“Ang mga Bagay na Isiniwalat ay Nauukol sa Atin”
“Ang mga bagay na lihim ay nauukol kay Jehova na ating Diyos, ngunit ang mga bagay na isiniwalat ay nauukol sa atin.”—DEUTERONOMIO 29:29.
1, 2. (a) Bakit lubhang kailangan ng tao ang mga pagsisiwalat ni Jehova? (b) Ano ang dapat na maging saloobin natin sa kaalaman na iniaalok sa atin ni Jehova?
PAGKA ang isang tao’y napapunta sa isang lugar na may nakabaóng mga mina ngunit mayroon siyang dalang mapa na doo’y may isang landas sa pagitan ng nakabaóng mga mina, iyo bang maguguni-guni kung paano maingat niyang pag-aaralan ang mapang iyon at susundin ang lahat ng mga tagubilin doon? O isip-isipin mo ang sinoman na naghihirap buhat sa isang sakit na hindi na gagaling. Naguguni-guni mo ba ang kaniyang matinding paghahangad na masubaybayan ang lahat ng pinakamakabagong tuklas ng medisina na nagbibigay ng pag-asa na siya’y gumaling balang araw? Bueno, nakalulungkot sabihin na tayo’y nasa dalawang kalagayang iyan. Tayo’y nabubuhay sa isang daigdig na batbat ng mga silo at patibong na maaaring magpahamak sa atin. At tayo’y namamatay dahilan sa minanang sakit, ang di-kasakdalan, na di mapagagaling ng tao. (1 Juan 2:15-17; Roma 7:20, 24) Ang Diyos lamang ang may lunas para sa ating di-kasakdalan. At siya lamang ang makatutulong sa atin upang makilala ang mga silo at maiwasan ang mga iyan, at siya lamang ang makalulunas sa ating di-kasakdalan. Kaya naman kailangan natin ang mga pagsisiwalat ni Jehova.
2 Kaya ang kinasihang manunulat ng aklat ng Mga Kawikaan ay nagpayo: “Ikiling mo ang iyong pakinig at dinggin mo ang salita ng pantas, upang masunod mo sa mismong iyong puso ang kaalaman ko.” (Kawikaan 22:17) At, mababasa natin sa Kawikaan 18:15: “Ang puso ng taong umuunawa ay nagtatamo ng kaalaman, at ang pakinig ng pantas ang humahanap upang makasumpong ng kaalaman.” Hindi natin maaatim na talikdan ang anomang kaalaman na iniaalok ni Jehova.
Ang Isiniwalat ni Jehova na mga Lihim
3. Anong pagsisiwalat ng kaniyang layunin ang ginawa ni Jehova kay Adan at kay Eva?
3 Nakatutuwang sabihin, si Jehova ay totoong bukas-palad sa pagsisiwalat ng kaalaman. Mula pa nang panahon ng paglalang, unti-unting ibinigay ng Diyos sa mga sumasamba sa kaniya ang lahat ng kaalaman na kailangan nila sa ilalim ng iba’t-ibang kalagayan. (Kawikaan 11:9; Eclesiastes 7:12) Noong unang-una, kaniyang ipinaliwanag na ang lupa at ang mga hayop na naririto ay susupilin ni Adan at ni Eva at ng kanilang mga supling at inapo. (Genesis 1:28, 29) Subalit, si Adan at si Eva ay hinikayat ni Satanas na magkasala, at naging mahirap noon na makita kung paano nga matutupad ang nilayon ng Diyos ayon sa kaniyang ikaluluwalhati. Datapuwat, mabilis naman na ipinaliwanag ni Jehova ang mga bagay-bagay. Kaniyang isiniwalat na sa takdang panahon ay lilitaw ang isang supling, o “binhi,” na kikilos laban sa mga gawa ni Satanas at ng kaniyang mga tagasunod.—Genesis 3:15.
4, 5. Anong higit pang mga pagsisiwalat ang ginawa ni Jehova, at sino ang mga ginamit niyang alulod?
