Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Yamang sinabi ni Daniel na hindi niya tatanggapin ang anumang regalo buhat kay Haring Belsasar sa pagpapaliwanag niya ng kahulugan ng sulat-kamay sa pader, bakit natagpuan na nakasuot sa kaniya ang damit at ang kuwintas pagkatapos niyaon?
Mga ilang saglit bago ibagsak ng mga Medo at ng mga Persiano ang Babilonya, si Haring Belsasar at ang kaniyang mga tauhan sa palasyo ay nagsasaya sa isang piging. Nang nagaganap ang piging, ay kumuha siya ng mga sisidlan na nanggaling sa templo ni Jehova at ginamit ang mga ito para inuman ng alak, na pinupuri ang mga diyos ng Babilonya. Subalit ang kasayahang iyon ay biglang-biglang napahinto nang isang mahiwagang kamay ang sumulat ng kakatuwang mga bagay sa pader.—Daniel 5:1-5.
Ang mga pantas at mga astrologo ng Babilonya ay hindi nakapagpaliwanag ng kahulugan ng nakasulat doon, bagama’t si Belsasar ay nangako na magbibigay ng isang gintong kuwintas at bibigyan ng mataas na tungkulin sa pamahalaan sa kaninuman na makababasa at makapagpapaliwanag ng kakatuwang sulat-kamay.—Daniel 5:7-9.
Nang ang Hebreong nagngangalang Daniel ay ilabas sa wakas, inulit ng Hari ang kaniyang alok—na damtan si Daniel ng lila, suotan siya ng isang gintong kuwintas, at gawin siyang ikatlong puno sa kaharian. Ang propeta ay may paggalang na tumugon: “Iyo na ang iyong mga kaloob, at ang iyong mga regalo ay ibigay mo sa iba. Gayunman, ang sulat ay babasahin ko sa Hari, at ipaliliwanag ko sa kaniya ang kahulugan.”—Daniel 5:17.
Samakatuwid ay hindi na kailangang suhulan pa o bayaran si Daniel upang ipaliwanag niya ang kahulugan. Maaaring huwag ipagkaloob ng hari ang kaniyang mga kaloob o ipagkaloob naman sa kung kanino niya gusto. Ipaliliwanag ni Daniel ang kahulugan, hindi dahil sa gantimpala, kundi dahil sa siya’y binigyang kapangyarihan na gawin iyon ni Jehova, ang tunay na Diyos, yamang napipinto noon ang paghatol sa Babilonya.
Gaya ng mababasa natin sa Daniel 5:29, pagkatapos basahin ni Daniel at ipaliwanag ang kahulugan ng mga salita gaya ng sinabi niyang gagawin niya, gayunman ay iniutos ng hari na ang mga gantimpala ay ibigay kay Daniel. Hindi si Daniel mismo ang nagsuot sa kaniyang sarili ng damit at ng kuwintas. Ang mga ito ay isinuot sa kaniya dahil sa utos ng pinakamakapangyarihang puno, si Haring Belsasar. Subalit ito’y hindi salungat sa sinasabi ng Daniel 5:17, na kung saan nilinaw ng propeta na ang kaniyang motibo ay hindi mapag-imbot.
Si Jesus nang maglaon ay nagsabi na “siyang tumatanggap sa isang propeta dahilan sa siya’y isang propeta ay magkakamit ng kagantihan sa isang propeta.” (Mateo 10:41) Iyan ay malayong kumapit kay Belsasar, yamang hindi niya tinatrato nang may kabaitan o nang may paggalang si Daniel dahil sa kaniyang iginagalang ang tapat na taong ito bilang isang propeta ng tunay na Diyos. Si Haring Belsasar ay pumapayag na ibigay ang ganoon ding mga regalo sa kaninuman na makalulutas ng hiwaga ng sulat-kamay, kahit na sa isang paganong astrologo. Nakamtan ng hari ang angkop na kagantihan, yaong naaayon sa makahulang sulat sa pader: “Nang mismong gabing iyon si Belsasar na haring Caldeo ay pinatay at si Dario na Medo mismo ang tumanggap ng kaharian.”—Daniel 5:30, 31.