Purihin Nawa ang Diyos, ang Bukal ng Buhay at Pag-unlad
Inilahad ni Eduard Warter
ANG mata ay nabibighani sa maningning na kabundukan na sa pagitan ay may malalalim, at makikitid na bangin at malalawak na mga libis. Mga batis ng tubig na humuhugos sa mga daang-tubig— na dumidilig sa mga halamanan, mga ubasan, at mga bukirin sa mabungang mga kapatagan. Subalit nagugunita ba ng isang nagmamasid ang Bukal ng buhay, na pinagmumulan ng gayong pag-unlad, bilang karapat-dapat sa pagpuri?—Awit 36:9.
Ang maaraw na tanawing ito sa kabundukan ay nasa Republika ng Kirghiz—isang mataong republikang Sobyet sa Sentral Asia. Libu-libong mga mamamayang Sobyet na galing sa angkang Aleman ang naninirahan doon. Ang aking pamilya rin naman ay dito nanirahan nang sandali sa maunlad na lugar na ito, at kami ay nanggigilalas sa Diyos na nagpapangyari ng gayong kamangha-manghang pag-unlad. Oo, aming pinupuri siya at hayagang nangungusap sa iba tungkol sa kaniyang dakilang mga gawa.
Masunurin sa Bukal ng Buhay
Nang ako’y isilang noong 1901, ang aking mga magulang ay doon naninirahan sa Memelland (ngayo’y Klaipeda), na noon ay bahagi ng Silangang Prussia, sa baybaying Baltico, mga sampung kilometro (6 mi) ang layo sa hangganang Ruso. Nang ako’y pumapasok sa paaralan, ang unang digmaang pangdaigdig ay sumiklab, at nasaksihan namin ang mga kakilabutan ng lansakang pagpatay. Kaming mga Aleman na doon naninirahan sa hangganan ay kasundo naman ng aming mga kapitbahay na Ruso at kami’y nagtataka: ‘Kanino bang kasalanan iyon? Nasa kaninong panig ang Diyos?’ Gayunman, sa paaralan mga sawikain na gaya ng “Nasa Panig ng Diyos, ng Emperador, at ng Bayan” ang pumukaw ng makabayang mga damdamin.
Nang sumapit ang panahon pagkatapos ng digmaan, ako’y napadala sa impluwensiyang ito, nagboluntaryo ako ng paglilingkod sa frontier guard at nang maglaon sa Hukbong Aleman sa Königsberg, ngayo’y Kaliningrad. Dito’y nabuo sa akin ang konklusyon na ang karaniwang sundalo ay isa lamang tau-tauhang laruan, tinatadyak-tadyakan lamang ng iba ayon sa kanilang kapritso. Hindi pa natatagalan pagkatapos na mapakatnig ang Memelland sa Lithuania noong Enero 1923, ang aking inay ay sumulat sa akin: “Hindi ka dapat sumali sa digmaan, sapagkat ang ikalimang utos ay nagsasabi, ‘Huwag kang papatay.’ Ang mga Bible Students [mga Saksi ni Jehova] ay hindi rin sumasali sa digmaan.” Ako’y nalito. Sino nga ba ang mga Bible Students na ito? Nang ako’y nagbabakasyon sa bahay, napag-alaman ko ang kanilang mga saligang katotohanan na turo ng Bibliya. Nagkaroon iyon ng matinding epekto sa akin—ang aking buong relihiyoso at pulitikal na pangmalas sa buhay ay nagkaroon ng malaking pagbabago.
Ngayon ay nauunawaan ko na napipinto ang wakas ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay, na magbibigay-daan sa Kaharian ng Diyos. Bakit gugugol pa ng higit na panahon sa pagsisikap na tulungan ang Alemanya upang muling makabangon? Walang liwag na gumawa ako ng mga kaayusan upang makaalis ako sa serbisyo, at bumalik ako sa aking sariling bayan upang alamin pa ang higit tungkol sa mga katotohanang ito. Ang bautismo ang kasunod nito noong 1924, at isang bagay ang naunawaan kong maliwanag: Ang hakbanging ito’y nangangahulugan ng paglilingkod sa Diyos, hindi hanggang sa isang takdang petsa, kundi magpakailanman at sa bawat kalagayan. Ang aking puso ay puspos ng kagalakan. Ang pinakamataas na pribilehiyo na posibleng kamtin natin na mga taong mahihina—paglilingkod sa Kataas-taasan at pagdadala sa iba ng kaniyang mensahe—ay ipinagkaloob na sa akin.
