Pamumunga sa “Isle of Spice”
NAROON sa gitna ng mainit at kumikislap na katubigan ng Caribbean Sea ang kayliit-liit na “Isle of Spice” (Isla ng Pampalasa). Ito’y tinatawag din na Grenada, at ang laki ay 120 milya kuwadrado (311 km kuwad) lamang. Bueno, maging ang sakop mang mga isla nito, ang Carriacou at Petit Martinique, ay may kabuuang laki na 133 milya kuwadrado (344 km kuwad) lamang. Ikinapit sa Grenada ang palayaw na “Isle of Spice” dahilan sa mayroon doon na maraming mga pantimpla sa pagkain, gaya baga ng kanela, cloves, tonka beans, at nuwes muskada.
Mula sa hilaga hanggang timog, ang isla ay may kabundukan na pagdating sa tabing-dagat ay napakatarik, lalo na sa gawing kanluran. Doo’y may mga ilog at sapa na ang agos ay patungo sa dagat, at sagana rin doon ang malalagong kagubatan. Sa panahon ng tag-araw, ang tagilirang-bundok at makikitid na mga libis ay nababalot ng matingkad-pula at dilaw na bulaklak ng ligáw na immortelle at mga punong poui. Ang kaakit-akit na tanawing ito ay lalong pinagaganda ng sarisaring mga halamang namumulaklak gaya baga ng bougainvillea, gumamela, yelo-sa-bundok, at ng mababangong ‘mga dama’ ng gabi.
Kapuna-puna sa Grenada ang tabing-dagat na nabubudburan ng mga punong palma, na nasa gilid ng kaakit-akit na mapuputing buhanginan. Ang kabuhayan dito ay tinutustusan ng iniluluwas na mga produkto na tulad baga ng saging, cocoa, at nuwes muskada. At may kinikita rin sa turismo at sa mga padalang kuwarta na galing sa mga kamag-anak na dumayo sa mga lugar na gaya ng Aruba, Curaçao, Inglatera, Trinidad, Estados Unidos, at Venezuela. Ang 112,000 palakaibigang mga mamamayan ng Grenada ay palangiti at naihuhulog nila sa siste ang kahit bahagyang pangungusap.
Pagtatanim ng mga Binhi ng Katotohanan
Ang mga binhi ng katotohanan ay itinanim sa magandang islang ito noong 1914, nang taon na sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I. Isang taga-Grenada, si Elias James, ang bumalik doon galing sa Panama. Nang siya’y maging isang dayuhang manggagawa roon, tinanggap niya ang pabalita ng Kaharian ng Diyos at siya’y naging isang nag-alay at bautismadong ministro. Sabik siya na ihasik ang mga binhi ng katotohanan sa palakaibigang mga tao ng islang ito. Hindi nagtagal, nakilala niya ang isang nagngangalang Mr. Briggs, isang Barbadiano na doon nakatira sa Grenada. Dagling tinanggap ni Briggs ang balita ng Kaharian, at siya ang naging unang bunga roon sa “Isle of Spice.” Nang makitang kailangan ang isang lugar na pagpupulungan, inihandog ni Briggs ang unang palapag ng kaniyang bahay at ito ang naging unang dakong tipunan ng mga lingkod ni Jehova sa kabiserang lunsod, ang St. George.
Yamang siya’y isang nakatalagang ministro at mahusay magpahayag, si Elias James ay tumulong sa maraming taimtim na mga tao. Kabilang na rito ang kaniyang hipag, si Chriselda James. Ngayon siya ay 88 anyos na, at siya lamang ang naroon sa isla na nag-aangkin na isang pinahirang Kristiyano. Siyam na anak niya ang pinalaki niya sa kabila ng patuloy na pagsalansang ng kaniyang asawa, at lahat ng siyam ay naging bautismadong mga Saksi. Tatlo ang namatay na, subalit ang natitira ay aktibo pa ring mga ministro, dalawa ang payunir at isa ang espesyal payunir at elder.
Nang matapos ni Elias James ang kaniyang makalupang takbuhin, malaki na ang nagawa niya bilang payunir sa pagtatanim ng mga binhi ng katotohanan sa Grenada. Sa ngayon ay mayroong anim na kongregasyon doon at may isa sa Carriacou, na ang sukdulang dami ay 353 mga tagapagbalita ng Kaharian.
Sa panahon ng mabagal ngunit patuluyang paglago, ang mga tapat na Saksi ay nakalampas sa iba’t ibang pulitikal na mga pagbabago—mula sa pagiging kolonya ng imperyo hanggang sa pagkaestado hanggang sa pagkakamit ng kasarinlan buhat sa Gran Britaniya noong 1974. Sa loob ng panahong iyan, walang gaanong pagsalansang sa mabuting balita, at karamihan ng mga tao ay nakikinig sa mabuting balita, kung minsan ay dahil lamang sa pagbibigay-loob. Noong 1979, nagbago ang saloobing pulitikal ng iba at ito’y humantong sa isang rebolusyon at sa pagkalagay sa kapangyarihan ng People’s Revolutionary Government. Bagaman marami ang may palagay na ang gawaing relihiyoso ay dapat na kontrolado ng bagong gobyernong makasosyalista, hindi ganito ang nangyari, at nagpatuloy ang pamumunga ng Kaharian.
