PAGDADALAMHATI
Sa mga taga-Silangan, ang pagdadalamhati ay kadalasan nang may kasamang labis na pagpapamalas ng pamimighati, at ipinakikita ito sa mga ulat ng Bibliya tungkol sa mga yugto ng pagdadalamhati. Ang isang buong aklat ng Bibliya, ang Mga Panaghoy, ay isang kapahayagan ng pagdadalamhati dahil sa nangyari sa Jerusalem.
Mga Sanhi ng Pagdadalamhati. Noon, nagdadalamhati ang mga tao upang magpahayag ng pagsisisi (Ne 9:1, 2; Jon 3:5-9), o dahil sa dumarating na kapahamakan (Es 4:3; Jer 6:26; Am 5:16, 17) o isang kapaha-pahamak na kalagayang kasalukuyang umiiral (Joe 1:5-14). Walang alinlangan na ang pinakakaraniwang sanhi ng pagdadalamhati ay ang kamatayan. Ang pagkamatay ng isang kapamilya ay nagiging pasimula ng isang yugto ng pagdadalamhati (Gen 23:2; 27:41; 37:33-35), samantalang ang pagkamatay ng isang magulang o ng kaisa-isang anak ay inihaharap bilang mga kapanahunan ng pinakamatitinding pighati. (Aw 35:14; Am 8:10; Zac 12:10) Dahil sa pagkamatay ng isang lider ng bansa, nagkakaroon ng mga yugto ng pagdadalamhati na tumatagal nang mula 7 hanggang 30 araw. (Bil 20:29; Deu 34:8; 1Sa 31:8, 12, 13) Ang mga Ehipsiyo ay nanangis nang 70 araw dahil sa pagkamatay ng ama ni Jose na si Jacob, at nagkaroon ng karagdagang 7-araw na yugto ng mga ritwal ng pagdadalamhati sa Canaan.—Gen 50:3-11.
Mga Paraan ng Pagpapahayag ng Kalumbayan. Ang pagdadalamhati ay ipinapahayag sa pamamagitan ng salita at ng pagtangis, at sa pamamagitan din ng pagpapasamâ sa pisikal na anyo at sa pamamagitan ng pag-aayuno o kaya naman ay pag-iwas sa normal na mga gawain. Maaaring kasama sa pagtangis ang paghagulhol o malakas at mapait na paghiyaw (2Sa 1:11, 12; Es 4:1), ang dibdib ay dinadagukan (Isa 32:11, 12; Na 2:7; Luc 8:52), kadalasa’y hinahapak ang mga kasuutan (Huk 11:35; 2Ha 22:11, 19), nilalagyan ng alabok o abo ang ulo at isinusuot ang telang-sako (2Sa 13:19; 2Ha 6:30; Job 2:11, 12), hinuhubad ang mga sandalyas at tinatakpan ang ulo o mukha (2Sa 15:30; 19:4), binubunot o ginugupit ang buhok at inaahit ang balbas (Job 1:20; Ezr 9:3; Jer 41:5). Ang ilang tao naman, na sumusunod sa mga kaugaliang pagano, ay naghihiwa sa kanilang katawan (Jer 16:6; 47:5). Bilang karagdagan sa pag-aayuno, ang taong nagdadalamhati ay maaaring hindi magpahid ng langis sa kaniyang sarili o hindi maglaba ng kaniyang mga kasuutan (2Sa 14:2; 19:24; Dan 10:2, 3), anupat kung minsa’y nauupo sa lupa o sa abo.—2Sa 13:31; Job 2:8; Isa 3:26.
Kung minsan, may kinakathang malulungkot na elehiya bilang mga awit ng pagdadalamhati. (2Sa 1:17-27; 3:33, 34; 2Cr 35:25) Ang isang partikular na uri ng awit ay ang shig·ga·yohnʹ, isang terminong Hebreo na lumilitaw sa superskripsiyon ng Awit 7; isang kaugnay na termino ang makikita sa Habakuk 3:1. Ito’y isang komposisyong tulad sa isang panambitan at lumilitaw na nagpapahiwatig ng isang napakamadamdaming awit na may mabilis na pagbabago ng ritmo. Sa dalawang pagtukoy rito (Aw 7; Hab 3:2-19), mapapansin ang mga elemento ng panganib, matitinding silakbo ng pamamanhik o emosyon, na sinusundan ng pagsasaya kay Jehova.
