Gaano Makabuluhan ang Iyong mga Panalangin?
“Ako’y tumawag ng aking buong puso. Sagutin mo ako, Oh Jehova.”—AWIT 119:145.
1, 2. (a) Anong talinghaga ni Jesus ang may kinalaman sa panalangin? (b) Ano ang konklusyon na ibinigay ni Jesus sa dalawang panalangin, at ano ang dapat ipakita nito sa atin?
ANONG uri ng mga panalangin ang dinidinig ng Maylikha, ang Diyos na Jehova? Isang talinghaga na sinalita ni Jesu-Kristo ang nagpapakita ng isa sa mahalagang mga kalagayan upang sagutin ng Diyos ang mga panalangin. Sinabi ni Jesus na dalawang lalaki ang nananalangin sa templo sa Jerusalem. Ang isa’y isang lubhang iginagalang na Fariseo, yaong isa naman ay isang hinahamak-hamak na maniningil ng buwis. Ang Fariseo ay nanalangin: “Oh Diyos, salamat at hindi ako gaya ng mga tao, . . . o dili kaya’y gaya ng maniningil na ito ng buwis. Ako’y makalawang nag-aayuno sa isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu ng lahat ng aking kita.” Ngunit ang mapakumbabang maniningil ng buwis ay “dinadagukan ang kaniyang dibdib, at ang sabi, ‘Oh Diyos, kahabagan mo ako na isang makasalanan.’”—Lucas 18:9-13.
2 Nagsalita si Jesus tungkol sa dalawang panalanging ito, at nagsabi: “Sinasabi ko sa inyo, Nanaog at umuwi sa kaniyang bahay ang taong ito [ang maniningil ng buwis] na inaring-matuwid kaysa roon sa isa [ang Fariseo]; sapagkat ang bawat nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa, ngunit ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas.” (Lucas 18:14) Maliwanag, ipinakita ni Jesus na hindi sapat ang pananalangin lamang sa ating makalangit na Ama. Kung paano tayo nananalangin—ang ating saloobin ng kaisipan—ay mahalaga rin.
3. (a) Banggitin ang ilang mahalagang alituntunin na sumasaklaw sa panalangin. (b) Nasa anong mga anyo ang panalangin?
3 Tunay nga na ang panalangin ay isang mahalaga, mabigat, seryosong pribilehiyo, at ang lahat ng malawak ang kaalamang mga Kristiyano ay nakakaalam ng mahalagang mga alituntunin na sumasaklaw rito. Ang mga panalangin ay kailangang ipahatid sa kaisa-isang tunay na Diyos, si Jehova. Kailangang manalangin sa pangalan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Upang tanggapin ito, kailangan na ihandog ito na may pananampalataya. Oo, “ang lumalapit sa Diyos ay kailangang sumampalataya sa kaniya.” Gayundin, ang mga panalangin ng isang tao ay kailangang naaayon sa kalooban ng Diyos. (Hebreo 11:6; Awit 65:2; Mateo 17:20; Juan 14:6, 14; 1 Juan 5:14) At buhat sa mga halimbawa sa Kasulatan, mapag-aalaman natin na ang mga panalangin ay nasa anyong papuri, pasasalamat, paghiling, at pagsusumamo.—Lucas 10:21; Efeso 5:20; Filipos 4:6; Hebreo 5:7.
Mga Halimbawa ng Makabuluhang mga Panalangin
4. (a) Anong mga halimbawa ng makabuluhang panalangin ang ipinakita ni Moises at ni Josue? (b) Anong mga halimbawa ang ibinigay ni David at ni Haring Hezekias? (c) Ano ang laging kasangkot sa marami sa mga panalanging ito?