Malaking pagbabago ang naganap noong Oktubre 19, 1983, na hindi karakaraka malilimot ng mga taga-Grenada. Ang RMC (Revolutionary Military Council) ang noo’y komuntrol sa gobyerno. Ang Punong Ministro at mga iba pang ministro sa gobyerno ay pinagbabaril at nakasama ang kung ilang mga sibilyan.
Ito’y dagling sinundan ng pagpapairal ng 4-na-araw, 24-oras, na curfew at kalakip ang utos na barilin agad ang sinumang lalabag. Dahilan sa kaligaligang ito, na noon lamang naranasan ng tahimik na mga tagapulo, lumaganap ang takot at kawalang-seguro. Yamang lahat ay hindi makalabas sa kani-kanilang tahanan, malaking hirap ang dinanas, lalo na ng mga maysakit at ng may edad.
Maaga pa noong Martes nang umaga, Oktubre 25, 1983, nagising na lamang ang maraming Grenadiano dahilan sa pambihirang ugong ng mga eruplano, na sinusundan ng nakatutulig na mga pagsabog at ugong ng matinding barilan. Nang magtagal, narinig nila sa balita ng lokal na istasyon ng radyo na may mga hukbong banyaga na lumapag sa isla. Ang pinagsamang hukbo ng OECS (Organization of Eastern Caribbean States) at ang mga Marino ng Estados Unidos ay nakialam na noon, ayon sa balita pagkatapos na humingi ng tulong ang Gobernador-Heneral. Sa loob ng mga ilang oras, ang dalawang paliparan (Pearls at Point Salines) ay nasakop ng mga puwersa ng mga Caribbeano at Estados Unidos. Habang patuloy na tumatanghali, ang Grenada ay napapabalita sa buong daigdig.
Mahigpit ang labanan ng mga hukbong banyaga at yaong tapat sa RMC. Gayunman, ito’y lalung-lalo na sa lugar ng St. George. Maraming mga tagaroon ang nagpalipas ng mapanganib na mga araw na iyon sa ilalim ng kanilang mga kamang higaan. Ang iba’y takot na takot na pumunta man lamang sa kanilang kusina upang maghanda ng pagkain para sa kanilang pami-pamilya. Nakatutuwang sabihin, walang isa man sa mga Saksi ni Jehova sa isla ang nasaktan sa labanang iyon. Gayunman, ang ilan sa kanila ay nanganib sa bingit ng kamatayan.
Ang Tibay-loob Kristiyano sa Gitna ng Kaligaligan
Isang elder sa kongregasyon ang bumanggit tungkol sa isang babaing Saksi na “napasabingit ng kamatayan.” Ganito ang bida ng elder: ‘Ang sister na ito ay nagkubli sa bahay ng kaniyang kapitbahay, na kung saan inaakala niya na hindi siya maaano roon. Siya at ang iba pang mga naroroon ay nakarinig ng putok na nanggagaling sa isang burol sa banda pa roon ng bahay. Tinira ng U.S. marines ang bahay, sa paniwala na may mga tumitíra buhat doon. Lahat ng nasa bahay ay dagling dumapa sa sahig. Nang huminto sandali ang sunud-sunod na putukan, ang maybahay ay nininerbiyos na lumabas hawak-hawak ang isang puting kumot. Lahat ng tao sa bahay ay sumunod sa kaniya sa labas, pati na ang ating nahihintakutang sister. Samantalang sila ay nakatayo sa harapan, sila’y tiníra ng sunud-sunod, ngunit ngayon ay sa burol nanggagaling ang pagtíra gaya noong una. Samantalang umuulan ng mga bala, silang lahat ay mabilis na dinala ng mga marino sa isang ligtas na lugar. Kapuna-puna, walang sinuman na nasaktan. Nang maglaon ay sinabi sa kanila ng mga marino na sila’y totoong mapalad, sapagkat kanila sanang pasasabugin noon din ang bahay, sa paniwala nila na ang mga sundalo ng RMC ay nasa loob at ang mga ito ang tumitíra sa kanila. Nang sumauli na ang katahimikan, natuklasan ng ating mahal na sister na napabaon pala sa kaniyang isang paa ang isang tinik na may habang dalawang pulgada (5 cm). Hindi man lamang niya naramdaman ang kirot nang tumusok iyon sa kaniyang laman!’
