PAGKABUHAY-MULI
Ang salitang Griego na a·naʹsta·sis ay literal na nangangahulugang “pagbangon; pagtayo.” Malimit itong gamitin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan may kaugnayan sa pagkabuhay-muli ng mga patay. Ang Hebreong Kasulatan, sa Oseas 13:14, na sinipi ng apostol na si Pablo (1Co 15:54, 55), ay may binabanggit na pagpawi sa kamatayan at paggawang-inutil sa Sheol (sa Heb., sheʼohlʹ; sa Gr., haiʹdes). Ang sheʼohlʹ ay isinalin sa iba’t ibang bersiyon bilang “libingan” at “hukay.” Sinasabing ang mga patay ay nagtutungo roon. (Gen 37:35; 1Ha 2:6; Ec 9:10) Ang pagkakagamit nito sa Kasulatan, pati na ang pagkakagamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Griegong katumbas nito na haiʹdes, ay nagpapakitang tumutukoy ito, hindi sa isang indibiduwal na libingan, kundi sa karaniwang libingan ng sangkatauhan, ang sanlibingan. (Eze 32:21-32; Apo 20:13; tingnan ang HADES; SHEOL.) Ang paggawang-inutil sa Sheol ay mangangahulugan ng pagluwag ng kapit nito sa mga naroroon, anupat nagpapahiwatig na ang sanlibingan ay mawawalan ng laman. Sabihin pa, mangangailangan ito ng pagkabuhay-muli, isang pagbangon mula sa walang-buhay na kalagayan ng kamatayan o pagbangon mula sa libingan para sa mga naroroon.
Sa Pamamagitan ni Jesu-Kristo. Ayon sa mga nabanggit, ang turo ng pagkabuhay-muli ay nasa Hebreong Kasulatan. Gayunpaman, kinailangan pa rin ni Jesu-Kristo na ‘magpasikat ng liwanag sa buhay at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng mabuting balita.’ (2Ti 1:10) Sinabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Ju 14:6) Sa pamamagitan ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo, isiniwalat kung paano darating ang buhay na walang hanggan, at higit pa riyan, ang kawalang-kasiraan para sa ilan. Pinatunayan ng apostol na ang pagkabuhay-muli ay isang tiyak na pag-asa, anupat ipinaliwanag niya: “Ngayon kung si Kristo ay ipinangangaral na ibinangon siya mula sa mga patay, paano ngang sinasabi ng ilan sa inyo na walang pagkabuhay-muli ng mga patay? Kung wala ngang pagkabuhay-muli ng mga patay, hindi rin naman ibinangon si Kristo. Ngunit kung hindi ibinangon si Kristo, ang aming pangangaral ay tiyak na walang kabuluhan, at ang ating pananampalataya ay walang kabuluhan. Bukod diyan, nasusumpungan din kami bilang mga bulaang saksi tungkol sa Diyos, sapagkat nagpatotoo kami laban sa Diyos na ibinangon niya ang Kristo, ngunit hindi niya ibinangon kung ang mga patay ay talagang hindi ibabangon. . . . Karagdagan pa, kung hindi ibinangon si Kristo, ang inyong pananampalataya ay walang silbi; kayo ay nasa inyong mga kasalanan pa. . . . Gayunman, si Kristo nga ay ibinangon mula sa mga patay, ang unang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan. Sapagkat yamang ang kamatayan ay sa pamamagitan ng isang tao, ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay sa pamamagitan din ng isang tao.”—1Co 15:12-21.
Noong nasa lupa si Kristo, siya mismo ay nagsagawa ng mga pagbuhay-muli. (Luc 7:11-15; 8:49-56; Ju 11:38-44) Ang pagkabuhay-muli tungo sa buhay na walang-hanggan ay posible lamang sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.—Ju 5:26.
Isang Tiyak na Layunin ng Diyos. Ipinakita ni Jesu-Kristo sa mga Saduceo, isang sektang hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli, na ang mga isinulat ni Moises sa Hebreong Kasulatan, na taglay nila at inaangking pinaniniwalaan, ay nagpapatunay na may pagkabuhay-muli. Nangatuwiran si Jesus na nang sabihin ni Jehova na Siya “ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob” (na noo’y mga patay na), itinuring Niyang buháy ang mga lalaking iyon dahil layunin Niya, bilang “Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy,” na buhayin silang muli. Dahil sa Kaniyang kapangyarihan, ang Diyos ay “bumubuhay ng mga patay at tumatawag sa mga bagay na wala na para bang ang mga iyon ay umiiral.” Inilakip ni Pablo ang katotohanang ito nang banggitin niya ang pananampalataya ni Abraham.—Mat 22:23, 31-33; Ro 4:17.
Ang kakayahan ng Diyos na bumuhay-muli. Para sa Isa na may kakayahan at kapangyarihang lumalang ng tao ayon sa Kaniyang sariling larawan, at nagbigay sa tao ng sakdal na katawan at ng potensiyal upang lubos na makapagpahayag ng kahanga-hangang mga katangiang itinanim sa personalidad nito, hindi imposible sa kaniya na bumuhay-muli ng isang indibiduwal. Kung ang mga prinsipyo ng siyensiya na itinatag ng Diyos ay ginagamit ng mga siyentipiko upang ang isang eksenang nakikita at naririnig ay maingatan at pagkatapos ay maipalabas sa pamamagitan ng pagrerekord ng video, napakadali nga para sa dakilang Soberano ng Sansinukob at Maylalang na buhaying-muli ang isang tao sa pamamagitan ng muling pagbuo sa personalidad nito at paglalagay niyaon sa isang bagong katawan. May kinalaman sa pagsasauli ng kakayahan ni Sara na magkaanak bagaman matanda na siya, sinabi ng anghel: “May anumang bagay ba na lubhang pambihira para kay Jehova?”—Gen 18:14; Jer 32:17, 27.
Kung Bakit Kinailangan ang Pagkabuhay-Muli. Noong pasimula, hindi naman kailangan ang pagkabuhay-muli. Hindi ito bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan, sapagkat hindi naman nilayong mamatay ang mga tao. Sa halip, sinabi ng Diyos na ang lupa ay nilayon niyang mapuno ng mga taong buháy at hindi ng sangkatauhang humihina at namamatay. Ang kaniyang gawa ay sakdal at di-kakikitaan ng kapintasan, di-kasakdalan, o sakit. (Deu 32:4) Pinagpala ni Jehova ang unang mag-asawa, anupat sinabihan sila na magpakarami at punuin ang lupa. (Gen 1:28) Tiyak na hindi kasama sa pagpapalang iyon ang sakit at kamatayan. Ang Diyos ay hindi nagtakda ng limitasyon sa haba ng buhay ng tao, ngunit sinabi niya kay Adan na ang pagsuway ay magdudulot ng kamatayan. Ipinahihiwatig nito na maaari sanang mabuhay ang tao magpakailanman. Ang pagsuway ay magbubunga ng di-pagsang-ayon ng Diyos at mag-aalis ng kaniyang pagpapala, anupat magdadala ng sumpa.—Gen 2:17; 3:17-19.
Kaya naman, ang kamatayan ay pumasok sa lahi ng tao sa pamamagitan ng pagkakasala ni Adan. (Ro 5:12) Dahil sa pagkamakasalanan ng kanilang ama at sa ibinunga nitong di-kasakdalan, ang mga supling ni Adan ay walang mamanahing buhay na walang hanggan mula sa kaniya. Sa katunayan, wala ni pag-asa man lamang na mabuhay magpakailanman. ‘Hindi makapagluluwal ng mainam na bunga ang bulok na punungkahoy,’ ang sabi ni Jesus. (Mat 7:17, 18; Job 14:1, 2) Ang pagkabuhay-muli ay ipinasok, o idinagdag, upang madaig ang kapansanang ito sa bahagi ng mga anak ni Adan na nagnanais maging masunurin sa Diyos.
Layunin ng Pagkabuhay-Muli. Ipinakikita ng pagkabuhay-muli hindi lamang ang walang-limitasyong kapangyarihan at karunungan ni Jehova kundi pati ang kaniyang pag-ibig at awa, at ipinagbabangong-puri siya nito bilang ang Nag-iingat sa mga naglilingkod sa kaniya. (1Sa 2:6) Palibhasa’y may kapangyarihan siyang bumuhay-muli, kaya niyang ipakita na mananatiling tapat sa kaniya ang mga lingkod niya hanggang kamatayan. Masasagot niya ang akusasyon ni Satanas na nagsasabing “balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” (Job 2:4) Mapahihintulutan ni Jehova si Satanas na gawin ang sukdulan, maging ang pagpatay sa ilan sa Kaniyang mga lingkod, sa walang-saysay nitong pagsisikap na suportahan ang mga bulaang akusasyon nito. (Mat 24:9; Apo 2:10; 6:11) Ang pagiging handang mamatay ng mga lingkod ni Jehova alang-alang sa paglilingkod sa kaniya ay patunay na naglilingkod sila hindi dahil sa pansariling pakinabang kundi dahil sa pag-ibig. (Apo 12:11) Pinatutunayan din nito na kinikilala nila Siya bilang ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang Soberano ng Sansinukob, at ang Diyos ng pag-ibig, na may kakayahang bumuhay-muli sa kanila. Pinatutunayan nito na nag-uukol sila ng bukod-tanging debosyon kay Jehova dahil sa kaniyang kahanga-hangang mga katangian at hindi dahil sa sakim na mga kadahilanan. (Pansinin ang ilan sa mga pananalita ng kaniyang mga lingkod, gaya ng nakaulat sa Ro 11:33-36; Apo 4:11; 7:12.) Ang pagkabuhay-muli ay isa ring paraan upang matiyak ni Jehova na ang kaniyang layunin sa lupa, na ipinahayag kay Adan, ay matutupad.—Gen 1:28.
