Ikasiyam na Kabanata
Ang Kapangyarihan ng Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli
1. Kung walang pagkabuhay-muli, ano ang magiging pag-asa ng mga patay?
IKAW ba ay namatayan na ng mga minamahal? Kung walang pagkabuhay-muli, wala nang pag-asa na makita pa silang muli. Mananatili sila sa isang kalagayan na inilalarawan ng Bibliya nang sabihin nito: “Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran, . . . sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [ang libingan], ang dako na iyong paroroonan.”—Eclesiastes 9:5, 10.
2. Anong kamangha-manghang pag-asa ang pinangyayari ng pagkabuhay-muli?
2 Sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, maawaing binuksan ni Jehova ang walang kasinghalagang pagkakataon upang ang lubhang napakaraming tao na namatay ay muling mabuhay at magtamasa ng walang-hanggang buhay. Nangangahulugan ito na maaari mong kamtin ang nakagagalak-pusong pag-asa na balang araw, sa bagong sanlibutan ng Diyos, makakapiling mong muli ang iyong mga minamahal na natutulog sa kamatayan.—Marcos 5:35, 41, 42; Gawa 9:36-41.
3. (a) Sa anong mga paraan napatunayang mahalaga ang pagkabuhay-muli sa pagsasakatuparan ng layunin ni Jehova? (b) Kailan lalo nang pinagmumulan ng lakas natin ang pag-asa sa pagkabuhay-muli?
3 Dahil sa pagkabuhay-muli, hindi tayo kailangang magkaroon ng malagim na pagkatakot sa kamatayan. Maaaring pahintulutan ni Jehova si Satanas, nang hindi nagdudulot ng permanenteng pinsala sa kaniyang tapat na mga lingkod, na gawin ang sukdulan sa pagsisikap na patunayan ang kaniyang masamang paratang na “lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” (Job 2:4) Si Jesus ay tapat sa Diyos kahit hanggang sa kamatayan, at kaya naman siya ay binuhay-muli ng Diyos tungo sa makalangit na buhay. Dahil dito, nagawang iharap ni Jesus ang halaga ng kaniyang hain bilang sakdal na tao sa harap ng makalangit na trono ng kaniyang Ama, taglay ang nagliligtas-buhay na pakinabang para sa atin. Sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, yaong mga kasali sa “munting kawan,” bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo, ay may pag-asa na makasama niya sa makalangit na Kaharian. (Lucas 12:32) Para sa iba, nariyan ang pag-asa ng pagkabuhay-muli tungo sa buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. (Awit 37:11, 29) Nasusumpungan ng lahat ng mga Kristiyano na ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay isang pinagmumulan ng lakas na “higit sa karaniwan” kapag dumaranas sila ng mga pagsubok na nagdadala sa kanila sa harap ng kamatayan.—2 Corinto 4:7.
Kung Bakit Mahalaga sa Pananampalatayang Kristiyano
4. (a) Sa anong diwa isang “pang-unang doktrina” ang pagkabuhay-muli? (b) Ano ang kahulugan ng pagkabuhay-muli para sa sanlibutan sa pangkalahatan?
4 Ang pagkabuhay-muli, gaya ng isinasaad sa Hebreo 6:1, 2, ay isang “pang-unang doktrina.” Ito ay bahagi ng pundasyon ng pananampalataya na kung wala ito ay hindi tayo magiging may-gulang na mga Kristiyano. (1 Corinto 15:16-19) Gayunman, ang turo ng Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli ay kakatwa sa pag-iisip ng sanlibutan sa pangkalahatan. Palibhasa’y salat sa espirituwalidad, parami nang paraming tao ang may pananaw na ang buhay na ito lamang ang tunay. Kaya naman, namumuhay sila sa paghahangad ng kaluguran. Nariyan din ang mga tagapagtaguyod ng tradisyonal na mga relihiyon—kapuwa sa loob at sa labas ng Sangkakristiyanuhan—na nag-aakalang mayroon silang imortal na kaluluwa. Ngunit ang paniniwalang iyan ay hindi maaaring makasuwato ng turo ng Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli, yamang ang pagkabuhay-muli ay hindi na kakailanganin kung ang mga tao ay may imortal na kaluluwa. Ang pagsisikap na pagtugmain ang dalawang konseptong ito ay mas nakalilito sa halip na nakapagbibigay ng pag-asa. Paano natin matutulungan ang mga tapat-puso na nagnanais na malaman ang katotohanan?