4 Ang mga lalake at mga babae na may takot sa Diyos ay tiyak na nagkaroon ng maraming katanungan tungkol sa Binhing iyon. Sino kaya siya? Kailan kaya siya darating? Paano kaya makikinabang ang sangkatauhan? Sa paglakad ng daang-daang taon, si Jehova ay nagbigay ng higit pang mga pagsisiwalat tungkol sa kaniyang mga layunin, at sa wakas kaniyang sinagot ang lahat ng mga tanong na ito. Bago sumapit ang Baha, kaniyang kinasihan si Enoc na humula tungkol sa darating na pagkapuksa ng binhi ni Satanas. (Judas 14, 15) Humigit-kumulang 2,400 mga taon bago ng ating Common Era, kaniyang isiniwalat kay Noe na ang buhay ng tao at ang dugo ay banal—isang katotohanan na may pangunahing kahalagahan pagdating dito ng ipinangakong Binhi.—Genesis 9:1-7.
5 Pagkatapos ng kaarawan ni Noe, si Jehova ay nagsiwalat ng mahalagang kaalaman sa pamamagitan ng iba pang tapat na mga patriarka. Noong ika-20 siglo B.C.E., napag-alaman ni Abraham na ang ipinangakong Binhi ay magiging isa sa kaniyang mga inapo. (Genesis 22:15-18) Ang pangakong ito ay naging isang walang katulad na kayamanan sa anak ni Abraham na si Isaac at sa apo na si Jacob (nang malaunan ay pinanganlang Israel). (Genesis 26:3-5; 28:13-15) Pagkatapos, sa pamamagitan ni Jacob, isiniwalat ni Jehova na ang Binhing ito, ang “Shiloh,” ay magiging isang makapangyaring hari na isisilang sa angkan ng kaniyang anak na si Juda.—Genesis 49:8-10.
6. Noong ika-16 na siglo B.C.E., sino ang naging alulod para sa “mga bagay na isiniwalat,” at ano ang ilan sa mga bagong bagay na kanilang natutuhan?
6 Noong ika-16 na siglo B.C.E., ang mga anak ni Israel ay binuo ni Jehova na isang bansa. Kanino nga noon nauukol ang patuloy na isinisiwalat na katotohanan? Si Moises ang sumagot sa tanong na ito sa ganitong pagsasabi sa kabataang bansa: “Ang mga bagay na lihim ay nauukol kay Jehova nating Diyos, ngunit ang mga bagay na isiniwalat ay nauukol sa atin at sa ating mga anak hanggang sa panahong walang takda.” (Deuteronomio 29:29) Oo, pagkatapos na maisilang noong 1513 B.C.E., ang bansang Israel ang naging alulod na “pinagkatiwalaan ng banal na mga salita ng Diyos.” (Roma 3:2) At anong lakas na pagbaha ng mga salitang iyon! Pinapangyari ng Diyos na ang mga Israelita ay makasali sa tipang Kautusan, na nagbigay sa kanila ng pagkakataon na maging isang bansa ng mga saserdote at mga hari. (Exodo 19:5, 6) Kasali sa Kautusang iyon ang isang kalipunan ng asal na tumulong sa kanila upang makilala at maiwasan ang mga silo ng kasalanan at kasali rin ang isang kaayusan ng mga paghahandog ng hain na gumagamit ng banal na dugo ng mga hayop upang matakpan ang kanilang kasalanan sa isang makasagisag na paraan.
7, 8. (a) Anong karagdagang kaalaman ang isiniwalat ni Jehova tungkol sa darating na Binhi? (b) Paano naingatan “ang mga bagay na isiniwalat,” at sino ang nagsiwalat ng wastong unawa sa gayong mga bagay?
7 Habang lumalakad ang panahon, patuloy na magsisiwalat si Jehova ng tungkol sa Binhi. Sa pamamagitan ng salmista, isiniwalat ng Diyos na ang mga bansa ay tatanggi sa kaniyang Binhi ngunit ang Binhi ay magtatagumpay dahil sa tulong ni Jehova. (Awit 2:1-12) Sa pamamagitan ni Isaias, kaniyang isiniwalat na ang Binhi ay yaong “Prinsipe ng Kapayapaan” ngunit siya rin naman ay magdurusa alang-alang sa mga kasalanan ng iba. (Isaias 9:6; 53:3-12) Noong ikawalong siglo B.C.E., isiniwalat pa man din ni Jehova ang dakong pagsisilangan sa Binhi at, noong ikaanim na siglo B.C.E., ang talaorasan para sa kaniyang ministeryo.—Mikas 5:2; Daniel 9:24-27.
