Ang Karunungan ng Diyos—Nakikita Mo Ba?
GUNIGUNIHIN ang tanawin sa palasyo ng isang sinaunang hari. Doon, ang hari ay nakaluklok sa isang maningning na trono samantalang siya’y nanunungkulan na nakapanamit ng maharlikang damit-hari. Siya’y kilala hindi lamang dahilan sa kaniyang kayamanan kundi dahilan din sa kaniyang karunungan. Ang mga utusan sa kaniyang palasyo ay may sakdal na kaayusan. Totoong kaiga-igaya ang kaningningan ng tanawing iyon. Narito: Si Haring Solomon!—1 Hari 10:1-9, 18-20.
Ngayon, pakinggan ninyo ang taong kinikilala bilang ang Dakilang Guro, si Jesu-Kristo: “Tungkol sa pananamit, bakit kayo nababalisa? Kayo’y matuto ng aral sa mga lirio sa parang, kung paanong nagsisilaki; sila’y hindi nagpapagal, ni nagsusulid man; ngunit sinasabi ko sa inyo na si Solomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakagayak ng gaya ng isa sa mga ito.”—Mateo 6:28, 29.
Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus niyan? Bueno, siya’y nagbibigay ng payo tungkol sa hindi pagiging materyalistiko. Subalit ang kaniya bang mga salita tungkol kay Solomon ay may literal na katuparan? Tandaan, si Jesus ay gumamit ng mga paghahalimbawa ng mga tunay na pangyayari sa buhay. Kaya naman ang mga disenyador at mga dalubhasang manggagawa ni Solomon, bagama’t mahuhusay na, ay hindi katumbas ng mga disenyo, ng pagbabagay-bagay ng mga kulay, ng kaakit-akit na kaayusan ng “mga lirio sa parang” na tumutubo sa kanilang likas na kapaligiran.
Nahahayag ang Karunungan ni Jehova
Maging ang pahapyaw na pagsusuri sa mga bulaklak ay magtutulak sa iyo na sumang-ayon sa sinabi ni Jesus. Aywan natin kung anong klase ng mga lirio ang sumasaisip noon ni Jesus, subalit ang mga bulaklak ay makikitang sagana sa karamihan ng panig ng mundo. Pagmasdan mo nang maingat ang isang bulaklak, anumang bulaklak: isang lirio, isang rosas, isang orkidya. Makikitaan mo ito ng maselang na pagkaayus-ayos ng mga kulay at ng sari-saring kaayusan ng mga disenyo, at tugma-tugma ang mga sepal, mga dahon, at iba pang mga parte ng bulaklak. Nakikita mo ba ang walang imik ngunit matibay na patotoo na isang Dakilang Disenyador na may sakdal na karunungan at talino ang lumikha ng magagandang paglalang na ito? Ang ating mga mata ay hindi lamang naliligayahan sa pagmamasid sa kanilang kagandahan kundi pati na ang ating ilong ay nasasarapan sa kabanguhan na likha nila sa hangin na ating nilalanghap.
Sa pagmamasid ni apostol Pablo ay nasabi niya na ang taglay ng Diyos na Jehova na “di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa ng paglalang ng sanlibutan, sapagkat natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa.” (Roma 1:20) Gayunpaman, hindi lamang mga bulaklak ang nilalang ng Diyos para magpaganda sa lupa; siya’y gumawa ng pagkarami-raming mga halaman at mga punungkahoy, na pawang bahagi ng isang praktikal, ngunit luntian, na kaharian. Kung ikaw ay dadalaw sa Humboldt National Forest sa California, E.U.A., makikita mo ang isang dambuhalang redwood (isang uri ng punungkahoy) na ayon sa paniwala ay siyang pinakamataas na puno sa daigdig. Kung ikaw ay tatayo sa paanan nito, at titingalain mo ang taas nito na mahigit sa 360 piye (110 m), hindi ba tahimik na pupurihin mo yaong Isa na may kaalaman na gumawa ng gayong puno?
Ang Katutubong Karunungan ng mga Hayop
Sa katihan at sa dagat ay mayroong mga hayop, maliliit at malalaki, at dito’y hinahangaan natin ang karunungan ng Diyos. Maliwanag na ang bawat isa riyan ay nagsisilbi sa isang layunin ng Maylikha. Ang pantas na si Haring Solomon ay nagpayo: “Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; pagmasdan mo ang mga lakad niyaon at magpakapantas ka.” (Kawikaan 6:6) Yaong mga taong nakapagmasid na sa langgam ay humanga sa katangian nito na mag-organisa. Ang mga langgam ay hindi mapagbukod ng sarili; sila’y namumuhay bilang mga pamayanan. Ang iba ay mga magsasaka at umaani ng mga binhi. Sa tropiko ay makikita mo ang ilang langgam na nangunguha ng mga dahon upang dalhin sa kaniyang pugad. Paano sila nakaalam ng paggawa nito? Si Agur, isa sa mga sumulat ng aklat ng Kawikaan, ang nagsasabi na ang langgam ay “likas na matatalino.” Sino ang gumawa sa kanila na maging gayon sila? Si Jehova, ang Maygawa ng langit at lupa.—Kawikaan 30:24, 25.
