TIRO
[Bato].
Ang pangunahing daungang-dagat ng Fenicia; iniuugnay sa makabagong-panahong Sur, na mga 50 km (30 mi) sa H ng Bundok Carmel at 35 km (22 mi) sa TTK ng Sidon. (LARAWAN, Tomo 2, p. 531) Ang Tiro ay isang sinaunang lunsod (Isa 23:1, 7), ngunit hindi alam kung kailan talaga ito itinatag ng mga Sidonio bilang isang kolonya. Una itong binanggit pagkatapos na masakop ang Lupang Pangako noong mga 1467 B.C.E., at noon ay isa itong nakukutaang lunsod. Ang pagbanggit na iyon sa Tiro ay may kaugnayan sa mga hangganan ng teritoryo ng tribo ni Aser. Buhat sa pasimula, at sa buong kasaysayan nito, lumilitaw na ang Tiro ay nasa labas ng mga hanggahan ng Israel bilang independiyenteng kalapit na bayan.—Jos 19:24, 29; 2Sa 24:7.
May mga panahong umiral ang mapayapang ugnayan sa pagitan ng Tiro at Israel, lalo na noong panahon ng mga paghahari nina David at Solomon. Ang dalubhasang mga manggagawang taga-Tiro ay kasama sa pagtatayo ng maharlikang palasyo ni David gamit ang mga tabla ng sedro na ipinadala ni Hiram na hari ng Tiro. (2Sa 5:11; 1Cr 14:1) Pinaglaanan din ng mga taga-Tiro si David ng sedro na ginamit sa pagtatayo ng templo.—1Cr 22:1-4.
Pagkamatay ni David, si Haring Hiram ng Tiro ay naglaan kay Solomon ng mga materyales at tulong para sa pagtatayo ng templo at ng iba pang mga gusali ng pamahalaan. (1Ha 5:1-10; 7:1-8; 2Cr 2:3-14) Isang mestisong-Israelitang anak ng isang taga-Tiro na manggagawa sa tanso, na isa ring bihasang manggagawa, ang nagtrabaho sa pagtatayo ng templo. (1Ha 7:13, 14; 2Cr 2:13, 14) Kapalit ng tulong nila, ang mga taga-Tiro ay binayaran ng trigo, sebada, langis, at alak. (1Ha 5:11, 12; 2Cr 2:15) Karagdagan pa, binigyan ni Solomon ang hari ng Tiro ng 20 lunsod, bagaman hindi lubusang nalugod sa kaloob ang monarka ng Tiro.—1Ha 9:10-13.
Nang maglaon, ang Tiro ay naging isa sa malalaking kapangyarihang pandagat ng sinaunang daigdig, at napabantog ang kaniyang mga marinero at pangkalakal na pangkat ng mga barko “ng Tarsis” dahil sa pagbibiyahe nila sa malalayong lugar. Si Solomon at ang hari ng Tiro ay nagsosyo at namuhunan sa mga barko upang makaangkat ng mahahalagang bagay gaya ng ginto mula sa Opir.—1Ha 9:26-28; 10:11, 22; 2Cr 9:21.
Sa lahat ng pakikipag-ugnayan ng mga taga-Tiro sa Israel, walang pahiwatig na naging interesado sila sa pagsamba kay Jehova bilang isang bayan; ang kanilang pakikipagsamahan ay para lamang sa komersiyo. Sila ay lahing Canaanita, at sa kanilang relihiyon ay nagsagawa sila ng isang anyo ng pagsamba kay Baal, anupat ang kanilang mga pangunahing bathala ay sina Melkart at Astarte (Astoret). Noong si Etbaal ang hari ng mga Sidonio (pati ng Tiro), napangasawa ng kaniyang anak na si Jezebel si Ahab, ang hari ng hilagang kaharian ng Israel. Si Jezebel ay naging bantog sa kaniyang determinasyong pawiin ang pagsamba kay Jehova.—1Ha 16:29, 31; 18:4, 13, 19.
