Ang Codex Alexandrinus
ANG Codex Alexandrinus ang una sa mga pangunahing munuskrito ng Bibliya na ipinagamit sa mga eskolar. Ang pagkatuklas nito ay humantong sa kapaki-pakinabang na pamumuna sa tekstong Griego ng Bibliya para sa kapakinabangan ng lahat ng susunod na mga tagapagsalin ng Banal na Kasulatan. Paano ba at kailan ba ito lumitaw sa maliwanag?
Si Kyrillos Loukaris, patriarka ng Alexandria, Ehipto, ay isang napakahilig na magtipon ng mga aklat, at noong taóng 1621, nang siya’y maging patriarka sa Constantinople, Turkiya, kaniyang dinala ang Codex Alexandrinus na ito. Datapuwat dahil sa gulo sa Gitnang Silangan at sa posibilidad na mapahamak ang manuskrito sakaling mahulog iyon sa kamay ng mga Muslim, inakala ni Loukaris na ito’y magiging lalong ligtas sa Inglatera. Kaya, noong 1624 kaniyang inialok ito sa embahador sa Turkiya ng Britanya bilang isang regalo sa haring Ingles, si James I. Ang hari ay namatay bago maibigay sa kaniya ang manuskrito, kaya’t ito’y ibinigay sa kaniyang kahalili, si Charles I makalipas ang tatlong taon.
Ang manuskrito bang ito’y kasing-halaga na gaya ng inaakala ni Kyrillos Loukaris? Oo, ang petsa nito’y noon pang unang bahagi ng ikalimang siglo C.E. Maraming mga eskriba ang maliwanag na nagkaroon ng bahagi sa pagsulat nito, at ang teksto ay itinuwid sa lahat ng bahagi nito. Ito’y nasusulat sa vellum, sa bawat pahina ay may dalawang tudling, nakasulat sa kapital (malalaki) na mga letrang walang anumang espasyo sa pagitan ng mga salita. Ang karamihan ng bahagi ng Mateo ay wala, tulad din ng mga ilang bahagi ng Genesis, Awit, Juan, at 2 Corinto. Ngayon ay opisyal na pinanganlan itong Codex A, at binubuo ito ng 773 pahina at nananatiling isang maagang patotoo na may malaking kahalagahan.
Karamihan ng mga manuskrito ng Bibliya ay maaaring ilagay sa grupu-grupo o pami-pamilya, dahil sa mga pagkakahawig ng mga ito. Ito’y lumitaw nang ang kanilang mga kopya’y gawin ng mga eskriba buhat sa iisang pinagkopyahan o nagkakahawig-hawig na mga pinagkopyahan. Subalit, kung tungkol sa Codex Alexandrinus, waring ang sinikap ng mga eskriba’y pagsama-samahin ang mga teksto buhat sa iba’t ibang pamilya upang ang maging resulta’y ang pinakamagaling na teksto hangga’t maaari. Sa katunayan, ito’y napatunayan na mas matanda at lalong magaling kaysa alinman sa mga manuskritong Griego na ginamit bilang batayan ng King James Version ng 1611.
Ang tekstong Alexandrinus ng 1 Timoteo 3:16 ay pinagmulan ng maraming pagtatalo nang ito’y ilathala. Dito ang King James Version ay kababasahan ng ganito: “Ang Diyos ay nahayag sa laman,” na tumutukoy kay Kristo Jesus. Subalit sa sinaunang codex na ito, ang pinaikling anyo para sa “Diyos,” na binubuo ng dalawang letrang Griego na “ΘC,” ay lumilitaw na kung babasahin sa orihinal ay “OC,” ang salita para sa “yaong” (sa Bibliyang Tagalog). Maliwanag, ito’y nangangahulugan na si Kristo Jesus ay hindi ang “Diyos.”
Kinailangan ang mahigit na 200 taon at ang pagkatuklas ng iba pang mas matatandang manuskrito upang mapatunayan ang pagkasaling “yaong” o “na” bilang tama. Si Bruce M. Metzger sa kaniyang Textual Commentary on the Greek New Testament ay ganito ang konklusyon: “Walang uncial (sa unang pagkakataon) na mas maaga kaysa ikawalo o ikasiyam na siglo . . . ang umaayon sa θεός [the·osʹ]; lahat ng sinaunang mga bersiyon ay may palagay na ito’y ὅς o ὅ; at walang patristic na manunulat bago pa noong huling ikatlong bahagi ng ikaapat na siglo ang nagpapatotoo sa pagkabasa ng θεός [the·osʹ].” Sa ngayon, karamihan ng mga salin ay nagkakaisa ng pag-aalis ng pagtukoy na “Diyos” sa tekstong ito.
Noong 1757 ang Royal Library ng hari ay naging bahagi ng British Library, at ang mahusay na codex na ito ay malinaw na natatanghal sa British Museum sa silid na para sa mga manuskrito. Ito’y isang kayamanan na sulit makita.