4 Pagka nakaharap sa mabibigat na problema, pagka seryosong mga disisyon ang kailangan, pagka nakagawa ng malulubhang pagkakamali, o pagka nanganganib ang ating buhay, ang ating mga panalangin ay lalo nang nagiging taimtim at nagiging makabuluhan. Dahilan sa naghimagsik ang mga Israelita pagkatapos mapakinggan ang negatibong pag-uulat ng sampung walang pananampalatayang mga espiya, sinabi ni Jehova kay Moises na ang bayan ay karapat-dapat lipulin. Sa isang taimtim at makabuluhang panalangin, si Moises ay nagsumamo kay Jehova na huwag gawin iyon sapagkat ang Kaniyang pangalan ay kasangkot. (Bilang 14:11-19) Nang magapi ang Israel sa Ai dahilan sa kasakiman ni Achan, si Josue ay nanalangin din ng buong taimtim dahil sa kasangkot ang pangalan ni Jehova. (Josue 7:6-9) Marami sa mga awit ni David ay nasa anyong taimtim na mga panalangin, at ang isang litaw na halimbawa nito ay ang Awit 51. Ang panalangin ni Haring Hezekias nang panahon na lusubin ni Haring Senacherib ng Asiria ang Juda ay isa pang magandang halimbawa ng isang makabuluhang panalangin, at dito rin naman ay kasangkot ang pangalan ni Jehova.—Isaias 37:14-20.
5. Ano pang mga ibang halimbawa ng makabuluhang mga panalangin ang binigkas ng mga ilang lingkod ni Jehova?
5 Ang aklat ng Mga Panaghoy ay masasabing isang mahabang, taimtim na panalangin ni Jeremias alang-alang sa kaniyang bayan, sapagkat sa panalangin ay paulit-ulit na tinatawagan si Jehova. (Panaghoy 1:20; 2:20; 3:40-45, 55-66; 5:1-22) Si Ezra at si Daniel ay naghandog din ng makabuluhan at taimtim na mga panalangin alang-alang sa kanilang bayan, at ipinahayag nila ang mga pagkakamali ng kanilang bansa at nagmakaawa na sila’y patawarin. (Ezra 9:5-15; Daniel 9:4-19) At matitiyak natin na ang panalangin na binigkas ni Jonas noong siya’y nasa tiyan ng malaking isda ay taimtim at makabuluhan.—Jonas 2:1-9.
6. (a) Anong mga halimbawa ng makabuluhang mga panalangin ang ibinigay sa atin ni Jesus? (b) Anong mahalagang katangian ang kailangan upang maging makabuluhan ang ating mga panalangin?
6 Bago niya pinili ang 12 apostol, magdamag na nanalangin si Jesus upang mangyari ang kalooban ng kaniyang Ama sa paggawa ng gayong pamimili. (Lucas 6:12-16) Nariyan din ang makabuluhang panalangin ni Jesus noong gabi na siya’y ipinagkanulo, ayon sa pagkasulat sa Juan kabanata 17. Lahat ng mga panalanging ito ay matibay na patotoo sa magandang relasyon sa Diyos na Jehova na tinatamasa ng mga nagsipanalangin. Walang alinlangan, ito ang mahalagang katangian na kailangan ng ating mga panalangin kung ibig natin na ang mga ito’y maging makabuluhan. At kailangan namang maging taimtim at makabuluhan ang mga ito upang ‘pakinggan’ ni Jehovang Diyos.—Santiago 5:16, The Jerusalem Bible.
Depekto Dahil sa Di-Kasakdalan
7. Ano ang maaaring itanong natin sa ating sarili tungkol sa ating mga panalangin?
7 Gaya ng binanggit na, sa ilalim ng maigting na mga kalagayan malamang na ang ating mga panalangin ay maging lalong higit na taimtim at makabuluhan. Subalit kumusta naman ang ating mga panalangin sa araw-araw? Ito ba’y nagpapatotoo sa mainit at matalik na relasyong nadarama natin na namamagitan sa atin at sa ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova? Naging kasabihan nga: “Ang panalangin ay kailangang maging makabuluhan sa atin upang maging makabuluhan naman sa Diyos.” Pinag-iisipan ba natin ang ating mga panalangin at ating tinitiyak na talagang nanggagaling ito sa ating makasagisag na puso?