Hinatulan ng Diyos. Gayunman, hindi ang personal na kabalakyutan ni Jezebel at ng anak nitong si Athalia ang dahilan kung bakit ang Tiro ay napasailalim ng mabigat na kahatulan ng Diyos. Ang Tiro ay naging lubhang dakila sa ikapipinsala ng ibang mga bayan, kabilang na ang Israel. Ito ay naging manggagawa ng mga bagay na metal, mga kagamitang kristal, at mga tinang purpura at isang sentro ng kalakalan para sa naglalakbay na mga mangangalakal sa katihan at naging isa ring malaking depo para sa pag-angkat at pagluluwas. Bilang resulta ng pagsulong sa industriya at komersiyo, ang lunsod ay naging mayaman, palalo, at mapagmapuri. Ipinaghambog ng mga mangangalakal at mga negosyante nito na sila ang mga prinsipe at mga mararangal sa lupa. (Isa 23:8) Nang maglaon, ang Tiro ay sumalansang kay Jehova at nakipagsabuwatan sa karatig na mga bansa laban sa bayan ng Diyos. (Aw 83:2-8) Kaya nang bandang huli, dahil sa tahasang pagsalansang nito kay Jehova, ang lunsod ay hinatulan, bumagsak, at nawasak.
Noong huling bahagi ng ikasiyam na siglo B.C.E., binigyang-pansin ni Jehova ang mapagmataas na saloobin ng lunsod na ito. Binabalaan niya ang Tiro na gagantihan ito dahil ninanakawan nito ang kaniyang bayan ng ginto, pilak, at marami pang ibang kanais-nais na mga bagay na ginamit ng lunsod upang pagandahin ang mga templo nito. Magsusulit din ang Tiro dahil ipinagbili nito sa pagkaalipin ang bayan ng Diyos.—Joe 3:4-8; Am 1:9, 10.
Nang maglaon, isinulat ng propetang si Isaias ang isa pang kapahayagan laban sa Tiro, na nagsasabing malilimutan ito sa loob ng “pitumpung taon.” (Isa 23:1-18) Maraming taon pagkatapos nito, ibinilang ng propetang si Jeremias ang Tiro sa mga bansa na paiinumin ng alak ng pagngangalit ni Jehova. (Jer 25:8-17, 22, 27; 27:2-7; 47:2-4) Yamang ang mga bansang binanggit sa hula ni Jeremias ay ‘maglilingkod sa hari ng Babilonya nang pitumpung taon’ (Jer 25:8-11), ipinahihiwatig nito na ang hula ni Isaias at ni Jeremias ay kapuwa nauugnay sa kampanya ni Nabucodonosor laban sa Tiro.
Sa pamamagitan din ni Ezekiel, na isang kapanahon ni Jeremias, humula si Jehova ng kapahamakan para sa Tiro sa mga kamay ni Nabucodonosor. (Eze 26:1–28:19) Bagaman inihambing ang Tiro sa isang magandang barko na may makukulay na layag at pantabing sa kubyerta at isang proa na kinalupkupan ng garing, lulubog ito sa laot ng dagat. (Eze 27:3-36) Ang ‘hari’ ng Tiro (lumilitaw na ang linya ng mga tagapamahala ng Tiro) ay may-kapalaluang naghambog: “Ako ay isang diyos. Sa upuan ng diyos ay umupo ako.” Ngunit siya ay aalisin bilang lapastangan at wawasakin sa pamamagitan ng apoy.—Eze 28:2-19.
Winasak ang Lunsod. Noong panahon ng mahabang pagkubkob ni Nabucodonosor laban sa Tiro, ang mga ulo ng kaniyang mga kawal ay “nakalbo” dahil sa pagkiskis ng kanilang mga helmet, at ang kanilang mga balikat ay “natalupan” dahil sa pagpapasan ng mga materyales na ginamit sa paggawa ng mga kayariang pangubkob. Yamang walang tinanggap na “kabayaran” si Nabucodonosor sa paglilingkod bilang Kaniyang kasangkapan sa paglalapat ng kahatulan sa Tiro, nangako si Jehova na ibabayad dito ang yaman ng Ehipto. (Eze 29:17-20) Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, ang pagkubkob ay tumagal nang 13 taon (Against Apion, I, 156 [21]), at napakalaking halaga ang nagugol ng mga Babilonyo. Hindi iniuulat ng sekular na kasaysayan kung gaano kalubusan o kaepektibo ang mga pagsisikap ni Nabucodonosor. Ngunit tiyak na maraming buhay at ari-arian ang nawala sa mga taga-Tiro.—Eze 26:7-12.
