May Pakinabang ba sa Paghihirap?
PAGKA napaharap sa matinding paghihirap, maraming mga tao ang nagkakaroon ng masaklap na kalooban. Ang iba naman na dumaraan sa ganoon din o higit pang masaklap na mga karanasan ay nagiging lalong mahabagin at may malumanay na kaawaan sa kanilang mga kapuwa tao. Gayundin, mayroon namang mga nagtatatuwa na may Diyos pagka sila’y dumanas ng matagal na mga kahirapan, samantalang ang iba ay dumaraan sa mahigpit na mga pagsubok na taglay ang di-nakikilos na pananampalataya sa Makapangyarihan-sa-lahat. Bakit nga ganito?
Kalimitan ang mga tao ay nagkakaroon ng masaklap na kalooban at nawawalan ng pananampalataya sapagkat itinuturing nila na sila’y napakamahalaga at hindi nila kinikilala na sila ay makasalanang mga tao na namumuhay sa isang daigdig na nagtatakuwil sa kautusan ng Diyos. Sa Makapangyarihan-sa-lahat nila isinisisi ang masasamang bagay na tungkol doon ay sila ang dapat na sisihin. Sa gayon, wala silang natutuhang anuman buhat sa mga paghihirap at, pagkatapos makaranas ng kaginhawahan, baka makitaan sila ng lalo pang di kanais-nais na mga ugali na masama pa kaysa dati.
Upang ito’y huwag mangyari sa atin, ipasiya natin na makinabang sa anumang maaaring dumating sa atin. Ang kailangan dito’y mayroon tayong tamang pangmalas tungkol sa paghihirap ng tao. Sa Bibliya ang aklat ng Mga Panaghoy ay makatutulong ng malaki upang magkaroon tayo ng tamang pangmalas sa bagay na ito.
Manatiling May Pag-asa
Ang aklat mismo ay binubuo ng limang tula na nananaghoy o namimighati dahil sa kakila-kilabot na kapahamakan na dumating sa Jerusalem buhat sa kamay ng mga taga-Babilonya. Sa ikatlo ng mga tulang ito, si propeta Jeremias, na pinakilos ng espiritu ng Diyos, ay nagbubuhos ng kaniyang matinding damdamin, anupa’t ang mga damdaming ito ay inililipat niya sa buong bansa sa ilalim ng sagisag ng isang malakas na lalaki. (Panaghoy 3:1) Bagaman si Jeremias ay dumanas ng hirap kasama ng buong bansa, ang gayon ay hindi nagbigay sa kaniya ng masaklap na kalooban. May pag-asang hinintay niya ang panahon na ang lingap ng Diyos ay mapapabalik sa Kaniyang bayan at tinanggap niya ang anumang dumating sa bansa bilang isang matuwid na parusang nagmumula sa Diyos.
Ang pag-asang balang araw ay ililigtas siya ang nagpalakas kay Jeremias. Mababasa natin: “Walang pagsalang aalalahanin ako ng iyong kaluluwa [ni Jehova mismo] at yuyuko ka upang lingapin ako. Ito ang gugunitain ko sa aking puso. Kaya naman maghihintay ako.” (Panaghoy 3:20, 21) Walang alinlangan sa isip ni Jeremias na balang araw ay lilingapin din ni Jehova ang Kaniyang nagsisising bayan. Totoo, sila’y napalagay sa napakababang kalagayan dahil sa lubusang pagkatalo. Subalit si Jehova, wika nga, ay yuyuko buhat sa kaniyang mataas na puwesto sa kalangitan, at itataas sila buhat sa kanilang abang kalagayan. Samantalang isinasaisip ito, aaliwin ni Jeremias ang kaniyang puso at matiyagang maghihintay hanggang sa kumilos si Jehova alang-alang sa Kaniyang nagsisising bayan.
Kung gayon, pagka dumaraan sa isang nakalulungkot na karanasan, huwag tayong mawalan ng pag-asa. Isaisip na ang mga pagsubok ay may pasimula at mayroon din namang katapusan. Kailanman ay hindi papayagan ng Kataas-taasan na ang kaniyang tapat na mga lingkod ay maghirap ng walang katapusan kasama ng mga taong hindi nakatalaga sa kaniya. Kaya naman tayo ay dapat matiyagang maghintay hanggang sa hanguin tayo ni Jehova sa hirap.
Ang mismong bagay na ang isang tao ay buháy pa ang dapat magbigay sa kaniya ng dahilan para sa pag-asa. Noong panahon ni Jeremias, ang lunsod ng Jerusalem at ang lupain ng Juda ay giba, at maraming mga Israelita ang pumanaw. Gayunman, mayroon ding mga nakaligtas. Ito’y katiyakan ng patuloy na kaawaan ng Diyos sa kaniyang bayan. Mababasa natin: “Dahil sa mga gawang kagandahang-loob ni Jehova kung kaya hindi tayo nilipol, sapagkat ang kaniyang mga awa ay tunay na hindi nagwawakas. Iyon ay bago tuwing umaga. Ang iyong katapatan ay sagana. ‘Si Jehova ang aking bahagi,’ ang sabi ng aking kaluluwa, ‘kaya naman maghihintay ako sa kaniya.’ ”—Panaghoy 3:22-24.
