Pagmamasid sa Daigdig
Trilyon-Dolyar na Militar
Sa kabila ng magandang ngiti at pakikipagkamay para sa pangglobong disarmamento ng mga superpower sa taóng ito, ang gastusing militar sa buong daigdig ay aabot na sa isang-trilyong-dolyar. “Sa pagitan ng 1960 at 1980, ang pagkakagastos ng daigdig para sa mga layuning militar ay halos doble sa tunay na mga termino—ngayo’y tinatayang labis sa $900 bilyon isang taon,” sabi ng UN Chronicle. Hinuhulaan ng report na kung ang kasalukuyang hilig sa paligsahan ng armas ay magpapatuloy, hindi magtatagal at maaabot ang bilang na trilyong-dolyar. Ang mga nagbibili ng sandata ay tiyak na patuloy na nagsasaya.
Paggamit ng “Crack” at AIDS
“Ang mga dalubhasa sa kalusugan ay lubhang nababahala na ang paggamit ng crack (matapang at purong cocaine) sa mahihirap na lugar ay maaaring nagpapabilis sa paglaganap ng AIDS sa gitna ng mga heteroseksuwal,” ulat The New York Times. Papaano? “Kadalasang nararanasan ng kapuwa mga lalaki at mga babaing gumagamit ng crack ang labis-labis na pagnanasa sa sekso at nawawalan ng pagpipigil kapag lango na sa crack,” na humahantong sa pakikipagtalik sa mga estranghero, sa dating iniiwasang seksuwal na mga gawain, at ipinagpapalit ang sekso sa droga. Ang resulta ay ang mabilis na pagdami ng mga kaso ng sipilis, at yaong mga “nahawaan ng sipilis ay malamang na ikalat o magkaroon ng AIDS.” Marami sa mga lalaki na madalas sa crack houses (kahawig ng dating mga kublihan ng opyo) ay gumagamit ng droga na isinasaksak sa ugat at nahahawaan ng HIV virus na nagdadala ng AIDS. “Ang lohikal na kawing ay crack, sipilis, HIV,” sabi ng Komisyoner ng Kalusugang Panlunsod ng New York City na si Dr. Stephen C. Joseph. “Mayroon na ngayong matibay na mga pahiwatig na ang crack at ang iba pang anyo ng cocaine ang malakas na isyu sa paghahatid ng HIV.”
Mga Kabataan at mga “Credit Card”
Ang mga credit card ay nagiging ang pinakabagong kausuhan sa mga tin-edyer at “ang status symbol ng mga kabataan” ngayon, ulat ng pahayagang The Sun-Herald ng Australia. Ipinakikita ng pag-aaral noong Enero na 50 porsiyento ng mga estudyante sa Year 10 sa isang paaralan at kasindami ng 80 porsiyento sa isa pang paaralan ang mga credit card. Ang ilan ay mayroong auxiliary cards sa credit cards ng kanilang mga magulang, na may takda na hanggang A$10,000! Kasabay nito, ang pagkakautang ng mamimili ay sumobra sa A$23.4 bilyon—ang katumbas na $1,500 para sa bawat lalaki, babae, at bata—ang karamihan ay mula sa hindi pa nababayarang mga utang ng credit-card. Palibhasa’y hindi kayang pangasiwaan ang pinansiyal na mga problema na dala ng labis-labis na paggastos, parami nang paraming mga kabataang Australyano ang naghaharap ng pagkabangkarote. Noong 1987 ang mga kabataan sa pagitan ng 18 at 25 ang bumubuo ng 16.8 porsiyento ng boluntaryong pagkabangkarote, at ang bilang ay inaasahang tataas pa sa taóng ito. Sabi ng isang opisyal: “Ang alkohol, mga kamatayan sa lansangan at pag-abuso sa tabako sa gitna ng mga kabataan.”