Paminsan-minsan, inuupahan ang propesyonal na mga tagapagdalamhati sa mga libing, at ang mga manunugtog ay tumutugtog ng malulungkot na himig (Jer 9:17, 18; Mat 9:23). Ang mga ito ay ginagaya ng maliliit na batang naglalaro sa mga pamilihan noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa. (Mat 11:16, 17) Ang pipa o plawta ang paboritong panugtog sa pananaghoy.—Jer 48:36; Mat 9:23; tingnan ang Jewish War ni Josephus, III, 437 (ix, 5).
Pagkatapos ng libing, nakaugalian na ng mga babae na dumalaw sa libingan upang tumangis at magdalamhati. (Ju 11:31) Waring nagkakaroon ng salu-salo para sa libing sa panahon ng pagdadalamhati at, sa ilang pagkakataon, waring ito ay nagiging isang espesyal na piging.—Os 9:4; Jer 16:5, 7.
Mga Pagbabawal May Kaugnayan sa Pagdadalamhati. Kung minsan, ang bayan ng Diyos sa kabuuan, o bilang mga indibiduwal, ay tinatagubilinan na huwag ipagdalamhati ang pagkamatay ng ilan, gaya ng nahatulang mga manggagawa ng kamalian. (Lev 10:1, 2, 6) Inutusan ang propetang si Ezekiel na huwag magpamalas ng alinman sa mga tanda ng pagdadalamhati para sa kaniyang namatay na asawa, at sa gayo’y magsisilbi siyang isang palatandaan para sa mga Israelitang kasama niya sa Babilonya, yamang kapag inilapat ang kahatulan ng Diyos sa Jerusalem dahil sa kawalang-katapatan nito, sila ay lubhang matitigilan anupat hindi nila ito maipagdadalamhati. (Eze 24:15-24) Tumanggap din si Jeremias ng mga tagubiling kahawig nito.—Jer 16:5-13.
May mga kaugalian sa pagdadalamhati na ipinagbabawal sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kabilang na ang paghihiwa sa laman o ang ‘pagpapakalbo ng mga noo’ (Lev 19:28; Deu 14:1) at ang di-wastong paggamit ng mga ikapu may kaugnayan sa mga patay. (Deu 26:12-14) Maaari namang lantarang ipagdalamhati ng mga saserdote ang ilang partikular na miyembro ng kanilang sariling pamilya, ngunit ang mataas na saserdote ay pinagbabawalang gawin iyon.—Lev 21:1-6, 10-12.
Panahon ng Pagdadalamhati. Sinasabi ng Eclesiastes 3:1, 4 na may “panahon ng pagtangis at panahon ng pagtawa; panahon ng paghagulhol at panahon ng pagluksu-lukso.” Yamang ang lahat ng tao ay namamatay, ang puso ng marurunong ay sinasabing “nasa bahay ng pagdadalamhati” sa halip na sa bahay ng pigingan. (Ec 7:2, 4; ihambing ang Kaw 14:13.) Kaya naman, sinasamantala ng taong marunong ang pagkakataong magpahayag ng pakikiramay at magbigay ng kaaliwan, sa halip na palampasin ang gayong pagkakataon kapalit ng paghahanap ng kaluguran. Tinutulungan siya nitong maingatan sa kaniyang isipan ang kaniyang pagiging mortal at mapanatili ang isang tamang saloobin ng puso sa kaniyang Maylalang.
