Tanggapin ang Tulong ng Diyos Upang Madaig Mo ang Lihim na mga Kahinaan
“Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagpapalakas sa akin.”—FILIPOS 4:13.
1. Ano ang hiniling ng isang nababahalang ama?
ANG bata ay isang himatayin o epileptiko.a Ang kaniyang bibig ay nagbubula, siya’y nangingisay, at kung minsan ay natutumba at bumabagsak sa tubig o sa apoy. Ang kaniyang nababalisang ama ay humayo ng paghahanap sa isang tao na napatanyag dahilan sa paggamot sa maysakit. Nang makitang waring kulang ng pagtitiwala sa kapangyarihan ng taong iyon, ang ama ay bumulalas: “Ako’y nananampalataya! Tulungan mo ako kung saan kulang ako ng pananampalataya!”
2. Paano natin matitiyak na nais ng Diyos na tulungan tayo na madaig natin ang ating mga kahinaan?
2 Mayroon tayong matututuhan sa amang ito na humayo upang humingi ng tulong kay Jesus. Inamin ng taong iyon na baka mahina ang kaniyang pananampalataya; natitiyak din niya na ibig ni Jesus na tumulong. Maaaring ganiyan din kung tungkol sa atin, samantalang hinaharap natin ang ating sariling mga kahinaan—maging iyong mga lihim na kahinaan—at gumagawa tayo upang madaig ang mga iyan. Makapagtitiwala tayo na nais ng Diyos na Jehova na tulungan tayo, gaya ng pagtulong niya sa iba noong nakaraan. (Ihambing ang Marcos 1:40-42.) Halimbawa, kaniyang tinulungan si apostol Pablo na daigin ang mga kahinaan na maaaring ang resulta’y pagkakaroon ng kasaganaan o pagiging nasa paghihikahos. Ang maralitang tao ay maaaring maghangad ng mga kayamanan; ang kahinaan ng taong mayaman ay baka ang kaniyang pagtitiwala sa kaniyang kayamanan at pagiging mata-pobre sa mga maralita. (Job 31:24, 25, 28) Paano nga dinaig o iniwasan ni Pablo ang ganiyang mga kahinaan? Ang sabi niya: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagpapalakas sa akin.”—Filipos 4:11-13.
3. Bakit tayo ay pantas kung sisikapin natin na madaig ang ating mga kahinaan?
3 Sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos, tayo ay pantas kung magsisikap tayo na daigin ang ating mga kahinaan, na hindi ipinagwawalang-bahala ang mga ito dahil lamang sa kasalukuyan ay lihim ito sa iba. Ang salmista ay nagsabi tungkol kay Jehova: “Nalalaman niya ang mga lihim ng puso.” (Awit 44:21) Kung hindi natin dadaigin ang ating mga kahinaan baka ito mahayag at lalo pang makasamâ sa atin. Ang simulain ay kumakapit: “Ang mga kasalanan ng ilang tao ay hayag na sa madla, na humahantong na tuwiran sa kahatulan, ngunit para sa mga ibang tao naman ang kanilang mga kasalanan ay sa bandang huli na nahahayag.” (1 Timoteo 5:24) Suriin natin nag dalawang karaniwang mga kahinaan na dapat bigyang-pansin ng mga Kristiyano na ibig na makalugod kay Jehova.
Isang Lihim na Kahinaan Tungkol sa Pita ng Sekso
4, 5. (a) Anong timbang na pangmalas tungkol sa pita ng sekso ang ibinigay sa atin ng Bibliya? (b) Anong babala ang makikita natin sa Kasulatan tungkol sa pita ng sekso?
4 Isa sa pinakamainam na regalo ng Diyos ay ang pag-aasawa, kasama na ang kapangyarihan at pagnanasa na mag-anak. (Genesis 1:28) Ang pita ng sekso na nadarama ng mag-asawa ay natural at malinis. Ipinapayo ng Bibliya na masiyahan ka na sa seksuwal na pakikipagtalik sa iyong sariling asawa. (Kawikaan 5:15-19) Datapuwat, hindi maaaring payagan ang pagkagahaman sa sekso. Bilang paghahambing, nariyan ang ating pagnanasa sa pagkain. Kung tayo’y magana na kumain hindi nangangahulugan na tayo’y dapat magmalabis ng paghahangad ng pagkain, o na tayo’y hindi kailangang magtimpi tungkol sa kung kailan, saan, at paano tayo kakain.—Kawikaan 25:16, 27.