Mahalaga sa kaligayahan ng tao. Ang pagkabuhay-muli ng mga patay, isang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, ay mahalaga sa kaligayahan ng sangkatauhan at sa pagpawi sa lahat ng pinsala, pagdurusa, at paniniil na sumapit sa sangkatauhan. Ang mga ito’y sumapit sa tao dahil sa kaniyang di-kasakdalan at pagkakasakit, mga digmaang ipinakipaglaban niya, kaniyang mga pamamaslang, at mga kalupitan ng mga taong balakyot na inudyukan ni Satanas na Diyablo. Hindi tayo magiging lubos na maligaya kung hindi tayo maniniwala sa pagkabuhay-muli. Ipinahayag ng apostol na si Pablo ang damdaming ito sa ganitong pananalita: “Kung sa buhay na ito lamang tayo umaasa kay Kristo, tayo sa lahat ng mga tao ang pinakakahabag-habag.”—1Co 15:19.
Kailan Unang Ibinigay ang Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli? Matapos magkasala si Adan at magdulot ng kamatayan sa kaniyang sarili at sa kaniyang magiging mga inapo, sinabi ng Diyos sa serpiyente: “At maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.”—Gen 3:15.
Aalisin ang isa na orihinal na nagpapangyari ng kamatayan. Sinabi ni Jesus sa mga relihiyosong Judio na sumasalansang sa kaniya: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga pagnanasa ng inyong ama. Ang isang iyon ay mamamatay-tao nang siya ay magsimula, at hindi siya nanindigan sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya.” (Ju 8:44) Pinatutunayan nito na ang Diyablo ang siyang nagsalita sa pamamagitan ng serpiyente, at na ang isang ito ay mamamatay-tao mula sa pasimula ng kaniyang landasin ng pagsisinungaling at kabalakyutan. Sa pangitaing ibinigay ni Kristo kay Juan nang maglaon, isiniwalat niya na si Satanas na Diyablo ay tinatawag ding “ang orihinal na serpiyente.” (Apo 12:9) Si Satanas ay nagkaroon ng kapangyarihan at impluwensiya sa sangkatauhan nang udyukan niya ang kanilang amang si Adan na maghimagsik laban sa Diyos. Kaya sa unang hula, sa Genesis 3:15, ibinigay ni Jehova ang pag-asa na ang Serpiyenteng ito ay aalisin. (Ihambing ang Ro 16:20.) Hindi lamang dudurugin ang ulo ni Satanas kundi sisirain, wawasakin, o papawiin din ang lahat ng kaniyang mga gawa. (1Ju 3:8; NW, KJ, AT) Upang matupad ang hulang ito, kailangang pawalang-bisa ang kamatayang ipinasok ni Adan, kasama na rito ang pagbuhay-muli sa mga supling ni Adan na nagtutungo sa Sheol (Hades) dahil sa kaniyang pagkakasala, na ang mga epekto ay kanilang minana.—1Co 15:26.
Ang pagkabuhay-muli ay kaakibat ng pag-asa ng kalayaan. Inilalarawan ng apostol na si Pablo ang kalagayang ipinahintulot ng Diyos pagkatapos mahulog ang tao sa kasalanan at ang Kaniyang ultimong layunin sa paggawa niyaon: “Sapagkat ang sangnilalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay [yamang ipinanganak sa kasalanan anupat lahat sila’y napapaharap sa kamatayan], hindi ayon sa sarili nitong kalooban [ang mga anak ni Adan ay isinilang sa mundo taglay ang ganitong kalagayan, bagaman sila mismo ay walang kontrol sa ginawa ni Adan, at hindi nila ito kagustuhan] kundi sa pamamagitan niya [ng Diyos, sa kaniyang karunungan] na nagpasakop nito, salig sa pag-asa na ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Ro 8:20, 21; Aw 51:5) Upang maranasan ang katuparan ng pag-asang ito ng maluwalhating kalayaan, yaong mga namatay ay kailangang buhaying-muli. Kailangan silang palayain mula sa kamatayan at sa libingan. Kaya naman, sa pamamagitan ng kaniyang pangakong “binhi” na dudurog sa ulo ng serpiyente, naglaan ang Diyos ng kahanga-hangang pag-asa para sa sangkatauhan.—Tingnan ang BINHI.
Ang saligan ng pananampalataya ni Abraham. Isinisiwalat ng Bibliya na nang tangkain ni Abraham na ihandog ang anak niyang si Isaac, mayroon siyang pananampalataya sa kakayahan at layunin ng Diyos na bumuhay ng mga patay. At gaya ng sinasabi sa Hebreo 11:17-19, tinanggap nga niya si Isaac mula sa mga patay “sa makatalinghagang paraan.” (Gen 22:1-3, 10-13) Dahil sa pangako ng Diyos tungkol sa “binhi,” nagkaroon ng saligan si Abraham upang manampalataya sa pagkabuhay-muli. (Gen 3:15) Bukod dito, siya at si Sara ay nakaranas ng isang bagay na maihahalintulad sa isang pagkabuhay-muli nang panumbalikin ang kanilang kakayahang mag-anak. (Gen 18:9-11; 21:1, 2, 12; Ro 4:19-21) Sa matinding pagdurusa ni Job, nagpahayag siya ng katulad na pananampalataya sa pagsasabing: “O ikubli mo nawa ako sa Sheol, . . . na takdaan mo nawa ako ng hangganang panahon at alalahanin mo ako! Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli? . . . Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.”—Job 14:13-15.
Mga pagkabuhay-muli bago ibinigay ang pantubos. May mga pagkabuhay-muli na isinagawa mismo, o sa pamamagitan, ng mga propetang sina Elias at Eliseo. (1Ha 17:17-24; 2Ha 4:32-37; 13:20, 21) Gayunman, ang mga taong ito na binuhay-muli ay namatay rin, gaya ng mga binuhay-muli ni Jesus noong narito siya sa lupa at ng mga binuhay-muli ng mga apostol. Isinisiwalat nito na hindi bawat kaso ng pagkabuhay-muli ay tungo sa buhay na walang hanggan.
Dahil binuhay siyang muli ng kaibigan niyang si Jesus, malamang na buháy si Lazaro noong Pentecostes 33 C.E., nang ang banal na espiritu ay ibuhos at yaong mga unang may makalangit na pagtawag (Heb 3:1) ay pahiran at ianak sa espiritu. (Gaw 2:1-4, 33, 38) Ang pagkabuhay-muli ni Lazaro ay katulad niyaong mga isinagawa nina Elias at Eliseo. Ngunit malamang na binuksan nito kay Lazaro ang pagkakataong tumanggap ng isang pagkabuhay-muli na katulad niyaong kay Kristo, na hindi sana niya tatanggapin kung hindi siya binuhay-muli. Tunay na isang kamangha-manghang gawa ng pag-ibig sa bahagi ni Jesus!—Ju 11:38-44.
Isang “mas mabuting pagkabuhay-muli.” Tungkol sa mga taong tapat ng sinaunang mga panahon, ganito ang sinabi ni Pablo: “Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli; ngunit ang ibang mga tao ay pinahirapan sapagkat ayaw nilang tumanggap ng paglaya sa pamamagitan ng anumang pantubos, upang sila ay makapagkamit ng mas mabuting pagkabuhay-muli.” (Heb 11:35) Ang mga taong ito ay nagpakita ng pananampalataya sa pag-asa sa pagkabuhay-muli, dahil alam nila na ang buhay nila noong panahong iyon ay hindi ang pinakamahalagang bagay. Ang pagkabuhay-muli na mararanasan nila at ng iba sa pamamagitan ni Kristo ay mangyayari pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli at ng pagharap niya sa kaniyang Ama sa langit taglay ang halaga ng kaniyang haing pantubos. Nang panahong iyon, tinubos niya ang karapatan ng sangkatauhan sa buhay, anupat siya’y naging potensiyal na “Walang-hanggang Ama.” (Heb 9:11, 12, 24; Isa 9:6) Siya’y isang “espiritung nagbibigay-buhay.” (1Co 15:45) Nasa kaniya ang “mga susi ng kamatayan at ng Hades [Sheol].” (Apo 1:18) Palibhasa’y taglay na niya ang awtoridad na magbigay ng buhay na walang hanggan, sa takdang panahon ng Diyos ay magsasagawa siya ng isang “mas mabuting pagkabuhay-muli,” yamang yaong mga daranas nito ay maaaring mabuhay magpakailanman. Walang isa man sa kanila ang kailangan pang mamatay muli. Kung masunurin sila, patuloy silang mabubuhay.