8 Sa wakas, “ang mga bagay na isiniwalat” ay tinipon hanggang sa maging ang 39 na mga aklat ng Kasulatang Hebreo. Subalit, unang hakbang lamang iyon. Ang mga bagay na isinulat ay kadalasan mahirap na maunawaan, kahit na para sa mga taong ginamit na sumulat ng mga ito! (Daniel 12:4, 8; 1 Pedro 1:10-12) Subalit, nang sa wakas ay sumapit ang pagbibigay-liwanag dito hindi depende iyon sa sinomang tagapagpaliwanag na tao. Tulad din ng makahulang mga panaginip, “ang Diyos ang nagpapaliwanag ng kahulugan.”—Genesis 40:8.
Isang Bagong Alulod
9. Bakit ang pribilehiyo na pagiging alulod para sa “mga bagay na isiniwalat” ay iniwala ng likas na Israel, at kailan ito nangyari?
9 Nang narito sa lupa si Jesu-Kristo, ang Israel ang siya pa ring alulod ng Diyos. Sino man na ibig maglingkod kay Jehova ay dapat maglingkod kasama ng kaniyang piniling bansa. (Juan 4:22) Subalit ipinakita ni Moises na ang pribilehiyo na pagiging mga katiwala ng “mga bagay na isiniwalat” ay mayroon din namang taglay na mga pananagutan. Sinabi niya: “Ang mga bagay na isiniwalat ay nauukol sa atin at sa ating mga anak hanggang sa panahong walang takda, upang ating magawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.” (Deuteronomio 29:29) Ang “panahong walang takda” na iyon ay natapos noong 33 C.E. Bakit? Sapagkat, bilang isang bansa, ang mga Judio ay nabigo sa ‘pagsasagawa ng lahat ng mga salita ng kautusan.’ Lalo na, hindi nila tinanggap ang Binhi, si Jesu-Kristo, bagaman ang Kautusan ay, sa katunayan, isang “tagapagturo na umaakay patungo kay Kristo.” (Galacia 3:24) Dahilan sa gayong di-pagtupad, si Jehova ay pumili ng ibang alulod para sa “mga bagay na isiniwalat.”
10. Ano ang bagong alulod para sa mga pagsisiwalat ni Jehova?
10 Ano ba ang bagong alulod na ito? Ipinakilala iyon ni Pablo sa mga taga-Efeso nang siya’y sumulat upang “maipakilala sa pamamagitan ng kongregasyon ang lubhang sari-saring karunungan ng Diyos, ayon sa walang hanggang layunin na pinanukala niya tungkol sa Kristo, kay Jesus na ating Panginoon. (Efeso 3:10, 11) Oo, sa kongregasyong Kristiyano, na itinatag noong Pentecostes 33 C.E., ipinagkatiwala ang bagong “mga bagay na isiniwalat.” Bilang isang grupo, ang pinahirang mga Kristiyano ay nagsilbing “ang tapat at maingat na alipin” na hinirang na magbigay ng espirituwal na pagkain sa nararapat na panahon. (Mateo 24:45) Ang mga Kristiyano ay “mga katiwala ng banal na mga lihim ng Diyos” na iyon.—1 Corinto 4:1.
11, 12. Ano ang ilan sa kahanga-hangang pagsisiwalat na ginawa sa pamamagitan ng bagong alulod?
11 Ang pinaka-buod ng bagong “mga banal na lihim” na ito ay na narito na si Jesu-Kristo, ang ipinangakong Binhi. (Galacia 3:16) Si Jesus ay siyang “Shiloh,” ang isa na may karapatang magpuno sa sangkatauhan, at siya’y hinirang ni Jehova bilang Hari ng Kaharian na sa wakas magsasauli ng Paraiso sa lupang ito. (Isaias 11:1-9; Lucas 1:31-33) Si Jesus ang siya ring hinirang ni Jehova na Mataas na Saserdote, na ang sakdal na buhay na walang bahid dungis ay ibinigay na pantubos para sa sangkatauhan—isang kamangha-manghang pagkakapit ng simulain ng kabanalan ng dugo. (Hebreo 7:26; 9:26) Mula noon, ang sumasampalatayang sangkatauhan ay may pag-asang matamong muli ang sakdal na buhay-tao na iniwala ni Adan.—1 Juan 2:1, 2.