Ako ay disidido noon na patunayang ako’y karapat-dapat. Kami’y mayroong isang malawak na lugar sa kabukiran na kung saan maraming kalat-kalat na mga pamayanan at mga bahay-bukid na kailangang gawin. Kung mga araw ng Linggo ay karaniwan nang maglakad kami ng 10 hanggang 12 oras sa pagdadala ng mensahe sa mga tao. Ang mga kapananampalataya na may malalaking bahay ay naghandog ng mga ito para gawing tipunang dako para sa mga pulong Kristiyano. Walang paglalakbay na totoong malayo, o mga bagyo man na totoong malakas, upang makahadlang sa amin sa mahalagang mga pagtitipong ito. Ito’y nagpalakas sa amin para sa mga panahon ng pagsubok na darating.
Pagpupuri sa Kaniya Kahit na sa Ilalim ng Kahirapan
Ang gawaing pang-Kaharian ay nagsimula nang umunlad sa mga bansa sa Baltico, at ngayon ay napasa-ilalim ito ng pamamanihala ng Tanggapan ng Watch Tower Society sa Denmark sa Hilagaang Europa. Noong 1928 ako’y nag-asawa, at kami ng aking maybahay na si Ruth ay nakiugnay sa Kongregasyon ng Hydekrug. Samantalang ang mga kapatid sa Nazing Alemanya ay dumanas ng malupit na pag-uusig, hindi namin naranasan ito—hanggang noong 1939. Isang umaga ng Marso 22, dumating ang balita: “Napalaya na ang Memelland! Darating ang Führer!”
Sa buong umaga kinulili ang tainga namin ng salagimsim ng hugong ng maraming eruplano. Nasakop na ni Hitler ang aming lugar. Kinabukasan ang mga tahanan ng lahat ng mga Saksi ni Jehova ay hinalughog, at ang ibang mga Saksi ay inaresto. Ang aming literatura, maging ang mga Bibliya man, ay kinumpiska at pinagsusunog nang hayagan sa dakong pamilihan. Hindi naman nagtagal nang ipagbawal ang aming gawain nagsimula kami na gumawa nang patago, nagpalibot ng literatura at dumalaw nang lihim sa mga taong interesado.
Nang magsiklab ang Digmaang Pandaigdig II, ako ay tinawag na magserbisyo sa hukbo. Sa tuwina’y tumanggi ako, at ang Hukumang Militar ng Reich sa Berlin ay nagbaba ng sentensiyang kamatayan noong Abril 10, 1940. Ang aking maybahay ay kinaon sa aming tahanan upang himukin ako na magserbisyo sa hukbo. Siya rin naman ay nanatiling walang tinag sa paninindigan at nakamit niya ang respeto ng isang nakatatandang opisyal, na nagsabi: “Inaamin ko, ang iyong paninindigan ay talagang tama. Ang digmaan ay di-makatao.” Ang aking maybahay ay naiwan na walang tagapaghanapbuhay na susuporta sa kaniya, sa aming apat na anak, at sa kaniyang matanda nang ina. Si Ruth baga ay nagreklamo bahagya man? Sa mga ilang liham na ipinahintulot sa kaniya na isulat, kaniyang pinalakas-loob ako na manatiling tapat at huwag manghina dahilan sa mga minamahal na maiiwan ko.
Noong Oktubre 1940 ay pinawalang-bisa ang sentensiya ko. Gayunman, ako ay nakukulong pa rin sa iba’t ibang piitan, hanggang sa wakas ay ipinadala ako sa kampong piitan sa Stutthof, malapit sa Danzig (ngayo’y Gdansk). Ang tapat na mga Saksi na naroon na sa kampo, tulad halimbawa ni Joseph Scharner, Wilhelm Scheider, Herman Raböse, at Hermine Schmidt, ang naging matalik kong mga kaibigan, at kanilang pinalakas ako sa aking pananampalataya.a Doon, kasama ng 30,000 mga bilanggo, na bawat isa’y sentensiyado na at wala nang pag-asa, kami’y nagkapribilehiyo na dalhin ang kaaliwan na dulot ng Kaharian ni Jehova.
Napasasalamat Dahil sa Kabutihan ni Jehova
Noong Enero 1945, samantalang palapit nang palapit ang digmaan sa hangganan sa gawing silangan, ang paglikas sa kampo ay sinimulan. Sa daungan ng Danzig, ang barkong Wilhelm Gustloff ay naghihintay upang ibiyahe kami nang pakanluran. Palibhasa’y dumating kami nang atrasado—ang aming convoy ay binomba ng mga eruplano—aming naiwasan ang disin sana’y isang biyahe ng kapahamakan, sapagkat kakaunti ang nakaligtas sa paglubog ng barkong iyan.b Sandaling dumoon kami sa isang nababakurang kamalig at kasama namin ang mga 200 iba pang mga preso. Dahilan sa di-malinis na mga kalagayan, ako’y nagkasakit ng tipos. Nang magkagayo’y dumating ang utos: “Magsibalik kayo sa kampo sa Stutthof!” Palibhasa’y mataas ang aking lagnat, halos hindi ako makalakad, at kaya lamang ako nakaagwanta sa mahabang lakbaying iyon ay dahil sa tulong ng isang kapatid, si Hans Deike. Kinailangan ang sampung araw sa impirmarya ng kampo upang maibsan ako ng lagnat.