5 Posible na si Pablo noong una ay may asawa, at batid niya na normal at angkop ang seksuwal na pagtatalik ng mag-asawa. (1 Corinto 7:1-5) Kayat ang tinutukoy niya ay ibang bagay ng kaniyang isulat: “Patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa kung tungkol sa pakikiapid, karumihan, pagkagahaman sa sekso, masamang nasa, at kaimbutan.” (Colosas 3:5) Tiyak na ang tinutukoy niya ay ang seksuwal na pagtatalik ng mga taong hindi tunay na mag-asawa. Sinabi rin ng apostol: “Bawat isa sa inyo’y dapat makaalam kung paano magpipigil sa inyong sariling katawan ukol sa pagpapakabanal at kapurihan, hindi sa masakim na pagkagahaman sa sekso.” (1 Tesalonica 4:4, 5) Ang prangkahan na kinasihang payong ito ay mapapakinabangan ng kapuwa mga Kristiyanong may asawa at mga wala.
6. Bakit iniiwasan ng mga Kristiyano ang pag-aabuso sa sarili?
6 Ang isang paraan na doo’y nahahayag ang gayong “katakawan sa pita ng laman” (1 Tesalonica 4:5, The New Testament for English Readers, ni Henry Alford) ay malimit na sa pamamagitan ng pag-aabuso ng isang tao sa kaniyang sariling seksuwal na ari nang dahil sa kasiyahang tinatamasa niya roon. Ito’y tinatawag na masturbasyon, o pag-aabuso sa sarili. Ito’y karaniwang-karaniwang sa mga lalaki at mga babaing walang asawa. Subalit ginagawa rin ito ng mga taong may asawa na. Dahilan sa ito’y karaniwang-karaniwan kung kayat maraming mga doktor ang nagsasabi na ito’y normal at nakabubuti pa nga. Datapuwat, ang ganitong gawain ay labag sa payo ng Diyos laban sa “masakim na pagkagahaman sa sekso.” Lalong mainam nating mauunawaan kung bakit, at kung bakit ang mga Kristiyano ay dapat manaig sa ugaling iyon, sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa isang payo na ibinigay ni Jesus.
7. Paano nagbibigay ang Mateo 5:28 ng karagdagang dahilan sa pag-iwas sa masturbasyon?
7 Sinabi ni Jesus: “Bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Batid niya na ang mapupusok na mga kaisipan ng pangangalunya ay malimit pinasisimulan muna ng masasagwang kilos. Gayunman, kahit na yaong mga nagsasabing wala namang masama sa masturbasyon ay umaamin na karaniwan nang may kaugnayan ito sa seksuwal na mga guniguni. Pagkatapos na tukuyin ang mga kabataan tungkol sa kanilang “ibinibigay na atensiyon sa kasiyahan na naidudulot ng masturbasyon,” isinusog ng aklat na Talking With Your Teenager: “Baka naguguniguni nila na sila’y nasa walang habas na mga sitwasyon may kaugnayan sa sekso o kapareha nila ang sino mang kasekso nila o mga nakatatanda sa kanila na gaya ng mga guro, mga kamag-anak, kahit na rin [mga magulang]. Baka naguguniguni nila ang karahasan na may kinalaman sa sekso. Lahat na ito ay normal naman.” Subalit normal nga kaya? Paano maituturing ng mga Kristiyano na ang ganiyang mga guniguni at masturbasyon ay ‘normal’ sa liwanag ng paalaala ni Jesus laban sa ‘pangangalunya sa puso,’ o sa payo ni Pablo laban sa “masakim na pagkagahaman sa sekso”? Hindi, ang ganiyang mga guniguni at pag-aabuso sa sarili—maging ng isang kabataan man o ng isang maygulang na tao, ng isang taong walang asawa o ng isang taong may asawa—ay kailangang madaig.
Ang Pagdaig sa Lihim na Kahinaang Ito
8, 9. Ang pagpapahalaga sa anong mga katotohanan ang makatutulong sa isang tao upang huminto sa kinaugalian niyang masturbasyon?
8 Kung ang isang Kristiyano ay mayroon nitong lihim na kahinaan, ano ang maaari niyang gawin upang madaig ito upang, ‘makapagpigil sa kaniyang sariling katawan ukol sa pagpapakabanal at kapurihan’? (1 Tesalonica 4:4) Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Diyos ay nagbibigay ng mahalagang tulong.