12 Ang ipinangakong Binhing ito ay isa ring tagapamagitan sa kaniyang mga tagasunod at sa kaniyang makalangit na Ama upang magkaroon ng isang bagong tipan na humalili sa dating tipang Kautusan. (Hebreo 8:10-13; 9:15) Salig sa bagong tipan na ito, ang baguhan pang kongregasyong Kristiyano ang humalili sa bansa ng likas na Israel, at naging isang espirituwal na Israel, ang espirituwal na “binhi ni Abraham” kasama ni Jesus, at mga katiwala ng “mga bagay na isiniwalat.” (Galacia 3:29; 6:16; 1 Pedro 2:9) Isa pa—na di-maubos-maisip ng mga Judio—ang mga Hentil ay inanyayahan na maging bahagi ng bagong espirituwal na Israel na iyon! (Roma 2:28, 29) Ang Judio at di-Judiong espirituwal na mga Israelita ay magkasamang sinugo na gumawa ng mga alagad ni Jesus sa buong lupa. (Mateo 28:19, 20) Sa gayon, “ang mga bagay na isiniwalat,” ay napaukol sa lahat ng bansa ng daigdig.
13. Paanong ang bagong “mga bagay na isiniwalat” na ito ay naingatan para sa hinaharap na mga salinglahi?
13 Nang takdang panahon, ang “mga bagay na isiniwalat” na ito sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano ay napasulat sa 27 mga aklat ng Kasulatang Griegong Kristiyano na tumapos sa canon ng kinasihang Bibliya. Subalit minsan pa, nakatago sa mga aklat na ito ang maraming ulat tungkol sa layunin ni Jehova na lubusang mauunawaan pagkalipas lamang ng maraming daan-daang taon. Minsan pa, ang mga manunulat ng Kasulatan ay talagang naglilingkod noon sa sali’t-saling lahi na hindi pa isinisilang.
“Ang mga Bagay na Isiniwalat” Ngayon
14. Sa malaganap na pag-iral ng apostasya, kailan minsan pang bibigyang-liwanag ni Jehova “ang mga bagay na isiniwalat”?
14 Pagkamatay ng mga apostol, lumaganap ang apostasya sa gitna ng namamaraling mga Kristiyano, gaya ng inihula. (Mateo 13:36-42; Gawa 20:29, 30) Sumunod ang maraming siglo na kung kailan ang pagkaunawa sa “mga bagay na isiniwalat” ay lumabo, bagaman hindi pinabayaan ni Jesus yaong mga nagsikap na manatiling tapat. (Mateo 28:20) Subalit, ipinangako ni Jesus na ang kalagayang ito ay hindi mananatili magpakailanman. Sa katapusan ng sistema ng mga bagay, ang mga balakyot at ang mga matuwid ay muli na namang paghihiwa-hiwalayin, at ‘ang mga matuwid ay sisikat na singliwanag ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.’ (Mateo 13:43) Gaya ng inihula ni Daniel, sa ‘panahon ng kawakasan, sasagana ang tunay na kaalaman.’ (Daniel 12:4) Muli na namang sasabugan ng liwanag “ang mga bagay na isiniwalat.”
15. Bakit ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay napatunayang di-karapatdapat maglingkod bilang ang alulod para sa pagpapaunawa hanggang sa kasalukuyan ng “mga bagay na isiniwalat”?
15 Sapol noong 1914, tayo’y nabubuhay sa panahon ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay. Sa gayon, mahalaga na makilala kung sino ang ginagamit ni Jehova ngayon bilang alulod para sa kaniyang bagong espirituwal na liwanag. Tiyak, hindi niya ginagamit ang tatag na mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga ito’y napatunayan na ayaw magwaksi ng mga maling turo na natipon sa panahon ng malaganap na apostasya. Sa ngayon, karamihan ng kanilang mga lider ay lubhang natatabunan ng mga tradisyon at mga kredo kung kayat ayaw nilang tumanggap ng bagong kaalaman, o dili kaya sila ay apektado ng pag-aalinlangan na anupat sila’y nag-aalinlangan kahit na sa pagiging kinasihan ng Bibliya at sa pagiging totoo ng mga pamantayang-asal nito.