Samantalang nagaganap ang labanan, isang singko-anyos na babaing anak ng isang elder ang natumba sa loob ng bahay at nabalian ng kaniyang kaliwang braso. Imposible na kumunsulta sa doktor nang panahong iyon. Walang maaaring gawin ang mga magulang kundi bigyan ang bata ng mga ilang tableta upang pansamantalang huminto ang kirot. Nang maging kalmado na makalipas ang mga ilang araw, ang bata ay dinala nila sa isang espesyalita sa bali ng buto. Nang suriin iyon, natuklasan na malubha ang pagkabali ng buto. Gayunman, ang buto ay napasauli na sa lugar, at patuloy ang paggaling nang walang anumang komplikasyon. Kalabisang sabihin, ganiyan na lang ang katuwaan ng nabahalang mga magulang.
Sa laki ng kaniyang pagtataka, napatunayan ng isang mahinang sister na malakas pala ang kaniyang katawan. Ang kaniyang asawa, isang diabetiko na mahigit na doble ang bigat sa kaniya, ay nawalan ng malay at bumagsak sa sahig samantalang curfew pa. Ang sister na ito ang nag-iisang taong maygulang sa bahay na iyon at wala namang ibang tutulong sa kanila. Kaya, ano kaya ang magagawa? Ganito ang bida niya: “Ako’y nanalangin kay Jehova at humingi sa kaniya ng tulong. Taimtim na masasabi ko na narinig ni Jehova ang aking maningas na panalangin.Itinodo ko ang aking lakas, at nabuhat ko naman ang aking asawa at naiupo hanggang sa siya’y magkamalay. Wala akong masasabi kundi na ang lakas na taglay ko nang sandaling iyon ay nanggaling kay Jehova.”
Sa sandali ngunit mahigpit na paglalabanang iyon, ang hinirang na matatanda ay nagkaroon ng maraming pagkakataon upang patunayan na sila’y ‘mga dakong kanlungan sa bagyo.’ (Isaias 32:1, 2) Para makatulong at makaaliw, isinapanganib nila ang kanilang kaligtasan at maging ang buhay nila samantalang dumadalaw sa maraming mga kapatid, lalo na sa mga lugar na doo’y mahigpit ang labanan.
Isang elder at pati na ang kaniyang pamilya ang kabilang sa daan-daang inilikas buhat sa kanilang mga tahanan at inilagay sa isang likasang kampo. Tiniis ang nakabibinging ingay ng pumuputok na mga kanyon. Dahil sa gayong nakabibinging ingay ang elder, ang kaniyang asawa at ang kanilang anak ay literal na napahiga sa lupa. Nang tanungin kung paano siya nakapamalaging kalmado sa mga sandaling iyon ng labanan, sinabi niya: “Ang aking kawalan ng takot at pagkakalmado ay bunga ng maraming taon ng masinsinang pag-aaral ng Salita ng Diyos, at ito ang nagpatibay sa akin upang mapahanda para sa gayong pambihirang kalagayan.” Sa gayon, nagawa ng elder na ito na tulungan ang mga Saksi sa kampong iyon upang maging kalmado at naaaliw.
Mga ilang linggo ang nakaraan, nang masakop na ng mga hukbo ng E.U. at Caribbean ang buong isla, isang pansamantalang administrasyon ang itinatag. Kaya medyo tumatag ang kalagayan para sa pagdaraos ng isang pangkalahatang eleksiyon. Ito’y naganap noong Disyembre 3, 1984. Sa ilalim ng New National Party na pinangunahan ng Punong Ministro, si Herbert Blaize, waring lumipas na ang maligalig na panahon, at marami ang umaasa na sasapit ang isang magandang kinabukasan.
Pinalakas Para sa Hinaharap na Gawain
Ang mga pangyayari kamakailan ay nagpalakas sa lahat ng mga Saksi ni Jehova sa Grenada. Kanilang naranasan ang kapangyarihan ni Jehova na magligtas at sila’y disididong maging higit pang masigasig nang pangangaral ng Kaharian. Maraming taimtim at tapat-pusong mga tao na nagpapakita ng malaking interes sa balita ng Kaharian ang kabilang sa 914 na mga dumalo sa selebrasyon ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong Abril 4, 1985. Para sa bawat isa sa 350 Saksi sa isla, mga dalawang interesado ang dumalo ng okasyong iyon. Anong inam na potensiyal para sa hinaharap na pagsulong!
Sa likas na kagandahan ng Grenada ay maaaninaw kung ano ang magiging hitsura ng ipinangakong lupang Paraiso. Ang gayong pangglobong Paraiso ay isang tiyak na pangako ng Maylikha ng lupa, si Jehova. Hindi na magtatagal at ang matuwid ay “magmamana ng lupa, at sila’y tatahan dito magpakailanman.” (Awit 37:10, 11, 29) Lahat ng mga Saksi ni Jehova ay maliligaya at sabik silang ibahagi ang kasiya-siyang balitang ito ng pag-asa sa kanilang mga kapuwa taga-Grenada sa buong “Isle of Spice” na ito.