9 Una, mahalagang makilala na si Jehova ay mayroong mga pamantayan. Kaniyang ipinaliliwanag ang kamalian ng pakikialam sa hindi mo asawa, kapuwa yaong pakikiapid at pangangalunya. (Hebreo 13:4) Kung gayon, kung tayo’y naniniwala na ang kaniyang mga daan ang pinakamagagaling, tayo’y makikipagtalik tangi lamang sa atin-ating mga asawa. (Awit 25:4, 5) Ang aklat na Adolescence, ni E. Atwater, ay bumabanggit ng tungkol sa masturbasyon, na ang mga kabataan ay karaniwang makikitaan ng ‘pagkawalang-imik, pagkahiya at pangamba.’ Ang isang dahilang ibinigay ay sapagkat ‘ang pagkamatalik na relasyon may kaugnayan sa pag-ibig na kasabay ng seksuwal na pagtatalik ay wala sa masturbasyon.’ Oo, may pakinabang kung susupilin ang pita sa sekso hanggang sa ito’y mabigyan-daan sa gawang pag-aasawa.
10. Ano ang ilan sa mga hakbang na maaaring kunin ng isang tao upang tulungan ang kaniyang sarili na madaig ang kinasanayang masturbasyon?
10 Ang Salita ng Diyos ay nagbibigay ng karagdagang tulong sa pamamagitan ng pagpapayo: ‘Ano mang bagay ang totoo, ano mang bagay ang karapatdapat pag-isipan, ano mang bagay ang matuwid, ano mang bagay ang malinis, ano mang bagay ang kaibig-ibig, ano mang bagay ang may mabuting ulat, kung may ano mang kagalingan at kung may ano mang kapurihan, patuloy na pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito.’ (Filipos 4:8) Malinaw nga, ang erotikong mga larawan at imoral na mga nobela ay hindi ‘malinis at kaibig-ibig o may mabuting ulat.’ Gayunman ang mga bagay na ito ang malimit na pinag-uukulan ng panahon ng mga gumagawa ng masturbasyon. Ang sino man na disididong ibig madaig ang kahinaang ito ay kailangang lubusang umiwas sa ganiyang erotikong materyal. Ang karanasan ay nagpatunay na kung ang mga pita ng isang tao ay nagsisimulang umakay sa kaniya sa mga gawaing erotiko na humantong na noon sa masturbasyon, ang disididong pagpapako ng kaisipan sa mga bagay na matuwid at malinis ay maaaring humantong sa panlalamig ng mga pitang iyon. Ito’y lalung-lalo nang kailangan pagka ang isang tao ay nag-iisa o nasa dilim, pagka ang lihim na pagkakasalang pag-aabuso sa sarili ay totoong malakas ang puwersa na humihila sa kaniya.b—Roma 13:12-14.
11. Banggitin ang karagdagang mga bagay na naging kapaki-pakinabang sa pagdaig sa kahinaang ito.
11 Ang isa pang tulong ay ang pananatiling aktibo, bilang pagsunod sa payo na: “Mag-ingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng mga marurunong, na sinasamantala ang karapatdapat na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay masasama.” (Efeso 5:15) Tanungin ang isang maygulang na Kristiyano na kapalagayang-loob mo para sa mga mungkahi tungkol sa mga positibong bagay na dapat gawin. (Isaias 32:2) Marami na nakapanaig sa kahinaang ito ang nagsasabi na ang pagkaalam daw nila na isang nagmamalasakit na Kristiyano ang sumusubaybay sa kanila ang tumulong sa kanila na paunlarin ang pagpipigil-sa-sarili. Mangyari pa, ang Isa na dapat na maging pinakamalapit na kapalagayang-loob natin ay si Jehova. Kayat mahalaga na lumapit sa kaniya sa panalangin, at hingan siya ng tulong. (Filipos 4:6, 7) Kung sinuman na nakapanaig sa kahinaang ito sa loob ng sandaling panahon ay “matitisod,” siya’y maaaring humingi sa Diyos ng lakas, pagkatapos ay maaari niyang pag-ibayuhin ang kaniyang pagsisikap at malamang na siya’y magtatagumpay uli, sa loob ng isang lalong matagal na panahon.—Hebreo 12:12, 13; Awit 103:13, 14.
