‘Sa Moog na Bantayan Nakatayo Ako’
“At siya’y umungal na parang leon: ‘Sa moog na bantayan, Oh Jehova, palagi akong nakatayo kung araw, at buhat sa aking bantayang-dako nagbabantay ako buong magdamag.’”—ISAIAS 21:8.
1, 2. (a) Ano ang naging tunguhin ni Charles T. Russell? (b) Paanong ang literatura sa Bibliya ay tutulong upang matupad ang kaniyang tunguhin?
ISANG 21-anyos na lalaki na may takot sa Diyos at naninirahan sa hilagang-silangang Estados Unidos ang mayroon noon na isang misyon. Naging tunguhin niya na ibilad ang mga turo noong kaniyang kaarawan ng huwad na relihiyon, lalo na ang doktrina ng walang hanggang pagpaparusa at predistinasyon. Gayundin, ibig niyang maging tagapagtanggol ng katotohanan tungkol sa pantubos at sa layon at paraan ng pagparito ni Kristo. Paano niya gagawin ang lahat na ito? Sa pamamagitan ng pagpapasikat ng liwanag ng Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, kung tungkol sa mga paniwalang relihiyoso.—Awit 43:3; 119:105.
2 Si Charles T. Russell, ang unang presidente ng Watch Tower Society, ang lalaking iyon, at ipinasiya niya noong 1873 na maglathala ng mga literatura sa relihiyon bilang paraan ng pagpapasikat ng liwanag ng katotohanan ng Bibliya. Sa taimtim na mga mambabasa, ang mga publikasyong iyon ay magsisiwalat ng mga lamat sa mga turo ng Sangkakristiyanuhan. Anumang nakukubling mga depekto ng mga turo ay hindi makakaligtas sa matinding liwanag ng Bibliya. (Efeso 5:13) Gayundin, ang literaturang ito ay magtatampok ng ‘magagaling na turo’ upang patibayin ang pananampalataya ng mga mambabasa. (Tito 1:9; 2:11; 2 Timoteo 1:13) Ang sigasig ba sa katotohanan ng Bibliya na nagtulak kay Russell sa kaniyang paghahanap ay may pamarisan?—Ihambing ang 2 Hari 19:31.
Mga Sinaunang Kristiyano: mga Tagapagtaguyod ng Salita ng Diyos
3. Paanong si Kristo Jesus ang huwaran para sa pagtataguyod ng katotohanan?
3 Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay nagtaguyod ng paggamit ng Salita ng Diyos sa mga Judio at sa mga Gentil. Sila’y parang doon nakatayo sa isang moog na bantayan, na nagbabalita ng katotohanan sa lahat ng makikinig. (Mateo 10:27) Ang kanilang Lider, si Jesu-Kristo, ang huwaran. Sinabi niya: “Dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Bagaman siya’y sakdal, tumanggi siya na doon umasa sa kaniyang sariling karunungan o personal na mga opinyon. Bagkus, ang kaniyang mga turo ay nagmula sa kaniyang Superyor na Guro, si Jehovang Diyos. “Wala akong ginagawa sa ganang sarili ko,” sabi niya sa isang pangkat ng mga Judio. “Kundi kung ano ang itinuro sa akin ng Ama ay gayon ko sinasalita ang mga bagay na ito.” (Juan 8:28; tingnan din ang Juan 7:14-18.) Ayon sa pag-uulat ng Ebanghelyo ng kaniyang makalupang ministeryo, si Jesus ay sumipi (o nagsalita ng kahawig na mga kaisipan) buhat sa humigit-kumulang kalahati ng mga aklat ng Hebreong Kasulatan.—Lucas 4:18, 19 (Isaias 61:1, 2); Lucas 23:46 (Awit 31:5).