5. (a) Bago maunawaan ng isang tao ang pagkabuhay-muli, ano ang kailangan niyang malaman? (b) Anong mga kasulatan ang gagamitin mo upang ipaliwanag ang kaluluwa? ang kalagayan ng mga patay? (c) Ano ang maaaring gawin kung may gagamit ng isang salin ng Bibliya na waring nagpapalabo sa katotohanan?
5 Bago maunawaan ng gayong mga tao na talagang kamangha-manghang paglalaan ang pagkabuhay-muli, kailangan muna silang magkaroon ng wastong unawa tungkol sa kaluluwa at sa kalagayan ng mga patay. Kadalasan, sapat na ang ilang kasulatan upang maipaliwanag ang mga bagay na ito sa isang tao na nagugutom sa katotohanan sa Bibliya. (Genesis 2:7; Awit 146:3, 4; Ezekiel 18:4) Gayunman, ang ilang makabagong salin at mga edisyon ng Bibliya na iniba ang pagkakasabi ay nagpapalabo sa katotohanan tungkol sa kaluluwa. Kaya baka kailangang isaalang-alang ang mga pananalita na ginamit sa orihinal na mga wika ng Bibliya.
6. Paano mo matutulungan ang isang tao na maunawaan kung ano ang kaluluwa?
6 Ang Bagong Sanlibutang Salin ay lalo nang makatutulong sa paggawa nito sapagkat walang-pagbabagong isinasalin nito ang terminong Hebreo na neʹphesh at ang katumbas na salitang Griego na psy·kheʹ bilang “kaluluwa.” Sa apendise ng salin na ito ay nakatala ang maraming teksto kung saan matatagpuan ang mga terminong ito. Pabagu-bago ang salin dito ng maraming iba pang bersiyon ng Bibliya ngunit maaaring isalin ng mga ito ang gayunding orihinal na mga salita hindi lamang bilang “kaluluwa” kundi bilang “nilalang,” “kinapal,” “tao,” at “buhay” rin naman; ang “aking neʹphesh” ay maaaring isalin na “ako,” at ang “iyong neʹphesh,” bilang “ikaw.” Ang paghahambing sa ibang mga salin ng Bibliya at sa Bagong Sanlibutang Salin ay tutulong sa isang taimtim na estudyante upang maunawaan na ang mga termino sa orihinal na wika na isinaling “kaluluwa” ay kapuwa tumutukoy sa mga tao at sa mga hayop. Ngunit kailanman ay hindi ipinahihiwatig ng mga terminong ito ang ideya na ang kaluluwa ay isang di-nakikita at di-nahihipong bagay na maaaring humiwalay sa katawan sa oras ng kamatayan at patuloy na umiral nang may malay sa ibang dako.
7. Paano mo ipaliliwanag mula sa Bibliya ang kalagayan niyaong mga nasa Sheol? nasa Hades? nasa Gehenna?
7 Wala ring pagbabago ang paggamit ng Bagong Sanlibutang Salin sa salitang “Sheol” upang isulat ang transliterasyon ng terminong Hebreo na sheʼohlʹ at ang paggamit nito ng “Hades” para sa terminong Griego na haiʹdes at “Gehenna” naman para sa terminong Griego na geʹen·na. Ang “Sheol” ay ang katumbas ng salitang “Hades.” (Awit 16:10; Gawa 2:27) Nililiwanag ng Bibliya na ang Sheol at ang Hades ay kapuwa tumutukoy sa karaniwang libingan ng sangkatauhan at nauugnay ang mga ito sa kamatayan, hindi sa buhay. (Awit 89:48; Apocalipsis 20:13) Nagbibigay rin ang Kasulatan ng pag-asa ng pagbabalik mula sa karaniwang libingan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. (Job 14:13; Gawa 2:31) Kabaligtaran nito, walang ibinibigay na pag-asa ukol sa panghinaharap na buhay para sa mga nagtutungo sa Gehenna, at kailanman ay hindi binanggit na ang kaluluwa ay may malay na umiiral doon.—Mateo 10:28.
