Gamitin Nang Tumpak ang Kalayaang Kristiyano
ANG mga Kristiyano ay “tinawag ukol sa kalayaan,” ngunit sila’y pinaaalalahanan na huwag “gamitin ang kalayaang ito upang magbigay-daan sa laman.” (Galacia 5:13; 1 Pedro 2:16) Anong laking kapahamakan kung ang isang Kristiyano ay magkakamali ng paggamit sa kalayaang Kristiyano upang bumalik sa pagkaalipin! Kunin natin ang isang halimbawa.
Maraming taong relihiyoso ang tinuruan na ang pag-inom ng mga inuming de-alkohol ay isang kasalanan. Ang tumpak na kaalaman sa Bibliya ang magpapalaya sa atin buhat sa maling kaisipang ito, sapagkat hindi ang pag-inom kundi ang paglalasing ang hinahatulan ng Bibliya. (Ihambing ang Awit 104:14, 15 sa 1 Corinto 6:10 at 1 Pedro 4:3.) Kaya ngayon ang gayong pinalayang Kristiyano ay malaya nang makakainom manakanaka. Ngunit kung siya’y magsisimulang “gamitin ang kalayaang ito sa pagbibigay-daan sa laman,” maaari siyang lumabis ng paggawa ng gayon, at siya’y didepende na sa alkohol, hanggang sa sukdulang paalipin siya rito.
Sa gayon, pagkatapos na makalaya sa mga maling kuru-kuro tungkol sa paglilibang, pagdadamit at pag-aayos, o sa dapat igawi sa lipunan, ang Kristiyano ay huwag namang magpapakalabis: na ginugugol ang labis-labis na panahon o salapi sa mga bagay na dating ibinabawal ngunit ngayo’y ipinahihintulot na. Ito’y isang pagmamalabis sa kalayaang Kristiyano. Ito’y magdadala ng malulubhang resulta.
Ipangaral ang Pag-asa sa Kalayaan
Lalung-lalo na sapol nang itatag ang Mesianikong Kaharian ng Diyos noong 1914, ang pangako niya na “ang sangnilalang ay palalayain din naman sa pagkaalipin sa kabulukan at magkakaroon ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos” ay mabilis na patungo sa katuparan. (Roma 8:21) Napalaya na ni Kristo ang langit buhat sa impluwensiya ni Satanas. (Apocalipsis 12:7-12) Sa madaling panahon ay kaniyang pupuksain ang Babilonyang Dakila, na umalipin sa tao sa pamamagitan ng huwad na relihiyon. Pagkatapos sa digmaan ng Diyos ng Har–Magedon, kaniyang palalayain ang sangkatauhan buhat sa di-sakdal na mga pamahalaang tao sa pamamagitan ng paglipol sa mga ito. (Daniel 2:44; Apocalipsis 18:21; 19:11-21) Kaniyang palalayain ang mga tao buhat sa pangunahing tagapagtaguyod ng pagkaalipin pagka si Satanas ay iginapos na, at hindi na niya “maililigaw ang mga bansa hanggang sa matapos ang sanlibong taon.”—Apocalipsis 20:2, 3.
Sa katapusan ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari, si Kristo ay lubusang nakapagpalaya na sa tao buhat sa lahat ng masasamang epekto na resulta ng unang-unang kilusan sa kalayaan sa Eden. Ang inaping mga lahi ay napalaya na sa panahong iyon buhat sa walang katarungan na pagtrato o paniniil sa kanila. Ang mga babae ay napalaya na buhat sa mapang-aping pamamanginoon sa mga lalaki. Ang mga taong maysakit ay napalaya na buhat sa sakit. Ang mga taong may edad ay napalaya na sa mga kahinaan ng katandaan. Kababalaghan ng mga kababalaghan, ang mga taong naulila ay napalaya na sa pamimighati, sapagkat ang kanilang mga mahal sa buhay na nangamatay ay napalaya na rin buhat sa libingan!—Apocalipsis 20:13–21:5; tingnan din ang Awit 146:5-10.
Sa pamamagitan ng pangangaral ng kinasihang mensaheng ito ng kalayaan, ginagamit sa ngayon ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang sariling kalayaang Kristiyano sa isang kapaki-pakinabang na paraan. Isang kaiklian ng isip kung sila ay tatangkilik sa mga kilusan ng tao sa kalayaan, na walang naidudulot kundi bahagyang kaginhawahan at, ang totoo, nagpapalabo lamang sa tunay na pag-asa sa kalayaan.
Pag-isipan ito: Ikaw ay may pagkakataon na mabuhay upang makaranas ng kalayaan na mas dakila kaysa kalayaan na tinukoy ni Patrick Henry. Isa pa, mayroon kang pagkakataon na tamasahin ang mga pagpapalang dulot nito pagkatapos ng Armagedon, hanggang sa panahong walang hanggan!