4. Magbigay ng mga halimbawa ng kung paano ginamit ni Jesus ang Salita ng Diyos upang magturo ng katotohanan.
4 Kahit na pagkatapos na siya’y mamatay at buhaying-muli, ginagamit pa rin ni Kristo ang Salita ng Diyos upang magturo ng katotohanan. Halimbawa, nang si Cleopas at ang kaniyang kasama ay naglalakbay buhat sa Jerusalem patungo sa Emaus, tinulungan ni Jesus ang mga alagad na iyon upang mangatuwiran sa Kasulatan. Sinasabi ng ulat: “At pasimula kay Moises at sa lahat ng mga Propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniya sa buong Kasulatan.” (Lucas 24:25-27) Nang maglaon noon ding araw na iyon, si Jesus ay napakita sa 11 apostol at sa ilan sa kaniyang mga alagad upang patibayin ang kanilang pananampalataya. Sa papaano? Sa pamamagitan ng may kasanayang paggamit sa Kasulatan. Si Lucas ay sumulat: “At sinabi niya [ni Jesus] sa kanila: ‘Ganiyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Kristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw.’ ”—Lucas 24:45, 46.
5. Noong Pentecostes 33 C.E., paano tinularan ni Pedro ang halimbawa ni Kristo sa paggamit ng Kasulatan?
5 Sa pagsunod sa kaniya bilang isang Halimbawa, noong taóng 33 C.E. ang kongregasyong Kristiyano ay nagsimula sa kaniyang pangmadlang ministeryo sa pamamagitan ng paggamit ng Kasulatan. Ang pinangyarihan: isang hayag na lugar sa labas ng isang tahanan sa Jerusalem. Pagkatapos marinig ang ugong ng isang “humahagibis na hanging malakas” sa bahay na ito, isang pulutong ng libu-libong mga Judio sa Jerusalem at mga dayuhang Judio ang naparoon sa lugar na ito at nangagtipon. Si Pedro ay naparoon sa harapan—ang 11 iba pang mga apostol ay nakapalibot sa kaniya—at sa malakas na tinig ay nagsimula siyang magsalita: “Kayong mga lalaking taga-Judea at kayong lahat na nagsisitahan sa Jerusalem, maalaman nawa ninyong lahat ito at inyong pakinggan ang aking mga salita.” Pagkatapos na tukuyin “ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Joel” at ang “sinasabi ni David,” ipinaliwanag ni Pedro ang mga himala na katatapos lamang at na “ginawa siya ng Diyos na kapuwa Panginoon at Kristo, ang Jesus na ito na inyong ibinayubay.”—Gawa 2:2, 14, 16, 25, 36.
6. (a) Ipaliwanag kung ano ang naganap sa isang pulong ng lupong tagapamahala noong unang siglo. (b) Paano ipinagbigay-alam sa mga kongregasyon ang desisyon ng lupong tagapamahala, at ano ang kapakinabangan doon?
6 Nang ang sinaunang mga Kristiyano ay mangailangan ng impormasyong nagbibigay-linaw tungkol sa pananampalataya at asal, ang lupong tagapamahala noong unang siglo ay gumamit din ng maraming talata sa Kasulatan. Halimbawa, sa pulong ng lupong tagapamahala noong taóng 49 C.E., ang alagad na si Santiago, na nagsilbing tagapangulo, ay nagpokus ng kanilang atensiyon sa isang kaugnay na talata na matatagpuan sa Amos 9:11, 12. “Mga lalaki, mga kapatid, pakinggan ninyo ako,” aniya. “Isinaysay na lubusan ni Simeon kung paano noon unang pagkakataon na ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan. At dito’y nasasang-ayon ang mga salita ng mga Propeta, gaya ng nasusulat.” (Gawa 15:13-17) Ang buong lupon ay nakiisa sa mungkahi ni Santiago at pagkatapos ay isinulat ang kanilang desisyon na nakasalig sa Kasulatan upang iyon ay maipahatid sa lahat ng kongregasyon at mabasa nila. Ano ang mga resulta? Ang mga Kristiyano ay “nangagalak dahil sa pampatibay-loob,” at “ang mga kongregasyon ay patuloy na napatibay sa pananampalataya at dumami ang bilang araw-araw.” (Gawa 15:22-31; 16:4, 5) Sa gayon, ang sinaunang kongregasyong Kristiyano ay naging “isang haligi at suhay ng katotohanan.” Subalit kumusta naman ang modernong kasaysayan? Si C. T. Russell ba at ang kaniyang kasamang mga estudyante sa Bibliya ay tumulad sa mainam na halimbawang ito noong unang siglo? Papaano nila itataguyod ang katotohanan?—1 Timoteo 3:15.