Gayunman, nang bumalik ang mga Israelita mula sa pagkatapon sa Babilonya, nakatulong ang mga taga-Tiro sa paglalaan ng mga tablang sedro mula sa Lebanon para sa ikalawang templo, at ipinagpatuloy nila ang pakikipagkalakalan sa muling-itinayong lunsod ng Jerusalem.—Ezr 3:7; Ne 13:16.
Bagaman matindi ang pakikipaglaban ng Tiro kay Nabucodonosor, hindi iyon nangahulugan ng lubusang pagkawasak ng Tiro. Isang mas huling hula ang nagsabi na magtayo man ang Tiro ng muralya at mag-imbak ito ng pilak at ginto, si Jehova mismo ang lubusang wawasak sa kaniya.—Zac 9:3, 4.
Halos 200 taon pagkatapos na ibigay ang hula ni Zacarias, iyon ay natupad. Noong 332 B.C.E., pinangunahan ni Alejandrong Dakila ang kaniyang hukbo sa pagtawid sa Asia Minor at, sa kaniyang pagdaluhong nang patimog, pinagtuunan niya ng pansin ang Tiro. Nang ang lunsod ay tumangging buksan ang mga pintuang-daan nito, sa galit ni Alejandro ay ipinahakot niya sa kaniyang hukbo ang mga guho ng lunsod na nasa mismong kontinente at ipinatambak ito sa dagat, sa gayon ay gumawa ng isang daanan patungo sa pulong lunsod, anupat lahat ng ito ay katuparan ng hula. (Eze 26:4, 12; DAYAGRAM, Tomo 2, p. 531) Habang kinukulong ng kaniyang mga hukbong pandagat ang mga barko ng Tiro sa daungan ng mga ito, itinayo ni Alejandro ang pinakamatataas na toreng pangubkob na ginamit kailanman sa mga sinaunang digmaan. Pagkaraan ng pitong buwan, nabutasan nila ang mga pader na may taas na 46 na m (150 piye). Bukod pa sa 8,000 sundalo na napatay sa labanan, 2,000 prominenteng lider ang pinatay bilang parusa, at 30,000 sa mga tumatahan doon ang ipinagbili sa pagkaalipin.
Binanggit sa Griegong Kasulatan. Sa kabila ng lubusang pagkawasak ng lunsod sa mga kamay ni Alejandro, muli itong itinayo noong yugtong Seleucido, at noong unang siglo C.E. ito ay naging isang prominenteng himpilang daungan sa Mediteraneo. Noong panahon ng dakilang ministeryo ni Jesus sa Galilea, maraming tao mula sa palibot ng Tiro at Sidon ang pumaroon upang makinig sa kaniyang mensahe at mapagaling sa kanilang mga sakit. (Mar 3:8-10; Luc 6:17-19) Pagkaraan ng ilang buwan, personal na dinalaw ni Jesus ang rehiyon sa palibot ng Tiro, anupat noon ay pinagaling niya ang isang batang babaing inaalihan ng demonyo, anak ng isang babaing Sirofenisa. (Mat 15:21-29; Mar 7:24-31) Sinabi ni Jesus na kung isinagawa niya sa Tiro at Sidon ang makapangyarihang mga gawa na ginawa niya sa Corazin at Betsaida, mauuna pang tumugon ang mga pagano ng Tiro at Sidon kaysa sa mga Judiong iyon.—Mat 11:20-22; Luc 10:13, 14.
[Larawan sa pahina 1329]
Sinaunang baryang pilak na didrakma na kababasahan ng pangalang Tiro