Ang Thursday Island ay Nakakarinig ng Mabuting Balita
SAMANTALANG ang eroplano ay lumilipad nang paikot, wala kaming nakikita kundi isang bunton ng mga isla na may sarisaring hugis at laki sa gitna ng isang karagatan na may bughaw na katubigan. Palibhasa’y malapit na kaming lumapag, nakikita na namin ang runway—anong liit nito—pero nakadama kami ng kaginhawahan!
Kami’y lumapag sa Horn Island. Pagkatapos na magbiyahe sa bus patungo sa pier, isang munting ferry ang naghatid sa amin sa Thursday Island, ang sentro ng Torres Strait Islands. Ang mga islang ito ay mistulang mga batong tuntungan buhat sa hilagang dulo ng Queensland, Australia, sa buong kalawakang iyon hanggang sa Papua New Guinea.
Sa mainit, na nag-uuulang panahon (Enero hanggang Mayo), lahat ng halamang nasa kapaligiran ay luntian at malago. Nagkakaroon kung minsan ng malalakas na ipuipo, kaya’t nagiging mapanganib ang pagpunta at pagpapalipat-lipat sa mga isla. Sa natitirang bahagi ng isang taon, ang kapaligiran ay tuyo at maalikabok.
Ang Mabuting Balita ay Nakarating sa mga Islang Ito
Noong 1938, ang 16-na-metrong barkong Lightbearer ng Watch Tower Society ay huminto sandali sa mga islang ito samantalang naglalayag patungo sa Dutch East Indies (ngayo’y Indonesia). Sakay nito ang pitong Saksi ni Jehova, sabik na ibahagi sa iba ang mensahe ng pag-asa ng Bibliya.
Subalit, di alam ng mga kapatid na ito na isa sa mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang dumating doon nang halos kasabay nila. Kaniyang sinabihan ang mga tagaisla na huwag makinig sa mga Saksi at huwag ding tanggapin ang alinman sa kanilang literatura. Subalit nang ang mga kapatid ay dumating sa kaniyang tahanan at makipag-usap sa kaniya, siya’y tumanggap ng apat na aklat. Nakita ito ng iba sa mga tagaisla, kaya’t naisip nila: ‘Kung siya’y kumukuha, bakit hindi kami kukuha?’ Nang gabing iyon, samantalang ang mga ibang Saksi ay nagpapalabas ng mga slides, isang kapatid ang umupo sa labas at katabi niya ang mga kahon ng aklat. Paulit-ulit, sa kahilingan, isang kamay na may tangang pera ang lumitaw, at isang tinig ang humingi ng isang aklat. Sa loob lamang ng isang oras, 200 aklat ang naipamahagi sa ganoong paraan! Nang malaunan, ang misyonero ay nabigo sa paggamit sa mga aklat na kaniyang nakuha bilang ebidensiya sa isang pagsasakdal laban sa mga Saksi.
Isang Kongregasyon ang Binuo
Ang binhi ng katotohanan ay hindi naman nadilig nang matagal na panahon. Hindi nangyari kundi noong mga dakong huli ng 1950’s dumating ang karagdagang tulong sa mga nakabukod na islang ito. Dalawang buong-panahong manggagawa ang ipinadala ng Watch Tower Society. Sila’y sinundan ng mga Rudds, isang pamilyang binubuo ng tatlo na naparoon upang maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan. Hindi nagtagal, isang munting kongregasyon ang nabuo sa Thursday Island.
Ang mga ito’y mahihirap na panahon, halos walang makuhang matutuluyan at malaki ang pananalansang buhat sa gobyerno at sa tatag na mga relihiyon. Sa simula ang kongregasyon ay nagtitipon sa isang munting silid sa itaas na itaas ng mga hurno ng panaderia sa lugar na iyon. Gunigunihin lamang kung gaano kainit iyon sa tropiko!
Palibhasa’y batid nila na kailangang manatiling malakas sa espirituwal, naging disidido ang mga Saksi na dumalo sa isang kombensiyon sa baybayin ng kontinente ng Australia, humigit-kumulang 1,300 kilometro ang layo. Palibhasa’y wala silang maipapamasahe kung sa eroplano sasakay, sila’y nanalangin at humanap ng ibang paraan upang makarating sa kombensiyon.