Mga Magasin na May Malawak na Pananaw
7. (a) Ano ang layunin ng Zion’s Watch Tower? (b) Kanino ito umasa ng suporta?
7 Nasaksihan noong Hulyo 1879 ang pagsilang ng pangunahing kasangkapang ginamit ni Russell para sa kaliwanagan buhat sa Bibliya—Ang Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence. Sa unang labas nito nakalathala ang dakilang layunin ng magasin: “Gaya ng ipinakikita ng pangalan nito, layunin nito na magsilbing bantayan na mula rito ang mga bagay na interesante at mapapakinabangan ay maaaring ipatalastas sa ‘munting kawan,’ at bilang ang ‘Herald of Christ’s Presence’ (Tagapagbalita ng Pagkanaririto ni Kristo), magbigay ng ‘karne sa takdang panahon’ sa ‘sambahayan ng pananampalataya.’ ” Ang pagtitiwala sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ang batong-panulok ng magasin. Ang ikalawang labas ay nagsabi: “Ang ‘Zion’s Watch Tower’ ay, sa aming paniwala, si JEHOVA ang tumutustos, at kung magkagayon ito ay hindi kailanman mamalimos ni mga tao ang hihingan ng suporta. Pagka Siya na nagsasabi: ‘Lahat ng ginto at pilak sa mga bundok ay akin,’ ay hindi na nakapagbigay ng kinakailangang mga pantustos na pondo, inaakala namin na panahon na iyon upang ihinto ang paglalathala ng publikasyon.”
8. Ipaliwanag ang pag-unlad ng Ang Bantayan sa liwanag ng Isaias 60:22 at Zacarias 4:10.
8 Ang Zion’s Watch Tower, ngayo’y The Watchtower (Ang Bantayan), ay inilalathala nang patuluyan sa loob ng mahigit na 107 mga taon. Ito’y umunlad buhat sa pagiging isang buwanang magasin na 6,000 kopya ang nililimbag sa isang wika hanggang sa maging isang makalawa buwan-buwan na magasin na may sirkulasyong 12,315,000 kopya sa 103 mga wika.—Ihambing ang Isaias 60:22; Zacarias 4:10.
9. Paanong ang titulong Watch Tower ay angkop?
9 Ang titulo, na Watch Tower, ay angkop ang pagkapili ni Russell. Ang salita, na kadalasa’y ginagamit sa Hebreong Kasulatan para sa “watchtower” (bantayan) ay nangangahulugan ng “bantayan” o “dakong pinag-oobserbahan,” na mula roon ang isang guwardiya ay madaling makapagmamasid sa isang kaaway buhat sa malayo at siya’y makapagbibigay ng patiunang babala ng napipintong panganib. Kung gayon, angkop nga na para sa unang 59 na taon ng publikasyon, ang titulong pahina ay mayroong ganitong naghahamong sinipi buhat sa Isaias 21:11, 12, King James Version: “Bantay, Ano ang Nangyayari sa Gabi?” “Ang Umaga ay Dumarating.”
10. Sino ang nagsisilbing bantay na tinutukoy ng Isaias 21:11, at anong mensahe ang kaniyang ibinabalita?
10 Ang nakapuwestong bantay na tinutukoy sa hula ni Isaias ay nakatakda noon na sa madaling panaho’y humakbang nang pasulong. Sa gitna ng umiiral na kalagayan ng kabalakyutan at kapanglawan sa lupa, si Russell ay may kagalakang nagbrodkas ng mabuting balita ng “umaga” na darating. Ang Milenyong Paghahari ni Jesu-Kristo ng kapayapaan ang tema ng isang kinasasabikang pabalita. Subalit bago dumatal “ang umaga,” ang uri na nagsisilbing bantay—ang nalabi ng espirituwal na Israel ngayon—ay lakas-loob na nagbibigay babala tungkol sa progreso ng “gabi,” na sasapit sa kadilim-diliman sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Har–Magedon.—Apocalipsis 16:14-16.