Makalangit na Pagkabuhay-Muli. Si Jesu-Kristo ay tinatawag na “panganay mula sa mga patay.” (Col 1:18) Siya ang kauna-unahang binuhay-muli tungo sa buhay na walang hanggan. At ang kaniyang pagkabuhay-muli ay “sa espiritu,” tungo sa buhay sa langit. (1Pe 3:18) Bukod diyan, ibinangon siya tungo sa mas mataas na uri ng buhay at mas mataas na posisyon kaysa sa dati niyang hawak sa langit bago siya pumarito sa lupa. Pinagkalooban siya ng imortalidad at kawalang-kasiraan, na hindi maaaring taglayin ng sinumang nilalang na laman, at ginawa siyang “mas mataas kaysa sa langit,” anupat pumapangalawa sa Diyos na Jehova sa sansinukob. (Heb 7:26; 1Ti 6:14-16; Fil 2:9-11; Gaw 2:34; 1Co 15:27) Mismong ang Diyos na Jehova ang bumuhay-muli sa kaniya.—Gaw 3:15; 5:30; Ro 4:24; 10:9.
Gayunman, sa loob ng 40 araw matapos siyang buhaying-muli, nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad sa iba’t ibang pagkakataon at sa iba’t ibang katawang laman, kung paanong nagpakita ang mga anghel sa mga tao noong sinaunang panahon. Gaya ng mga anghel na iyon, may kapangyarihan siyang magbihis at maghubad ng mga katawang lamang iyon kung gugustuhin niya, upang patunayan at ipakita na siya’y binuhay-muli. (Mat 28:8-10, 16-20; Luc 24:13-32, 36-43; Ju 20:14-29; Gen 18:1, 2; 19:1; Jos 5:13-15; Huk 6:11, 12; 13:3, 13) Ang kaniyang maraming pagpapakita, at partikular na ang pagpapakita niya nang minsanan sa mahigit na 500 katao, ay matibay na ebidensiya na totoo ang kaniyang pagkabuhay-muli. (1Co 15:3-8) Ang kaniyang pagkabuhay-muli, na pinatunayan ng marami, ay naglalaan ng “garantiya sa lahat ng mga tao” na tiyak na magkakaroon ng isang panghinaharap na araw ng pagtutuos o paghuhukom.—Gaw 17:31.
Pagkabuhay-muli ng “mga kapatid” ni Kristo. Yaong mga “tinawag at pinili at tapat,” mga sumusunod sa yapak ni Kristo, “mga kapatid” niya, na inianak sa espiritu bilang “mga anak ng Diyos,” ay pinangakuan ng isang pagkabuhay-muli na katulad ng sa kaniya. (Apo 17:14; Ro 6:5; 8:15, 16; Heb 2:11) Ganito ang isinulat ng apostol na si Pedro sa mga kapuwa Kristiyano: “Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, sapagkat ayon sa kaniyang dakilang awa ay binigyan niya tayo ng isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay, tungo sa isang walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana. Ito ay nakataan sa langit para sa inyo.”—1Pe 1:3, 4.
Inilarawan din ni Pedro ang pag-asang taglay nila bilang “mahalaga at napakadakilang mga pangako, upang sa pamamagitan ng mga ito ay maging mga kabahagi kayo sa tulad-Diyos na kalikasan.” (2Pe 1:4) Kailangang mabago ang kanilang kalikasan, anupat isusuko nila ang kalikasan bilang tao upang matamo ang “tulad-Diyos” na kalikasan, at sa gayo’y makikibahagi sila kay Kristo sa kaniyang kaluwalhatian. Kailangan nilang dumanas ng isang kamatayan na tulad ng kay Kristo, anupat nananatiling tapat at isinusuko magpakailanman ang kanilang buhay bilang tao. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ay tatanggap sila ng mga katawang imortal at walang kasiraan tulad niyaong kay Kristo. (Ro 6:3-5; 1Co 15:50-57; 2Co 5:1-3) Ipinaliwanag ng apostol na si Pablo na hindi ang katawan ang binubuhay-muli. Sa halip, ang kanilang mararanasan ay inihalintulad niya sa pagtatanim at pag-usbong ng isang binhi, sapagkat “binibigyan ito ng Diyos ng katawan ayon sa kaniyang kinalugdan.” (1Co 15:35-40) Yaong kaluluwa, ang mismong persona, ang siyang binubuhay-muli, na may katawang angkop sa kapaligiran kung saan siya bubuhaying-muli ng Diyos.
Sa kaso ni Jesu-Kristo, isinuko niya ang kaniyang buhay-tao bilang haing pantubos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Ikinapit ng kinasihang manunulat ng aklat ng Mga Hebreo ang ika-40 Awit kay Jesus. Ayon sa kaniya, nang pumarito si Jesus “sa sanlibutan” bilang Mesiyas ng Diyos, sinabi Niya: “Ang hain at handog ay hindi mo ninais, ngunit naghanda ka ng katawan para sa akin.” (Heb 10:5) Sinabi mismo ni Jesus: “Ang totoo, ang tinapay na ibibigay ko ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan.” (Ju 6:51) Nangangahulugan ito na hindi na mababawi ni Kristo ang kaniyang katawan sa pagkabuhay-muli, dahil kung gayon ay binabawi niya ang haing inihandog niya sa Diyos para sa sangkatauhan. Isa pa, hindi na maninirahan sa lupa si Kristo. Ang kaniyang tahanan ay sa langit kasama ng kaniyang Ama, na hindi laman, kundi espiritu. (Ju 14:3; 4:24) Samakatuwid, tumanggap si Jesu-Kristo ng isang maluwalhating katawan na imortal at walang kasiraan, sapagkat ‘siya ang sinag ng kaluwalhatian ni Jehova at ang eksaktong larawan ng kaniya mismong sarili, at pinananatili niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan; at pagkatapos niyang gumawa ng pagpapadalisay para sa ating mga kasalanan ay umupo siya sa kanan ng Karingalan sa matatayog na dako. Sa gayon ay naging mas mabuti siya kaysa sa mga anghel [na makapangyarihang mga espiritung persona rin], anupat nagmana siya ng isang pangalang higit na magaling kaysa sa kanila.’—Heb 1:3, 4; 10:12, 13.
Isusuko ng tapat na mga kapatid ni Kristo, na makakasama niya sa langit, ang kanilang buhay bilang tao. Ipinakita ng apostol na si Pablo na kailangan nilang magkaroon ng mga bagong katawan na ibinagay, o binagong-anyo, para sa kanilang bagong kapaligiran: “Kung para sa atin, ang ating pagkamamamayan ay nasa langit, na mula sa dako ring iyon ay hinihintay natin nang may pananabik ang isang tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Kristo, na siyang magbabagong-anyo sa ating abang katawan upang maiayon sa kaniyang maluwalhating katawan ayon sa pagkilos ng kapangyarihang taglay niya.”—Fil 3:20, 21.
Kung kailan magaganap ang makalangit na pagkabuhay-muli. Ang makalangit na pagkabuhay-muli ng mga kasamang tagapagmana ni Kristo ay magsisimula pagkabalik ni Jesu-Kristo sa makalangit na kaluwalhatian. Si Kristo mismo ay tinatawag na “unang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan.” Pagkatapos ay sinabi ni Pablo na ang bawat isa ay bubuhaying-muli sa kani-kaniyang katayuan, “si Kristo ang unang bunga, pagkatapos ay yaong mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.” (1Co 15:20, 23) Ang mga ito, bilang “bahay ng Diyos,” ay nasa ilalim ng paghatol habang sila’y nabubuhay bilang mga Kristiyano, pasimula sa mga unang miyembro noong Pentecostes. (1Pe 4:17) Sila ay “isang uri ng [sa literal, ilang] mga unang bunga.” (San 1:18, Int; Apo 14:4) Si Jesu-Kristo ay maihahalintulad sa mga unang bunga ng sebada na inihahandog ng mga Israelita tuwing Nisan 16 (“si Kristo ang unang bunga”), at ang kaniyang espirituwal na mga kapatid naman na “mga unang bunga” (“isang uri ng mga unang bunga”) ay maihahalintulad sa mga unang bunga ng trigo na inihahandog tuwing araw ng Pentecostes, na ika-50 araw mula Nisan 16.—Lev 23:4-12, 15-20.
Yamang nasa ilalim sila ng paghatol, sa pagbabalik ni Kristo ay panahon na upang ibigay ang gantimpala sa kanila, na kaniyang tapat na mga pinahiran, gaya ng ipinangako niya sa kaniyang 11 tapat na apostol noong gabi bago siya mamatay: “Paroroon ako upang maghanda ng dako para sa inyo. Gayundin, . . . ako ay muling darating at tatanggapin ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumoon din kayo.”—Ju 14:2, 3; Luc 19:12-23; ihambing ang 2Ti 4:1, 8; Apo 11:17, 18.