8. Ang ating mga panalangin ay baka may anong mga depekto dahilan sa di-kasakdalan ng tao?
8 Madali na mapabayaan natin ang ating mga panalangin ay umurong sa mga bagay na ito. Dahilan sa ating minanang di-kasakdalan, madaling nadadaya tayo ng ating puso, anupa’t hinuhubaran ang ating mga panalangin ng mga katangian na dapat taglayin nito. (Jeremias 17:9) Maliban, kung sa karamihan ng pagkakataon tayo’y hindi hihinto sumandali at pag-iisipan natin iyan bago tayo manalangin, baka ang tendensiya ng ating mga panalangin ay maging parang de-makina, iyon di’t iyon din, de-rutina. O kaya ay baka maging paulit-ulit, anupa’t naiisip natin ang sinabi ni Jesus tungkol sa di wastong paraan ng ‘panananalangin ng mga tao ng mga bansa.’ (Mateo 6:7, 8) O dili kaya ang ating mga panalangin ay baka tungkol lamang sa pangkalahatang mga bagay imbis na sa espisipikong mga bagay-bagay o mga tao.
9. Ano pa ang maaaring maging depekto ng ating panalangin, at ano nga marahil ang isang dahilan ng mga depektong ito?
9 Kung minsan baka tayo nahihikayat na magmadali sa ating mga panalangin. Subalit kapuna-puna ang obserbasyon: “Kung ikaw ay totoong magawain upang manalangin, ikaw ay totoong magawain.” Hindi natin nais na memoryahin ang ilang mga salita at ulit-ulitin lamang ang mga ito tuwing tayo’y mananalangin; hindi rin naman kailangan para sa isang Saksi ni Jehova na basahin ang kaniyang panalangin, tulad baga kung nasa isang pampublikong asamblea. Walang alinlangan na ang lahat ng mga depektong ito ay napapaharap, kahit na ang ilan dito, dahil sa hindi natin mukhaang nakikita ang Diyos na Jehova, ang isa na ating dinadalanginan. Gayunman, hindi natin maasahan na siya’y malulugod sa gayong mga panalangin, at hindi rin naman tayo nakikinabang sa ganiyang pananalangin.
Pananaig sa mga Depekto
10. (a) Sa anong paraan nahahayag ang kawalan ng pagpapahalaga sa panalangin? (b) Anong paraan naman ang mababasa sa Kasulatan?
10 Tayo’y makapag-iingat laban sa binanggit nang mga depekto kung ating pinahahalagahan ang ating araw-araw na mga panalangin at mayroon tayong isang mabuting relasyon sa ating makalangit na Ama. Unang-una, ang gayong pagpapahalaga ay tutulong sa atin na mag-ingat laban sa pagmamadali sa ating mga panalangin na para bang kailangan na marating natin ang lalong mahalagang mga bagay. Walang lalong higit na mahalaga pa kaysa pakikipag-usap sa Pansansinukob na Soberano, ang Diyos na Jehova. Totoo, baka may mga okasyon na kung saan limitado ang panahon. Halimbawa, nang si Haring Artajerjes ay magtanong sa kaniyang katiwala ng sarong si Nehemias, “Ano itong iyong hinihiling?” si Nehemias ay ‘agad-agad nanalangin sa Diyos ng langit.’ (Nehemias 2:4) Yamang ang hari ay umaasang tatanggap ng agad-agad na tugon, pinadali ni Nehemias ang pananalangin. Subalit matitiyak natin na iyon ay makabuluhan at nanggaling sa kaniyang puso sapagkat kaagad sinagot iyon ni Jehova. (Nehemias 2:5, 6) Datapuwat, maliban sa gayong pambihirang mga okasyon tayo ay dapat magbigay ng sapat na panahon para sa ating mga panalangin at hayaang ang mga ibang bagay ang maghintay. Kung ang hilig natin ay magmadali sa ating mga panalangin, hindi natin lubusang pinahahalagahan ang panalangin.
11. Ano ang isa pang depekto na kailangang iwasan natin, at anong magandang halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa bagay na ito?