11, 12. (a) Paanong ang mga salita ng Isaias 21:8 ay nagpapakita na ang uring bantay ay tapat at alerto? (b) Sa pamamagitan nino dumarating ang report ng bantay sa ngayon, at papaano ito lalung-lalo nang pinalalaganap?
11 Una pa rito, sa Isaias 21:8, tayo’y ipinakikilala sa tapat na bantay na ito sa ganitong pananalita: “At siya’y umungal na parang leon: ‘Sa moog na bantayan, Oh Jehova, palagi akong nakatayo kung araw, at buhat sa aking bantayang-dako nagbabantay ako buong magdamag.’”
12 Gunigunihin mo ang isang bantay na nakapuwesto sa isang mataas na tore, nakabaluktot sa unahan, masusing pinagmamasdan ang abot-tanaw sa buong maghapon, at kung gabi ay pilit na nagmamatyag sa kadiliman—laging alerto. Ngayon ay alam mo na ang pangunahing ideya na inihahatid ng salitang Hebreo para sa “watchtower” (mits·pehʹ) gaya ng pagkagamit sa Isaias 21:8. Yamang ang bantay ay lubhang mapagbantay, sinong tao na nasa kaniyang matinong kaisipan ang magdududa sa kaniyang mahalagang report? Gayundin sa ngayon, ang uring bantay ay puspusang nagsasaliksik sa Kasulatan upang alamin kung ano ang itinakdang gagawin ni Jehova para sa sistemang ito ng mga bagay. (Santiago 1:25) Pagkatapos ang bantay na ito ay inihihiyaw nang malakas at walang takot ang mensaheng iyan, lalung-lalo na sa pamamagitan ng mga pahina ng The Watchtower o Ang Bantayan (sa Tagalog). (Ihambing ang Amos 3:4, 8.) Ang magasing ito ay hindi kailanman uurong dahil sa takot sa pagtataguyod ng katotohanan!—Isaias 43:9, 10.
13. Anong kasamahang magasin ang lumabas noong 1919, at anong nakakatulad na layunin mayroon ito?
13 Noong Oktubre 1, 1919, isang bagong magasin ang nagpakilala sa daigdig: The Golden Age.a Ang uring bantay ang gagamit sa instrumentong ito bilang isang kasamahan ng The Watchtower. Bagama’t ang mga artikulo nito ay hindi tumatalakay ng mga paksa sa Bibliya na kasinlalim ng mga artikulo sa The Watchtower, ang sangkatauhan ay pinagiging alerto nito sa mga turo ng huwad na relihiyon, sa dumarating na pagkapuksa ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay, at sa bagong lupa ng katuwiran na kasunod. Oo, ito rin naman ay magiging tagapagtaguyod ng katotohanan!
14. Ano ang layon ng Consolation, at nang maglaon ay Awake! (o Gumising!, sa Tagalog)?
14 Nakalipas ang labingwalong taon ang pangalan ng The Golden Age ay binago at ginawang Consolation. “Ang bagong pangalan ay kumakatawan sa katotohanan,” ang sabi ng labas nito noong Oktubre 6, 1937. Ang Consolation ay naging Awake! (Gumising! ngayon, sa Tagalog) noong labas na Agosto 22, 1946. Sa labas na iyan ay nangako ito: “Ang katapatan sa katotohanan ang magiging pinakadakilang layon ng magasing ito.” Hanggang sa araw na ito, tinutupad niyan ang pangakong iyan. Pambihira nga, itinataas ng |Ang Bantayan at Gumising! ang baner ng katotohanan para makita ng lahat. Sa paggawa ng gayon, tinatahak ng mga magasin na ito ang landas na tinahak ng sinaunang kongregasyong Kristiyano.—3 Juan 3, 4, 8.