Ang “kasal ng Kordero.” Bilang isang kalipunan, ang mga ito ay tinatawag na kaniyang (mapapangasawang) “kasintahang babae.” (Apo 21:9) Sila’y ipinangakong ipakakasal sa kaniya, at kailangan silang buhaying-muli sa langit upang makibahagi sa “kasal ng Kordero.” (2Co 11:2; Apo 19:7, 8) Inasam-asam ng apostol na si Pablo na tanggapin ang makalangit na pagkabuhay-muli. (2Ti 4:8) Sa panahon ng “pagkanaririto” ni Kristo, ang ilan sa kaniyang espirituwal na mga kapatid ay nabubuhay pa sa lupa, at “inanyayahan sa hapunan ng kasal ng Kordero,” ngunit yaong mga kasama nila na namatay na ang unang bibigyang-pansin sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. (Apo 19:9) Ipinaliliwanag ito sa 1 Tesalonica 4:15, 16: “Sapagkat ito ang sinasabi namin sa inyo sa pamamagitan ng salita ni Jehova, na tayong mga buháy na natitira hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon ay hindi sa anumang paraan mauuna roon sa mga natulog na sa kamatayan; sapagkat ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit na may nag-uutos na panawagan, may tinig ng arkanghel at may trumpeta ng Diyos, at yaong mga patay na kaisa ni Kristo ang unang babangon.”
Idinagdag pa ni Pablo: “Pagkatapos tayong mga buháy na siyang natitira, kasama nila, ay aagawin sa mga ulap upang salubungin ang Panginoon sa hangin; at sa gayon ay lagi na tayong makakasama ng Panginoon.” (1Te 4:17) Kaya naman, kapag may-katapatan na nilang natapos sa kamatayan ang kanilang makalupang landasin, ang mga nalabing inanyayahan sa “hapunan ng kasal ng Kordero” ay kaagad na bubuhaying-muli upang makasama ng kanilang mga kapuwa miyembro ng uring kasintahang babae sa langit. Hindi sila “matutulog sa kamatayan” nang mahabang panahon gaya ng mga apostol, kundi, pagkamatay nila, sila’y “babaguhin, sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa panahon ng huling trumpeta. Sapagkat ang trumpeta ay tutunog, at ang mga patay ay ibabangon na walang kasiraan, at tayo ay babaguhin.” (1Co 15:51, 52) Gayunman, maliwanag na hindi magaganap ang “kasal ng Kordero” hangga’t hindi natatapos ang paglalapat ng kahatulan sa “Babilonyang Dakila.” (Apo 18) Pagkatapos ilarawan ang pagkapuksa ng “dakilang patutot” na ito, ganito ang sinasabi ng Apocalipsis 19:7: “Magsaya tayo at mag-umapaw sa kagalakan, at ibigay natin sa kaniya ang kaluwalhatian, sapagkat ang kasal ng Kordero ay dumating na at ang kaniyang asawa ay naghanda na ng kaniyang sarili.” Kapag ang buong bilang ng 144,000 ay sinang-ayunan at “tinatakan” bilang mga tapat, at binuhay na silang muli sa langit, maaari nang magsimula ang kasalan.
Unang pagkabuhay-muli. Tinutukoy ng Apocalipsis 20:5, 6 ang pagkabuhay-muli ng mga maghaharing kasama ni Kristo bilang “ang unang pagkabuhay-muli.” Tinukoy rin ng apostol na si Pablo ang unang pagkabuhay-muling ito bilang “ang mas maagang pagkabuhay-muli mula sa mga patay [sa literal na Ingles, the out-resurrection the out of dead (ones)].” (Fil 3:11, NW, Ro, Int) May kinalaman sa pananalitang ginamit dito ni Pablo, ganito ang sabi ng Word Pictures in the New Testament ni Robertson (1931, Tomo IV, p. 454): “Maliwanag na ang iniisip lamang ni Pablo rito ay ang pagkabuhay-muli ng mga mananampalataya mula sa mga patay kung kaya doble ang ex [out] (ten exanastasin ten ek nekron). Sa paggamit ng pananalitang ito, hindi itinatanggi ni Pablo na may pangkalahatang pagkabuhay-muli, kundi idiniriin niya ang pagkabuhay-muli ng mga mananampalataya.” Ganito ang sinabi ng Commentaries ni Charles Ellicott (1865, Tomo II, p. 87) hinggil sa Filipos 3:11: “‘Ang pagkabuhay-muli mula sa mga patay;’ samakatuwid nga, gaya ng ipinahihiwatig ng konteksto, ang unang pagkabuhay-muli (Apo. xx. 5), kapag, sa pagdating ng Panginoon, ang mga patay na kaisa Niya ang unang babangon (1 Tesalon. iv. 16), at ang mabibilis ay aagawin upang salubungin Siya sa mga ulap (1 Tes. iv. 17); ihambing ang Lucas xx. 35. Mga tunay na mananampalataya lamang ang kasama sa unang pagkabuhay-muli, at maliwanag na mauuna ito sa ikalawa, sa pagkabuhay-muli ng mga di-mananampalataya at mga ayaw manampalataya, kung panahon ang pag-uusapan . . . Anumang pagtukoy rito bilang isa lamang etikal na pagkabuhay-muli (Cocceius) ay sadyang hindi katanggap-tanggap.” Ang isa sa mga saligang kahulugan ng salitang e·xa·naʹsta·sis ay ang pagbangon mula sa higaan sa umaga; kaya naman ito’y isang mainam na paglalarawan ng isang pagkabuhay-muli na maagang magaganap, anupat tinatawag ding “ang unang pagkabuhay-muli.” Ang salin ni Rotherham sa Filipos 3:11 ay kababasahan: “Kung sa anumang paraan ay makasusulong ako tungo sa mas maagang pagkabuhay-muli mula sa mga patay.”
Pagkabuhay-Muli sa Lupa. Noong nakabitin si Jesus sa tulos, isa sa manggagawa ng kasamaan na nasa tabi niya, palibhasa’y natanto na si Jesus ay hindi karapat-dapat maparusahan, ay humiling: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Tumugon si Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Makakasama kita sa Paraiso.” (Luc 23:42, 43) Sa diwa ay sinabi ni Jesus: ‘Sa mapanglaw na araw na ito, kung kailan waring malayong magkatotoo ang pag-aangkin ko sa isang kaharian, ay nagpakita ka ng pananampalataya. Tunay nga, pagdating ko sa aking kaharian, aalalahanin kita.’ (Tingnan ang PARAISO.) Kung gayon, kailangang buhaying-muli ang manggagawa ng kasamaan. Ang taong ito ay hindi isang tapat na tagasunod ni Jesu-Kristo. Gumawa siya ng kasamaan, mga paglabag sa batas na marapat sa parusang kamatayan. (Luc 23:40, 41) Dahil dito, hindi siya makaaasang mapabilang sa mga tatanggap ng unang pagkabuhay-muli. Karagdagan pa, namatay siya 40 araw bago umakyat si Jesus sa langit at sa gayo’y bago ang Pentecostes, na naganap 10 araw pagkatapos ng pag-akyat ni Jesus. Nang Pentecostes na iyon, sa pamamagitan ni Jesus ay pinahiran ng Diyos ang unang mga miyembro na tatanggap ng makalangit na pagkabuhay-muli.—Gaw 1:3; 2:1-4, 33.
Sinabi ni Jesus na ang manggagawang iyon ng kasamaan ay mapapasa Paraiso. Ang salitang ito ay nangangahulugang “isang parke o dako ng kasiyahan.” Ang salitang Hebreo para sa “hardin” (gan), gaya sa Genesis 2:8, ay isinalin ng Septuagint gamit ang salitang Griego na pa·raʹdei·sos. Ang paraisong patutunguhan ng manggagawang iyon ng kasamaan ay hindi ang “paraiso ng Diyos” sa Apocalipsis 2:7 na ipinangako sa taong “nananaig,” sapagkat hindi naman siya nanaig sa sanlibutan kasama ni Jesu-Kristo. (Ju 16:33) Samakatuwid, hindi siya mapupunta sa makalangit na Kaharian bilang miyembro nito (Luc 22:28-30) kundi magiging isang sakop ng Kaharian kapag yaong mga kabilang sa “unang pagkabuhay-muli” ay umupo na sa mga trono, at mamahalang kasama ni Kristo sa loob ng isang libong taon.—Apo 20:4, 6.
Ang “mga matuwid at mga di-matuwid.” Sinabi ng apostol na si Pablo sa isang grupo ng mga Judio na nanghahawakan din sa pag-asa ng pagkabuhay-muli na “magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gaw 24:15.
Nililinaw ng Bibliya kung sino ang “mga matuwid.” Una sa lahat, ang mga tatanggap ng makalangit na pagkabuhay-muli ay ipinahahayag na matuwid.—Ro 8:28-30.