11 Ang isa pang depekto na marahil kailangang iwasan natin ay ang pag-ulit-ulit ng pangkalahatang mga bagay. Ang gayong mga panalangin ay hindi rin naman nagpapahalaga sa pribilehiyo ng panalangin. Sa kaniyang modelong panalangin, si Jesus ay nagpakita ng magandang halimbawa para sa atin. Kaniyang binanggit ang pitong iba’t ibang kahilingan: tatlo ang may kinalaman sa pagtatagumpay ng katuwiran, ang isa’y tungkol naman sa ating araw-araw na pangangailangan para mabuhay, at tatlo ang tungkol sa ating espirituwal na kapakanan.—Mateo 6:9-13.
12. Si Pablo ay nagpakita ng anong magagandang halimbawa tungkol sa pagiging espisipiko sa ating mga panalangin?
12 Si apostol Pablo ay nagpakita rin sa atin ng magandang halimbawa. Kaniyang hiniling na ipanalangin siya ng mga iba ‘upang bigyan siya ng kakayahang magsalita nang may katapangan.’ (Efeso 6:18-20) Siya’y espisipiko rin sa kaniyang sariling mga panalangin alang-alang sa iba. “Ito ang patuloy na idinadalangin ko,” ang sabi ni Pablo, “na ang inyong pag-ibig ay lalo’t lalo pang sumagana nawa sa tumpak na kaalaman at sa lubos na kaunawaan; upang inyong matiyak ang lalong mahalagang mga bagay, upang kayo’y maging walang kapintasan at huwag makatisod sa iba hanggang sa kaarawan ni Kristo, at mangapuspos ng bunga ng kabanalan, na ito’y sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Diyos.”—Filipos 1:9-11.
13. Paano tayo makabibigkas ng makabuluhang panalangin kung tungkol sa ating sari-saring uri ng paglilingkod kay Jehova?
13 Oo, ang ating mga panalangin ay dapat na tungkol sa espisipikong mga bagay, at dito’y kailangan na pag-isipan natin ang ating mga panalangin. (Ihambing ang Kawikaan 15:28.) Samantalang nasa ministeryo sa larangan, maaaring hilingin natin sa Diyos hindi lamang na pagpalain niya ang ating mga pagsisikap kundi rin naman makahihiling tayo ng karunungan, na turuan tayo ng taktika, na bigyan tayo ng pusong maawain, ng kalayaang magsalita, o ng tulong para sa anumang kahinaan na maaaring makahadlang sa ating epektibong pagpapatotoo. Gayundin, di ba maaaring hilingin natin sa Diyos na akayin tayo sa mga taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran? Mga ilang saglit bago magbigay ng isang pahayag pangmadla o magkaroon ng bahagi sa Pulong sa Paglilingkod o sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, maisasamo natin kay Jehova na bigyan tayo nang sagana ng kaniyang banal na espiritu. Bakit? Upang tayo’y magkaroon ng pagtitiwala at tindig, tayo’y makapagsalita nang may kataimtiman at pananalig, upang madulutan natin ng kapurihan ang pangalan ng Diyos at mapatibay natin ang ating mga kapatid. Lahat ng gayong mga panalangin ay tumutulong din sa pagkakaroon natin ng tamang balangkas ng kaisipan pagka nagsasalita.
14. Ano ang dapat na maging saloobin natin tungkol sa mga kahinaan ng laman na mahirap daigin?
14 Tayo ba’y may mga kahinaan sa laman na bumabaka sa ating espirituwalidad at waring mahirap daigin? Ibig nating espisipikong tukuyin ito sa ating mga panalangin. At huwag tayong masisiraan ng loob, huwag tayong magsasawa ng mapakumbaba at taimtim na pananalangin sa Diyos na tulungan tayo at patawarin tayo. Oo, sa ilalim ng gayong mga kalagayan, tayo’y lalapit kay Jehova gaya ng isang bata na lumalapit sa kaniyang ama pagka may suliranin, gaano man kalimit tayong nananalangin sa Diyos tungkol sa ganoo’t ganoon ding kahinaan. Kung tayo’y taimtim, tayo’y tutulungan ni Jehova at ipadadama sa atin na tayo’y kaniyang pinatawad. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, maaaring rin tayong maaliw ng pag-amin ni Pablo na siya’y may suliranin.—Roma 7:21-25.