Pakikipagpunyagi sa Pag-aabuso sa Alak
12. Ano ang pangmalas ng Kristiyano tungkol sa alak?
12 ‘Ang alak ay nagpapagalak sa Diyos at sa mga tao,’ ang sabi ng isang talata sa Bibliya. (Hukom 9:13) Marahil ay sasang-ayon ka, sapagkat ang mga inuming de-alkohol ay nakatulong para marami ang makapagrelaks at makapaglibang. (Awit 104:15) Datapuwat, kakaunti ang hindi sasang-ayon na ang paggamit ng alak ay maaaring magdulot ng panganib kapuwa sa paraang pisikal at moral. Ang isang malaking problema ay ang paglalasing. Ang kahinaang ito ay totoong malubha na anupa’t ang Diyos ay nagbigay ng babala na ang mga lasenggo ay maaaring matiwalag sa kongregasyon at hindi makapasok sa Kaharian. (1 Corinto 5:11-13; Galacia 5:19-21) Ito’y alam na alam ng mga Kristiyano at sila’y sumasang-ayon na kailangang iwasan nila ang paglalasing. Subalit, bukod sa paglalasing, paano ngang ang paggamit ng alak ay makapagiging isang lihim na pagkakasala?
13. Ipaghalimbawa kung paano namimihasa sa alak ang isang tao?
13 Ang isang Kristiyano ay maaaring katamtaman lamang uminom ng alak, subalit maaari pa rin siyang magkaroon ng isang malubhang kasalanan. Narito ang karanasan ng isang lalaki na tatawagin natin na Heinz.
Siya, ang kaniyang maybahay, at mga anak ay naging mga tunay na Kristiyano at totoong aktibo sa lokal na kongregasyon. Nang dumating ang panahon si Heinz ay hinirang na isang elder at siya’y kinilala bilang isang ‘haligi’ sa mga kongregasyon sa siyudad. (Galacia 2:9) Maiintindihan kung bakit siya’y napaharap sa mga kagipitan sa pag-aasikaso sa kaniyang pamilya at sa mga ilang kabalisahan sa pag-aasikaso sa kawan. (2 Corinto 11:28) Sa kabila pa nito, sa kaniyang trabaho ay napaharap siya sa maraming mga kagipitan sapagkat ang kompanya na kaniyang pinagtatrabahuhan ay lumalaki, at ibig ng kaniyang boss na siya’y humawak ng sarisaring problema at gumawa ng mga desisyon.
Maraming gabi na si Heinz ay totoong naliligalig. Nasumpungan niya na ang pag-inom ng isa o dalawang lagok ay tutulong sa kaniya na magrelaks. Mangyari pa, yamang siya’y isang maygulang na Kristiyano maingat na iniwasan niya ang labis na pag-inom o paglalasing. Bagamat siya’y umiinom nang bahagya upang medyo magrelaks kung gabi, hindi niya kailangan ang alak kung araw, at malimit na hindi siya umiinom sa mga oras na siya’y kumakain. Siya’y hindi nakilala bilang ‘mahilig sa maraming alak.’—1 Timoteo 3:8.
Sa di-sinasadyang pangyayari si Heinz ay napaospital para dumaan sa isang karaniwang operasyon. Mayroong lumitaw na pambihirang sintomas. Ano ba ang sanhi? Hindi gumugol nang matagal ang mga mediko upang magpasiya na ang dinaranas pala noon ni Heinz ay mga sintomas ng pag-urong (withdrawal symptoms). Oo, ang kaniyang katawan pala ay namihasa na sa alak. Takang-taka ang kaniyang pamilya, subalit sila’y tumulong sa kaniya at kanilang sinuportahan ang kaniyang matibay na pasiya na lubusang umiwas sa alak.
14. Ano ba ang umaakay sa isa upang siya’y maging katawa-tawa dahilan sa alak?
14 Naiisip ng iba na ang alak ay totoong mahalagang bahagi na ng kanilang buhay, kayat sinisikap nilang itago ang kanilang pag-inom, yamang hindi nila ibig malaman ng kanilang pamilya at mga kaibigan kung gaano kalakas o kadalas sila umiinom. Marahil ay hindi iniisip ng iba na sila’y mga pusakal nang manginginom ng alak, subalit sa maghapon ay walang nasa isip nila kundi ang pag-inom. Ang mga taong nasa alinman sa mga katayuang iyan ay totoong nanganganib na magpakalabis ng pag-inom paminsan-minsan o maging lihim na mga alkoholiko. Pag-isipan ang kawikaang ito: “Ang alak ay manunuya, at ang matapang na alak ay manggugulo, at sino mang naliligaw nang dahil sa kaniya ay hindi pantas.” (Kawikaan 20:1) Ang punto ay, dahil sa labis na pag-inom ng isang tao baka siya pakilusin nito nang wala sa katinuan at maging katawa-tawa. Gayunman, sa isa pang diwa ay maaaring maging manunuya ang alak. Ang isang tao ay katawa-tawa kung iniisip niya na hindi nakikita ng Diyos ang kaniyang pag-inom.