Abril 25, 1945 noon nang kami ay pabalik sa baybaying-dagat. Malubha pa ang aking sakit, at ang mga kapatid na babae ay naghirap nang husto upang matulungan ako. Gayunman, ang iba sa kanila ay umaawit ng ating mga awitin. Kami’y inilulan sa simpleng lantsang pambiyahe sa ilog upang pasimulan ang aming mapanganib na biyahe. Sa mahigit na 400 katao na sakay, ang lantsa ay gumigiray nang husto. Kaya upang mapanatiling umaandar ang lantsa, ang mga preso ay ginugulpi at puwersahang dinadala sa gawing ibaba sa lalagyan ng kargamento. Doon, ang mga tao ay literal na patung-patong. Ang mga patay ay inihahagis na lamang sa tubig. Isang pagpapala na ang aming munting grupo ng 12 mga Saksi ay pinayagan na dumoon sa kubyerta, at aming pinasasalamatan ang Diyos dahil dito.
Kami’y nangangaligkig sa ginaw nang dumaong kami kinabukasan sa Sassnitz sa isla ng Rügen. Ayaw kaming tanggapin ng mga tagaroon at binigyan lamang kami ng kaunting tubig na presko. Noong gabi ng Abril 29/30, ang aming barko ay sumalpok sa isa sa maraming mga batuhan sa ilalim ng tubig malapit sa isla ng Eulenbruch. Ang aming lantsa ay inaryahan ng sasakyang panghila upang mapapunta sa isang lugar na napakarami ang mina at kapagdaka’y nawala na ang panghilang iyon. Ito kaya ay isang paraan upang mamatay na kami? Samantalang naririnig namin ang kaluskos ng mga batuhan na napapahasa sa katawan ng lantsa, kami’y nagtiwala sa Diyos na hindi kami pababayaan.
Kami’y dinalhan ng coast guard ng mga de-gomang dinghies upang gamitin sa paglunsad. Ang mga tripulante namin ay pinuwersa samantalang tinututukan ng baril na ipagpatuloy ang biyahe sa ibang barko. Lahat ng mga daungang Aleman ay okupado ng mga tropang Alyado, kaya’t aming nilagpasan at sa wakas ay dumaong kami sa islang Danes ng Møn. Sa wakas ay malaya na kami, kaya itinanong namin sa mga naroroon kung mayroong mga Saksi ni Jehova sa islang iyon. Hindi lumampas ang dalawang oras nang kami ay masiglang niyayakap ng dalawang kapatid na babae. Ang mga nakamasid sa palibot ay takang-taka. Nang sandaling mabalitaan ng tanggapang sangay ng Watch Tower Society ang aming pagdating, si Filip Hoffmann ay pinapunta upang isaayos ang maibiging pag-asikaso at atensiyon na ibigay sa amin. Anong laki ng aming pasasalamat kay Jehova!
Ang Diyos ay Nagbibigay ng Buhay at Pag-unlad
Agad naman kaming nakabangon buhat sa pinagdaanan naming hirap na iyon at noong Setyembre kami’y galak na galak na dumalo sa isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Copenhagen. Dalawang kabataang babae, isang Lett at isang Ukrainyo, na nakaalam ng katotohanan sa kampo ng Stutthof ang nabautismuhan. Sila kapuwa ay bumalik sa Unyong Sobyet bilang aming espirituwal na mga kapatid. At ang Diyos ay magbibigay pa rin sa amin ng higit pang pag-unlad!
Ang Memelland ay bahagi na ngayon ng Sobyet Sosyalistang Republika ng Lithuania. Salungat sa mga panghihimok ng mga inilikas na Ruso, ako ay puma-silangan noong Hunyo 1946 upang makisama na sa aking pamilya. Dala ko noon ang isang mabigat na kargang mga babasahin sa Bibliya. Nang tumawid ako sa hangganan, ang aking karga ay hindi pinansin ng mga patrolya, at ang higit na pinagbuhusan ng pansin ay ang dala kong maraming bawang. Anong laki ng kagalakan ng lokal na mga kapatid nang tanggapin nila ang mahalagang espirituwal na pagkain!
