Ang Tunay na Kagandahan—Mapagyayaman Mo
ANG Bibliya ay nagpayo para sa kapuwa mga lalaki at mga babae kung tungkol sa kagandahan. Para sa mga lalaki ito’y nagsasabi: “Ang kagandahan ng mga kabataang lalaki ay ang kanilang lakas.” (Kawikaan 20:29) Oo, ang lakas at kasiglahan ng mga kabataang lalaki ay maaaring lubhang kaakit-akit. Subalit ano ang nangyayari pagka ang sigla ng kabataan ay napawi na? Ang kawikaan sa Bibliya ay nagsasabi: “Ang ulong may uban ay isang korona ng kagandahan pagka ito’y nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kawikaan 16:31) Ang katuwiran ay isang pitak ng panloob na kagandahan. Kung ito ay pinagyayaman ng isang lalaking nasa kabataan, ito ay naroon pa rin pagka nawala na sa kaniya ang kaakit-akit na lakas ng kabataan.
Tungkol sa mga babae naman ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang alindog ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan; ngunit ang babaing natatakot kay Jehova ang siyang nagdadala ng kapurihan sa kaniyang sarili.” (Kawikaan 31:30) Ang isang maganda, kaakit-akit na dalaga ay isang nakalulugod na kasama. Subalit ano kung pagpapaimbabaw at mapag-imbot na kapalaluan naman ang nasa likod ng pisikal na kagandahang iyon? Kung magkagayon ay pang-ibabaw lamang ang gayong kagandahan, at itinatago nito ang pangit na kalooban. Pagka pumanaw na ang kagandahan, ano ang malalabi? Lalong mabuti kung ang kagandahan ay may kalakip na di-kumukupas na kagandahan ng kalooban, na nakasalig sa ‘takot kay Jehova’!
Ang Pagbabago ng Personalidad
Posible ba na mapagyaman ang kagandahang ito ng kalooban? Oo. Sa katunayan, para sa mga Kristiyano, ito ay kailangan. Minamahalaga ng Diyos ang tunay na kagandahan. “Kaniyang ginawang maganda ang lahat ng bagay sa takdang panahon.” (Eclesiastes 3:11, Revised Standard Version) Hindi niya tatanggapin ang pagsamba niyaong mga taong sa ugali masisilip ang pangit na kalooban.
Ang mga salita ni apostol Pablo sa mga taga-Colosas ay nagpapahiwatig na kailangang pagyamanin ang panloob na kagandahan. Una, kaniyang ipinapayo: “Iwaksi ninyong lahat sa inyo, ang poot, galit, kasamaan, abusadong pananalita, at mahalay na pangungusap sa inyong bibig. Huwag magbulaan sa isa’t isa. Hubarin ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito.” Oo, sinuman na namihasa ng paggawa ng ganiyang pangit na mga gawain ay kasuklam-suklam sa Diyos—at sa mga taong may matuwid na kaisipan. Pagkatapos, si Pablo ay nagpapatuloy: “Magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nababago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.” (Colosas 3:8-10) Tayo’y kailangang “magbihis” ng isang paraan ng pag-iisip at damdamin na umaayon sa kalooban ng Diyos. Ano ba ang ugali ng ‘bagong pagkataong’ ito?
Mga Katangiang Kristiyano
Sa Bibliya’y nakatala ang maraming magagandang katangian na bumubuo nito. Subalit ang saligan ng panloob na kagandahang ito ay inilalarawan sa mga salita ni Jesus: “‘Ibigin mo si Jehova mong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang pangalawa, na katulad nito, ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’” (Mateo 22:37-39) Ang pag-ibig sa Diyos ang umaakay sa atin na maghangad na maging ang uri ng tao na nakalulugod sa kaniya. Ang gayong pag-ibig ang nagpapakilos sa atin na magsalita tungkol sa kaniya sa iba, na tumutulong naman sa kanila, upang makilala ang kanilang Maylikha.—Isaias 52:7.
Ang mga ilang iba pang katangiang sangkap ng bagong pagkatao o personalidad ay inilalarawan ni apostol Pablo: “Pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili. Laban sa ganiyang mga bagay ay walang kautusan.”—Galacia 5:22, 23.