Ang Bantayan at Gumising!: Mga Tagapagtaguyod ng Katotohanan
15. (a) Anong paraan ng pamamahagi ng espirituwal na pagkain sa ngayon ang nahahawig sa paraan ng sinaunang kongregasyong Kristiyano? (b) Bukod sa pagsipi ng mga talata sa Bibliya, ano pa ang kailangan? Magbigay ng mga halimbawa.
15 Ang uring “tapat at maingat na alipin,” ang “bantay,” sa ngayon ay gumagamit ng magasing Bantayan sa ilalim ng pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova bilang kaniyang pangunahing alulod para sa pamamahagi ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45) Tinutularan nito ang halimbawa ng kongregasyon noong unang siglo, nang ang impormasyon na nagpapaliwanag ng doktrina at asal ay isinusulat “upang basahin sa lahat ng mga kapatid.” (1 Tesalonica 5:27) Kahit sa mismong pasimula nito Ang Bantayan ay isang magasin na gumagamit ng Bibliya at nagtuturo ng Bibliya. Halimbawa, ang unang labas ng Zion’s Watch Tower ay sumipi o bumanggit ng mahigit na 200 teksto buhat sa di-kukulanging 30 mga aklat ng Bibliya. Ngunit higit pa ang kinakailangan kaysa pagsipi lamang ng mga talata sa Bibliya. Ang mga tao ay nangangailangan ng tulong upang maunawaan ang mga ito. Sa tuwina’y Ang Bantayan ay nagtataguyod ng kaunawaan sa Bibliya. Mula 1892 hanggang 1927 ang bawat labas ay mayroong lingguhang mga pagbabasa sa Bibliya at ng pagtalakay ng isang pinaka-susing teksto sa bawat pagbasa. Para sa iba pang mga halimbawa, tingnan ang tsart na pinamagatang “Makasaysayang mga Artikulo sa Bantayan, sa Bawat Dekada.”
16, 17. Ano ang ginawa ng unang editor ng Ang Bantayan upang matiyak na sa tuwina’y itataguyod ng magasing ito ang katotohanan ng Bibliya?
16 Paano mapananatili ng Ang Bantayan ang kadalisayan ng nakalimbag na mensahe nito? Ang unang editor ng magasin, si C. T. Russell, ay gumawa ng mga pamamaraan upang matiyak na ang nakalimbag sa Ang Bantayan ang siyang katotohanan ayon sa pagkaunawa noon. Isa sa mga pamamaraang iyon ay tinutukoy sa kaniyang huling habilin na ginawa noong Hunyo 27, 1907. (Si Russell ay namatay noong Oktubre 31, 1916.) Sinasabi ng kaniyang huling habilin:
“Aking inihahabilin na ang buong pangangasiwa sa patnugutan ng ZION’S WATCH TOWER ay mapasakamay ng isang komite na binubuo ng limang kapatid, na pinagbibilinan ko na lubhang pakaingat at maging tapat sa katotohanan. Lahat ng mga artikulong nakalathala sa mga tudling ng ZION’S WATCH TOWER ay lubos na aprobahan ng di-kukulangin sa tatlong miyembro ng komite ng lima, at ipinapayo ko na kung sakaling ang anumang bagay na aprobado ng tatlo ay makilala o ipagpalagay na kontra sa punto-de-vista ng isa o ng dalawa sa natitirang mga miyembro ng komite, ang gayong mga artikulo ay dapat pigilin para mapag-isipan, maipanalangin at matalakay sa loob ng tatlong buwan bago ilathala—upang hangga’t maaari ang pagkakaisa ng pananampalataya at ang mga buklod ng kapayapaan ay mapanatili sa editoryal na pangasiwaan ng magasin.”
17 Bawat miyembro ng Editorial Committee, ayon sa huling habilin ni Russell, ay kailangang “lubusang may katapatan sa mga aral ng Kasulatan” at kailangang magpakita, bilang litaw na mga katangian, ng “kalinisan ng pamumuhay, pagiging malinaw sa katotohanan, sigasig sa Diyos, pag-ibig sa mga kapatid at pagiging tapat sa Manunubos.” Gayundin, hiniling ni Russell na “sa anumang paraan ay hindi dapat ipakita ng iba’t ibang artikulo na nakalathala sa magasin kung sino ang mga sumulat . . . upang ang katotohanan ay makilala at pahalagahan ayon sa ganang sarili niyaon, at upang ang Panginoon ay ang lalo nang higit na kilalanin bilang Ulo ng iglesya at ng Bukal ng katotohanan.”