8. Paano maaaring maimpluwensiyahan ng wastong pagkaunawa sa pagkabuhay-muli ang saloobin at mga kilos ng isang tao?
8 Kapag ang mga bagay na ito ay naipaunawa na, maaari na ngayong tulungan ang isang tao upang maintindihan kung ano ang posibleng maging kahulugan sa kaniya ng pagkabuhay-muli. Maaari na niyang mapahalagahan ang pag-ibig ni Jehova sa paggawa ng gayong kamangha-manghang paglalaan. Ang dalamhati na nadama niyaong mga namatayan ng mga minamahal ay maaaring maibsan dahil sa nakagagalak na pag-asam na muli silang magkikita-kita sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ang pagkaunawa sa mga bagay na ito ay siya ring susi upang maunawaan ang kahulugan ng kamatayan ni Kristo. Natanto ng unang-siglong mga Kristiyano na ang pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo ay mahalaga sa pananampalatayang Kristiyano, anupat nagbubukas ng daan para sa pagkabuhay-muli ng iba. Masigasig silang nangaral tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus at sa pag-asa na ibinibigay nito. Gayundin naman, yaong mga nagpapahalaga ngayon sa pagkabuhay-muli ay nasasabik na ibahagi sa iba ang napakahalagang katotohanang ito.—Gawa 5:30-32; 10:42, 43.
Paggamit sa ‘Susi ng Hades’
9. Paano unang ginamit ni Jesus “ang mga susi ng kamatayan at ng Hades”?
9 Ang lahat ng makakasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian ay tiyak na mamamatay sa dakong huli. Ngunit alam na alam nila ang katiyakan na ibinigay niya nang sabihin niya: “Namatay ako, ngunit, narito! ako ay nabubuhay magpakailan-kailanman, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.” (Apocalipsis 1:18) Ano ang ibig niyang sabihin? Itinatawag-pansin niya ang kaniyang sariling karanasan. Siya rin ay namatay. Ngunit hindi siya iniwan ng Diyos sa Hades. Sa ikatlong araw, si Jehova mismo ang nagbangon sa kaniya tungo sa buhay bilang espiritu at pinagkalooban siya ng imortalidad. (Gawa 2:32, 33; 10:40) Bukod dito, ibinigay ng Diyos sa kaniya ang “mga susi ng kamatayan at ng Hades” upang gamitin sa pagpapalaya sa iba mula sa karaniwang libingan ng sangkatauhan at mula sa mga epekto ng Adanikong kasalanan. Dahil sa taglay niya ang mga susing iyon, kayang ibangon ni Jesus mula sa mga patay ang kaniyang tapat na mga tagasunod. Una niyang binuhay-muli ang pinahiran-ng-espiritung mga miyembro ng kaniyang kongregasyon, anupat binigyan sila ng napakahalagang kaloob na imortal na buhay sa langit, gaya ng ibinigay sa kaniya ng kaniyang Ama.—Roma 6:5; Filipos 3:20, 21.
10. Kailan magaganap ang pagkabuhay-muli ng tapat na pinahirang mga Kristiyano?
10 Kailan mararanasan ng tapat na pinahirang mga Kristiyano ang makalangit na pagkabuhay-muling iyon? Ipinahihiwatig ng Bibliya na nagsimula na ito. Ipinaliwanag ni apostol Pablo na ibabangon sila ‘sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo,’ at ang pagkanariritong ito ay nagsimula noong taóng 1914. (1 Corinto 15:23) Kapag natapos ng pinahirang mga tapat ang kanilang makalupang landasin ngayon sa panahon ng kaniyang pagkanaririto, sila ay hindi na kailangang manatiling patay hanggang sa pagbabalik ng kanilang Panginoon. Sa oras mismo na sila ay mamatay, sila ay ibinabangon bilang espiritu, na ‘binabago, sa isang iglap, sa isang kisap-mata.’ Kay laking kaligayahan ang sasakanila, yamang ang mabubuting bagay na kanilang ginawa ay “yayaong kasama nila”!—1 Corinto 15:51, 52; Apocalipsis 14:13.
11. Anong pagkabuhay-muli ang magaganap para sa mga tao sa pangkalahatan, at kailan ito magsisimula?
11 Ngunit ang pagkabuhay-muli ng mga tagapagmana ng Kaharian tungo sa makalangit na buhay ay hindi lamang siyang tanging pagkabuhay-muli. Ang bagay na tinawag ito na “unang pagkabuhay-muli” sa Apocalipsis 20:6 ay nagpapahiwatig na mayroon pang kasunod. Yaong mga makikinabang sa kasunod na pagkabuhay-muling ito ay magkakaroon ng maligayang pag-asa na buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. Kailan ito magaganap? Ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis na magaganap ito pagkaraang “ang lupa at ang langit”—ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay, lakip na ang namamahalang mga awtoridad nito—ay maalis. Ang katapusang iyan ng matandang sistema ay napakalapit na. Pagkatapos noon, sa itinakdang panahon ng Diyos, ang makalupang pagkabuhay-muli ay magsisimula.—Apocalipsis 20:11, 12.