Oo, ang mga hayop ay may likas na talino. Ito’y halatang-halata sa pandarayuhan ng mga ibon. Marahil ay nakabalita ka tungkol sa pandarayuhan sa ibang lugar ng Capistrano swallows. May panahon sa taun-taon, sila’y lumilipad ng paglalakbay sa layong libu-libong milya buhat sa kanilang pinagpalipasan ng taglamig sa Timog Amerika tungo sa isang misyon sa San Juan Capistrano, California, E.U.A. Sila’y may katutubong kakayahan na hindi sumasala sa pagparoon nila sa dako ring iyon sa kaparehong panahon tuwing Marso.
Tungkol naman sa pagkalawak-lawak na karagatan, ang salmista ay nagsasabi: “Anong pagkasari-sari ang iyong mga gawa, O Jehova! Ginawa mo itong lahat sa iyong karunungan. Ang lupa ay puno ng iyong kayamanan. Nandoon ang dagat, na malaki at maluwang, na ginagalawan ng di mabilang na mga bagay.” (Awit 104:24, 25) Buhat sa pagkaliit-liit na mga minnow (isang uri ng isda) hanggang sa dambuhalang mga balyena, mahahalata mo ang makalangit na karunungan sa kanilang anyo at ginagampanang gawa.
Ang pinaka-sukdulang paglalang ng Diyos sa lupa ay ang tao mismo. Narito ang isang paglalang na hindi pinakikilos lamang ng isinangkap, o katutubong, karunungan. Siya’y may kapabilidad na maging gaya ng Diyos sa maraming paraan. Anong pagkatotoo nga tungkol sa kaniya na “sa isang kakila-kilabot na paraan” kamangha-mangha ang pagkalikha sa kaniya! Kahit na tayo ay hindi mga siyentipiko sa medisina, mababasa natin ang kanilang mga natuklasan at sasang-ayon tayo sa sinabi ng kinasihang manunulat. Ang mga gawa ng Maylikha na makikita sa katawan ng tao ay kamangha-mangha.—Awit 139:14.
Ang Makalangit na Karunungan ni Jehova
Ang Awit 19:1 ay nagsasabi na ang langit ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos. Anong pagkatotoo nga! Ang salmistang si David ay hindi gumamit ng mga teleskopyo o elektronikong mga instrumento, ngunit siya’y may mapitagang pagpapahalaga sa mga bagay na kaniyang nakikita. Sa ngayon, ang karaniwang tao ay mas malaki ang kaalaman kaysa naging kaalaman ni David noon tungkol sa ating sistema solar at sa ating pagkalawak-lawak na galaksi, ang Milky Way. Alam din niya na mayroong di mabilang na iba pang mga pagkalaki-laking mga galaksi sa walang hangganang kalawakan. Ano ba ang nadarama mo samantalang binubulaybulay mo ang karunungan ng dakila at walang makakatulad na Disenyador? Masasabi mo ba na taglay ang pagpipitagan: ‘Jehova, ikaw ay “gumagawa ng mga dakilang bagay na di-masayod, ng mga kamangha-manghang bagay na walang bilang” ’? Dapat nga.—Job 9:10.
Sa di isinasaysay na nakalipas na pagkalawak-lawak na mga panahon, ginawa ni Jehova ang kaniyang paglalang, una muna’y ang kaniyang bugtong na Anak, pagkatapos ay ang natitira pang bahagi ng kaniyang espiritung paglalang. Ito’y sinundan ng materyal na sansinukob. Lahat noon ay matahimik at maayos. Aba, ang mga anghel na anak ng Diyos ay aktuwal na naghiyawan sa kanilang pagpapahalaga at pagpupuri nang itatag ang lupa! (Job 38:4-7) Ang lalaki at babae ay nilalang at inilagay sa isang sakdal na halamanan, subalit may nangyari noon na isang nakagigitlang bagay. Isang tinig na nagmula sa dakong di nakikita, na nagsalita sa pamamagitan ng isang ahas, ang nanirang-puri sa Dakilang Manlalalang. Sinabi niyaon na ginagamit ni Jehova sa maling paraan ang kaniyang pagkasoberano; tinawag niyaon na isang sinungaling ang Diyos. Kaya naman, ang may-ari ng tinig na iyon ay kinabitan ng di kanais-nais na mga pangalan na pagkakakilanlan sa kaniya, tulad ng Diyablo, Ahas, at Satanas. Ano ngayon ang gagawin ng Sakdal-Dunong na Isa? Ano ang magagawa niya? Isang bagong pitak ng karunungan ang kailangan na makapupong higit pa kaysa kaluwalhatian ng karunungan ni Solomon.—Genesis 3:1-5.
[Blurb sa pahina 4]
Buhat sa pagkaliit-liit na mga minnow (isang uri ng isda) hanggang sa dambuhalang mga balyena, ang makalangit na karunungan ay makikita sa kanilang anyo at ginagampanang gawa