Isa Pang Mahalagang Pagsulong sa Edukasyon sa Bibliya
HUWEBES, Oktubre 1, 1987, ay isa na namang mahalagang pagsulong sa edukasyon sa Bibliya na isinasagawa ng pambuong daigdig na Samahan ng mga Saksi ni Jehova. Ito ang inagurasyon ng bagong Ministerial Training School. Ang unang klase ng 24 na mga kapatid na binata ay dumating para sa pantanging pagsasanay sa malawak na Pittsburgh Assembly Hall sa Coraopolis, Pennsylvania. Mapagpatuloy na mga maybahay na mga Saksi sa lugar na iyon ang nagbukas ng kanilang mga tahanan para sa mga estudyanteng ito sa kanilang walong-linggong pagsasanay.
Ang mga estudyante ay nagpatala noong umaga, at tinanggap nila ang kanilang mga aklat aralin kasali na ang pambungad na mga instruksiyon. Sa ganap na ika 7:30 ng gabing iyon, ang Assembly Hall ay napuno ng 1,518 nagagalak na mga Saksing sabik na makibahagi sa opisyal na pagbubukas.
Si Albert Schroeder, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang nagsilbing chairman. Pagkatapos ng awit at panalangin, kaniyang ipinakilala si Robert Dawson, panlunsod na tagapangasiwa ng Pittsburgh. Masiglang tinanggap ni Brother Dawson ang 24 na mga estudyante sa Pittsburgh at binigyan ng komendasyon ang 13 sambahayan na nagboluntaryong magpatuloy sa kanila. Ipinaalaala niya sa mga maybahay na magiging pribilehiyo nila na ipakita ang pag-ibig na nagbabata, naniniwala, umaasa, at nagtitiis sa lahat ng bagay. (1 Corinto 13:7) Kaniyang ipinaalaala sa mga estudyante na, bilang mga panauhin, sila’y dapat magpakita ng utang na loob, kababaang-loob, at pagkamatulungin. Sa ganitong paraan, ang resulta nito’y mga pagkakaibigan na maaaring tumagal nang panghabang-buhay.
Pagkatapos ay ipinakilala ang mga estudyante, bawat isa’y nagpapakilala ng kaniyang pangalan at ng kung tagasaan siya at ano ang kaniyang naging karera sa paglilingkod sa Diyos na Jehova. Ang iba’y nanggaling sa Puerto Rico, Argentina, Canada, at Hong Kong, at ang iba pa’y galing sa silangang dako ng Estados Unidos. Bukod sa Ingles, ang iba sa kanila ay marunong ng Kastila, Pranses, Italyano, o Intsik.
Susunod ay ipinakilala ng chairman si James Hinderer bilang isa sa mga instruktor. Ibinabatay ang kaniyang pahayag sa Mateo 7:24, 25, idiniin ni Brother Hinderer ang kahalagahan ng pagkakapit ng natututuhan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga bagay-bagay, ng paglalakip ng gawa sa natutuhan. Sa gayon, ang kanilang “bahay” ay itatayo ng mga estudyante sa isang batong-bundok sa halip na sa mabuway na buhanginan.
Si Randall Davis, ang isa pang instruktor, ang sumunod na nagpahayag sa mga estudyante. Ibinatay ang kaniyang pahayag sa Isaias 54:13, at kaniyang binanggit na sila’y tuturuan ni Jehova upang kanilang maturuan ang iba. Kailangang sila’y sumandig na lubusan sa tunay na “katulong,” ang banal na espiritu ng Diyos na Jehova.—Juan 14:26.
Si Albert Schroeder ang sumunod na nagsalita tungkol sa kung paano ipinagunita sa kaniya nang gabing iyon ang isa pang mahalagang pagsulong sa edukasyon sa Bibliya. Kaniyang nagunita ang Pebrero 1, 1943, nang isang daang estudyante, apat na instruktor (kasali na siya), at mga panauhin buhat sa Brooklyn ang nagtipon sa South Lansing, New York, para sa pagbubukas ng Watchtower Bible School of Gilead. Sa loob ng 44 na taon sapol noon, ang paaralang Gilead ay pinagpala ni Jehova, gaya ng makikita sa mga nakakalat sa buong lupa na mahigit na 6,000 mga misyonero na sinanay sa Bibliya. Pagkatapos ay binanggit ni Brother Schroeder ang iba’t ibang asignatura na ituturo sa Ministerial Training School. Kabilang sa mga ito ang mga Turo ng Bibliya, Organisasyong Teokratiko (na nagtututok ng malaking atensiyon sa mga pananagutan ng mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod), Pamamanihala ng Diyos, at Pagsasalita sa Madla. Kaniya ring itinawag-pansin ang iba’t ibang mga aklat aralin, kasali na ang Nangangatuwiran mula sa Kasulatan. Bilang pagtatapos, binanggit ni Brother Schroeder ang katuparan ng Isaias 45:23, at sinabi niya na ang mga relihiyosong mananalansang ay, sa totoo, nagdarasal sa Diyos dahil sa kinailangang kilalanin nila na totoo ang sinasabi ng mga Saksi ni Jehova sa larangan ng medisina, batas, at kronolohiya ng Bibliya.
