Alalahanin ang mga Simulaing Kristiyano
PAGKA nagsimula nang mag-aral ang isang bata, ang isa sa mga unang bagay na kaniyang natututuhan ay pagbasa at pagsulat. Ang mahalagang mga asignaturang ito ang naghahanda sa kaniya para sa higit pang masulong na materyales, tulad baga ng Social Studies, Science, at mga wika. Pagka ang bata ay hindi nagkaroon ng lubos na kaalaman sa pagbasa at pagsulat, ang kaniyang buong edukasyon sa hinaharap ay apektado nang malaki.
Ang pag-aaral ng kung paano sasambahin ang Diyos ay medyo nahahawig. Sa pag-aaral natin ng Bibliya, natutuklasan natin na mayroong maraming saligang mga katotohanan, o mga simulain, na kailangang lubusang maunawaan natin. Minsang maunawaan natin ang mga ito, tayo’y maaaring sumulong tungo sa lalong malalalim na mga bagay. Gayunman, kung hindi natin lubusang nauunawaan at pinaniniwalaan ang mga unang simulaing ito, ang ating pagsamba ay magkakaroon ng kapintasan. Hindi tayo makagagawa ng matatag na mga pasiya, at ang ating pananampalataya ay madaling mayayanig.
Ang saligang mga simulain ng Bibliya ay hindi mahirap na maunawaan. (Tingnan ang tsart.) Gayunman, ang mga ito ay hindi lamang mga bukambibig o mga bagay na nagpapakita ng talino. Ang mga ito ay buháy, mahalagang mga katotohanan, at ang pantas na mga Kristiyano ay natututong ibigin ang mga ito. Si Jehova ay nagsasabi: “Makinig ka sa aking mga salita. Ikiling mo ang iyong pakinig sa aking mga sabi huwag nawang mangahiwalay sa iyong mga mata. Ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso. Sapagkat buhay sa nangakasusumpong at kagalingan sa buo nilang katawan.”—Kawikaan 4:20-22; Ezekiel 18:19, 20, 23.
Gayunman, sa kabila ng kahalagahan ng mga simulaing ito, si Jesus ay nagbabala na kakaunti lamang ang makauunawa nito at mamumuhay ayon sa mga ito. Sinabi niya: “Makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakasusumpong niyaon.” (Mateo 7:14) Ito’y hindi dahil sa ang mga simulain ay medyo nakakubli. Ibig ni Jehova na ang mga lalaki at mga babae ay mamuhay ayon sa mga ito at sa gayo’y magmana ng buhay. (2 Pedro 3:9) Kaniyang pinapangyari na ang karunungan, kaalaman, at pagkaunawa ay mapasulat sa Bibliya, na maaari namang basahin ng lahat. At ang kaniyang mga Saksi ay nanghihimok sa kanilang kapuwa na hanapin ang nagbibigay-buhay na impormasyong ito. Sa ganitong paraan, sa literal, “ang tunay na karunungan mismo ay patuloy na humihiyaw sa mismong lansangan.” (Kawikaan 1:20; 2:1-9) Subalit mayroong mga ibang puwersa na kumikilos.
Binulag ni Satanas ang mga mata ng karamihan ng tao para huwag makita ang tunay na mga simulain. (2 Corinto 4:4) Isa pa, ang espiritu ng tao ng pagsasarili ang nagtataboy sa kaniya na lumakad sa kaniyang sariling daan imbis na tumingin sa isang Nakatataas na Kapangyarihan para sa patnubay. Noong kaarawan ni apostol Pablo, kahit na ang ilan sa nakaalam ng mga saligang simulain ay nakalimot sa mga ito. Kaya naman, siya ay sumulat: “Ngayo’y kailangan na namang turuan kayo buhat sa pasimula ng mga panimulang aralin ng banal na salita ng Diyos.”—Hebreo 5:12.