Mga Tulong Para sa Makabuluhang Pananalangin
15. Taglay ang anong saloobin ng kaisipan dapat tayong lumapit sa Diyos na Jehova sa panalangin?
15 Upang ang ating mga panalangin ay maging tunay na makabuluhan, kailangang magsikap tayo na alisin sa ating isip ang lahat ng nakakasagabal at ipako ang isip sa bagay na tayo’y nasa harap ng Dakilang Diyos, na si Jehova. Lapitan natin siya na taglay ang matinding paggalang, na pinahahalagahan ang kaniyang kadakilaan. Gaya ng sinabi ni Jehova kay Moises, walang sinumang tao na makakakita sa Diyos at mabubuhay pa. (Exodo 33:20) Kaya kailangang lapitan natin si Jehova na taglay ang kaukulang pagpapakumbaba at kahinhinan, na siyang idiniin ni Jesus sa kaniyang talinghaga ng Fariseo at ng maniningil ng buwis. (Mikas 6:8; Lucas 18:9-14) Si Jehova ay kailangang maging tunay na tunay sa atin. Kailangang taglay natin ang ganoon ding saloobin ng kaisipan na gaya ng kay Moises. “Siya’y nagpatuloy na matatag tulad sa nakakakita sa Isang di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Ang ganiyang mga katangian ay nagpapatotoo na tayo ay may mabuting relasyon sa ating makalangit na Ama.
16. Anong bahagi ang ginagampanan ng ating mga puso sa pagbigkas ng makabuluhang mga panalangin?
16 Ang ating mga panalangin ay magiging makabuluhan din naman kung tayo’y lalapit kay Jehova taglay ang mga pusong lipos ng pag-ibig at pagmamahal sa kaniya. Halimbawa, anong laki ng pagpapahalaga sa Diyos na Jehova at ng pag-ibig sa kaniya ang ipinahayag ng salmistang si David sa Awit 23 at 103! At walang alinlangan ang tungkol sa pagkakaroon ni David ng mainam na relasyon sa kaniyang Dakilang Pastol, ang Diyos na Jehova. Sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, tayo’y pinapayuhan na magsalita nang may init at damdamin. Ito’y lalung-lalo nang kailangan pagka tayo’y nagbabasa ng mga teksto at lalong higit kung tayo’y nanalangin sa ating makalangit na Ama. Oo, ibig nating madama ang gaya ng nadama ni David nang siya’y manalangin: “Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, sapagkat ikaw ay Diyos ng aking kaligtasan.” Upang ipakita rin kung ano ang dapat nating madama ay narito ang mga salita ng isa pang salmista: “Ako’y tumawag ng aking buong puso. Sagutin mo ako, Oh Jehova.”—Awit 25:4, 5; 119:145.
17. Paano natin mapananatiling hindi paulit-ulit ang ating mga panalangin?
17 Upang mapanatiling makabuluhan at hindi paulit-ulit ang ating mga panalangin, makabubuting pag-iba-ibahin natin ang pinaka-diwa nito. Ang teksto sa Bibliya para sa maghapon o ang ibang mga publikasyong Kristiyano na ating binabasa ay maaaring magbigay ng isang diwa. Ang tema ng aralin sa Bantayan, ng pahayag pangmadla, o ng asamblea o ng kombensiyon na ating dinadaluhan ay maaaring magsilbi sa gayong layunin.
18. Upang maging lalong makabuluhan ang ating mga panalangin, ano ang maaari nating gawin upang makasunod sa mga salita at halimbawa sa Bibliya?