Bukod dito, ang Bibliya ay espesipikong nagsasabi sa mga asawang lalaki: “Ang lalaki ang ulo ng kaniyang asawa gaya ng Kristo na siya ring ulo ng kongregasyon . . . Mga lalaki, patuloy na ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, kung paano inibig din ni Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili alang-alang doon.” (Efeso 5:23, 25) At sa mga asawang babae, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang mga babae ay pasakop sa kani-kanilang asawa gaya sa Panginoon . . . Dapat taimtim na igalang ng babae ang kaniyang asawa.” (Efeso 5:22, 33) Lubhang kaakit-akit ang buhay pampamilya pagka tinutupad ng asawang lalaki ang kaniyang mga pananagutan sa maibigin, walang imbot, at matiyagang paraan! At lalong madali para sa lalaki na gampanan ang kaniyang talagang papel pagka nagpakita ang asawang babae ng kaniyang panloob na kagandahan sa pamamagitan ng mapagmahal na pagsunod sa kaniya at hindi pagiging isang katunggali o labis na mapamintas. Ang buhay pampamilya sa ilalim ng ganiyang mga kalagayan ay tunay na kalugud-lugod.
Ang mga halimbawang binanggit sa naunang artikulo ay nagpapakita na gumagana ang ilan sa mga katangiang ito. Ang dalagang Sulamita ay nagpakita ng walang maliw na katapatan at matimyas na pag-ibig sa kaniyang kasintahang pastol nang ito’y tumangging ipagpalit ang kaniyang kasintahan sa karangyaan ng palasyo ni Solomon. Si Jose ay nagpakita ng likas na kabutihan nang siya’y tumangging magkasala laban sa kaniyang panginoon, si Potipar. Nagpakita rin siya ng pagpipigil-sa-sarili nang siya’y tumakas imbis na patukso na sipingan ang asawa ni Potipar. At sa kaniya’y nakita ang kahinahunan, kapayapaan, at pagbabata nang siya’y tumangging padala sa maraming mga pagsubok na magpapasaklap sa kaniyang buhay.
Kagandahan sa Isang Pangit na Sanlibutan
Ang ganiyan bang magagandang katangian ay praktikal sa ngayon? Marami ang nag-aakalang hindi. Bagkus, ang kanilang iginaganti na pagkilos sa masakim, nandarakmang sanlibutan na kinabubuhayan nila ay ang katigasan din. Kanilang inaakala na upang manatiling buhay sila’y kailangang maging malupit, ambisyoso, palaging numero uno at nandadakma ng lahat ng maabot nila.
Sa kabaligtaran naman, ang Bibliya ay nagpapayo: ‘Huwag gawin ang anuman nang may pagkakampi-kampi o dahil sa pag-ibig sa sarili, kundi nang may kababaang-loob na itinuturing na ang iba’y nakahihigit sa inyo, na tinitingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.’ (Filipos 2:3, 4) Dahil sa ang karamihan sa sangkatauhan ay hindi sumusunod sa mainam na payong ito kung kaya mabilis na nabubulok ang lipunan ng tao.
Isa pa, sa kasalukuyang sanlibutan, ang tagumpay ng isang tao ay sinusukat sa pamamagitan ng salapi o ng katungkulang hinahawakan. Ang isang taong mayaman ay isang matagumpay na tao. Datapuwat, kung mga bagay na may tunay na halaga ang pinag-uusapan, hindi mahalaga kung ang sinuman ay mayaman o mahirap. Tunay, mayroong mga panganib ang kayamanan. Ang Bibliya ay nagpapaalaala: “Silang mga desididong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang walang kabuluhan at nakasasama.” Isinususog pa: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan.”—1 Timoteo 6:9, 10.
Kung sabagay, ang mga taong mapag-imbot, mandarakma, materyalistiko, at malulupit ay kalimitang nagtatamasa ng pansamantalang “tagumpay” sa ngayon. Subalit iyon ay hindi tunay na tagumpay, sapagkat ang bayad sa gayong pangit na paraan ng pamumuhay—pagkawala ng personal na katanyagan, watak-watak na pag-aasawa, pagkamasasakitin, at pangkalahatang kabiguan—ay napakalaki. Ang tao ay ginawa ayon sa wangis ng Diyos, subalit pagka siya’y naghimagsik nang buong karahasan laban sa mga katangian na sa mula’t sapol ay isinangkap sa kaniya ng Diyos, siya’y hindi kailanman magtatamo ng personal na kaligayahan.—Genesis 1:27.