Isa pa, si Jesus ay nagbabala: “Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nagpalayas kami ng mga demonyo, at gumawa kami ng maraming makapangyarihang gawa sa iyong pangalan?’ Gayunman ay tatapatin ko na sila: “Hindi ko kayo nakikilala kailanman! Magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:22, 23) Bakit may mga taong nag-iisip na sila’y naglilingkod kay Jesus ang itinatakwil? Sapagkat ang kanilang mga “makapangyarihang mga gawa” ay hindi salik sa mga simulain ng Bibliya. Para bagang iyon ay sinusubok sila na mag-aral ng kasaysayan o siyensiya nang hindi muna natututo ng pagbasa. Ang kanilang mga gawa ay may kapintasan, hindi nakasalig sa katotohanan. Kung gayon, sila ay mga “manggagawa ng katampalasanan.”
Ang Iyo Bang Pagsamba ay Nakalulugod?
Matitiyak ba natin na si Jesus balang araw ay hindi magsasabi sa atin, ‘Kayo’y magsilayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’? Oo, kung ang ating pagsamba ay lubusang nakasalig sa mga simulain ng Bibliya. Maaari ngang magkagayon kung ating maingat na sinusuri ang Bibliya, lalo na ang mga salita ni Jesus. Si Jesus ay lumalakad sa makipot at makitid na daan patungo sa buhay—sa katunayan, siya noon “ang daan at ang katotohanan at ang buhay.” (Juan 14:6) Kung ating ikakapit ang kaniyang mga salita at maingat na susunod sa kaniyang mga yapak, tayo ay mapasasadaan ding iyon.—Juan 6:68; 1 Pedro 2:21.
Ang mismong tagasunod ni Jesus ay lumakad din sa makipot at makitid na daang iyon ng buhay. Samakatuwid, nang mamatay si Jesus kaniyang ipinagkatiwala sa kanilang mga kamay ang gawaing pagtuturo sa iba upang sumamba sa Diyos. Siya’y nagbabala rin na siya’y babalik at umaasang hihingan sila ng sulit tungkol sa kung paano sila namuhay sa panahon na wala siya.—Mateo 24:46; 25:14-23; 28:19, 20.
Sa wakas, ang bilang ng mga nag-aangking sumusunod kay Kristo ay umabot sa daan-daang milyon. Subalit sa karamihan ng kaso, ang pagsamba ng lubhang karamihang ito ng mga tao ay hindi nakasalig sa mga simulain ng Bibliya. Kaya naman, nang iluklok si Jesus bilang makalangit na hari noong 1914 at pagkatapos ay ‘dumating’ upang hingan ng sulit yaong mga nag-aangkin na kaniyang mga tagasunod, ano ba ang kaniyang nasumpungan? Milyun-milyong nag-aangking mga Kristiyano ang kasangkot sa pinakakakilakilabot na digmaan sa kasaysayan ng sangkatauhan hanggang sa puntong ito.
Oo, ang lubhang karamihan ng “mga Kristiyano” ay kumikilos noon na lubusang kasalungat ng mga saligang simulain ng Bibliya. Gayumpaman, mayroong isang grupo ng tunay na mga Kristiyano na nagsusumikap na sumunod sa mga banal na simulain at kanila ring itinuturo ito sa sinumang makikinig at nasa baliw-sa-digmaang sanlibutan. Ang mga ito ay tinipong sama-sama at pagdating ng panahon ay napasama sa kanila ang isang lubhang karamihan ng mga taong may katulad na kaisipan. (Mateo 24:31; Apocalipsis 7:4, 9, 10) Sila ay sumusunod pa rin hanggang ngayon sa nagbibigay-buhay na mga simulain, at sinasabi sa mga iba ang tungkol sa dakilang mga layunin ng Diyos, nagsasama-sama sila bilang isang kawan, at nagsusumikap na makasunod sa “sakdal na kalooban ng Diyos.”—Roma 12:2.