16. Sino ang napatunayan na ginagamit na alulod ni Jehova sa modernong panahon?
16 Sinabi ni Jesus na ang Kaharian ng Diyos ay aalisin sa mga Judio at “ibibigay sa isang bansa na nagbubunga.” (Mateo 21:43) Noong unang siglo, napatunayan na ito ay yaong nasa kabataan pang kongregasyong Kristiyano ng espirituwal na Israel. Sa ngayon, mayroong iisang grupo lamang na nagbubunga na gaya ng sinaunang kongregasyong iyan. Ang mga espirituwal na Israelitang ito ay ang mga miyembro ng uring “tapat at maingat na alipin” na binanggit ng Mateo 24:45-47. Tulad ng mga unang Kristiyano, ang mga Kristiyanong ito sa mga huling araw na ito ay hindi natatakot na ‘pasikatin ang kanilang liwanag.’ (Mateo 5:14-16) Pasimula noong 1919, lakas-loob na ginagampanan nila ang gawaing pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong daigdig bilang patotoo. (Mateo 24:14) Yamang sila’y namumunga ng mga bunga ng Kaharian ng Diyos, kaya naman sila’y saganang pinagpapala ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapaunawa sa kanila hanggang sa kasalukuyan ng “lubhang sari-saring karunungan ng Diyos.”—Efeso 3:10.
17, 18. Anong pasulong na pagkaunawa ang pinapangyari ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang alulod sa modernong panahon?
17 Sa gayon, noong 1923 ang dakilang hula ni Jesus tungkol sa mga tupa at mga kambing ay wastong naunawaan, at nakilala na sa buong daigdig ay nagaganap ang paghuhukom. (Mateo 25:31-46) Noong 1925 ang makalupang mga lingkod ng Diyos ay nagkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa Apocalipsis kabanata 12 at nakilala nila nang hustung-husto ang mga pangyayari noong palatandaang taon ng 1914. Noong 1932 ang kanilang pagkaunawa ay lalo pang lumaki. Isiniwalat ni Jehova na ang mga hula tungkol sa pagbabalik ng mga Judio sa Jerusalem ay hindi sa likas na Israel kumakapit, na matagal nang nagpatunay na di-tapat at itinakuwil, kundi kumakapit ito sa espirituwal na Israel, ang kongregasyong Kristiyano. (Roma 2:28, 29) Pagkatapos, noong 1935 isang tamang pagkaunawa sa pangitain ni Juan ng “malaking pulutong” sa Apocalipsis kabanata 7 ang nagbukas ng mga mata ng mga pinahiran upang makita ang malaking gawaing pagtitipon na kailangang gawin din nila sa hinaharap.—Apocalipsis 7:9-17.
18 Ito ang pasimula ng silakbo ng pangglobong pangangaral, nang ang pagtitipon sa “mga bagay sa lupa” ay puspusang nagsimula. (Efeso 1:10) Noong 1939, habang ang mga ulap ng digmaan ay natitipon sa Europa, ang isyu ng pagkaneutral ay lalong nagliwanag higit kailanman. Noong 1950 ang “mga prinsipe” ng Isaias 32:1, 2 ay lalong tiyakang nakilala. Noong 1962, ang tamang pagkakilala sa “nakatataas na mga autoridad” at sa wastong kaugnayan sa kanila ng Kristiyano ay naunawaan din ng lalong maliwanag buhat sa “mga bagay na isiniwalat.” (Roma 13:1, 2) At noong 1965 ay lalong malinaw na naunawaan ang makalupang pagkabuhay-muli at kung sino ang makikinabang dito.—Juan 5:28, 29.