18. Bakit natin mababasa nang may tiwala Ang Bantayan at ang Gumising!?
18 Magpahanggang sa araw na ito ganiyan ding mga alituntunin ang sinusunod ng Lupong Tagapamahala. Bawat artikulo sa kapuwa Ang Bantayan at Gumising! at bawat pahina, kasali na ang dibuho sa sining, ay maingat na sinusuri ng mga piniling miyembro ng Lupong Tagapamahala bago iyon nililimbag. At, yaong mga tumutulong ng pagsulat ng mga artikulo para sa Ang Bantayan ay Kristiyanong mga hinirang na matatanda na nagpapahalaga sa pagkamaselang ng kanilang gawain. (Ihambing ang 2 Cronica 19:7.) Sila’y gumugugol ng maraming oras sa pagsasaliksik sa Bibliya at iba pang mga reperensiya upang tiyakin na ang isinusulat ay siyang katotohanan at na buong katapatang sinusunod niyaon ang Kasulatan. (Eclesiastes 12:9, 10; 2 Timoteo 1:13) Karaniwan nang ang isang artikulo sa magasin—na marahil ay mababasa mo sa loob ng 15 minuto—ay nagugulan ng mula sa dalawang linggo hanggang sa mahigit na isang buwan para maihanda.
19. Ano ang maaari mong gawin upang itaguyod ang katotohanan ng Bibliya?
19 Kung gayon, mababasa mo Ang Bantayan at ang Gumising! nang may tiwala. Subalit higit pa ang magagawa mo. Ang mga magasing ito ay masiglang maiaalok mo sa iba upang sila rin naman ay matuto ng katotohanan at makinabang sa pakikinig sa mga mensahe ng ‘bantay na nakatayo sa moog na bantayan.’ (Isaias 21:8) Oo, kasama ng bantay sa modernong-panahon, ikaw man ay maaaring magtaguyod ng katotohanan ng Bibliya.
[Talababa]
a Interesanteng malaman, na may mga mambabasa na noong una’y hindi pabor sa disenyo sa pabalat ng The Golden Age. Sa kanila ay waring totoong karaniwan iyon. Bilang tugon sinabi ng taunang report ng Watch Tower Society: “Tungkol dito aming sasabihin na nang simulan na ilathala ang The Golden Age isang welga ng mga tagaimprenta ang nagaganap sa Greater New York. Mga ilang araw lamang bago noon, gumawa ng kontrata para sa publikasyon ng The Golden Age at ang mga lalaki na nagpapaandar ng palimbagan na gumagamit ng uri ng papel at pabalat na ginagamit dito ay hindi naman nagwelga. Para ngang isang kaloob ng langit na ang klase ng pabalat at ng papel ay pinili, sa dahilan na kung iba ang napili ay naging imposible sana na pasimulan ang paglalathala ng magasin. Samakatuwid ay waring pinapaburan ng Panginoon ang mistulang sanggol na publikasyon.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit nagsimulang naglathala si C. T. Russell ng literatura sa Bibliya?
◻ Paano itinaguyod ng mga sinaunang Kristiyano ang katotohanan?
◻ Bakit ang salitang “Bantayan” ay nasa titulo ng magasing ito?
◻ Sino ang modernong-panahong bantay, at anong instrumento ang kaniyang ginagamit lalung-lalo na upang palakasin ang kaniyang tinig?
◻ Paanong itinataguyod ng Ang Bantayan at ng Gumising! ang katotohanan ng Bibliya?