15. Paano ang mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 9:24-27 ay may kaugnayan sa paggamit ng Kristiyano ng alak?
15 Isa sa mga bunga ng espiritu ng Diyos ay pagpipigil-sa-sarili, at kailangan natin iyan sa lahat ng pitak ng ating buhay. (Galacia 5:22, 23) Ang Kristiyano ay inihambing ni Pablo sa isang mananakbo. Sa isang karaniwang takbuhan ang mananakbo ay “nagpipigil-sa-sarili sa lahat ng bagay” upang “magkamit ng isang nasisirang korona” lamang. Sa katulad na paraan, ang Kristiyano ay nangangailangan na magpakita ng “pagpipigil-sa-sarili sa lahat ng bagay” upang kamtin niya ang gantimpala na mas mahalaga—BUHAY. Idiniin ni Pablo na ‘supilin natin ang ating katawan gaya ng isang alipin’ upang ‘pagkatapos na tayo’y nakapangaral na sa iba tayo naman ay huwag itakuwil sa paano man,’ halimbawa dahil sa isang lihim na pagkakasala na may kinalaman sa alak.—1 Corinto 9:24-27.
16. Paano matitiyak ng isang tao kung kahinaan baga niya ang alak?
16 Ano nga ba ang makatutulong sa isang Kristiyano upang harapin ang kahinaang ito? Makatutulong ang pagkaunawa na bagaman ang isang manginginom ay makapaglihim ng kaniyang kasalanan sa mga ibang tao, iyon ay hindi niya maililihim sa Diyos. (1 Corinto 4:5) Sa gayon, may kataimtiman—sa harap ng Diyos—na dapat pag-isipan ng isang tao ang kaniyang mga kaugalian sa pag-inom. (Ang tinutukoy namin ay yaong pag-inom para masarapan niya iyon, o magkaepekto iyon sa kaniya, hindi lamang ang pag-inom nang bahagya pagka siya ay kumakain.) Datapuwat, baka sabihin naman ng iba, ‘Pero hindi ko naman kailangan na uminom. Nasasarapan lamang ako; ako’y nakakarelaks. Puwede akong huwag uminom kung ibig ko.’ Bueno, dahilan sa panganib na idinudulot ng labis na pag-inom o pamimihasa sa alak, bakit hindi mo nga gawin ang sinabi mong iyan sa loob ng isang buwan o dalawa kaya? O, yamang may matinding tendensiya na itatuwa na mayroong nakaharap na isang problema, pagtibayin mo sa iyong kalooban na sa loob ng isang buwan ay iiwasan mo sa lahat ng panahon ang pag-inom bagaman ang pag-inom ay isang bagay na normal. Halimbawa, para sa isang taong karaniwan nang umiinom pagkatapos ng trabaho, bago siya matulog, o umiinom sa isang sosyal na pagtitipon o handaan, maiwasan niya ang paggawa ng gayon. Sa ganoon ay makukontrol niya ang kaniyang damdamin. Kung ito’y mahirap, o talagang ‘hindi siya makapagrelaks,’ siya ay mayroong malubhang kahinaan.
17. Bakit ang isang Kristiyanong may lihim na kahinaan sa alak ay kailangang magsumikap na daigin iyon?
17 Minsang makilala ng isang taimtim na Kristiyano sa harap ng Diyos na siya’y may kahinaan sa alak, mas madali niyang madadaig ang kahinaang iyon. Baka alam na niya na sinasabi ng Bibliya na ‘isang taong mangmang’ ang nangangatuwiran na ‘ang nakaw na tubig ay matamis, at ang tinapay [o alak] na kinakain sa lihim—ito’y masarap.’ Gayunman, ang gayong mga tao, ang sabi ng Mga Kawikaan, ay walang kahahantungan kundi kamatayan. Ibang-iba naman dito, ang taong pantas ay umiibig sa saway, at siya’y nalulugod na ‘humiwalay sa musmos at patuloy na mabuhay sa pamamagitan ng paglakad nang matuwid sa daan ng kaunawaan.’ (Kawikaan 9:1, 6, 8, 13-18) Oo, ang Diyos ay magbibigay ng karagdagang tulong upang madaig natin ang lihim na mga kahinaan sa pamamagitan ng pagbibigay-alam sa atin kung ano ang nasa unahan natin, kung ano ang magiging resulta niyaon.