12. Sino ang mapapabilang sa mga tapat na ibabangon tungo sa buhay sa lupa, at bakit iyon isang kapana-panabik na pag-asa?
12 Sino ang mapapalakip sa makalupang pagkabuhay-muling iyon? Kabilang sa kanila ang tapat na mga lingkod ni Jehova mula pa noong sinauna, mga lalaki at mga babae na dahil sa kanilang matibay na pananampalataya sa pagkabuhay-muli ay “ayaw nilang tumanggap ng paglaya sa pamamagitan ng anumang pantubos.” Ang ibig sabihin, hindi nila ikinompromiso ang kanilang katapatan sa Diyos upang maiwasan ang isang marahas at maagang kamatayan. Kalugud-lugod nga na makilala sila nang personal at marinig mismo mula sa kanila ang mga detalye may kinalaman sa mga pangyayaring iniulat lamang nang maikli sa Bibliya! Bubuhayin ding muli tungo sa buhay sa lupa si Abel, ang unang tapat na saksi ni Jehova; sina Enoc at Noe, walang-takot na mga tagapaghayag ng babalang-mensahe ng Diyos bago ang Delubyo; sina Abraham at Sara, na nagpatulóy ng mga anghel; si Moises, na sa pamamagitan niya ay ibinigay ang Kautusan sa Bundok Sinai; ang matatapang na propetang tulad ni Jeremias, na nakasaksi sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E.; at si Juan na Tagapagbautismo, na nakarinig nang ipakilala mismo ng Diyos si Jesus bilang Kaniyang Anak. Bukod dito, nariyan pa ang maraming matapat na mga lalaki at babae na namatay sa panahong ito ng mga huling araw ng kasalukuyang balakyot na sistemang ito ng mga bagay.—Hebreo 11:4-38; Mateo 11:11.
13, 14. (a) Ano ang mangyayari sa Hades at sa mga patay na naroon? (b) Sino ang mapapabilang sa pagkabuhay-muli, at bakit?
13 Sa kalaunan, ang iba pa bukod sa tapat na mga lingkod ng Diyos ay ibabangon din mula sa mga patay, anupat walang sinumang ititira sa karaniwang libingan ng sangkatauhan. Ang lawak ng pagkasaid ng mga patay sa libingang iyan ay makikita sa paggamit ni Jesus sa ‘susi ng Hades’ alang-alang sa sangkatauhan. Ipinakikita ito sa isang pangitain na ibinigay kay apostol Juan, na doo’y nakita niya na ang Hades ay “inihagis sa lawa ng apoy.” (Apocalipsis 20:14) Ano ang kahulugan niyan? Nangangahulugan iyan na ang Hades, ang karaniwang libingan ng sangkatauhan, ay lubusang pinuksa. Hindi na ito iiral, palibhasa’y nasaid na ang mga patay roon, dahil bukod sa pagbuhay-muli sa lahat ng tapat na mananamba ni Jehova, maawain ding bubuhaying-muli ni Jesus maging ang mga di-matuwid. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gawa 24:15.
14 Wala sa mga di-matuwid na ito ang ibabangon para lamang hatulan muli bilang karapat-dapat sa kamatayan. Sa matuwid na kapaligiran na iiral sa buong lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, sila ay tutulungan na maiayon ang kanilang buhay sa mga daan ni Jehova. Ipinakita ng pangitain na bubuksan ang “balumbon ng buhay.” Kaya naman, magkakaroon sila ng pagkakataon na mapasulat ang kanilang pangalan dito. Sila ay ‘hahatulan nang isa-isa ayon sa kanilang mga gawa’ na isinagawa pagkatapos ng kanilang pagkabuhay-muli. (Apocalipsis 20:12, 13) Kaya, kung mamalasin ayon sa pangwakas na kahihinatnan, ang kanila ay maaaring maging “pagkabuhay-muli sa buhay” at hindi isang di-maiiwasang “pagkabuhay-muli sa [may-pagsumpang] paghatol.”—Juan 5:28, 29.
15. (a) Sino ang hindi bubuhaying-muli? (b) Paano tayo dapat maapektuhan ng katotohanan tungkol sa pagkabuhay-muli?