Pagkatapos, ang mga taong tapat noong una gaya ni Abraham ay tinatawag ng Bibliya na matuwid. (Gen 15:6; San 2:21) Marami sa mga taong ito ang nakatala sa Hebreo kabanata 11, at ganito ang sinasabi ng manunulat tungkol sa kanila: “Ngunit ang lahat ng mga ito, bagaman pinatotohanan sila dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi nagkamit ng katuparan ng pangako, yamang patiunang nakita ng Diyos ang isang bagay na mas mabuti para sa atin [na mga inianak sa espiritu, mga pinahirang Kristiyano tulad ni Pablo], upang hindi sila mapasakdal nang bukod sa atin.” (Heb 11:39, 40) Kaya ang pagpapasakdal sa kanila ay magaganap pagkatapos na mapasakdal yaong mga may bahagi sa “unang pagkabuhay-muli.”
Nariyan din ang “malaking pulutong” na inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 7, na hindi mga miyembro ng 144,000 na “tinatakan,” at dahil dito’y walang “tanda,” o “palatandaan,” ng espiritu na sila’y inianak sa espiritu. (Efe 1:13, 14; 2Co 5:5) Inilalarawan silang lumalabas “mula sa malaking kapighatian” bilang mga nakaligtas. Waring ipinahihiwatig nito na ang pagtitipon sa grupong ito ay magaganap sa mga huling araw bago magsimula ang kapighatiang iyon. Ang mga ito ay matuwid sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya, anupat nadaramtan ng mahahabang damit na puti na nilabhan sa dugo ng Kordero. (Apo 7:1, 9-17) Bilang isang grupo, hindi sila kailangang buhaying-muli, ngunit ang tapat na mga indibiduwal na kabilang sa grupong iyon, na mamamatay bago ang malaking kapighatian, ay bubuhaying-muli sa takdang panahon ng Diyos.
Gayundin, maraming taong “di-matuwid” ang nakalibing sa Sheol (Hades), na karaniwang libingan ng sangkatauhan, o sa “dagat,” na nagsisilbing mga libingan sa tubig. Ang paghatol sa mga ito at sa mga “matuwid” na bubuhaying-muli sa lupa ay inilalarawan sa Apocalipsis 20:12, 13: “At nakita ko ang mga patay, ang malalaki at ang maliliit, na nakatayo sa harap ng trono, at nabuksan ang mga balumbon. Ngunit may iba pang balumbon na nabuksan; ito ang balumbon ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan batay sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa. At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan sila nang isa-isa ayon sa kanilang mga gawa.”
Kung kailan magaganap ang pagkabuhay-muli sa lupa. Sa Bibliya, mapapansin natin na ang paghatol na ito ay kasama ng mga pangyayaring magaganap sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo at ng kaniyang kasamang mga hari at mga saserdote. Ang mga ito, sabi ng apostol na si Pablo, “ang hahatol sa sanlibutan.” (1Co 6:2) “Ang malalaki at ang maliliit,” mga tao mula sa lahat ng antas ng pamumuhay, ay naroroon, upang hatulan nang walang pagtatangi. Sila’y ‘hahatulan batay sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon’ na bubuksan sa panahong iyon. Hindi ito maaaring tumukoy sa rekord ng kanilang nakaraang buhay o sa isang talaan ng mga alituntunin na gagamitin upang hatulan sila batay sa kanilang nakaraang buhay. Yamang “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” nang mamatay sila ay tinanggap na nila ang kabayaran para sa kanilang naging mga kasalanan. (Ro 6:7, 23) Bubuhayin naman silang muli upang maipakita nila ang kanilang saloobin sa Diyos at kung nais nilang makinabang sa haing pantubos ni Jesu-Kristo na ibinigay para sa lahat. (Mat 20:28; Ju 3:16) Bagaman hindi sila papanagutin para sa nakaraan nilang mga pagkakasala, kailangan nila ng pantubos upang maiahon sila tungo sa kasakdalan. Kailangan silang magbago mula sa kanilang dating paraan ng pamumuhay at pag-iisip upang maging kasuwato ng kalooban at mga tuntunin ng Diyos para sa lupa at sa mga maninirahan dito. Samakatuwid, maliwanag na ang “mga balumbon” ay nagsasaad ng kalooban at kautusan ng Diyos para sa kanila sa panahon ng Araw ng Paghuhukom na iyon, anupat ang kanilang pananampalataya at pagkamasunurin sa mga bagay na ito ang magiging batayan ng paghatol upang sa wakas ay permanenteng mapasulat ang kanilang mga pangalan sa “balumbon ng buhay.”
Pagkabuhay-Muli Tungo sa Buhay at sa Paghatol. Ibinigay ni Jesus ang nakaaaliw na katiyakang ito sa sangkatauhan: “Ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at yaong mga nagbigay-pansin ay mabubuhay. . . . Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga gumawa ng buktot na mga bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa paghatol.”—Ju 5:25-29.
Isang hatol ng pagkondena. Sa kababanggit na mga salita ni Jesus, ang salitang “paghatol” ay isinalin mula sa salitang Griego na kriʹsis. Ayon kay Parkhurst, ang mga kahulugan ng salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay ang mga sumusunod: “I. Paghatol. . . . II. Paghatol, katarungan. Mat. xxiii. 23. Ihambing ang xii. 20. . . . III. Hatol ng pagkondena, pagkondena, sumpa. Marcos iii. 29. Juan v. 24, 29. . . . IV. Ang sanhi o saligan ng pagkondena o kaparusahan. Juan iii. 19. V. Isang partikular na hukuman ng katarungan ng mga Judio, . . . Mat. v. 21, 22.”—A Greek and English Lexicon to the New Testament, London, 1845, p. 342.
Kung ang “paghatol” na tinutukoy ni Jesus ay isang paglilitis na maaaring humantong sa buhay, kung gayon ay wala itong pagkakaiba sa “pagkabuhay-muli sa buhay.” Kaya naman, ipinahihiwatig ng konteksto na ang “paghatol” na tinutukoy ni Jesus ay isang hatol ng pagkondena.
Ang “mga patay” na nakarinig sa pagsasalita ni Jesus sa lupa. Kung isasaalang-alang ang mga sinabi ni Jesus, mapapansin natin na nang magsalita siya, may “mga patay” na nakarinig sa kaniyang tinig. Gumamit si Pedro ng kahawig na pananalita nang sabihin niya: “Sa katunayan, sa layuning ito ipinahayag din sa mga patay ang mabuting balita, upang sila ay mahatulan ayon sa laman mula sa pangmalas ng mga tao ngunit mabuhay ayon sa espiritu mula sa pangmalas ng Diyos.” (1Pe 4:6) Ito’y dahil yaong mga nakarinig kay Kristo ay dating ‘patay sa mga pagkakamali at mga kasalanan’ bago sila makarinig ngunit magsisimula silang ‘mabuhay’ sa espirituwal dahil sa kanilang pananampalataya sa mabuting balita.—Efe 2:1; ihambing ang Mat 8:22; 1Ti 5:6.
Ang Juan 5:29 ay tumutukoy sa katapusan ng panahon ng paghatol. Upang matiyak ang kung aling panahon ang tinutukoy ng mga salita ni Jesus tungkol sa ‘pagkabuhay-muli sa buhay at pagkabuhay-muli sa paghatol,’ mahalagang pansinin yaong una niyang sinabi hinggil sa paksa ring iyon. Tinukoy niya yaong mga nabubuhay noon ngunit patay sa espirituwal (na ipaliliwanag sa ilalim ng subtitulong ‘Pagtawid Mula sa Kamatayan Tungo sa Buhay’): “Ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at yaong mga nagbigay-pansin [sa literal, salita por salita, “yaong mga nakinig”] ay mabubuhay.” (Ju 5:25, Int) Ipinahihiwatig nito na hindi lamang yaong aktuwal na nakarinig ng kaniyang tinig ang tinutukoy niya kundi, sa halip, yaong mga “nakinig,” samakatuwid nga, yaong mga matapos makinig ay tinanggap ang kanilang napakinggan bilang katotohanan. Sa Bibliya, ang mga terminong “makinig” at “pakinggan” ay malimit gamitin sa diwang “magbigay-pansin” o “sumunod.” (Tingnan ang PAGKAMASUNURIN.) Yaong mga masunurin ay mabubuhay. (Ihambing ang paggamit sa terminong Griego rin na iyon [a·kouʹo], “makinig” o “pakinggan,” sa Ju 6:60; 8:43, 47; 10:3, 27.) Hinahatulan sila, hindi batay sa ginawa nila bago nila marinig ang kaniyang tinig, kundi batay sa ginawa nila pagkatapos nilang marinig iyon.
Kung gayon, nang tukuyin ni Jesus “yaong mga gumawa ng mabubuting bagay” at “yaong mga gumawa ng buktot na mga bagay,” maliwanag na inilalagay niya ang kaniyang sarili sa panahong iyon, samakatuwid nga, sa katapusan ng panahon ng paghatol, anupat waring nagbabalik-tanaw siya o nirerepaso niya ang mga ikinilos ng binuhay-muling mga taong ito pagkatapos nilang magkaroon ng pagkakataong sumunod o sumuway sa “mga bagay na nakasulat sa mga balumbon.” Tanging sa katapusan ng panahon ng paghatol makikita kung sino ang gumawa ng mabuti o ng masama. Ang kahihinatnan ng “mga gumawa ng mabubuting bagay” (ayon sa “mga bagay na nakasulat sa mga balumbon”) ay gantimpalang buhay; sa “mga gumawa ng buktot na mga bagay,” isang hatol ng pagkondena. Ang resulta ng kanilang pagkabuhay-muli ay alinman sa tungo sa buhay o sa pagkondena.