Kung hindi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, ang kaniyang mahabaging pagmamalasakit sa kaniyang bayan, kaypala’y hindi nagkaroon ng mga nakaligtas sa mga Israelita. Subalit ang Diyos na Jehova ay nagpakita ng awa. Kaya’t ang kaniyang pagpapakita ng awa ay patuloy na umagos sa kaniyang bayan, bago ng bago tuwing umaga. Ang bagay na sagana ang katapatan ni Jehova ay isang katiyakan na maaaring maasahan ang kaniyang mga awa. Ito’y magpapatuloy, hindi kailanman manghihina o mawawalan ng bisa. Yamang ang Kataas-taasan ang nanatiling bahagi, o mana, ng kaniyang bayan, may mabuting dahilan upang sila’y patuloy na maghintay para sa pagbabago ng mahihirap na kalagayan na pinayagan niyang danasin nila dahilan sa kanilang pagsuway.
Kung Paano Matiyagang Makapaghihintay
Ano ang dapat na maging ayos ng gayong paghihintay? Ang aklat ng Mga Panaghoy ay sumasagot: “Mabuti si Jehova sa isang naghihintay sa kaniya, sa kaluluwang patuloy na humahanap sa kaniya. Mabuti nga na ang isang tao’y maghintay, nang tahimik, sa pagliligtas ni Jehova. Mabuti nga sa malakas-ang-katawang tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan. Maupo siyang mag-isa at tumahimik, sapagkat kaniyang iniatang sa kaniya ang isang bagay. Sumubsob siya sa mismong alabok. Baka mayroon pang natitirang pag-asa. Ibigay niya ang kaniyang pisngi sa nananakit sa kaniya. Hayaang danasin niya ang sapat-sapat na kadustaan.”—Panaghoy 3:25-30.
Pansinin na sa panahon ng gayong pamimighati, ang isang tao ay dapat patuloy na umasa sa Diyos para sa ikaliligtas at maging lalong malapit sa kaniya. Ang isang tao ay dapat na maging matiisin, naghihintay nang tahimik o nang walang reklamo hanggang sa ang Makapangyarihan-sa-lahat ang sumagip, o magligtas sa kaniya. Lubhang kapaki-pakinabang nga na ang isang tao’y matutong pumasan ng pamatok ng pagdurusa sa kabataan. Bakit? Sapagkat magiging lalong madali para sa kaniya na magtiis sa dakong huli ng buhay samantalang hindi nawawalan ng pag-asa. Sa pagkaalam na siya’y nakalampas sa gayong maraming kahirapan noong una, mayroon siyang batayan para umasa na siya’y makalalampas din uli sa mga kahirapan.
Bueno, pagka ang isang tao ay pumapasan ng mga kahirapan, hindi siya dapat na magparoo’t parito na reklamo rini, reklamo roon. Hindi, dapat na siya’y umupong mag-isa, tulad ng isang taong nagdalalamhati, at manatiling tahimik. Siya’y dapat na magpatirapa, na ang kaniyang bibig ay nakasubsob sa mismong alabok. Ang ibig sabihin ay na tatanggapin niya nang may kababaang-loob ang mga pagsubok na pinapayagan ng Diyos na dumating sa kaniya, at siya’y maghihintay nang may pag-asa sa darating na pagliligtas. Hindi siya dapat maghimagsik laban sa mga nagsisiusig sa kaniya kundi kaniyang pagtitiisan ang pisikal at berbal na mga pag-aabuso sa kaniya. Ipinagugunita nito sa atin ang iginawi ni Jesu-Kristo tungkol dito. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Nang siya’y alipustain, hindi siya gumanti ng pag-alipusta. Nang siya’y nagdurusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol ng matuwid.”—1 Pedro 2:23.
Ang isa pang mahalagang punto na dapat tandaan pagka dumaranas ng kahirapan ay na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga gawang kasamaan na ginagawa ng mga tao. Gayunman, pinapayagan ng Kataas-taasan na mangyari ang mga ilang bagay dahilan sa isang mabuting layunin. Ito ay may kagandahang ipinahayag sa sumusunod na mga salita buhat sa aklat ng Mga Panaghoy: “Sapagkat si Jehova ay hindi magtatakuwil ng hanggang sa panahong walang takda. Sapagkat bagaman siya’y nagdulot ng dalamhati, siya’y tiyak na magpapakita rin ng awa ayon sa kaniyang saganang maibiging awa. Sapagkat hindi buhat sa kaniyang sariling puso nagdudulot siya ng dalamhati o pinamamanglaw niya ang mga anak ng mga tao. Na niyuyurakan sa ilalim ng mga paa ang lahat ng bilanggo sa lupa, na inililiko ang hatol ng isang malakas-ang-katawang tao sa harap ng mukha ng Kataas-taasan, na inililigaw ang tao sa kaniyang usapin sa batas, hindi ito kinalulugdan ni Jehova.”—Panaghoy 3:31-36.