15 Gayunman, hindi lahat ng nabuhay at namatay ay bubuhaying-muli. Ang ilan ay nagkasala nang wala nang posibleng kapatawaran. Ang gayong mga indibiduwal ay wala sa Hades, kundi nasa Gehenna, kung saan dumaranas sila ng walang-hanggang pagkapuksa. Mapapabilang din sa mga ito yaong mga papatayin sa “malaking kapighatian,” na malapit na ngayon. (Mateo 12:31, 32; 23:33; 24:21, 22; 25:41, 46; 2 Tesalonica 1:6-9) Kaya, bagaman nagpakita si Jehova ng pambihirang awa sa pagpapalaya sa mga patay mula sa Hades, ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay hindi nagbibigay ng dahilan para magwalang-bahala tungkol sa kung paano tayo namumuhay ngayon. Walang posibleng pagkabuhay-muli para roon sa mga sadyang naghihimagsik laban sa pagkasoberano ni Jehova. Ang kaalamang ito ay dapat mag-udyok sa atin na ipakita ang ating matinding pagpapahalaga sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa kaniyang kalooban.
Pinalakas ng Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli
16. Paano magiging pinagmumulan ng matinding lakas ang pag-asa sa pagkabuhay-muli?
16 Yaong mga kasama natin na talagang naniniwala sa pag-asa sa pagkabuhay-muli ay maaaring makakuha ng lakas mula rito. Sa kasalukuyan, kapag tayo’y tumatanda na, alam natin na hindi natin habang-panahong mapipigilan ang kamatayan—anuman ang gamiting pamamaraan ng paggamot. (Eclesiastes 8:8) Kung matapat tayong naglingkod kay Jehova kasama ng kaniyang organisasyon, makaaasa tayo sa hinaharap taglay ang lubos na pagtitiwala. Alam natin na sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, matatamasa na naman natin ang buhay, sa takdang panahon ng Diyos. At kaygandang buhay nga iyon! Ang “tunay na buhay,” gaya ng tawag dito ni apostol Pablo.—1 Timoteo 6:19; Hebreo 6:10-12.
17. Ano ang makatutulong sa atin na manatiling tapat kay Jehova?
17 Ang pagkaalam na may pagkabuhay-muli at ang pagkakilala sa Isa na siyang bukal ng paglalaang iyon ay nagpapangyari sa atin na maging malakas sa pananampalataya. Pinatitibay tayo nito na maging matapat sa Diyos kahit na pagbantaan ng kamatayan sa kamay ng mararahas na tagausig. Matagal nang ginagamit ni Satanas ang takot sa di-napapanahong kamatayan bilang paraan upang alipinin ang mga tao. Ngunit si Jesus ay walang gayong takot. Pinatunayan niya na tapat siya kay Jehova hanggang kamatayan. Sa pamamagitan ng kaniyang haing pantubos, inilaan ni Jesus ang paraan para mapalaya ang iba mula sa gayong takot.—Hebreo 2:14, 15.
18. Ano ang tumulong sa mga lingkod ni Jehova upang makapagtipon ng gayong pambihirang rekord ng katapatan?
18 Bilang resulta ng kanilang pananampalataya kapuwa sa inilaan na hain ni Kristo at sa pagkabuhay-muli, ang mga lingkod ni Jehova ay nakapagtipon na ng pambihirang rekord bilang mga tagapag-ingat ng katapatan. Kapag sila’y ginigipit, pinatutunayan nila na ‘hindi nila iniibig ang kanilang mga kaluluwa’ nang higit sa kanilang pag-ibig kay Jehova. (Apocalipsis 12:11) Taglay ang katalinuhan, hindi nila tinatalikuran ang mga simulaing Kristiyano sa pagsisikap na iligtas ang kanilang kasalukuyang buhay. (Lucas 9:24, 25) Alam nila na kahit na mawala ang kanilang buhay ngayon dahil sa matapat na pagtataguyod sa pagkasoberano ni Jehova, gagantimpalaan niya sila sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Taglay mo ba ang gayong uri ng pananampalataya? Tataglayin mo ito kung talagang iniibig mo si Jehova at kung dinidibdib mo kung ano ang talagang kahulugan ng pag-asa sa pagkabuhay-muli.
Talakayin Bilang Repaso
• Bakit kailangang maunawaan muna ng isang tao ang tungkol sa kaluluwa at sa kalagayan ng mga patay bago niya mapahalagahan ang pagkabuhay-muli?
• Sino ang babalik mula sa mga patay, at paano tayo dapat maapektuhan ng kaalamang ito?
• Paano tayo pinalalakas ng pag-asa sa pagkabuhay-muli?
[Larawan sa pahina 84, 85]
Ipinangangako ni Jehova na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at ng mga di-matuwid