Ginaganti ng Diyos ang mga Lihim na Pagkilos
18. Sa pananaig natin sa ating lihim na mga kahinaan, tayo’y makapagtitiwala sa ano? (Kawikaan 24:12; 2 Samuel 22:25-27)
18 May mga tao na namumuhay sa takot sapagkat baka ang kanilang masasamang gawa ay matuklasan, ng mga tao o ng Diyos. Huwag nawang mangyari sa atin iyan. Sa halip, tayo’y mamuhay na taglay ang pagkaalam na tayo’y walang maikukubli sa Kaniya, “sapagkat bawat uri ng gawa ay hahatulan ng tunay na Diyos may kaugnayan sa bawat kubling bagay kung ito baga’y mabuti o masama.” (Eclesiastes 12:14) Tanggapin natin ang tulong ni Jehova upang madaig ang ating mga kahinaan, at pati mga bagay na lihim. Maaasam-asam natin ang panahon na ang “mga lihim na bagay ng kadiliman” ay mabibilad at “ang mga payo ng mga puso” ay mahahayag. “At kung magkagayon ang bawat isa ay magkakaroon ng kapurihan buhat sa Diyos.”—1 Corinto 4:5; Roma 2:6, 7, 16.
[Mga talababa]
a Ipinakikita ng Mateo 17:14-18, Marcos 9:17-24, at Lucas 9:38-43 na ang kaniyang kalagayan ay dahil sa inalihan siya ng mga demonyo. Sa Bibliya ay pinag-iiba ang epilepsiyang ito at yaong natural na sakit.—Mateo 4:24.
b Kung minsan sa panahon ng pagtulog ang katawan ay dumaranas ng di-sinasadya o inboluntaryong seksuwal na pagluluwag, na itong natural na aktibidad na ito ay hindi kagaya ng sinasadyang pag-aabuso sa sarili.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ba ang nadarama ng Diyos tungkol sa lihim na mga kahinaan na sinisikap nating madaig?
◻ Anong payo ng Kasulatan ang nagpapakita na dapat iwasan ang pag-aabuso sa sarili?
◻ Paano madadaig ng Kristiyano ang ugali na pag-aabuso sa sarili?
◻ Yamang hindi naman ibinabawal ng Bibliya ang pag-inom ng alak, paanong ang pag-inom ng alak ay nagiging isang lihim na kasalanan?
◻ Anong matalinong mga hakbang ang maaaring gawin kung tungkol sa pakikitungo sa isang lihim na kahinaan sa alak?
[Kahon sa pahina 17]
Kaniyang Nadaig ang Pag-aabuso sa Sarili
BILANG ISANG BINATA, si C——— ay may normal na damdamin sa sekso, subalit mayroon din naman siyang problema. Mula sa edad na 13 naging ugali na niya ang mag-abuso sa sarili, kadalasan sa lihim ng kaniyang silid-tulugan. Medyo ikinahihiya niya ito, subalit inaakala niya na wala naman siyang pinipinsalang sinuman.
Nang siya’y tumuntong na sa edad 19, siya’y namihasa na rito. Kung minsan ito’y ikinukumpisal ni C——— sa kaniyang pari, subalit bagamat sinabi sa kaniya na ito’y mali, hindi raw naman ito napakagrabe. Nang si C——— ay nagsundalo, wala siyang gaanong panahon sa pagsosolo. Kaya naman, bihira lang siyang mag-abuso sa sarili, na, siyanga pala, nagpapakita na ang kaniyang nakaraang kaugaliang ito ay hindi resulta ng walang-patumanggang silakbo ng damdamin.
Nang siya’y umalis na sa hukbo, si C——— ay bumalik sa kanilang tahanan. Nagsimula siyang bumili ng mga magasing pornograpiko at, palibhasa’y napukaw siya ng mga ito, hindi nagtagal at siya’y balik na naman sa kaniyang mga dating gawi. Nang siya’y mamuhay nang mag-isa, napakadali na makakuha siya ng babasahín na pumupukaw ng sekso. Kalimitan ay gumagawa siya ng pag-aabuso sa sarili kung mga ilang beses maghapon.