Kung tungkol sa mga suwail na Israelita, pinayagan ng Diyos na Jehova na sila’y dumanas ng kakila-kilabot na karanasan sa kamay ng mga taga-Babilonya. Kaniyang itinakuwil sila hanggang sa sukdulan na pahintulutang sila’y mapatapon sa ibang bayan. Subalit, ito’y mayroong mabuting layunin, samakatuwid nga, upang magkaroon ng isang nagsising nalabi sa mga nakaligtas at sa kanilang mga supling. Sa nalabing ito nagpakita ng awa si Jehova. Ang Makapangyarihan-sa-lahat ay walang kaluguran sa pagpaparusa sa mga Israelita. Hindi hangarin ng kaniyang puso na sila’y dulutan ng dalamhati at paghihirap sa pagbibigay sa kanila sa kanilang mga kaaway. Hindi kinalugdan ni Jehova ang kakila-kilabot na ginawa ng mga ito sa kaniyang bayan. Hindi niya sinasang-ayunan ang mga taong umaapi sa preso ng digmaan, yaong mga nagkakait sa isang tao ng kaniyang bigay-Diyos na karapatan, at silang mga umaapi sa isang may kaso sa hukuman.
Kung gayon pagka tayo’y dumaranas ng kahirapan sa kamay ng mga tao, huwag nating sisihin ang Diyos dahil sa mga kasamaan na ginagawa ng mga tao. Ang Kataas-taasan ay hindi kunsintidor sa kanilang paniniil at karahasan. Sa bandang huli sila ay magsusulit sa kaniya sa kanilang mga gawang kasamaan.
Gayundin, ang mga tao mismo ang baka nagdadala ng pahirap sa kanilang sarili. Ang suwail na mga Israelita ay tumalikod sa Diyos na Jehova, tinanggihan ang kaniyang proteksiyon sa kanila. Matuwid nga, kung gayon, na pabayaan niya sila sa kanilang mga kaaway. Kaya wala silang dahilan na magreklamo dahil sa mga nangyari sa kanila. Ito ay idiniriin sa tanong na: “Paano ngang ang isang taong buháy ay magpapakalabis sa mga reklamo, ang malakas-ang-katawang tao ng dahil sa kaniyang kasalanan?” (Panaghoy 3:39) Sa halip na magreklamo, sana’y nagsisi ang mga Israelita at nanumbalik kay Jehova, na magsumamo sa kaniya na kahabagan sila. Mababasa natin: “Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik tayo nang lubusan kay Jehova. Itaas natin ang ating puso at sampu ng ating mga kamay sa Diyos sa langit: ‘Kami ay sumalansang, at naghimagsik.’ ”—Panaghoy 3:40-42.
Oo, hindi panahon iyon para sa pagbubulungan at pagrereklamo. Iyon ay panahon upang maingat na siyasatin ang kanilang mga lakad, ang kanilang pamumuhay o inuugali, at pag-isipan ang naging resulta niyaon. Sa halip na magpatuloy ng kanilang sariling lakad sa kanilang ikinapipinsala, sila’y dapat manumbalik kay Jehova at sumunod sa kaniyang mga utos. Ang panlabas na pagpapahayag ng pagsisisi, ang basta pagtataas ng mga kamay sa pananalangin, ay hindi sapat. Kailangan ang taus-pusong pagsisisi sa mga pagkakasalang nagawa.
Kung gayon, pagka dumaranas ng kahirapan, tingnan natin ang ating pamumuhay. Tayo ba ang nagdulot ng mga suliranin sa ating sarili dahil sa hindi pagsunod sa kautusan ng Diyos? Kung gayon, wala tayong dahilan na sisihin ang Kataas-taasan. Bagkus, ipakita natin na tayo’y nakinabang sa masaklap na disiplina sa pamamagitan ng paghiwalay sa maling gawain at pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Kung sakaling tayo’y nagsusumikap na mamuhay ng matuwid ngunit nagdaranas pa rin ng hirap, huwag nating kalilimutan na kung anuman ang ginagawa sa atin ng mga taong balakyot ay hindi kinalulugdan ng Diyos. Samantala, may kababaang-loob na tanggapin natin ang mga pagsubok sa atin, na matiyagang naghihintay at hindi nagrereklamo hanggang sa hanguin tayo sa hirap ng Diyos na Jehova. Kung ating ikakapit ang payo ng Salita ng Diyos pagka dumaranas ng kahirapan, tayo’y makikinabang. Tayo’y matututong maging matiyaga, mapagtiis, at lubusang nananalig kay Jehova. Hindi natin tutularan ang masasamang lakad ng mga taong maniniil, kundi tayo ay patuloy na magiging mabait at mahabagin sa ating mga kapuwa tao.
[Larawan sa pahina 23]
Si Jeremias, na manunulat ng Mga Panaghoy, ay sumulat ng kaniyang sariling karanasan tungkol sa paghihirap