Binabanggit sa Kasulatan ang lehitimong mga motibo para sa pagdadalamhati. Bukod pa sa pagkamatay ng mga minamahal (Gen 42:38; 44:31), ang karima-rimarim na mga gawain ng huwad na relihiyon na lumalapastangan sa Diyos ay isang sanhi ng pagbubuntunghininga at pagdaing (Eze 9:4; ihambing ang 1Co 5:2), at wasto ring magpahayag ng pamimighati dahil sa sariling mga kamalian ng isa. (Aw 38:4, 6-10) Hinihimok ni Jehova yaong mga lumayo sa kaniya: “Manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso, at may pag-aayuno at may pagtangis at may paghagulhol. At hapakin ninyo ang inyong mga puso, at hindi ang inyong mga kasuutan.” (Joe 2:12, 13; ihambing ang San 4:8, 9.) Gayundin naman, sa ibang mga talata, hindi ang panlabas na mga kapahayagan ng pamimighati o pagdadalamhati ang idiniriin, kundi ang panloob na mga damdamin at kirot ng puso, na palatandaan ng tunay na kalungkutan.—Aw 31:9, 10; Kaw 14:10; 15:13; Mar 14:72; Ju 16:6.
Maging ang kaniyang sarili ay tinutukoy ni Jehova bilang “nasaktan sa kaniyang puso.” (Gen 6:6; ihambing ang Isa 63:9.) Maaari ring ‘mapighati’ ang banal na espiritu ng Diyos. (Efe 4:30) Yamang ang espiritung ito ay gumagana sa mga lingkod ng Diyos upang makapagluwal sila ng mga bunga ng katuwiran (Gal 5:22-24), yaong mga hindi nagpapahalaga sa paglalaang ito ng Diyos, yaong mga lumalaban sa pagkilos nito, at sumasalungat sa pag-akay nito ay, sa diwa, ‘pumipighati’ rito.—Ihambing ang Isa 63:10; 1Te 5:19.
Isang Timbang na Pangmalas sa Pagdadalamhati. Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, malimit pa ring magdalamhati ang mga tao kasama ang labis na panlabas na kapahayagan at ingay at kaguluhan. (Mar 5:38, 39) Bagaman si Jesus ay “dumaing sa loob niya” at tumangis sa ilang pagkakataon (Ju 11:33-35, 38; Luc 19:41; Mar 14:33, 34; Heb 5:7), walang rekord na ginamit niya ang ibang mas mapagparangyang mga kapahayagang nailarawan na. (Ihambing ang Luc 23:27, 28.) Nagpahayag din ng pamimighati at pagdadalamhati ang kaniyang mga alagad. (Mat 9:15; Ju 16:20-22; Gaw 8:2; 9:39; 20:37, 38; Fil 2:27) Ipinahayag ni Pablo ang “malaking pamimighati at namamalaging kirot sa [kaniyang] puso” dahil sa kaniyang di-sumasampalatayang mga kamag-anak ayon sa laman. (Ro 9:2, 3) Nangamba siya na baka kailangan niyang ipagdalamhati yaong mga nasa kongregasyon sa Corinto na nagkasala at hindi pa nagsisisi (2Co 12:21), at binanggit niya nang “may pagtangis” yaong mga lumihis upang lumakad “bilang mga kaaway ng pahirapang tulos ng Kristo.” (Fil 3:17-19) Dahil sa kaniyang matindi at taos-pusong pagkabahala para sa kongregasyong Kristiyano (2Co 2:1-4), kuwalipikado siyang magturo sa iba hinggil sa pangangailangan ukol sa empatiya at simpatiya, anupat ‘nakikitangis sa mga taong tumatangis.’—Ro 12:15.
