SAGRADONG HALIGI
Ang terminong Hebreo na isinasaling “sagradong haligi” ay pangunahin nang tumutukoy sa isang bagay na itinayo o ipinuwesto. Maliwanag na ito’y anyong ari ng lalaki na sagisag ni Baal o, kung minsan, ng ibang huwad na mga diyos. (Exo 23:24; 2Ha 3:2; 10:27) Sa iba’t ibang lugar sa Gitnang Silangan, may natuklasang nakatayong mga batong haligi na hindi malinaw kung bakit itinayo. Ipinahihiwatig ng pagkatuklas sa mga ito kasama ng sinaunang mga kasangkapan na may kaugnayan sa relihiyon na ang mga ito’y mga sagradong haligi. Ang ilan sa mga ito ay di-tabas at may taas na 1.8 m (6 na piye) o mahigit pa.
Bago pumasok sa Lupang Pangako ang mga Israelita, inutusan silang huwag magtindig ng anumang sagradong haligi at tinagubilinan silang wasakin o gibain ang mga sagradong haligi ng mga Canaanita. (Exo 34:13; Lev 26:1; Deu 12:3; 16:22) Ipinakikita nito na ang mga sagradong haliging iyon ay malamang na gawa sa bato. Subalit, sa 2 Hari 10:26, may binabanggit na mga sagradong haligi na sinunog, anupat nagpapahiwatig na gawa sa kahoy ang ibang mga sagradong haligi. Gayunman, sa pangyayaring iyon, maaaring ang tinutukoy ay ang sagradong poste, o Asera.—Tingnan ang SAGRADONG POSTE.
Ipinagwalang-bahala ng Israel ang malilinaw na babala ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Napuno ng mga sagradong haligi ang teritoryo ng kaharian ng Juda at ng sampung-tribong kaharian. (1Ha 14:22, 23; 2Ha 17:10) Gayunman, ang mga sagradong haligi ay giniba ng tapat na mga Judeanong hari, gaya nina Asa, Hezekias, at Josias (2Ha 18:4; 23:14; 2Cr 14:3), at nang pawiin ni Jehu ang pagsamba kay Baal mula sa sampung-tribong kaharian, ang sagradong haligi ni Baal ay ibinagsak.—2Ha 10:27, 28.