LANSANGAN
Isang pampublikong daan sa isang lunsod o bayan. Ang karaniwang terminong Hebreo para sa lansangan (chuts) ay may saligang kahulugan na “sa labas.” (Isa 42:2, tlb sa Rbi8) Lumilitaw na sa sinaunang mga bayan at mga lunsod sa mga lupain sa Bibliya, ang karamihan ng mga lansangan ay hindi nilatagan ng bato. (Aw 18:42; Isa 10:6; Pan 2:21) Gayunman, sa Jerico at Gezer ay may natuklasang mga lagusan kung saan makaaagos ang tubig mula sa mga lansangan.
Karaniwan na, makikitid at paliku-liko ang mga lansangan noon. Ngunit mayroon din namang “malalapad na daan.” (Luc 14:21; ihambing ang Apo 21:21.) Ang mga lansangan ng Nineve ay may sapat na lapad upang makaraan ang mga karo. (Na 2:4) Ang Babilonya at Damasco ay may malalapad na kalsada o mga daan ng prusisyon, at ang ilang lansangan ng mga ito ay may pangalan. Noong yugtong Romano, ang “lansangan na tinatawag na Tuwid” sa Damasco ay isang daanang may tatlong kalye at mga 26 na m (85 piye) ang lapad.—Gaw 9:11; tingnan ang TUWID.
Isang malawak na lugar naman, ang liwasan, malamang na malapit sa isang pintuang-daan ng lunsod, ang maaaring magsilbing isang dako para sa mga transaksiyon sa negosyo o para sa pagtitipon ukol sa pagtuturo. (Gen 23:10-18; Ne 8:1-3; Jer 5:1) Doon naglalaro ang mga bata (Zac 8:4, 5); sa pangkalahatan, ang mga lansangan ay kadalasang punô ng mga ingay ng mga gawain. (Job 18:17; Jer 33:10, 11; ihambing ang pagkakaiba sa Isa 15:3; 24:11.) Ang mga ito ay naging mga dako ng pangangalakal, anupat kung minsan ay sama-sama sa mga ito ang iisang uri ng tindahan, gaya halimbawa ng “lansangan ng mga magtitinapay” sa Jerusalem. (Jer 37:21) Ang “mga lansangan” na inialok ni Ben-hadad na italaga kay Ahab sa Damasco ay maliwanag na para sa pagtatayo ng mga tiangge, o mga pamilihan, upang itaguyod ang kapakanang pangkomersiyo ni Ahab sa kabiserang iyon ng Sirya. (1Ha 20:34) Sa gabi, lumilitaw na ang mga lansangan ng ilang lunsod ay nasa ilalim ng pagmamanman ng mga bantay.—Sol 3:1-3.
Sa mga lansangan din ipinatatalastas ang mga balita. (2Sa 1:20; Jer 11:6) Doon ay nagturo si Jesus at nagpagaling ng may sakit, gayunma’y hindi siya nakipagtalo ni sumigaw man nang malakas sa malalapad na daan, na maaaring maging dahilan upang labis siyang hangaan ng madla, anupat mapadadakila ang sarili niyang pangalan at mailalayo niya ang pansin mula sa Diyos na Jehova at sa mabuting balita ng Kaharian. (Luc 8:1; Mat 12:13-19; Isa 42:1, 2) Kaya naman si Jesus ay hindi gaya ng mga mapagpaimbabaw na hinatulan niya dahil sa pananalangin ng mga ito “sa mga panulukan ng malalapad na daan upang makita ng mga tao.”—Mat 6:5.