Karaniwan sa Bibliya na ilahad ang mga bagay na di pa nangyayari na para bang naganap na ang mga iyon. Ito’y sapagkat ang Diyos “ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon.” (Isa 46:10) Ganito rin ang ginawa ni Judas nang tukuyin niya ang masasamang tao na pumuslit sa kongregasyon, anupat sinabi niya tungkol sa kanila: “Sa aba nila, sapagkat sila ay lumakad sa landas ni Cain, at sumugod sa maling landasin ni Balaam dahil sa gantimpala, at nalipol [sa literal, pinuksa nila ang kanilang sarili] sa mapaghimagsik na salita ni Kora!” (Jud 11) Ginamit din ang ganitong pananalita sa ibang mga hula.—Ihambing ang Isa 40:1, 2; 46:1; Jer 48:1-4.
Dahil dito, ang istilong ginamit sa Juan 5:29 ay hindi kapareho niyaong sa Gawa 24:15, kung saan binanggit ni Pablo ang tungkol sa pagkabuhay-muli ng “mga matuwid at mga di-matuwid.” Malinaw na ang tinutukoy ni Pablo ay yaong mga nagkaroon ng matuwid o di-matuwid na katayuan sa harap ng Diyos sa buhay na ito at bubuhaying-muli. Sila yaong “nasa mga alaalang libingan.” (Ju 5:28; tingnan ang ALAALANG LIBINGAN.) Sa Juan 5:29, minamalas ni Jesus ang mga taong iyon pagkatapos nilang lumabas mula sa mga alaalang libingan at pagkatapos nilang mapatunayan, sa pamamagitan ng kanilang landasin sa panahon ng paghahari ni Jesu-Kristo at ng kaniyang kasamang mga hari at mga saserdote, na sila’y masunurin, kung kaya mayroon silang gantimpalang walang-hanggang “buhay,” o kaya naman ay masuwayin, anupat karapat-dapat sa “paghatol [pagkondena]” mula sa Diyos.
Kaluluwang Tinubos Mula sa Sheol. Si Haring David ng Israel ay sumulat: “Lagi kong patiunang nakikita ang Panginoon sa harap ng aking mukha; sapagkat siya ay nasa aking kanan, upang hindi ako makilos . . . gayundin, bukod diyan, ang aking laman ay magpapahinga sa pag-asa: dahil hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa impiyerno [Sheol], ni matitiis mo man ang iyong Banal na makita ang kabulukan.” (Aw 15:8-10, LXX, Bagster [16:8-11, NW]) Noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., ikinapit ng apostol na si Pedro ang awit na ito kay Jesu-Kristo, nang ipahayag niya sa mga Judio na totoo ang pagkabuhay-muli ni Kristo. (Gaw 2:25-31) Kung gayon, ipinakikita kapuwa ng Hebreo at ng Griegong Kasulatan na yaong “kaluluwa” ni Jesu-Kristo ang binuhay-muli. Si Jesu-Kristo ay “pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu.” (1Pe 3:18) “Ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos,” ang sabi ng apostol na si Pablo. (1Co 15:50) Hindi rin puwede ang laman at mga buto. Walang buhay ang laman at mga buto kung walang dugo ang mga ito, sapagkat nasa dugo ang “kaluluwa,” o yaong kinakailangan upang mabuhay ang nilalang na laman.—Gen 9:4.
Sa buong Kasulatan, maliwanag na walang “kaluluwa” na hiwalay at naiiba sa katawan. Kapag namatay ang katawan, namamatay rin ang kaluluwa. Kahit sa kaso ni Jesu-Kristo, nasusulat na “ibinuhos niya ang kaniyang kaluluwa hanggang sa mismong kamatayan.” Nasa Sheol noon ang kaniyang kaluluwa. Nang panahong iyon, hindi siya umiiral bilang isang kaluluwa o bilang isang persona. (Isa 53:12; Gaw 2:27; ihambing ang Eze 18:4; tingnan ang KALULUWA.) Dahil dito, sa pagkabuhay-muli, hindi muling nagsasanib ang kaluluwa at ang katawan. Gayunman, espirituwal man o makalupa, kailangan ng indibiduwal ang isang katawan o organismo, sapagkat ang lahat ng persona, makalangit man o makalupa, ay may katawan. Upang maging isang persona muli, ang isang namatay ay kailangang magkaroon ng isang katawan, pisikal man o espirituwal. Sinasabi ng Bibliya: “Kung may katawang pisikal, mayroon ding espirituwal.”—1Co 15:44.
Ngunit sa pagkabuhay-muli, pinagsasama-sama bang muli ang mga bahagi ng dating katawan? O isa ba itong eksaktong kopya ng dating katawan, anupat kaparehung-kapareho ng katawan ng taong iyon bago siya namatay? Hindi ganito ang ipinakikita ng Kasulatan tungkol sa pagkabuhay-muli ng pinahirang mga kapatid ni Kristo tungo sa langit: “Gayunpaman, may magsasabi: ‘Paano ibabangon ang mga patay? Oo, sa anong uri ng katawan sila paririto?’ Ikaw na taong di-makatuwiran! Ang inihahasik mo ay hindi binubuhay malibang mamatay muna ito; at kung tungkol sa inihahasik mo, inihahasik mo, hindi ang katawan na tutubo, kundi ang isang butil lamang, maaaring trigo o alinman sa iba pa; ngunit binibigyan ito ng Diyos ng katawan ayon sa kaniyang kinalugdan, at sa bawat isa sa mga binhi ay ang sarili nitong katawan.”—1Co 15:35-38.
Yaong mga makalangit ay tumatanggap ng katawang espirituwal, sapagkat nalulugod ang Diyos na magkaroon sila ng katawang angkop sa kanilang makalangit na kapaligiran. Ngunit yaong mga kalulugdan ni Jehova na buhaying-muli sa lupa, anong katawan ang ibibigay niya sa kanila? Hindi maaaring ang dati nilang katawan at ang eksaktong mga atomo niyaon. Kapag namatay ang isang tao at inilibing, ang kaniyang katawan ay mabubulok at magiging mga kemikal na maaaring sipsipin ng pananim. Ang pananim naman ay posibleng kainin ng mga tao. Ang mga elemento, yaong mga atomo ng orihinal na taong iyon, ay nasa maraming tao na. Sa pagkabuhay-muli, maliwanag na ang mga atomong iyon ay hindi maaaring nasa orihinal na tao at kasabay nito’y nasa ibang mga tao rin.
Ang binuhay-muling katawan ay hindi rin kailangang maging eksaktong kopya ng katawan ng taong namatay. Kung nagkaputul-putol ang katawan ng isang tao bago siya namatay, babalik ba siya nang gayon? Hindi ito makatuwiran, sapagkat kung gayon ay baka wala siya sa kalagayang makapakinig at gumawa ng “mga bagay na nakasulat sa mga balumbon.” (Apo 20:12) Ipagpalagay na namatay ang isang tao dahil naubusan siya ng dugo. Babalik ba siyang walang dugo? Hindi, sapagkat hindi siya maaaring mabuhay sa isang katawang makalupa kung walang dugo. (Lev 17:11, 14) Sa halip, bibigyan siya ng isang katawan ayon sa kinalulugdan ng Diyos. Yamang kalooban at kaluguran ng Diyos na ang taong binuhay-muli ay sumunod sa “mga bagay na nakasulat sa mga balumbon,” kailangang malusog ang katawang iyon, anupat kumpleto ang kaniyang kakayahan. (Bagaman ang katawan ni Lazaro ay bahagya nang nabubulok, binuhay-muli ni Jesus si Lazaro na may buo at malusog na katawan. [Ju 11:39]) Sa ganitong paraan, ang indibiduwal ay wasto at makatuwirang mapagsusulit sa kaniyang mga gagawin sa panahon ng paghatol. Gayunman, matapos siyang buhaying-muli, hindi pa sakdal ang indibiduwal na iyon, sapagkat kailangan niyang manampalataya sa pantubos ni Kristo at kailangan niyang tanggapin ang mga paglilingkod ni Kristo at ng kaniyang ‘maharlikang mga saserdote.’—1Pe 2:9; Apo 5:10; 20:6.
‘Pagtawid Mula sa Kamatayan Tungo sa Buhay.’ Binanggit ni Jesus yaong mga “may buhay na walang hanggan” dahil sila’y nakinig, nanampalataya, at sumunod sa kaniyang mga salita at pagkatapos ay naniwala sila sa Ama na nagsugo sa kaniya. Tungkol sa bawat isa sa kanila, ganito ang kaniyang sinabi: “Hindi siya hahantong sa paghatol kundi nakatawid na mula sa kamatayan tungo sa buhay. Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at yaong mga nagbigay-pansin ay mabubuhay.”—Ju 5:24, 25.