18 Upang tulungan tayo na magkaroon ng saloobin na lalong angkop para sa pananalangin at maging lalong makabuluhan ang ating mga panalangin, makabubuting baguhin ang posisyon ng ating katawan. Para sa pangmadlang panalangin, natural na iyuko natin ang ating mga ulo. Subalit para sa lalong higit na sarilinang mga panalangin, natagpuan ng iba na mabuting lumuhod sa harap ni Jehova pagka nananalangin bilang isang indibiduwal o bilang isang pamilya sapagkat napatunayan nila na ang posisyong iyan ay nakatutulong upang magkaroon ng mapakumbabang saloobin ng kaisipan. Sa Awit 95:6 tayo ay hinihimok: “Oh pumarito kayo, tayo’y sumamba at yumuko; tayo’y lumuhod sa harap ni Jehova na Maylalang sa atin.” Si Solomon ay lumuhod nang nananalangin noong ialay ang templo ni Jehova, at nakaugalian na ni Daniel na lumuhod pagka nananalangin.—2 Cronica 6:13; Daniel 6:10.
19. Yaong mga may pananagutan na maghandog ng pangmadlang mga panalangin ay makabubuti na magsaisip ng anong mga bagay?
19 Dahilan sa kahalagahan ng panalangin, ang hinirang na matatanda ay dapat gumamit ng mabuting pasiya tungkol sa kung sino ang tatawagin nila upang maghandog ng pangmadlang panalangin alang-alang sa kongregasyon. Ang bautismadong lalaki na kumakatawan sa kongregasyon ay dapat na isang maygulang na ministrong Kristiyano. Ang kaniyang panalangin ay dapat na magsiwalat na siya’y may mainam na relasyon sa Diyos. At yaong mga may pribilehiyo na maghandog ng gayong mga panalangin ay dapat pag-isipan ang sila’y marinig, sapagkat sila’y nananalangin hindi lamang alang-alang sa kanilang sarili kundi gayundin alang-alang sa buong kongregasyon. Sapagkat kung hindi, papaanong ang lahat ng mga iba pang naroroon sa kongregasyon ay makapagsasabi ng “Amen” sa katapusan ng panalangin? (1 Corinto 14:16) Mangyari pa, upang ang mga iba pa roon ay makapagsabi ng isang makabuluhang “Amen,” sila’y kailangang makinig nang husto, huwag hayaan ang kanilang mga pag-iisip ay gumala-gala kundi gawing parang sila mismo ang nananalangin. Ang isa pang paalaala na maaaring idagdag ay na yamang ang gayong mga panalangin ay ipinahahatid sa Diyos na Jehova, ito’y hindi dapat gamitin na isang dahilan para sa pangangaral sa mga tagapakinig o sa paghaharap ng mga ilang lubusang personal na mga ideya.
20. Dahilan sa ang makabuluhang mga panalangin na binibigkas nang malakas ay naghahatid ng pagpapala sa mga tagapakinig, ano ang mungkahi rito?
20 Pagka ang ating mga panalangin na binibigkas nang malakas ay tunay na makabuluhan, ito’y naghahatid ng pagpapala sa mga tagapakinig. Dahilan nga sa ito’y gayon, ang mga mag-asawa at mga pami-pamilya ay makabubuting magkaroon sa bawat araw ng kahit man lamang isang pangkalahatang pananalangin. Dito, isang tao, tulad baga ng ulo ng pamilya, ang nagsasalita para sa isa o para sa mga iba pa.
21. Upang ang ating mga panalangin ay maging makabuluhan, ano ang isa pang bagay na dapat bigyang pansin?
21 Upang ang ating mga panalangin ay maging tunay na makabuluhan, may isa pang bagay na dapat bigyang-pansin. Ito ang bagay na kailangang kumilos tayo na katugma ng ating mga panalangin, na ano ang ibig sabihin nito? Na tayo’y mamuhay na kasuwato ng ating panalangin at gumawa upang makamit natin ang ating hinihingi sa panalangin. Ang pitak na ito ng ating mga panalangin ay tatalakayin sa sumusunod na artikulo.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang ilan sa makabuluhang mga panalangin na nasusulat sa Kasulatan?
◻ Dahilan sa di-kasakdalan ng tao, paano maaaring magkadepekto ang ating mga panalangin?
◻ Paano natin madadaig ang mga ilang depekto sa ating mga panalangin?
◻ Ano ang mga ilang pantulong upang tayo’y makapaghandog ng makabuluhang mga panalangin?