ng mga tao, at ang puso niya ay ginawang gaya ng sa hayop, at nanirahan siyang kasama ng maiilap na asno. Pananim ang naging pagkain niya gaya ng mga toro, at nabasâ ng hamog ng langit ang katawan niya, hanggang sa malaman niya na ang Kataas-taasang Diyos ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao at na ibinibigay niya ang pamamahala kung kanino niya gusto.+
22 “Pero ikaw, na anak niyang si Belsasar, hindi ka pa rin nagpakumbaba kahit na alam mo ang lahat ng ito. 23 Sa halip, nagrebelde ka sa Panginoon ng langit,+ at ipinakuha mo ang mga sisidlang nasa kaniyang bahay.+ At uminom kayo ng alak sa mga iyon, ikaw, ang iyong mga opisyal, mga pangalawahing asawa, at iba pang asawa, at pinuri ninyo ang mga diyos na gawa sa pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy, at bato—mga diyos na hindi nakakakita, nakaririnig, o nakaaalam ng anuman.+ Pero hindi mo niluwalhati ang Diyos na nagbibigay sa iyo ng hininga ng buhay+ at may kapangyarihan sa iyong buong pamumuhay. 24 Kaya isinugo niya ang kamay, at ipinasulat niya ito.+ 25 Ang nakasulat ay MENE, MENE, TEKEL, at PARSIN.
26 “Ito ang kahulugan ng mga salita: MENE, binilang ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian at winakasan iyon.+
27 “TEKEL, tinimbang ka at napatunayang kulang.
28 “PERES, hinati ang kaharian mo at ibinigay sa mga Medo at mga Persiano.”+
29 At ibinigay ni Belsasar ang utos, at binihisan nila si Daniel ng purpura at sinuotan ng gintong kuwintas; at inianunsiyo nila na siya ang magiging ikatlong pinakamataas na tagapamahala sa kaharian.+
30 Nang mismong gabing iyon, napatay ang hari ng mga Caldeo na si Belsasar.+ 31 At tinanggap ni Dario+ na Medo ang kaharian; mga 62 taóng gulang siya.