Yaong mga ‘nakatawid na mula sa kamatayan tungo sa buhay ngayon’ ay hindi yaong mga literal na namatay at nasa literal na mga libingan. Noong magsalita si Jesus, ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng hatol na kamatayan sa harap ng Diyos na Hukom ng lahat. Kaya maliwanag na ang tinutukoy ni Jesus ay mga tao sa lupa na patay sa espirituwal na diwa. Tiyak na yaong mga patay sa espirituwal ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya sa isang Judiong anak na gusto munang umuwi upang ilibing ang kaniyang ama: “Patuloy mo akong sundan, at hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay.”—Mat 8:21, 22.
Yaong mga naging Kristiyano na may tunay na paniniwala ay dating mga patay sa espirituwal sa sanlibutang ito. Ipinaalaala ito ng apostol na si Pablo sa kongregasyon, sa pagsasabing: “Kayo ang binuhay ng Diyos bagaman kayo ay patay sa inyong mga pagkakamali at mga kasalanan, na siyang nilakaran ninyo noong una ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito . . . Ngunit ang Diyos, na mayaman sa awa, dahil sa kaniyang dakilang pag-ibig na ipinang-ibig niya sa atin, ay bumuhay sa atin kasama ng Kristo, maging nang tayo ay patay sa mga pagkakamali—sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ay iniligtas na kayo—at ibinangon niya tayong magkakasama at pinaupo tayong magkakasama sa makalangit na mga dako kaisa ni Kristo Jesus.”—Efe 2:1, 2, 4-6.
Samakatuwid, dahil hindi na sila lumalakad sa mga pagkakamali at mga kasalanan laban sa Diyos, at dahil na rin sa kanilang pananampalataya kay Kristo, inalis na ni Jehova ang kaniyang kahatulan mula sa kanila. Ibinangon niya sila mula sa espirituwal na kamatayan at binigyan sila ng pag-asang buhay na walang hanggan. (1Pe 4:3-6) Inilalarawan ng apostol na si Juan ang paglipat na ito mula sa pagiging patay sa mga pagkakamali at mga kasalanan tungo sa espirituwal na buhay sa pamamagitan ng mga salitang: “Huwag kayong mamangha, mga kapatid, na ang sanlibutan ay napopoot sa inyo. Alam natin na tayo ay nakatawid na mula sa kamatayan tungo sa buhay, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid.”—1Ju 3:13, 14.
Isang Di-Sana-Nararapat na Kabaitan ng Diyos. Ang paglalaan ng pagkabuhay-muli para sa sangkatauhan ay tunay na isang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na Jehova sapagkat hindi siya obligadong gawin ito. Pag-ibig para sa sangkatauhan ang nag-udyok sa kaniya na ibigay ang kaniyang bugtong na Anak upang milyun-milyon, oo, libu-libong milyon pa nga, na namatay nang walang tunay na kaalaman sa Diyos, ang magkaroon ng pagkakataong makilala at ibigin siya, at upang yaong mga umiibig at naglilingkod sa kaniya ay magkaroon ng pag-asang ito at ng pampatibay-loob na magbata nang tapat maging hanggang kamatayan. (Ju 3:16) Inaliw ng apostol na si Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano sa pamamagitan ng pag-asa sa pagkabuhay-muli. Ganito ang isinulat niya sa kongregasyon sa Tesalonica hinggil sa mga namatay sa kongregasyong iyon at may pag-asa sa makalangit na pagkabuhay-muli: “Bukod diyan, mga kapatid, hindi namin ibig na kayo ay walang-alam may kinalaman sa mga natutulog sa kamatayan; upang hindi kayo malumbay na gaya rin ng iba na walang pag-asa. Sapagkat kung tayo ay nananampalataya na namatay si Jesus at muling bumangon, sa gayunding paraan, yaong mga natulog na sa kamatayan sa pamamagitan ni Jesus ay dadalhin ng Diyos kasama niya.”—1Te 4:13, 14.
Gayundin naman, ang mga Kristiyano, di-gaya ng iba na walang pag-asa, ay hindi dapat malumbay para sa mga namatay nang tapat sa Diyos at may pag-asang mabuhay sa lupa sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, at maging para sa mga hindi nakakilala sa Diyos. Kapag binuksan ang Sheol (Hades), yaong mga naroroon ay lalabas. Binabanggit ng Bibliya ang marami sa mga nagtungo roon, kasama na yaong mga taga-sinaunang Ehipto, Asirya, Elam, Mesec, Tubal, Edom, at Sidon. (Eze 32:18-31) Ipinahiwatig ni Jesus na sa paanuman, may ilan sa di-nagsising mga tao mula sa Betsaida, Corazin, at Capernaum na mapapabilang sa mga naroroon sa Araw ng Paghuhukom. Dahil sa dati nilang saloobin, magiging napakahirap para sa kanila na magsisi. Gayunman, bibigyan sila ng pagkakataong gawin iyon.—Mat 11:20-24; Luc 10:13-15.
Kapit ang pantubos sa lahat ng binigyan nito. Dahil sa kadakilaan at lawak ng pag-ibig at di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos nang ibigay niya ang kaniyang Anak upang ang ‘sinumang maniwala sa kaniya ay magkaroon ng buhay,’ ang pagkakapit ng pantubos ay hindi limitado sa mga pipiliin ng Diyos para sa makalangit na pagtawag. (Ju 3:16) Sa katunayan, hindi lubusang maikakapit ang haing pantubos ni Jesu-Kristo kung ikakapit lamang ito sa mga magiging miyembro ng Kaharian sa langit. Hindi nito lubusang maisasakatuparan ang layunin kung bakit ito inilaan ng Diyos, sapagkat nilayon niya na ang Kaharian ay magkaroon ng makalupang mga sakop. Si Jesu-Kristo ay Mataas na Saserdote hindi lamang para sa mga katulong na saserdoteng kasama niya kundi para rin sa sangkatauhan na mabubuhay kapag siya at ang kaniyang mga kasamahan ay namahala na bilang mga hari at mga saserdote. (Apo 20:4, 6) Siya ay “sinubok sa lahat ng bagay tulad natin [na kaniyang espirituwal na mga kapatid], ngunit walang kasalanan.” Kaya magagawa niyang makiramay sa mga kahinaan ng mga tao na taimtim na nagsisikap na maglingkod sa Diyos. Sinubok din sa ganitong paraan ang kasama niyang mga hari at mga saserdote. (Heb 4:15, 16; 1Pe 4:12, 13) Tutal, maglilingkod sila bilang mga saserdote para sa sangkatauhan, kasama na yaong mga bubuhaying-muli, sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari at sa panahon ng paghatol.
Inaasam ng mga lingkod ng Diyos ang araw kapag lubusan nang naisakatuparan ang pagkabuhay-muli. Upang matupad ang kaniyang mga layunin, itinakda ng Diyos ang tamang panahon para rito, na doo’y lubusang maipagbabangong-puri ang kaniyang karunungan at mahabang pagtitiis. (Ec 3:1-8) Siya at ang kaniyang Anak, na kapuwa may kakayahan at pananabik na bumuhay-muli ng mga patay, ang magsasakatuparan nito sa takdang panahong iyon.
May-kagalakang inaasam ni Jehova ang pagkabuhay-muli. Tiyak na may-kagalakang inaasam ni Jehova at ng kaniyang Anak na lubusang maisakatuparan ang gawaing iyon. Ipinakita ni Jesus ang ganitong pananabik at pagnanais nang mamanhik sa kaniya ang isang ketongin: “‘Kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.’ Sa gayon ay nahabag [si Jesus], at iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo siya, at sinabi sa kaniya: ‘Ibig ko. Luminis ka.’ At kaagad na naglaho sa kaniya ang ketong, at siya ay naging malinis.” Iniulat ng tatlo sa mga manunulat ng Ebanghelyo ang nakaaantig na insidenteng ito na nagpapakita ng maibiging-kabaitan ni Kristo para sa sangkatauhan. (Mar 1:40-42; Mat 8:2, 3; Luc 5:12, 13) Hinggil naman sa pag-ibig ni Jehova at sa pagnanais niyang tumulong sa sangkatauhan, maaalaala natin ang mga salita ng tapat na si Job: “Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli? . . . Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.”—Job 14:14, 15.
May mga Iba na Hindi Bubuhaying-Muli. Bagaman ang haing pantubos ni Kristo ay ibinigay sa sangkatauhan sa pangkalahatan, ipinahiwatig ni Jesus na limitado ang aktuwal na pagkakapitan nito nang kaniyang sabihin: “Kung paanong ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat 20:28) Karapatan ng Diyos na Jehova na huwag tumanggap ng pantubos para sa sinumang itinuturing niyang di-karapat-dapat. Tinatakpan ng pantubos ni Kristo ang mga kasalanan ng isang indibiduwal dulot ng kaniyang pagiging anak ng makasalanang si Adan, ngunit maaari niya itong madagdagan dahil sa kaniyang sinasadya at kusang-loob na landasin ng kasalanan, at maaari siyang mamatay dahil sa gayong kasalanan na hindi matatakpan ng pantubos.