Una, ang mga kapatid ay bumili ng isang lumang barko para sa paghanap ng perlas na walang makina, elise, mga layag, at angkla. Sila’y naghalughog sa gitna ng mga barkong pinabayaan na, at sa wakas ay nakatagpo sila ng isang malaking limang-silindrong makinang diesel at kaha de kambiyo. Nang kanilang mabili ito, ang mga kapatid ay natuwa at naghanap ng mga layag, angkla, at marami pang ibang mga partes. Gayunman, wala rin iyong baras o elise.
Tinanong ni Brother Rudd ang isang may-ari ng lunsaran kung maaari siyang maghanap-hanap sa palibot. Ang may-aring iyon ay may pagbibirong nagsabi na kung siya’y makakakita ng isang baras saanman sa palibot na iyon, puwedeng kunin iyon ng mga Saksi. Sa malaking pagtataka ng may-ari, nakasumpong ng isang baras. Nang sila’y nagbabahay-bahay makalipas ang mga ilang umaga, si Brother Rudd ay may natalisod sa mahahabang damo. Iyon ay isang elise na tamang-tama para sa kanilang barko!
Pagkatapos ihanda ang barko, ang kongregasyon na binubuo ng 25 ay handa na para sa pitong-araw na biyahe. Samantalang sila’y paalis na upang magbiyahe, ang doktor-kulam sa lugar na iyon ay nagbulong ng “sumpa” sa kanila. Isang gabi ang barko ay napasadsad sa isang bahura. Ginamit ng mga kapatid ang mga sandaling bakante nang may kapakinabangan upang humuli ng isda. Nang sumapit ang umaga at lumaki ang tubig, ang barko ay lumutang, bagama’t kinailangang limasin nila ang tubig doon para maipagpatuloy ang biyahe.
Sa pagdating nila sa Townsville, Australia, isang mayamang may-ari ng lunsaran ang sumalubong sa kanila. Marahil nabasa niya ang isang artikulo sa pahayagan tungkol sa kanilang pagsisikap na makadalo sa kombensiyon, at siya’y naudyukan na tumulong. Kaniyang iginiit na kumpunihin ang nasira sa barko bagama’t hindi nila kaya na bayaran ang gastos doon ni makatutulong man sila ng pagkukumpuni sapagkat sila’y nasa kombensiyon. Nang maglaon, sila’y siningil ng 40 pounds lamang ($80, U.S.) sa halip na 500 pounds ($1,000 U.S.) na marahil siyang rasonable.
Narating ang mga Ibang Isla
Sa patnubay ni Jehova, ang mensahe ng Kaharian ay nakarating din sa mga isla sa may bandang labas. Halimbawa, sina Brother Rod Anderson at Allan Webster, na lumipat sa Thursday Island mga ilang taon na ngayon, ay bangka nila ang ginamit sa pagpapatotoo sa mga ibang isla. Magpahangga ngayon, ang pangangaral ay isinagawa sa 12 ng 17 tinatahanang mga isla.
Isang Magandang Dakong Pinagpupulungan
Matagal ding iniisip-isip ng mga kapatid kung sila’y magkakaroon pa ng kanilang sariling Kingdom Hall sa Thursday Island. Nang magkagayon ang espiritu ni Jehova ay nahalata na kumikilos. Noong Setyembre 1983, si Brother Graham Keen, isang dalubhasang tagapagtayo, ay lumipat upang tumulong sa pagtatayo ng isang bulwagan. Ang ilang mga kongregasyon sa Australia ay bukas-palad na naglaan ng mga materyales na kailangan para sa konstruksiyon. Ito’y isinilid sa mga sisidlan at ibinayahe mula sa Cairns, Queensland. Ang mga tagaisla ay nagulat nang makita nila ang bunton na ito ng mga materyales sa pagtatayo na naroroon sa dating bakanteng lote. Gumugol lamang ng 140 mga araw ng pagtatrabaho upang matapos ang bulwagan, at may kasama na itong isang tahanan sa may bandang likuran. Mayroong 120 na masayang dumalo noong araw na ialay ang bagong bulwagan.
Anong tuwa ng lahat ng mga Saksi rito na magkaroon ng kanilang bagong Kingdom Hall upang magsilbing pinaka-sentro para sa pamamahagi ng mabuting balita sa Torres Strait Islands. Sa tulong ng espiritu ni Jehova, sila’y nagagalak na magbadya ng papuri kay Jehovang Diyos.—Isaias 42:12.