Ikalawang Cronica
9 Ngayon ay nabalitaan ng reyna ng Sheba+ ang tungkol kay Solomon, kaya pumunta siya sa Jerusalem para subukin si Solomon ng mahihirap na tanong.* Marami siyang kasamang tagapaglingkod, at may mga kamelyo sila na may pasang langis ng balsamo at napakaraming ginto+ at mamahaling mga bato. Pumunta siya kay Solomon at nakipag-usap dito tungkol sa lahat ng bagay na malapít sa puso niya.+ 2 At sinagot ni Solomon ang lahat ng tanong niya. Walang tanong na napakahirap para kay Solomon.
3 Nang makita ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon,+ ang bahay na itinayo niya,+ 4 ang pagkain sa mesa niya,+ ang pagkakaayos ng upuan ng mga opisyal niya, ang pagsisilbi ng kaniyang mga lingkod sa mesa niya at ang suot nila, ang mga tagapagsilbi niya ng inumin at ang suot nila, at ang kaniyang mga haing sinusunog na regular niyang inihahandog sa bahay ni Jehova,+ manghang-mangha siya. 5 Kaya sinabi niya sa hari: “Totoo ang nabalitaan ko sa aking lupain tungkol sa mga nagawa* mo at sa karunungan mo. 6 Pero hindi ako naniniwala noon sa mga balita hanggang sa dumating ako rito at makita ko mismo.+ Wala pa sa kalahati ang naibalita sa akin tungkol sa pambihira mong karunungan.+ Nahigitan mo ang balitang narinig ko.+ 7 Maligaya ang mga tauhan mo, at maligaya ang mga lingkod mong palaging humaharap sa iyo at nakikinig sa karunungan mo! 8 Purihin nawa si Jehova na iyong Diyos, na nalugod sa iyo at naglagay sa iyo sa trono niya bilang hari para sa Diyos mong si Jehova. Mahal ng iyong Diyos ang Israel,+ kaya para manatili ito magpakailanman, inatasan ka niya bilang hari nito para maglapat ng katarungan at mamuno nang matuwid.”
9 Pagkatapos, nagbigay siya sa hari ng 120 talento* ng ginto+ at ng napakaraming langis ng balsamo at mamahaling mga bato. Maliban sa reyna ng Sheba, wala nang nakapagbigay ng ganoon karaming langis ng balsamo kay Haring Solomon.+
10 Bukod diyan, ang mga lingkod ni Hiram at ang mga lingkod ni Solomon na nagdala ng ginto mula sa Opir+ ay nagdala rin ng mga kahoy na algum at mamahaling mga bato.+ 11 Ginamit ng hari ang mga kahoy na algum sa paggawa ng mga hagdan para sa bahay ni Jehova+ at sa bahay* ng hari,+ pati sa paggawa ng mga alpa at mga instrumentong de-kuwerdas para sa mga mang-aawit.+ Noon lang nagkaroon ng ganoon sa lupain ng Juda.
12 Ibinigay rin ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang lahat ng gusto at kahilingan nito, mas marami pa sa* ibinigay sa kaniya ng reyna. Pagkatapos, umalis na ang reyna at bumalik sa sarili nitong lupain kasama ang mga lingkod nito.+
13 Ang timbang ng ginto na dumarating kay Solomon sa isang taon ay umaabot sa 666 na talento ng ginto,+ 14 bukod pa sa dinadala ng mga mangangalakal at ng mga negosyante at ng lahat ng hari ng mga Arabe at ng mga gobernador ng lupaing nagdadala ng ginto at pilak kay Solomon.+
15 Gumawa si Haring Solomon ng 200 malalaking kalasag na gawa sa ginto na may halong ibang metal+ (600 siklong* ginto na may halong ibang metal ang ginamit sa bawat kalasag)+ 16 at 300 pansalag* na yari sa ginto na may halong ibang metal (may tatlong mina* ng ginto sa bawat pansalag). Pagkatapos, inilagay ng hari ang mga iyon sa Bahay ng Kagubatan ng Lebanon.+
17 Gumawa rin ang hari ng isang malaking trono na yari sa garing* at binalutan niya iyon ng purong ginto.+ 18 May anim na baytang paakyat sa trono, may gintong tuntungan na nakakabit sa trono, may mga patungan ng braso sa magkabilang panig ng trono, at dalawang leon+ ang nakatayo sa tabi ng mga patungan ng braso. 19 At may 12 leon+ na nakatayo sa anim na baytang, isa sa bawat dulo ng anim na baytang. Walang ibang kaharian ang gumawa ng tulad nito. 20 Ang lahat ng inuman ni Haring Solomon ay gawa sa ginto, at ang lahat ng kagamitan sa Bahay ng Kagubatan ng Lebanon ay gawa sa purong ginto. Walang anumang gawa sa pilak, dahil walang halaga ang pilak noong panahon ni Solomon.+ 21 Ang mga barko ng hari ay nagpupunta sa Tarsis+ sakay ang mga lingkod ni Hiram.+ Minsan sa bawat tatlong taon, dumarating ang mga barko ng Tarsis na may dalang ginto at pilak, garing,+ unggoy, at paboreal.*
22 Kaya sa lahat ng hari sa lupa, si Haring Solomon ang pinakamayaman at pinakamarunong.+ 23 At ang mga hari sa buong mundo ay pumupunta kay* Solomon para mapakinggan ang karunungang inilagay ng tunay na Diyos sa puso niya.+ 24 Bawat isa sa kanila ay nagdadala ng regalo—mga kagamitang pilak, mga kagamitang ginto, damit,+ sandata, langis ng balsamo, kabayo, at mula*—at ganiyan ang nangyayari taon-taon. 25 Si Solomon ay may 4,000 kuwadra para sa mga kabayo niya at mga karwahe at 12,000 kabayo,*+ at inilagay niya ang mga iyon sa mga lunsod ng karwahe at sa Jerusalem malapit sa hari.+ 26 At namahala siya sa lahat ng hari mula sa Ilog* hanggang sa lupain ng mga Filisteo at hanggang sa hangganan ng Ehipto.+ 27 Pinarami ng hari ang pilak sa Jerusalem na gaya ng mga bato, at pinarami niya ang mga kahoy na sedro na gaya ng mga puno ng sikomoro na nasa Sepela.+ 28 At nagdadala sila ng mga kabayo kay Solomon mula sa Ehipto+ at mula sa lahat ng iba pang lupain.
29 Ang iba pang nangyari kay Solomon,+ mula sa umpisa hanggang sa katapusan, ay nasa ulat ng propetang si Natan,+ sa hula ni Ahias+ na Shilonita, at sa ulat ng mga pangitain tungkol kay Jeroboam+ na anak ni Nebat na isinulat ni Ido+ na nakakakita ng pangitain. 30 Naghari si Solomon sa Jerusalem sa buong Israel nang 40 taon. 31 Pagkatapos, si Solomon ay namatay.* Kaya inilibing nila siya sa Lunsod ni David na ama niya;+ at ang anak niyang si Rehoboam ang naging hari kapalit niya.+