Gayunman, yamang nakapagpapahina ang pagdadalamhati at pamimighati (Aw 6:6, 7; Luc 22:45; Gaw 21:13; 2Co 2:6, 7), ang kalumbayang Kristiyano ay ipinakikita na laging kontrolado, timbang, at nadaraig pa nga ng pag-asa at nakapagpapalakas na kagalakan. (Mat 5:4; 1Co 7:29, 30; 2Co 6:10; ihambing ang Ne 8:9-12.) Kahit noong kaniyang kapanahunan, nagpakita si Haring David ng isang timbang, matino, at may-simulaing pangmalas tungkol sa pagdadalamhati, anupat habang may-sakit ang anak na naipaglihi dahil sa kaniyang mapangalunyang kaugnayan kay Bat-sheba, si David ay nag-ayuno at humiga sa lupa, anupat hinahanap ang tunay na Diyos alang-alang sa bata. Ngunit nang malaman niyang namatay na ang bata, si David ay tumindig, naghugas, nagpahid ng langis sa sarili, nagbihis, nanalangin kay Jehova, at pagkatapos ay humingi ng pagkain at nagsimulang kumain. Noong ipinaliliwanag ang kaniyang mga ikinilos sa kaniyang mga tagapaglingkod na nabigla, sinabi niya: “Ngayong patay na siya, bakit pa ako mag-aayuno? Maibabalik ko ba siyang muli? Paroroon ako sa kaniya, ngunit, kung tungkol sa kaniya, hindi siya babalik sa akin.” (2Sa 12:16, 19-23) Gayunman, nang maglaon ay nangailangan siya ng tulong mula sa prangkang si Joab upang mapagtagumpayan niya ang kaniyang matinding pamimighati sa pagkamatay ng anak niyang si Absalom.—2Sa 18:33; 19:1-8.
Bagaman “ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing,” katiting lamang ang mga pagdurusa ng Kristiyano kung ihahambing sa maluwalhating pag-asang nasa unahan (Ro 8:18-22; 1Pe 1:3-7), at tinutulungan siya ng pangako ng pagkabuhay-muli upang huwag siyang “malumbay na gaya rin ng iba na walang pag-asa.”—1Te 4:13, 14.
Walang pakinabang ang pagdadalamhati at pag-aayuno kung wala itong kalakip na pagsunod sa salita ni Jehova. (Zac 7:2-7) Gayunman, “ang kalungkutan sa makadiyos na paraan ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan.” Nagkakaroon ng gayong kalungkutan kapag nakita ng isang tao na ang paggawa ng masama ay isang kasalanan laban sa Diyos. Ito ang nag-uudyok sa kaniya na humingi ng kapatawaran sa Diyos at talikuran ang kaniyang maling landasin. “Ngunit ang kalungkutan ng sanlibutan ay nagbubunga ng kamatayan.” Bagaman ang isang tao ay maaaring nalulungkot dahil nalantad ang kaniyang pagkakasala at ito’y nangahulugan ng kawalan para sa kaniya, wala siyang hangaring matamo ang kapatawaran ng Diyos. (2Co 7:10, 11) Halimbawa, ang mga luhang may-kaimbutang itinangis ni Esau sa pag-asang mabawi ang naiwala niyang pagkapanganay ay walang naging epekto kay Isaac o sa Diyos.—Heb 12:16, 17.
Makasagisag at Makahulang Paggamit. Sa makasagisag na paraan, maging ang lupain ay inilalarawan bilang nagdadalamhati dahil sa mga pagkawasak na dulot ng mga hukbong sumasalakay o ng salot. (Jer 4:27, 28; Joe 1:10-12; ihambing ang pagkakaiba sa Aw 96:11-13.) Palibhasa’y tiwangwang, ang lupain ay tutubuan ng mga panirang-damo at magkakaroon ng anyong pinabayaan at di-naaalagaan, tulad ng isang tao na hindi nag-aasikaso ng kaniyang mukha, buhok, o pananamit habang siya’y nagdadalamhati. Sa katulad na paraan, mistulang nagdadalamhati ang lupain na ang mga pananim ay sinalanta ng isang salot.
Dahil sa “tanda ng Anak ng tao” at sa pagkakasiwalat kay Kristo, “dadagukan ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy,” o “sa pamimighati.” (Mat 24:30; Apo 1:7) Ang mga salot—kamatayan, pagdadalamhati, at taggutom—ay inihulang darating sa makasagisag na “Babilonyang Dakila” “sa isang araw,” anupat dahil dito ay tatangis at magdadalamhati yaong mga nakinabang sa kaniya. (Apo 18:2, 7-11, 17-19) Sa kabaligtaran, pangyayarihin ng Bagong Jerusalem ang mga kalagayan sa lupa kung saan ang luha, kamatayan, pagdadalamhati, paghiyaw, at kirot ay lilipas magpakailanman.—Apo 21:2-4.