SAGRADONG KAPAHAYAGAN
Ang pananalitang ito ay apat na ulit lamang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ito ang salin ng salitang Griego na loʹgi·on (nangangahulugang “maliit na salita”), isang pangmaliit na anyo ng loʹgos (salita). Noong una, ang loʹgi·on ay nangangahulugang isang maikling sagradong pananalita, ngunit nang maglaon ay tumukoy na rin ito sa anumang mensahe o orakulo mula sa Diyos. Isinalin ng ilang bersiyong Ingles ang loʹgi·on bilang ‘orakulo.’ (AS, KJ, RS) “Mga pananalita ng Diyos” ang saling ginamit ni Wuest sa Gawa 7:38 at Roma 3:2.
“Buháy na mga sagradong kapahayagan” ang tawag ni Esteban sa Kautusang ibinigay kay Moises sa Bundok Sinai. (Gaw 7:38) Tinukoy ng apostol na si Pablo ang buong Hebreong Kasulatan at maliwanag na pati ang lahat ng kinasihang Kristiyanong Kasulatan na naisulat nang panahong iyon nang sabihin niya: “Ano, kung gayon, ang kahigitan ng Judio, o ano ang kapakinabangan ng pagtutuli? Malaki nga sa lahat ng paraan. Una sa lahat, sapagkat ipinagkatiwala sa kanila ang mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” (Ro 3:1, 2) Samakatuwid, sa mga Judio ipinagkatiwala ang pagsulat sa kalipunan ng kinasihang Kasulatan, anupat sumulat sila “habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.”—2Pe 1:20, 21.
Sa kaniyang liham sa mga Hebreo, binanggit ng apostol na si Pablo na kalakip sa “sagradong mga kapahayagan” ang mga turong inihatid sa sangkatauhan ng Panginoong Jesu-Kristo, ng kaniyang mga apostol, at ng iba pang kinasihang mga Kristiyanong manunulat. (Heb 5:12; ihambing ang Heb 6:1, 2.) Sa 1 Pedro 4:11, ipinahiwatig din ni Pedro na malawak ang pagkakapit nito nang sabihin niya sa mga tagasunod ni Kristo: “Kung ang sinuman ay nagsasalita, salitain niya iyon na gaya ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” Ipinakita rin niya na ang mga isinulat ng apostol na si Pablo ay may awtoridad na kapantay niyaong sa “iba pang bahagi ng Kasulatan.”—2Pe 3:15, 16.
Malimit gamitin sa Griegong Septuagint ang salitang loʹgi·on, gaya sa salin ng Awit 12:6 (11:6, LXX): “Ang mga pananalita ni Jehova ay mga pananalitang dalisay.” Ganito naman ang mababasa sa saling Ingles ni Bagster sa Septuagint: “Ang mga orakulo ng Panginoon ay mga orakulong dalisay.”