Isang Mahalagang Kayamanan sa Bibliya sa St. Petersburg
NAGSIMULA iyon na isang karaniwang pagliliwaliw buhat sa Pinlandiya. Samantalang nasa Leningrad, ngayo’y St. Petersburg, ang bisita at ang kaniyang asawa ay walang malaking pag-asa na makaranas ng anumang natatangi kung tungkol sa Bibliya, sapagkat ang pulyeto ng kawanihan ng paglalakbay ay may tagubilin: “Ipinagbabawal ang pagpapasok ng relihiyosong literatura sa bansa.” Ngunit sa lunsod na ito nagkaroon siya ng pinakamalaking kagalakan sa tanang buhay niya dahil sa Bibliya bilang isang aklat.
Maraming simbahan sa St. Petersburg ngunit kakaunti lamang ang nagsisilbi sa layunin ng pagkatayo. Marami sa mga iyan ang ginawa nang mga museo. Kasali na rito ang matayog na St. Isaac’s Cathedral na nagpapagunita ng St. Peter’s Basilica sa Roma.
Ang totoong nagbibigay-liwanag na presentasyon ng opisyal na pakikitungo sa relihiyon ay makikita sa Kazan Cathedral sa pangunahing kalye ng St. Petersburg, Nevski Prospekt. Ang malaking katedral na ito ay ginawang Museo ng Kasaysayan ng Relihiyon at Ateismo. Sa pinakasilong na palapag ang pagkakatanghal ng kasaysayan ng relihiyon ay sunud-sunod ayon sa kronolohiya hanggang sa kasalukuyang araw. Makikita ang mga instrumento ng pagpaparusa na ginamit nang panahon ng Inkisisyon. Totoong kahanga-hanga ang eksena ng paglilitis ng Inkisisyon, mistulang buháy ang mga modelong pagkit. Ang malungkot na biktima ay nakatanikala at nakaluhod sa harap ng mga nagpaparatang at ng mga monghe na nangakadamit ng itim. Ang berdugo ay nakatayo roon, handa na gawin ang kaniyang tungkulin.
Katapat ng Kazan Cathedral, sa kabilang panig ng Nevski Prospekt, ay naroon ang pinakamalaking tindahan ng aklat sa siyudad. Sa ikalawang palapag, ang mga bisitang Pinlandes ay nakakita ng maraming mga larawan at mga salawikain na waring idinisenyo na himukin ang mga bumabasa na tanggihan ang relihiyon. Isang poster ang naglarawan sa isda na korteng matatandang babae na may pugong sa kanilang mga ulo. Ang mga isdang ito ay inaakit sa pamamagitan ng “tiket sa Kaharian ng langit” na nakakabit sa isang kalawit na may karatulang “Sects.”
Sa pagpapatuloy sa Nevski Prospekt sa silangan at pagbaling sa kanan sa mismong harap ng estatwa ni Catherine the Great, humantong ang mga bisita sa harap ng tanyag na Saltykov-Shchedrin State Public Library. Ang aklatang ito ang pangalawang pinakamalaki sa Unyon Sobyet at isa sa pinakamalaki sa daigdig, na may mahigit na 17 milyong mga bagay-bagay. Nang ang manuskrito’y maging paksa ng pagtatanong ng bisita, isang opisyal ng aklatan ang nagharap ng magalang, sumasaliksik na mga tanong. Pagkatapos ay biglang nawala ang opisyal na ito, at sa isang saglit ay bumalik na may dalang namumula-mulang kahon. Inilapag iyon sa mesa at binuksan. Hayan—ang Leningrad Codex mula noong taóng 1008 (o, 1009). Subalit ano ba ang manuskritong ito, at bakit ito napakahalaga?
ANG LENINGRAD CODEX
Magiging interesado ka ba na makita ang isang manuskrito ng Kasulatang Hebreo na isang saligang teksto para sa mga pagsasalin ng Bibliya? Tungkol diyan ang Leningrad Codex.
Ngunit marahil ay magtatanong ka: Hindi ba ang Kasulatang Hebreo ay natapos na bago kay Kristo? Papaano nga ang tekstong ito ay pepetsahan nang atrasadong taon ng 1008? Upang lalong maunawaan ang bagay na ito, kailangan ay mayroon tayong kaunting nalalaman tungkol sa Masoretes.
Ang Masoretes (sa Hebreo, Baalei Hamasorah, “Mga Panginoon ng Tradisyon”) ay nabuhay noong mga siglo pagkatapos ni Kristo at tamang-tama ang pagkakopya sa Kasulatang Hebreo. Sila’y hindi gumawa ng mga pagbabago kundi, sa halip, pinansin ang mga pagbabagong ginawa ng mga naunang eskriba at itinawag pansin ang mga ito sa gilid ng tekstong Hebreo. Sila’y tumuklas din naman ng isang sistema ng mga punto ng patinig at mga marka ng pagdiriin upang tulungan ang mga mambabasa sa tamang pagbigkas. Dahilan sa totoong maingat ang mga Masoretes, ang kanilang teksto ay angkop sa pagsasalin ng Bibliya, bagaman iyon ay mahigit na 1,000 mga taon ang pagitan sa orihinal na teksto. Ang paghahambing sa mas maaagang teksto, tulad ba ng Dead Sea Scroll ng Isaias, ay nagpapatunay na walang mali ang tekstong Masoretico.