19. Paanong ang uring “alipin” ni Jehova sa ngayon ay nagpatunay na isang angkop na tagapag-ingat ng Salita ng Diyos?
19 Gayundin, ang pinahirang kongregasyong Kristiyano sa ika-20 siglo na ito ay nagpatunay na isang angkop na tagapag-ingat ng Salita ng Diyos, ang kasulatan ng tinipong “mga bagay na isiniwalat.” Ang mga miyembrong kumakatawan sa kongregasyong ito ay nagsagawa ng pagsasalin ng Bibliya sa modernong Ingles, at, hanggang sa ngayon, ang New World Translation of the Holy Scriptures ay nakalathala sa 11 mga wika, at 40,000,000 kopya ang nalimbag na. Ang uring “alipin” ng pinahirang mga Kristiyano ang nangunguna rin sa pandaigdig na programa sa pagtuturo at naglalathala ng mga aklat-aralan at mga magasin na salig sa Bibliya. Ito’y nagsasaayos ng lingguhang mga pulong, ng regular na mga asamblea, at sari-saring paaralan—na pawang dinisenyo na tumulong sa mga humahanap ng katotohanan upang magtamo ng tumpak na kaalaman sa “mga bagay na isiniwalat.” Oo, “ang mga matuwid” ngayon ay “sumisikat na kasingningning ng araw” sa espirituwal na diwa, at pinatutunayan nila na sila’y karapatdapat sa ipinagkatiwala sa kanila.—Mateo 13:43.
Ang Ating Pananagutan
20, 21. (a) Ano ang ikinilos ng salmista sa isiniwalat na Salita ni Jehova? (b) Anong mga bagay ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
20 Samakatuwid ay hindi tayo pinabayaan ni Jehova upang mapabara na lamang sa nakabaón na mga mina ng sanlibutang ito. Sa halip, kaniyang ibinigay sa atin ang kaniyang Salita upang tumanglaw sa ating landas at tulungan tayo na maiwasan ang espirituwal na panganib. (Awit 119:105) Tayo’y hindi rin naman pinabayaan ni Jehova upang mamatay sa kasalanan at di-kasakdalan. Sa halip, kaniyang binuksan ang pagkakataon sa walang hanggang buhay sa isang lupang paraiso at ang kaalaman tungkol sa pagkakataong ito ay iniaalok niya sa atin. (Juan 17:3) Hindi katakatakang ang salmista, sa pagsasalita tungkol sa “mga bagay na isiniwalat” noong kaniyang kaarawan, ay bumulalas: “Anong laki ng pag-ibig ko sa iyong kautusan! Siya kong pinagkakaabalahan buong araw.”—Awit 119:97.
21 Ganito ba ang iyong nadarama tungkol sa “mga bagay na isiniwalat” ni Jehova at nauunawaan sa ating kaarawan? Iyo bang taimtim na pinahahalagahan ang mga katotohanan na iyong natutuhan? Nakikita mo ba na kailangan ang mga katotohanang ito sa pagtulong sa iyo na magpasiya, umiwas sa mga tukso, at maglingkod kay Jehova? Gaanong panahon ang iyong ginugugol sa aktuwal na pagbabasa at pag-aaral ng “mga bagay na isiniwalat” na ito? Mayroon bang paraan na mapahuhusay mo pa ang iyong mga kinaugalian sa pag-aaral? Ang mga bagay na ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bago noong panahon ni Jesus, ano ang ilan sa mga alulod para sa “mga bagay na isiniwalat”?
◻ Kanino nauukol pagkatapos ng 33 C.E. “ang mga bagay na isiniwalat”?
◻ Ano ang ilan sa mahalagang mga pagsisiwalat na ginawa sa pamamagitan ng bagong alulod na ito?
◻ Bakit nga ang espirituwal na mga Israelita ang kinauukulan sa ngayon ng “mga bagay na isiniwalat”?
◻ Paanong ang pinahirang kongregasyong Kristiyano ay nagpatunay na karapatdapat na tagapag-ingat ng Salita ni Jehova?
[Blurb sa pahina 12]
Ang pinahirang kongregasyong Kristiyano ang naging bagong tagapag-ingat ng mga pagsisiwalat ni Jehova
[Blurb sa pahina 13]
Ang uring “alipin” ng pinahirang mga Saksi ni Jehova ay nagsilbing karapatdapat na mga tagapag-ingat ng Salita ng Diyos
[Larawan sa pahina 10]
Si Jehova ay nagsiwalat ng mahalagang kaalaman sa pamamagitan ng may pananampalatayang mga tao noong una