Kasalanan laban sa banal na espiritu. Sinabi ni Jesu-Kristo na ang isang nagkasala laban sa banal na espiritu ay hindi patatawarin sa kasalukuyang sistema ng mga bagay ni doon sa darating. (Mat 12:31, 32) Kung gayon, ang taong hinatulan ng Diyos bilang nagkasala laban sa banal na espiritu sa kasalukuyang sistema ng mga bagay ay hindi makikinabang sa pagkabuhay-muli, yamang ang kaniyang mga kasalanan ay hindi kailanman patatawarin, at ang pagkabuhay-muli ay walang silbi para sa kaniya. Hinatulan ni Jesus si Hudas Iscariote nang tawagin niya itong “anak ng pagkapuksa.” Ang pantubos ay hindi maikakapit kay Hudas, at yamang ang kaniyang pagkapuksa ay isang tatag na hudisyal na paghatol, hindi siya tatanggap ng pagkabuhay-muli.—Ju 17:12.
Sa kaniyang mga mananalansang, ang mga Judiong lider ng relihiyon, sinabi ni Jesus: “Paano kayo makatatakas mula sa kahatulan ng Gehenna [isang sagisag ng walang-hanggang pagkapuksa]?” (Mat 23:33; tingnan ang GEHENNA.) Ipinahihiwatig ng kaniyang mga salita na kung ang mga taong ito ay hindi babaling sa Diyos bago sila mamatay, tatanggap sila ng pangwakas na hatol. Kung gayon, walang magagawa ang pagkabuhay-muli para sa kanila. Lumilitaw na totoo rin ito sa kaso ng “taong tampalasan.”—2Te 2:3, 8; tingnan ang TAONG TAMPALASAN.
Yaong mga nakaalam na ng katotohanan, na naging mga kabahagi sa banal na espiritu, at saka nahulog, ay tinukoy ni Pablo bilang nahulog sa isang kalagayan na doo’y imposibleng “panumbalikin silang muli sa pagsisisi, sapagkat ibinabayubay nilang muli ang Anak ng Diyos sa ganang kanila at inilalantad siya sa hayag na kahihiyan.” Hindi na sila matutulungan pa ng pantubos. Samakatuwid, hindi sila tatanggap ng pagkabuhay-muli. Inihalintulad din ng apostol ang gayong mga tao sa isang bukid na nagsisibol lamang ng mga tinik at mga dawag at dahil dito’y itinatakwil at sinusunog. Ito’y isang paglalarawan ng kanilang hinaharap: ganap na pagkalipol.—Heb 6:4-8.
Muli, sinabi ni Pablo na kung para sa mga ‘nanadyang mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan, kundi may nakatatakot na paghihintay sa paghuhukom at may maapoy na paninibugho na lalamon doon sa mga sumasalansang.’ Pagkatapos ay sinabi niya: “Ang sinumang taong nagwalang-halaga sa kautusan ni Moises ay mamamatay nang hindi kinahahabagan, sa patotoo ng dalawa o tatlo. Gaano pa kaya katinding kaparusahan, sa palagay ninyo, ang karapat-dapat sa tao na yumurak sa Anak ng Diyos at itinuring na may pangkaraniwang halaga ang dugo ng tipan na sa pamamagitan nito ay pinabanal siya, at may paghamak na lumapastangan sa espiritu ng di-sana-nararapat na kabaitan? . . . Isang bagay na nakatatakot ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.” Mas matindi nga ang kanilang kahatulan sapagkat hindi lamang sila papatayin at ililibing sa Sheol, gaya ng mga manlalabag sa Kautusan ni Moises. Sa halip, sila’y mapupunta sa Gehenna, kung saan wala nang pagkabuhay-muli.—Heb 10:26-31.
Sumulat si Pedro sa kaniyang mga kapatid at itinawag-pansin niya na sila, bilang ang “bahay ng Diyos,” ay nasa ilalim ng paghatol. Pagkatapos ay sumipi siya mula sa Kawikaan 11:31 (LXX) at binabalaan niya sila tungkol sa panganib ng pagsuway. Ipinahiwatig niya na ang paghatol sa kanila sa panahong iyon ay maaaring humantong sa hatol na walang-hanggang pagkapuksa, gaya ng isinulat ni Pablo.—1Pe 4:17, 18.
Binanggit din ng apostol na si Pablo ang tungkol sa ilan na “daranas ng parusang hatol na walang-hanggang pagkapuksa mula sa harap ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang lakas, sa panahon ng kaniyang pagdating upang luwalhatiin may kaugnayan sa kaniyang mga banal.” (2Te 1:9, 10) Kung gayon, ang mga ito ay hindi makaliligtas tungo sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, at yamang ‘walang-hanggan’ ang kanilang pagkapuksa, hindi sila tatanggap ng pagkabuhay-muli.
Pagkabuhay-Muli sa Loob ng 1,000 Taon. Walang sinumang nakaaalam ng eksaktong bilang ng lahat ng taong nabuhay sa lupa. Gayunman, bilang ilustrasyon, kung 20 bilyon (20,000,000,000) katao ang bubuhaying-muli ni Jehova, hindi magiging problema ang lugar na titirhan at ang pagkain nila. Sa kasalukuyan, ang lawak ng lupain ng ating planeta ay mga 148,000,000 km kuwadrado (57,000,000 mi kuwadrado), o mga 14,800,000,000 ektarya (36,500,000,000 akre). Kahit ibukod ang kalahati nito para sa ibang layunin, magkakaroon pa rin ng mahigit sa 1⁄3 ng isang ektarya (halos 1 akre) ang bawat tao. Tungkol naman sa produksiyon ng pagkain, ang 1⁄3 ng isang ektarya ay makapaglalaan ng higit na pagkain kaysa kakailanganin ng isang tao, lalo na kapag, gaya ng naipakita ng Diyos sa kaso ng bansang Israel, sagana ang pagkain dahil sa pagpapala ng Diyos.—1Ha 4:20; Eze 34:27.
Hinggil sa kakayahan ng lupa na maglaan ng pagkain, sinabi noon ng United Nations Food and Agriculture Organization na kahit pasulungin lamang nang kaunti ang mga pamamaraang pang-agrikultura, maging sa papaunlad na mga bansa, kayang-kaya ng lupa na pakainin nang hanggang siyam na ulit ang populasyong tinaya ng mga siyentipiko para sa taóng 2000.—Land, Food and People, Roma, 1984, p. 16, 17.
Subalit, paano mapangangalagaan ang libu-libong milyon katao na iyon, yamang ang karamihan sa kanila ay hindi nakakikilala sa Diyos at kailangang matutong sumunod sa kaniyang mga kautusan para sa kanila? Una, sinasabi ng Bibliya na ang kaharian ng sanlibutan ay magiging “kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at mamamahala siya bilang hari magpakailan-kailanman.” (Apo 11:15) At sinasabi rin ng Bibliya na “kapag may mga kahatulan mula sa iyo [Jehova] para sa lupa, katuwiran ang siyang matututuhan ng mga tumatahan sa mabungang lupain.” (Isa 26:9) Sa kaniyang takdang panahon, kapag kailangan nang ipaalam sa kaniyang mga lingkod, isisiwalat ng Diyos kung paano niya isasagawa ito.—Am 3:7.
Paano magiging posible sa loob ng 1,000 taon na buhaying-muli at turuan ang bilyun-bilyong nasa libingan sa ngayon?
Ipinakikita ng isang ilustrasyon kung anong simple at praktikal na bagay ang iniisip ni Jehova para sa sangkatauhan. Hindi para humula kundi bilang isang ilustrasyon, ipagpalagay natin na yaong mga bumubuo sa “malaking pulutong” ng mga taong matuwid na “lumabas [nang buháy] mula sa malaking kapighatian” ng sistemang ito (Apo 7:9, 14) ay may bilang na mga 6,000,000 (mga 1⁄1000 ng kasalukuyang populasyon ng lupa). Ngayon, ipagpalagay natin na matapos gamitin ang 100 taon para sanayin sila at “supilin” ang isang bahagi ng lupa (Gen 1:28) ay layunin ng Diyos na ibalik ang tatlong porsiyento ng bilang na ito, mangangahulugan ito na ang bawat binuhay-muli ay tutulungan ng 33 sinanay na tao. Kung ang bilang na ito ay nadaragdagan ng tatlong porsiyento taun-taon at pagsasama-samahin, dodoble ang bilang na ito tuwing mga 24 na taon, at ang kabuuang 20 bilyon (20,000,000,000) ay maaaring buhaying-muli bago matapos ang ika-400 taon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Kung gayon ay may sapat na panahon upang sanayin at hatulan ang mga binuhay-muli nang hindi nagagambala ang katahimikan at kaayusan sa lupa. Kung gayon, sa kaniyang walang-kapantay na kapangyarihan at karunungan, maluwalhating maisasakatuparan ng Diyos ang kaniyang layunin na kasuwatung-kasuwato ng balangkas ng mga kautusan at mga kaayusang ginawa niya para sa sangkatauhan mula pa noong pasimula, kasama na ang idinagdag na di-sana-nararapat na kabaitan ng pagkabuhay-muli.—Ro 11:33-36.