Isang Mahalagang Simulain ng Kasulatan
Ito’y hindi naging madali. Unang-una, kinailangan ng mga tunay na Kristiyanong ito na bakahin ang kanilang sariling di sakdal, na makasalanang kalikasan. At sila’y kailangang mamuhay sa isang sanlibutan na lubusang salungat sa mga bagay na minamahalaga at sa mga simulain na sinisikap nilang sundin. Sa katunayan, sinabi ni apostol Juan: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” (1 Juan 5:19) Kung gayon, ang mga tunay na sumasamba sa Diyos sa ngayon ay kinakailangang laging isaisip ang isang napakahalagang simulain na ipinaliwanag ni Jesus: “Sila [ang mga Kristiyano] ay hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:16.
Hindi pinupuwersa ni Jehova ang mga indibiduwal na maglingkod sa kaniya, subalit yaong mga nagpapasyang maglingkod sa kaniya ay kailangang gumawa ng mga ilang seryosong disisyon. Halimbawa, kailangang umayon sila sa katotohanang sila’y hindi kailanman dapat na maging popular sa sanlibutang ito. (Mateo 24:9) Ang alagad na si Santiago ay nagbabala: “Sinuman. . . na nag-iibig maging kaibigan ng sanlibutan ay naglalagay sa kaniyang sarili na isang kaaway ng Diyos.” (Santiago 4:4) At si apostol Pablo ay nagsabi pa rin: “Anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan?” at “Anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di sumasampalataya?” Pagkatapos ay sinipi niya ang sariling mga salita ni Jehova: “Magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo, . . . at huwag nang humipo ng maruming bagay.”—2 Corinto 6:14-17; Efeso 5:11.
Paano tayo ‘makahihiwalay’? Mangyari pa, hindi sa pamamagitan ng literal na pag-alis sa sanlibutan. Subalit maiiwasan natin ang maging ‘nakikipamatok sa mga di sumasampalataya.’ Maiiwasan natin ang ‘masasamang kasama, na sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.’ (1 Corinto 15:33) At maihihiwalay natin ang ating sarili sa espiritu ng sanlibutan, ang espiritu ng paghahangad ng sariling kapakanan, ng pagdaraya, ng materyalismo, at isang walang sawang paghahangad ng kalayawan. (2 Timoteo 3:1-5) Isang nakagagalak-pusong katiyakan ang ibinibigay sa mga taong maghihiwalay ng sarili sa mga pita ng sanlibutang ito: “Ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:15-17.
Yaong mga Sumusunod sa mga Saligang Simulain
Posible ba sa ngayon na sumunod sa mga simulain ng Bibliya at lumakad sa makipot na daang patungo sa buhay? Oo, maging ang mga bata ay makagagawa nito. Halimbawa, dalawang bata sa Brazil ang may ulirang asal sa paaralan kung kaya’t hiniling ng kanilang guro na pumunta roon ang kanilang ina at ipaliwanag ang dahilan kung bakit. Ipinaliwanag ng ina na iyon ay dahilan sa sila’y sumusunod sa mga simulain ng Bibliya kung tungkol sa pagtalima sa mga magulang at sa mga iba na may awtoridad. (Efeso 6:1-3) Sa pagtatapos ng pasukan, sila ay binigyan ng pagkakataon na ipaliwanag sa buong klase ang mga kapakinabangan buhat sa gayong maka-Diyos na asal.
Binanggit ni Jesus ang simulain: “Kahit na ang isang tao’y may kasaganaan ang kaniyang buhay ay hindi bunga ng mga bagay na kaniyang inaari.” (Lucas 12:15) Isang sumisikat na doktor sa Hapon ang nakaalam nito at, sa ikinamangha ng kaniyang mga kasamahan, iyon ay kaniyang sinunod. Kaniyang iniwanan ang kaniyang puwestong kumikita nang malaki at naparoon sa isang munting bayan na kung saan makapagbibigay siya ng espirituwal na tulong sa mga mamamayan doon. Ang pagsasakripisyong ito ng materyal na mga kapakinabangan ay hindi pumawi ng kaniyang kaligayahan. Bagkus pa nga, siya at ang kaniyang maybahay ay nakasusumpong ngayon ng lalong malaking kagalakan sa pagdadala ng Salita ng buhay sa mga iba.
