ALAKDAN
[sa Heb., ʽaq·ravʹ; sa Gr., skor·piʹos; sa Ingles, scorpion].
Isang maliit na hayop (isang arachnid, hindi isinasama ng mga biyologo sa mga insekto) na inuuri rin sa grupo ng mga gagamba. Ngunit di-tulad ng ibang mga arachnid, ang babaing alakdan ay hindi nangingitlog kundi nanganganak ng buháy na mga supling.
Ang alakdan ay may walong binting panlakad, isang mahaba, makitid at baha-bahaging buntot na sa pinakadulo ay may nakakurba at makamandag na pantibo, at isang pares ng pansipit na kahawig niyaong sa ulang at tadtad ng mga balahibong napakasensitibo. Ang buntot nito ay kadalasang nakataas sa ibabaw ng likod nito at nakakurba patungo sa harap at kumakampay-kampay. Ginagamit ng alakdan ang pantibo nito upang ipagtanggol ang kaniyang sarili at upang manila. Dinadakma ng mga sipit nito ang biktima at pagkatapos, kung kinakailangan, tinitibo ito hanggang sa mamatay. Palibhasa’y sa gabi lamang ito aktibo, ang alakdan ay maghapong nagtatago sa ilalim ng mga bato, sa mga bitak at mga awang ng mga gusali, pati na sa ilalim ng mga sapin at mga higaan, anupat lumalabas sa gabi para kumain ng mga gagamba at mga insekto.
May mahigit na 600 uri ng alakdan. Ang karaniwang laki ng mga ito ay wala pang 2.5 sentimetro (1 pulgada) hanggang sa 20 sentimetro (8 pulgada). Mga 12 uri ang natagpuan sa Palestina at Sirya. Bagaman kadalasa’y hindi nakamamatay sa mga tao, ang kamandag ng ilang uri ng alakdan ay mas mabagsik kaysa sa kamandag ng maraming mapanganib na ulupong sa disyerto. Sa mga uring matatagpuan sa Israel, ang pinakamakamandag ay ang dilaw na Leiurus quinquestriatus. Ang matinding kirot na dulot ng tibo ng alakdan ay binanggit sa Apocalipsis 9:3, 5, 10, kung saan ang makasagisag na mga balang ay inilalarawang may ‘awtoridad gaya ng taglay ng mga alakdan sa lupa’ at may kakayahang magpahirap sa mga tao gaya ng “alakdan kapag nananakit ito ng tao.”
Ang mga alakdan ay karaniwan noon sa Ilang ng Juda at sa Peninsula ng Sinai, na may “kakila-kilabot na ilang.” (Deu 8:15) Mayroon pa ngang isang sampahan, o dakong paahon, sa TS hanggahan ng Juda, sa TK ng timugang dulo ng Dagat na Patay, na tinawag na Akrabim (nangangahulugang “Mga Alakdan”).—Bil 34:4; Jos 15:3; Huk 1:36.
Sa 1 Hari 12:11, 14 at 2 Cronica 10:11, 14, ang terminong Hebreo na ʽaq·rab·bimʹ, na isinalin bilang “mga hagupit,” ay literal na nangangahulugang “mga alakdan.” Maaaring ang instrumentong pamparusa na tinutukoy rito ay isang panghagupit na may matatalas na dulo.
Upang ipakita na ang kaniyang makalangit na Ama ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa Kaniya, sinabi ni Jesu-Kristo na ang isang amang tao ay hindi magbibigay ng alakdan sa kaniyang anak kung humihiling ito ng itlog. (Luc 11:12, 13) Sa 70 alagad na isinugo niya, nagbigay si Jesus ng awtoridad sa nakapipinsalang mga bagay, na isinasagisag ng mga serpiyente at mga alakdan.—Luc 10:19; ihambing ang Eze 2:6.