Nang magkagayo’y nagsimula siya ng pakikipag-aral ng Bibliya sa isang ministro ng mga Saksi ni Jehova. Samantalang natututo siya ng pangmalas ng Diyos sa imoralidad, si C——— ay nakadama ng kahihiyan sa pagbili ng mga babasahíng pornograpiko, at ibig niyang maihinto ang ugali na pag-aabuso sa sarili. Sinikap niyang gawin iyon. Subalit makalipas ang isa o dalawang linggo siya’y nakakadama ng kaigtingan ng damdamin sa sekso, siya’y hihinto sa bilihan ng mga babasahín, at siya’y muling napupukaw ng mga babasahíng imoral. Pagdating niya sa tahanan, kaniyang nadarama na yamang bigo na siya, magpapatuloy na lamang siya. Pagkatapos, siya’y magsisisi. Hindi kayâ niya maihinto ang masamang ugaling ito?
Sa wakas si C——— ay nagtapat sa isang espirituwal na elder sa kongregasyon. Ang ministrong ito ay maunawain at tumulong sa kaniya na humanap ng mga lathalain sa Bibliya na tutulong sa kaniya na mapahusay pa ang kaniyang pagpipigil-sa-sarili. Ganito ang paliwanag din naman ng ministro:
‘Gunigunihin mo ang hangaring iyan na walang iniwan sa isang kadena. Ang unang kadena ay maliit at mahina. Subalit ang bawat kasunod na kadena ay palaki nang palaki at patibay nang patibay. Ganiyan ang nangyayari sa mga pita na humahantong sa masturbasyon. Kayat kailangan huminto ka sa matinding hangaring iyan sa pinakamaaga hanggat maaari. Miyentras tumatagal iyan, lalo namang tumitindi ang iyong pita. Sa wakas ay halos hindi mo na mapahihinto iyan. Oo, sikapin na sirain sa una pa lamang kadena. Pagka naramdaman mo nang nariyan na naman ang pitang iyan, GAWIN MO ANG DAPAT! Tumayo ka at baguhin mo ang iyong posisyon, pakintabin mo ang iyong sapatos, itapon mo ang laman ng basura—gumawa ka ng ano man upang masira ang kadena. Maaari ka ring bumasa nang malakas, basahin mo halimbawa ang Bibliya o ang isang publikasyong para sa mga Kristiyano na hihila ng iyong mga kaisipan sa mga bagay na malilinis.’
Kinukumusta ng ministrong ito si C——— pagka dumadalo sa mga pulong at inaalam kung paano nga ang takbo ng mga bagay-bagay, at regular na binibigyan siya ng komendasyon at pampatibay-loob sa kaniyang ginagawang pagsisikap. Sa loob ng pitong linggo si C——— ay nagtagumpay. Pagkatapos, nang siya’y makadama ng kabiguan at ng panghihina ng loob dahilan sa isa pang problema, siya’y nadaig na naman, bumili siya ng mga babasahíng erotiko. At siya’y bumalik na naman sa dati. Ang ganiyang mga episodo ay nakalulungkot, subalit pinayuhan siya ng ministro na magpatuloy sa kaniyang pakikipagpunyagi. Unti-unti na ang mga pagitan ay humaba hanggang sa 9 na linggo, pagkatapos ay 17 linggo, pagkatapos ay mas mahaba pa nga. Unti-unting lumaki ang kaniyang pagtitiwala na kaniyang madadaig ang lihim na suliranin niya.
Sa wakas si C——— ay napaharap sa katotohanan na alam pala ni Jehova ang lahat ng kaniyang ginagawa. Sa gayon, kung ibig niyang maglingkod sa Diyos na may malinis na budhi, kailangan tuluyang iwanan niya ang ganitong kinaugalian. At kaniyang ginawa iyon! Ngayon ay hindi man lamang niya maalaala kung gaanong katagal nangyari iyon sa kaniya. Bilang isang ulirang Kristiyano, si C——— ay binigyan ng responsabilidad sa kongregasyon, at isinaayos niya na pasulungin ang kaniyang paglilingkod sa ikaluluwalhati ng Diyos. Siya ay isang naiibang tao ngayon.