[Chart sa pahina 13]
Makasaysayang mga Artikulo sa Bantayan, sa Bawat Dekada
1879: “Ang Diyos Ay Pag-ibig”—itinaguyod ang haing pantubos na handog ni Jesus bilang saligan ng katubusan ng sangkatauhan
1879: “Bakit Pinahintulutan ang Kasamaan”—ipinaliwanag kung bakit ang pagkanaririto ni Kristo ay di-nakikita
1880: “Isang Katawan, Isang Espiritu, Isang Pag-asa”—tiniyak na ang 1914 ang katapusan ng mga Panahong Gentil
1882: “Ang Kabayaran ng Kasalanan Ay Kamatayan”—ibinunyag ang doktrina ng walang hanggang pagpaparusa bilang isang pagtatatwa sa pag-ibig ng Diyos
1885: “Ebolusyon at ang Kapanahunan ng Utak”—ibinunyag ang teoriya ng ebolusyon bilang kasinungalingan
1897: “Ano ang Sinasabi ng Kasulatan Tungkol sa Espiritismo?”—nagbigay ng katibayan tungkol sa espiritismo bilang nanggaling sa mga demonyo
1902: “Ang Diyos Muna—Ang Kaniyang mga Paghirang”—idiniin ang pagsunod sa kautusan ng Diyos sa loob ng pamilya at sa mga pakikitungo may kaugnayan sa negosyo
1919: “Mapalad ang mga Walang Takot”—nagdala ng bagong buhay sa isang nagigising na organisasyon ng walang takot na mga mananamba
1925: “Pagsilang ng Bansa”—nilinaw ang mga hula na nagpapakita na ang Kaharian ng Diyos ay isinilang noong 1914
1931: “Isang Bagong Pangalan”—magmula ngayon ang pangalang mga Saksi ni Jehova ay magbubukod sa mga tunay na Kristiyano buhat sa apostatang Sangkakristiyanuhan
1935: “Ang Lubhang Karamihan”—ipinakita na ang pagtitipon para sa mga mabubuhay magpakailanman sa lupa ay nagaganap na
1938: “Organisasyon”—nagpasok ng isang tunay na teokratikong kaayusan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova
1939: “Neutralidad”—pinatibay ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig upang madaig ang mga kagipitan na dulot ng Digmaang Pandaigdig II
1942: “Ang Tanging Liwanag”—nagbigay ng isang hudyat na humayo para sa lakas-loob na pagpapatuloy ng gawaing pagpapatotoo
1945: “Di-nakikilos Para sa Matuwid na Pagsamba”—nagpakita na ang mga Kristiyano ay kailangang tumanggi sa pagsasalin ng dugo
1952: “Pagpapanatiling Malinis sa Organisasyon”—nagpakita na ang pagtitiwalag ng mga kongregasyon ay ayon sa Kasulatan
1962: “Pagpapasakop sa ‘Nakatataas na mga Awtoridad’—Bakit?”—nagbigay ng mga dahilan para sa may pasubaling pagpapasakop sa mga maykapangyarihang tao
1973: “Pagpapanatiling Malinis sa Kongregasyon ng Diyos sa ‘Panahon ng Kaniyang Paghuhukom’ ”—nagpayo na iwasan ang paggamit ng tabako
1979: “Sigasig Ukol sa Bahay ni Jehova”—inulit na ang pangangaral sa bahay-bahay ay pagsunod sa halimbawa ng mga apostol
1982: “Mga Minamahal, . . . Kayo’y Manatiling nasa Pag-ibig ng Diyos”—ginawang alerto ang mga Kristiyano sa paraan ng pagkilos ng mga apostata
1983: “Paglakad na Kasama ng Diyos sa Isang Marahas na Sanlibutan”—pinagtibay na ang Kristiyano ay kailangang walang bahagi sa karahasan
1984: “Ang Kamakailang Kulungan ukol sa mga ‘Ibang Tupa’ ”—niliwanag nito kung paano ang uring makalupa ay dinadala sa pakikipagkaisa sa mga nasa bagong tipan na “kulungan”
1987: “Ang Jubileong Kristiyano ay Umaabot sa Sukdulan sa Milenyo”—ipinakikita kung paano lahat ng tapat na Kristiyano ay nagtatamo ng kalayaan at buhay