Mga Sanggol na Isinisilang na Lasing
Sa Ireland nakikita ng mga pedyatrisyan at mga narses ang maraming sanggol na ipinanganganak na “lasing.” Ang pahayagan ng Addiction Research Foundation ang The Journal, ay nag-uulat na “kailangang gugulin ng lasing na mga sanggol ang unang ilang araw ng kanilang buhay sa mga intensive care unit na nagdurusa sa mga epekto ng pagpapakalabis sa alkohol.” Ang labis na alkohol sa sistema ng sanggol ay dahilan, sa bahagi, sa tradisyunal na gawain ng mga ina na lampas na sa taning na pagpapakalabis sa alkohol bilang isang paraan ng pampahilab. Ang mga bagong silang na ito ay dumaranas ng mga hangover, at sinasabi ng mga narses ding iyon na “aktuwal na naamoy nila ang alak” sa ilan sa mga sanggol. Subalit, gaya ng sabi ng isang doktor, ang masustansiyang pagkain ng karamihan ng mga inang Irlandes ay nagbibigay ng ilang proteksiyon sa mga sanggol.
Pinakamatandang Populasyon sa Daigdig
Sang-ayon sa isang kalkulasyon ng computer,ang Hapón ang malamang na magkaroon ng pinakamatandang populasyon sa taóng 2020. Ipinakikita ng 1985 na sensus ng Hapón na ang bilang ng mga Hapónes na 65 anyos o mas matanda pa ay mga 12.5 milyon, halos isa sa sampu ng populasyon. Ang katamtamang haba ng buhay sa taóng iyon ay 74.9 mga taon para sa mga lalaki, 80.6 mga taon para sa mga babae. Gayunman, tinatantiya ng kalkulasyon ng computer, na isinagawa ng Population Research Institute ng Nihon University ng Hapón, na sa taóng 2020, 31.5 milyong Hapónes ang magiging nakatatandang mamamayan, o halos isa sa apat ng populasyon. Tinatayang ang katamtamang edad ay susulong tungo sa 78 mga taon para sa mga lalaki at 83.6 mga taon para sa mga babae sa taóng 2025.
Nakamamatay na Pagkasugapa sa Sekso
Ang pagkasugapa sa sekso ay isang “talamak na karamdaman” na karaniwang mali ang pagkakarikonosi sa paggamot sa mga pasyenteng dumidepende-sa-droga, ulat ng pahayagan ng Addiction Research Foundation, ang The Journal. Isang doktor, na isa rin sa nagtatag ng cocaine hot line sa Estados Unidos, ay nagsasabi na “hanggang 15% ng kaniyang mga pasyenteng sugapa-sa-cocaine ay mga sugapa rin sa sekso.” Kabilang sa pagkasugapa sa sekso ang di-mapigil na pag-uugali sa sarisaring antas, mula sa kinaugaliang masturbasyon hanggang sa pagkahaling sa sekso, sa mga gawaing sadistika, at sa mga gawaing heteroseksuwal. Ang The Journal ay nagpapatuloy: “Isa itong kinaugaliang pag-uugali na siyang pangunahing salik sa paglaganap ng AIDS”—ang sakit ng halos tiyak na kamatayan.
Idinaraing ng Papa ang Kawalan ng Pananampalataya
Sa kaniyang pagdalaw kamakailan sa Austria, si Papa John Paul II ay nagbigay ng “isang mas kritikal na maingat na pagsusuri sa pananampalataya sa Austria” sa kaniyang diskurso sa mga obispo kaysa kaniyang mga sermon sa publiko. Sang-ayon sa pahayagan sa Austria na Oberösterreichische Nachrichten, sinabi ng papa na “ito ay bunga ng kasaganaan at pagwawalang-bahala sa relihiyon na ang sekularisasyon ay sumulong sa gayong antas sa buhay ng indibiduwal, sa loob ng pamilya at, higit sa lahat, sa buhay ng madla.” Ang Austria ay nangangailangan ng isang “bagong kampaniya sa pag-eebanghelyo,” sabi ng papa.