Gayunman, walang indibiduwal na manuskrito ang lubusang mapanghahawakan, dahilan sa ang mga tagakopya ay nagkakamali. Kaya naman nagsimulang gumawa ng mga edisyong Hebreo, salig sa paghahambing-hambing ng iba’t ibang mga manuskrito. Halimbawa, noong 1906, ang Alemang iskolar na si Rudolf Kittel ay naglathala ng kaniyang tanyag na Biblia Hebraica, o, Bibliyang Hebreo. Kaniyang ibinase iyon sa Masoreticong teksto ni Jacob ben Chayyim. Karagdagan, sa kaniyang mga talababa ay inihambing niya ang mga pagbabasa sa maraming iba pang mga manuskrito.
Ang teksto ni Ben Chayyim ay mula sa atrasadong petsa ng 1524-25 C.E. Si Kittel, kasama ang kaniyang kahalili, ang propesor Aleman na si Paul Kahle, ay masugid na nagsikap na makapagsuri ng lalong matatandang tekstong Masoretico. May isang napakahusay na tekstong Masoretico sa sinagoga ng Sephardim sa Aleppo, Syria. Ito’y tinipon ng tanyag na pamilya ni Ben Asher at inihanda noong taóng 930 C.E. Subalit ang manuskritong ito ay hindi maaaring magamit sapagkat, gaya ng sinabi ni Propesor Kahle, “ang mga may-ari ng codex ay hindi papayag na mailabas ang isang potograpikong kopya,” sapagkat iyon ay baka malapastangan at sila’y sumpain.
Gayunman, mayroon pa ring isang teksto Masoretico na nakasalig sa gawa ng pamilya ni Ben Asher. Ito’y naglalaman ng buong Kasulatang Hebreo, at sa totoo, ipinasiya na gamitin ito bilang saligan ng ikatlong edisyon ng Biblia Hebraica. Ito’y kinopya sa Old Cairo noong 1008 (o, 1009) buhat sa itinuwid na mga aklat na inihanda ng gurong si Aaron ben Moshe ben Asher, gaya ng binanggit mismo ng tagakopyang si Samuel ben Jacob. Ang mga may-ari nito ay hindi ‘natakot na sila’y sumpain’ sa pagpapakopya sa Bibliya, gaya ng mga may-ari ng Aleppo Codex. Kanilang ipinahiram ang kanilang mga manuskrito kay Kittel at Kahle sa loob ng dalawang taon. Ang manuskritong ito ang mismong Codex B 19-A na ngayon ay iniingatan sa St. Petersburg Public Library.
MAAARI KO BANG KUNAN NG LITRATO?
Ang Leningrad Codex, isang manuskrito na pormang aklat, ay nasa hiwa-hiwalay na pilyego na ngayon. Dahilan sa ito’y pina-microfilm, nakalas na ito. Ang mga pilyego ay humigit-kumulang isang kaapat ang laki, kaya lamang ay mas maluwang, at kung hipuin mo ay parang napakakapal na papel, halos gaya ng manipis na cardboard. Ang mga gilid ng mga ibang pahina ay gapok na, ngunit ang teksto mismo, na nasusulat sa tatlong tudling, ay malinaw at maliwanag.
“Maaari ko bang kunan ng litrato ang manuskritong ito?” ang tanong ng bisita. Umalis muli ang opisyal ng aklatan at naparoon sa isang silid sa loob at bumalik na dala ang sagot na opo. Ilang matitibay pang mga tomo sa kalapit na estante ng aklat sa harap ng pinakamalapit na bintana ang pinagpatung-patong ng bisita, inayos ang kaniyang pambulsang-tripod na nasa ibabaw ang kamera at pinili ang ikalawang pilyego na patung-patong na manuskrito para kunan ng larawan.
Ang bisita ay naakit nang makita ang pangalan ng Diyos, ang Tetragrammaton (Jehova, o, Yahweh) na lumitaw nang maraming beses sa pilyegong ito, pasimula sa ngayo’y tinutukoy na Genesis 2:4. Ang banal na pangalan ay lumilitaw nang 6,960 beses sa Hebreong Kasulatan. Tunay na ito’y nakasisira sa mga tagapagsalin ng Bibliya na hinalinhan iyon ng salitang “Panginoon.”
Sa katapusan ng pagliliwaliw ang opisyal ng aklatan ay naglabas sa mga bisita ng ilang pambihirang mga manuskrito na nakapaloob sa mga lalagyang kristal. Naroon ang tanyag na Ostromir Gospel, ang pinakamatandang natitira pang manuskrito sa Ruso (Old Bulgarian), mula noong taóng 1056.
Tunay na isang sorpresa na ang ganiyang kahalagang manuskrito na gaya ng Leningrad Codex ay naingatan sa isang bansa na nagbabawal ng libreng importasyon ng mga Bibliya. Ang manuskritong iyon ay hindi lamang isa sa marami kundi ang mismong saligan ng maraming modernong mga salin ng Hebreong Kasulatan, kasali na ang New World Translation na lathala ng Watch Tower Society.