“Maging Tagatulad kay Pablo” ang tema na pinili ng susunod na tagapagsalita, si Karl Klein ng Lupong Tagapamahala. Kaniyang ipinakita kung paano paulit-ulit na sinabi ni Pablo na tularan siya. Masasabi niya ito, sapagkat ang tinularan niya ay si Kristo. (1 Corinto 11:1) Ang mga estudyante ay pinayuhan na tularan si Pablo sa kaniyang kaalaman at bihasang paggamit sa Kasulatan, sa kaniyang may lakas ng loob at masigasig na pangangaral, sa kaniyang kawalang pag-iimbot, sa kaniyang kahinhinan at kababaang-loob, at sa kaniyang matiyagang pagtitiis.
Si Theodore Jaracz, na isa ring miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng pahayag sa inagurasyon na, “Isang Bagong Paaralan—Para sa Anong Layunin?” Siya’y nagsimula sa pamamagitan ng pagbanggit na yaong mga nagboluntaryo para sa paaralang ito ay sumang-ayon na maglilingkod saanman sila kinakailangan sa larangan sa buong daigdig. Sa mahigit na tatlo at isang kaapat na milyong mga Saksi sa mahigit na 54,000 na mga kongregasyon, may malaking pangangailangan ng kuwalipikadong mga lalaki upang magpastol, magturo, at manguna sa malawak na gawaing pag-eebanghelyo. Noong unang panahon, pinangyari ni Jehova na ihula na siya’y magbibigay ng “mga kaloob na mga lalaki.” (Awit 68:18) Kaniyang ginawa ito noong panahon ng mga apostol, gaya ng sinabi ni apostol Pablo sa Efeso 4:8-11. sa ngayon, si Jehova ay nagbibigay ng “mga kaloob na mga lalaki” at kaniyang sinasanay ang iba sa kanila sa pamamagitan ng bagong paaralang ito.
Binanggit pa rin ni Brother Jaracz na bagaman lahat ng mga estudyante ay may natural na mga abilidad, maaaring mapasulong pa ni Kristo ang mga ito. Subalit iyan ay nangangailangan ng pagsisikap, at ang tagapagsalita ay nagpahayag ng pagtitiwala na ang 24 na mga estudyante ay gagawa ng pagsisikap na iyan. Kaniyang binanggit na hindi maaaring lumihis sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova at sinabi niya na yaong mga nangunguna ay makatutulong sa pamamagitan ng kanilang sariling halimbawa at impluwensiya. Sa maraming panig ng lupa, may malaking pangangailangan ng kuwalipikadong mga lalaki na tatanggap ng pananagutang pang-organisasyon. Sa pangangailangang ito ay kasangkot maging ang malalaking kongregasyon na maaaring may iisa o dadalawa lamang na matatanda at isang limitadong bilang ng ministeryal na mga lingkod. Kaya malinaw na ipinakikita kung bakit kailangang magtatag ng isang Ministerial Training School—upang sanayin ang mga binatang mga matatanda at mga ministeryal na lingkod upang maglingkod saanman sa larangan ng buong daigdig. Bilang resulta ng kanilang pagsasanay, sila’y lalong masasangkapan na asikasuhin ang pagdami bilang mga pastol.
Lahat ng mga Saksi ni Jehova ay makapagpapasalamat sa Diyos dahil sa pinapangyari niyang magkaroon ng Ministerial Training School. Bilang pagtatapos, sinabi ni Brother Jaracz: “Natitiyak ko na lahat tayo ay nagkakaisa sa kaisipan at damdamin tungkol kay Jehova ayon sa sinasabi ng Awit 79:13: ‘Kaming iyong bayan at mga tupa sa pastulan mo, kami’y magpapasalamat sa iyo hanggang sa panahong walang takda; sa sali’t saling lahi ay ihahayag namin ang iyong kapurihan.’” Pagkatapos, sa pamamagitan ng awit at panalangin, ang di-malilimot at maligayang okasyong ito ay nagwakas.