“Sick-Building Syndrome”
“Ang gawain sa opisina . . . ay hindi kailanman itinuring na partikular na mapanganib . . . , subalit ito ay maaaring hindi partikular na mabuti,” sabi ng magasing Time. “Sa kabila ng maaliwalas, malinis na anyo, marami sa mga dako ng trabaho ngayon ay napaliligiran ng nakapipinsalang mga pamparumi.” Ang problema ay ang polusyon ng hangin sa loob ng gusali, o “sick-building syndrome,” na nakakaapekto sa “tinatayang sangkalima hanggang sangkatlo ng mga gusali sa E.U.” Maaari itong pagmulan ng mga sintomas na gaya ng naluluhang mga mata, mabigat nag ulo, sakit ng ulo, pagdurugo ng ilong, pagkakatulog ng mga manggagawa, at “hindi mahusay na pakiramdam.” Ang hindi mabuting bentilasyon sa mga gusali kung saan ang karamihan o ang lahat ng hangin ay pinaiikot lamang o kung saan ang mga pagkakamali ng disenyo ay naglagay ng air-intake ducts sa maruming mga lugar ang karaniwang sanhi. Isa pa, may mga nakaiinis na mga kemikal na nanggagaling sa mga panlinis, sa mga papel na walang karbon, sa mga likido ng mga makinang tagakopya, at kahit na sa mga pintura, mga kurtina, mga basahan, at sa mga entrepanyo ng dingding. “Ang mga pamparumi sa kapaligiran sa loob ng gusali ay maaaring pagmulan ng malubhang panganib sa kalusugan,” sabi ni Eileen Claussen ng United States Environmental Protection Agency. “Ang hangin sa ilang mga gusaling tanggapan ay 100 beses na kasindumi ng hangin sa labas.”
Gumaganti
Sa lunsod ng León, Mexico, ang mga alakdan ay nangangagat ng mahigit na 100,000 katao taun-taon, ulat ng The Mexico City News—ang pinakamataas na bilang sa daigdig. Halos 60 bilyong piso ang ginugugol taun-taon para sa pangangalaga sa mga biktima ng kagat ng alakdan. Sa loob ng nakalipas na limang taon, siyam na mga kamatayan ang dahil sa kagat ng alakdan sa gitna ng mga biktimang hindi gumamit ng serum na laban sa kagat ng alakdan. Sang-ayon kay Manuel Dahesa Damila ng University of Guanajuato, ang León ay kilala bilang ang “kabisera ng mga alakdan sa daigdig.” Ang kagat ng alakdan ay nagpapasok ng nakamamatay na lason sa mga tao. Bakit ang pagdami ng mga pagsalakay ng alakdan? Ang mabilis na pagdami ng populasyon ng León ay ipinalalagay na siyang dahilan ng pagdami ng pagsalakay.
Uso ang Pagiging Anak sa Labas?
“Napakaraming mga bata sa Europa ang ngayo’y mga anak sa labas,” sabi ng Economist ng Britaniya, “anupa’t sa ibang bansa ang mga sanggol na ipinanganganak sa mga mag-asawa ang hindi magtatagal ay maaaring maging isang minoridad.” Ang dahilan? “Ang pagbabago sa moral na klima ay isang malaking dahilan,” sabi ng magasin. Sapol nang ang pagsisiping ng mga hindi kasal ay naging higit at higit ding tinatanggap sa lipunan ngayon, higit at higit ding tinatanggap ang mga anak sa labas. Ang mga dalagang ina ay hindi sukat ikahiya na gaya noong nakaraang salinlahi. Kaya, sa Sweden, Denmark, at Iceland, halos kalahati ng mga sanggol ay mga anak sa labas. Sa Norway, Pransiya, at Britaniya, ito ay isa sa apat o lima. At kahit na sa napakarelihiyosong bansa ng Ireland, mahigit na isang sanggol sa sampu sa anak sa labas.