Pagyamanin ang Panloob na Kagandahan
Kung gayon, paano natin maiiwasan ang masamang impluwensiya ng sanlibutang ito at mapagyayaman ang mabubuti, maka-Diyos na mga katangian? Nang isa-isahin ni Pablo ang mga katangian ng ‘pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili,’ kaniyang tinukoy ang mga ito na “ang bunga ng espiritu.” (Galacia 5:22, 23) Samakatuwid ang espiritu ng Diyos ay kinakailangan kung ating pagyayamanin ang magagandang mga katangiang ito ng kalooban.
Paano? Bueno, ang pag-aaral sa Bibliya, na kinasihan sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos, ay tutulong sa atin na makilala ang mga katangiang ito at patibayin ang ating pagnanasa na paunlarin ang mga ito. (2 Timoteo 3:16) Ang mga Saksi ni Jehova ay nagagalak sa tuwina na tumulong sa gayong proyekto, yamang kanilang itinuturing na bahagi ng kanilang ministeryo na tulungan ang mga tao na mag-aral ng Bibliya. Ang taimtim na pagsusuri sa sarili ay tutulong sa atin na makita kung saan tayo nagkukulang, at tayo’y makapananalangin na tulungan tayo ng espiritu ng Diyos sa mga bahaging ito. Ang pakikihalubilo sa ating mga kapuwa mananamba sa Diyos ay nagbibigay sa atin ng pampatibay na kailangan natin buhat sa mga kapananampalataya, at dito, na naman, ay tinutulungan tayo ng espiritu ng Diyos sapagkat, gaya ng sabi ni Jesus, “kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa aking pangalan, dumoroon ako sa gitna nila.”—Mateo 18:20.
Isang Magandang Sanlibutan Nasa Unahan Na
Totoo naman, wala sa atin ang lubusang makapananaig sa ating mga di-kasakdalan, subalit kung sisikapin natin na pagyamanin ang panloob na kagandahang ito, pagpapalain ng Diyos ang ating pagsisikap. At tayo’y kaniyang gagantihin sa isang kahanga-hangang paraan. Sa Bibliya ay isinulat para sa atin ang layunin ng Diyos na sa madaling panahon magtatatag ng isang bagong sistema ng mga bagay na ibang-iba kaysa kasalukuyang pamamalakad. Doon, “ang matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y tatahan dito magpakailanman.” (Awit 37:29) Si Jesus mismo ay nagsabi: “Maligaya ang maaamo, sapagkat kanilang mamanahin ang lupa.”—Mateo 5:5.
Sa panahong iyon, ang pangit na pagkukumpitensiya at kaimbutan na umiiral sa sistemang ito ng mga bagay ay hahalinhan ng magandang kalagayan ng katahimikan at kapayapaan. “Sila’y hindi mananakit o lilikha ng anumang pinsala sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay mapupuno ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.” (Isaias 11:9) Oo, “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 21:4.
Ang ganiyan bang kalagayan ay kaakit-akit kung pakikinggan? Ang mga ito ay posible lamang dahilan sa ang mga tao sa lupa sa panahong iyon ay magtataglay ng panloob na kagandahang nakasalig sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. At ang Diyos ay nangako na yaong mga naglilingkod sa kaniya ngayon, na pinagyayaman “ang bagong personalidad” at puspusang nagsisikap na sundin ang kaniyang mga pamantayan, ay makasasaksi sa katuparan ng pangakong iyan. Ang magandang hitsura, ang pisikal na kagandahan, ay hindi makapagdadala ng gayong mga pagpapala. Kung gayon, anong buting dahilan na pasulungin ang lalong mayaman, lalong matagal na namamalaging panloob na kagandahan na lubhang nakalulugod sa mga taong may matuwid na kaisipan at sa Diyos mismo!
[Larawan sa pahina 6]
Ang mga taong kaakit-akit sa pisikal ay dapat umiwas sa pagiging mapag-imbot at mapagsamantala. Bagkus, ang dapat nilang pasulungin ay ang panloob na kagandahan na nakalulugod sa Diyos