‘Pangangaral ng Ebanghelyo’ sa Pamamagitan ng Gawaing Panlipunan
SI Kuo Tung, isang kabataang lalaking Budhista na taga-Hong Kong, ay nag-aral sa kolehiyo. Si Hsiu Ying, isang ina na taga-Taiwan, ay nakasumpong ng lubhang-kailangang kagamutan para sa malubhang sakit ng kaniyang anak na lalaki. Ano ba ang taglay na pareho ng dalawang waring walang kaugnayang mga kalagayang ito?
Ang edukasyon sa kolehiyo ay kung sa karaniwang paraan imposibleng makamit ni Kuo Tung. Subalit sa pamamagitan ng relihiyon na kaniyang kinaaaniban, nagkaroon siya ng pagkakataon. Gayundin naman, ang masalimuot na panggagamot na kailangan ng anak ni Hsiu Ying ay posibleng makamit sa pamamagitan lamang ng ospital sa kaniyang lugar na ang nagpapaandar ay simbahan. Muli, dahil din sa kaniyang koneksiyon sa simbahan, nalutas ang kaniyang mga problema.
Ang istorya ni Kuo Tung at Hsiu Ying ay karaniwan. Libu-libong mga tao sa mga bansang nagpapaunlad ang tinulungan ng mga paaralan, mga ospital, ampunan ng mga ulila, at iba pang sosyal na mga institusyon na pinaaandar ng mga relihiyon. Sa ganitong paraan sila’y nagtamo ng malaking materyal na pakinabang para sa kanilang sarili. Kaya naman, sa pag-anib sa relihiyon marami sa kanila ay nakatulong sa pagpaparami ng mga miyembro ng mga relihiyon.
Isang Kaugalian na May Mahabang Kasaysayan
Sabihin pa, ang mga paaralan at mga ospital na pinaaandar ng mga relihiyon ay hindi bago. Sa katunayan, mula pa sa unang mga araw nang ang mga misyonero’y sinusugo sa tinatawag ng iba na napopoot na mga bansang Gentil, ang mga paaralan at mga ospital ay itinuturing na pinakaepektibong paraan ng pagbubukas ng mga bagong teritoryo at pagtatamo ng pagtitiwala at pagkakaibigan ng lokal na mga mamamayan.
Halimbawa, sa paglalahad ng tungkol sa kalagayan sa India noong maagang bahagi ng ika-19 na siglo, ang aklat na Nineteen Centuries of Missions (1899) ay nagsasabi: “Ang mga misyonero ay hindi lamang masiglang nagsasagawa ng gawaing ebanghelistiko, kundi sila rin naman ay gumagawa na taglay ang pambihirang tagumpay sa gawaing edukasyonal, medikal at zenana.” Ang resulta? “Bawat misyon ay mayroong kaniyang pang-araw na mga paaralan, industriyal at boarding schools, isang hayskul o kolehiyo, at halos lahat ng kaso, isang teolohikong seminaryo.”
Sa pagkukomento tungkol sa ginagampanang papel ng panggagamot sa “gawaing misyonero,” ang aklat ay nagpapatuloy nang ganito: “Ang manggagamot ay tinatanggap na lagi, at ang kaginhawahang dulot sa maysakit ay hindi lamang gumigising ng pagtitiwala sa manggagamot, kundi malimit na sinusundan ng pananampalataya sa relihiyon na kaniyang itinuturo. Ang buong mga nayon ay malimit na naaakay bilang resulta ng paggamot, na itakuwil ang idolatriya at tumanggap ng turong Kristiyano.”
Ang nagaganap sa India ay nagaganap din naman sa mga ibang bansa sa Dulong Silangan, Timog Amerika, at Aprika. Ang ideya na pangangaral ng ebanghelyo sa pamamagitan ng mga paraang panlipunan ay umunlad. Mga samahang misyonero sa Europa at Amerika, ng kapuwa Katoliko at Protestante, ang nagpadala ng mga manggagawa sa mga lugar na ito at nagtatag ng kanilang mga misyon kasama na ang kani-kanilang mga paaralan, ospital, at iba pang mga institusyon. Karamihan nito ay naging matagumpay sa pang-aakit sa lokal na mga mamamayan kung kaya’t ang gawaing panlipunan ay naging isang mahalagang bahagi na ng gawaing misyonero sa ibayong dagat na itinataguyod ng mga relihiyon.
Sa lumipas na mga taon ang mga establesimyentong ito na pinaaandar ng relihiyon ay hindi nagtagal at naging mahalagang bahagi ng lokal na mga komunidad. Ang kanilang mga paaralan at mga unibersidad kalimitan na ang may pinakamalaking prestihiyo at pinakananasang mga institusyon ng matataas na edukasyon. Sa pangkalahatan, ang kanilang mga ospital ang pinakamagaling ang mga kasangkapan at pinakamoderno. At, sa maraming mga lugar, na kung saan ang mga gobyerno ay gipit dahilan sa napakaraming mga problemang panlipunan, sila ay tinatanggap, kung hindi man pinararangalan.
Walang alinlangan na ang mga serbisyong tinatanggap sa pamamagitan ng gayong programa ay nagbunga ng malaking kabutihan para sa mga komunidad na pinaglilingkuran. Ang mga paaralan at mga unibersidad na pinaaandar ng relihiyon ay sa literal nagbigay sa libu-libong mga estudyante ng edukasyon na kung hindi sa ganoong paraan ay hindi nila kakamtin. Ang gayong mga ospital at mga serbisyong pangkalusugan ay nagdala ng lunas sa di-mabilang na mga taong maysakit sa liblib at atrasadong mga lugar. Ang mapagkawanggawang gawain ni Albert Schweitzer at “Mother” Teresa, halimbawa, ay kilala sa buong daigdig at kapuwa naipanalo nila ng Nobel peace prize.
Sa kabilang panig, itatanong ng isa: Talaga nga kayang nakamit ng ebanghelyong panlipunan ang layuning iyon? Ginawa kaya nitong tunay na mga Kristiyano yaong nakinabang sa mga pagkakawanggawa? Nabigyan ba nito ang mga tao ng tunay na pananampalataya at pag-asa? At lalong mahalaga, kailangang itanong natin: Ito kaya ang sumasaisip noon ni Jesus nang kaniyang iutos sa kaniyang mga tagasunod na ‘ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan’?—Mateo 24:14, King James Version.