PIPA
Isang malatubong panugtog na hinihipan (Gen 4:21).
Palibhasa’y hindi ito inilalarawan ng Bibliya, hindi matiyak ang eksaktong pagkakakilanlan ng panugtog na sa Hebreo ay tinatawag na ʽu·ghavʹ; gayunman, karaniwang isinasalin ng makabagong mga salin ng Bibliya ang salitang Hebreong ito bilang “pipa.” (Job 21:12; 30:31; Aw 150:4; AS, Da, NW, RS) Kaya naman, ang pipa ang kauna-unahang panugtog na hinihipan (malamang, isang woodwind) na binanggit sa Kasulatan. Si Jubal, ang ikapitong salinlahi mula kay Adan, ay ipinakikilala bilang ang ‘nagpasimula [sa literal, ama] ng lahat niyaong humahawak ng pipa [o, plawta].’ (Gen 4:21, tlb sa Rbi8) Posibleng ipinahihiwatig nito ang pagtatatag ng isang propesyon, maaaring ng mga bihasang manggagawa na gumagawa ng mga panugtog na ito o niyaong mga tumutugtog ng mga ito.
Bagaman ang ʽu·ghavʹ ay hindi kailanman itinala bilang isa sa mga panugtog sa templo, naniniwala ang ilang iskolar na ang pangalang ito ay naging isang pangkalahatang termino, anupat tumutukoy sa anumang panugtog na woodwind. Gayunman, noong una, maaaring tumutukoy ito sa isang espesipikong panugtog, marahil ang plawta o posibleng isang hilera ng mga pipa na iba-iba ang tono anupat ang isang dulo ng mga ito ay sarado, at ang kabilang mga dulo naman na nakabukas ay hinihipan. Maaaring ang panugtog sa orkestra ni Nabucodonosor na espesipikong tinukoy sa pamamagitan ng salitang Aramaiko na mash·roh·qiʹ (“pipa,” Dan 3:5, 7, 10, 15; AT, Da, Mo, NW, RS) ay katumbas ng Hebreong ʽu·ghavʹ.