Ganiyan na lang ang pasasalamat ko kay Jehova dahilan sa kaniyang kamangha-manghang pagliligtas sa aking pamilya sa buong panahon ng digmaan at sa mahihirap na panahon pagkatapos upang kami’y makapagpatuloy ng aming gawain. Kailanman ay hindi kami huminto ng pagpupuri sa Diyos!
Isang Mariing Dagok
Gayunman, noong Setyembre 1950 lahat ng mga Saksi sa aming lugar ay inaresto at dinala sa ibang lugar. Ang ilan sa amin ay sinentensiyahan ng sa pagitan ng 10 at 25 taon sa isang kampo ng trabaho. Lahat ng mga miyembro ng aming pamilya ay itinapon sa Siberia upang dumoon nang habang-buhay.c
Ito’y isang mariing dagok sa amin, subalit dagling natalos namin na kailangan na mapalaganap ang balita ng Kaharian sa malaking bansang ito rin naman. Naging pribilehiyo ko, kasama ng mga 30 iba pang mga Saksi, na mangaral sa 3,000 mga nakukulong sa kampo ng Vorkuta sa gawing hilaga ng Rusya sa Europa. Marami ang tumanggap ng katotohanan, nabautismuhan, at patuloy na gumagawa sa di pa nagagalaw na mga teritoryo pagkatapos na sila’y palayain.
Pagkatapos ng mga limang taon, noong tagsibol ng 1957, ako’y pinayagan na lumipat sa lugar ng Tomsk, at kami’y nagkasama-sama ng aking pamilya. Ang mga kapatid sa Siberia ay kinailangan na gumawa mula umaga hanggang gabi, na walang araw na bakante. Sa wakas, halos lahat ng mga ipinatapon ay pinalaya, at ang resulta’y marami sa mga mamamayang Aleman ang lumipat patungo sa gawing timog. Gaya ng binanggit sa pasimula, kami’y doon nanirahan sa Sentral na Asianong Republika ng Kirghiz noong 1960. Dito, sa bayan ng Kant malapit sa Frunze, nakasumpong kami ng ilang pamilya ng mga Saksi ni Jehova na dumating doon nang una sa amin.
Ang unang mga ilang taon ay lumipas nang tahimik. Samantalang ang tubig ng katotohanan ay nagkakabisa, isang espirituwal na paraiso ang nagsimulang umunlad dito at sa mga iba pang panig ng bansa. Gayunman, ang aming aktibong pagpupuri kay Jehova ay nakatawag-pansin. Ang mga pahayagan ay naglathala ng mga artikulong naninirang-puri sa amin. Ang mga pinuno ng opisyal ng nakarehistrong mga relihiyon ay nagbawal sa amin na dalawin ang kanilang “mga tupa,” at pinagbantaan kami na kikilos laban sa amin. Noong 1963 limang kapatid ang biglang dinakip at sinentensiyahan ng mula sa pito hanggang sa sampung taon sa mga kampo ng trabaho. Dahil sa lakas-loob at walang pakikipagkompromisong paninindigan ng mga kapatid sa hukuman ang publiko ay namangha. Kanilang nakita na mayroon palang mga tao na disididong ‘sumunod sa Diyos bago sa mga tao.’—Gawa 5:29.
Nang sumapit na ako sa edad ng pagretiro, sinabi sa amin na kami’y pinapayagan ng lumipat sa Pederal na Republika ng Alemanya. Bago kami lumisan, ang mga kapatid sa Kirghiz at South Kazakhstan ay nagbilin sa amin na dalhin ang kanilang magiliw na pag-ibig at mga pagbati, kasuwato ng Job 32:19-22 at Jeremias 20:9, 10 sa lahat ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Si Ruth at ako ay naninirahan ngayon sa Bremerhaven sapol noong 1969. Bagama’t kami’y matatanda na, patuloy na pinupuri namin si Jehova, ang Bukal ng buhay at pag-unlad, dahil sa kaniyang kabutihan. May tiwalang inaasam-asam namin ang panahon na ang buong lupa ay magiging isang literal na paraiso, at bawat humihinga ay magpupuri sa kaniya!—Awit 150:6.
[Mga talababa]
a Tingnan ang The Watchtower, Marso 15, 1968, pahina 187-90.
b Tingnan ang Awake!, Mayo 22, 1978, pahina 16-20.
c Tingnan ang The Watchtower, Abril 15, 1956, pahina 233-6.
[Larawan sa pahina 23]
Si Eduard at si Ruth Warter sa ngayon
[Larawan sa pahina 24]
Ang grupo ng mga Saksi buhat sa Stutthof concentration camp nang dumating sila sa Denmark noong 1945, kasama si Eduard Warter na nasa dulong kaliwa, na malugod na tinatanggap ng isang kapatid na tagaroon