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang isang lasenggo at ang isang masiba ay darating sa karukhaan.” (Kawikaan 23:21) Ito’y isang malinaw na babala laban sa pagiging sugapa. Tayo ay binababalaan din laban sa maling paggamit ng mga droga: “Ang mga gawa ng laman ay . . . idolatriya, pamimihasa sa espiritismo [phar·ma·kiʹa, “pagdodroga” sa orihinal na Griyego].” (Galacia 5:19, 20) Isa pa, si apostol Pablo ay nagpayo: “Linisin natin ang ating sarili sa bawat karumihan ng laman at espiritu.”—2 Corinto 7:1.
Ang paninigarilyo at paggamit ng iba pang mga droga na humahantong sa pagkasugapa ay malinaw na labag sa mga simulaing ito ng Bibliya at sa gayon ay “kalikuan.” (Mateo 7:23) Sinumang mga lingkod ng Diyos na nagpaparumi ng sarili sa pamamagitan ng paggamit ng ganiyang mga bagay ay hindi makalulugod ang pagsamba sa Diyos. Sa gayon, maraming daan daang libo ang huminto na sa paggamit sa mga drogang ito at ang ibinunga’y nakinabang sila kapuwa sa espirituwal at sa pisikal. Kung sa bagay, hindi laging madali na umalpas sa maruruming kaugaliang ito.
Isang kabataang lalaki sa Michigan, E.U.A., ang nakaalam ng tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga simulain buhat sa mga ilang ministro na dumalaw sa kaniyang tahanan. Nagustuhan niya ang kaniyang napakinggan subalit natalos niya na ang kaniyang kinaugaliang paghitit ng marihuwana at tabako ay hindi naaayon sa pagsamba kay Jehova. Sinabi niya: “Hindi ako nagkaroon ng anumang suliranin ng pag-alpas sa mga droga, na kinatuwaan ko noon. Subalit nangailangan ng humigit-kumulang anim na buwan upang makahinto sa paninigarilyo.” Siya’y tinulungan ng mga kapuwa Kristiyano, at ng panalangin. Ngayon, palibhasa’y namumuhay nang malinis ayon sa mga simulain ng Bibliya, siya’y nagtatamasa ng malinis na budhi, ng kaugnayan sa Diyos, at pakikisama sa mga Kristiyano. Sa katunayan, kaniyang sinasabi na hanggang sa siya’y naging isang Kristiyano, kailanman ay hindi niya nakikilala kung ano ang isang kaibigan.
Ang pagsunod sa matuwid na mga simulain ang tunay na daan ng karunungan. At ang karunungan ay higit na mahalaga kahit na sa dalisay na ginto. Lumakad ka sa ganitong landas, at ito’y magdadala ng kapurihan kay Jehova at magdudulot sa iyo ng walang hanggang pagpapala.—Awit 19:7, 10; Kawikaan 16:16.
[Kahon sa pahina 27]
Ang mga simulain ay saligang mga katotohanan o mahahalagang batas na kung saan maaaring pagkunan ng iba pang mga katotohanan o mga batas. Narito ang ilang mga halimbawa:
□ “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong isip.”—Mateo 22:37.
□ “Lahat ng bagay, samakatuwid, na ibig mong gawin sa iyo ng mga tao, gayundin naman ang gawin mo sa kanila.”—Mateo 7:12.
□ “Ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos.”—Santiago 4:4
□ “Kumakain ka man o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 Corinto 10:31.
□ “Tayo, kung gayon, na malalakas ay nararapat magdala ng mga kahinaan niyaong hindi malalakas, at huwag palugdan ang ating sarili.”—Roma 15:1.
□ “Laging maghandog tayo sa Diyos ng isang hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.”—Hebreo 13:15.
□ “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat salita na nanggagaling sa bibig ni Jehova.”—Mateo 4:4.