Pagbabalita ng Kaharian sa Sari-saring Uri ng mga Tao sa Malaysia
MGA mosque na ang bubong ay kinalupkupan ng ginto, mga bahay-sambahan na may mga arko, mga simbahan na may matataas na tore, at mga tore ng templo na nagagayakan ng mga rebulto. Ito ang Malaysia, isang bansa na kung saan ang apat na pinakamalalaking relihiyon ng daigdig ay natitipon. Ang 16,000,000 mga mamamayan nito ay mga Malay, Intsik, Indiyan, Eurasian, Iban, Kadazan, at kung ilan pang mga katutubo roon na mga tribo. Marahil dito lamang makikita ang napakaraming sari-saring relihiyon, kultura, kustumbre, tradisyon at wika.
Naroroon sa gawing norte lamang ng ekwador sa South China Sea, ang Malaysia ay binubuo ng dalawang seksiyong heograpiko: ang peninsula na dating tinatawag na Malaya sa kanluran at ang mga estado ng Sabah at Sarawak sa isla ng Borneo sa silangan. Mula sa latiang mga kapatagan sa baybayin, lagusan sa malalawak, kadalasa’y di-napapasok na mga kagubatan, hanggang sa matataas na taluktok ng bundok—kasali na ang 4,101-metro-ang-taas na Bundok Kinabalu sa Sabah—ang lupain ay may napakaraming sari-saring mga tao at kultura.
Sa ganitong kapaligiran sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na maipangaral ang “mabuting balitang ito ng Kaharian.” (Mateo 24:14) Paano nga nilang nagagawang marating ang mga tao, gayung may iba’t ibang wika, kustumbre, at mga paniwala tungkol sa relihiyon? Ano nga ba ang nakakatulad ng pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa bansang ito? Higit sa lahat, ano ba ang naisagawa na ng mga Saksi?
Pagharap sa Hamon ng Relihiyon
Upang marating ang mga tao na may iba’t ibang sinusunod na relihiyon, ang mga mamamahayag ng mabuting balita ay kailangang matuto na makilala ang pagkakaiba ng isang tahanang Muslim sa isang tahanang Hindu, ng isang pamilyang Budista o Taoista sa isang pamilyang Protestante o Katoliko. Paano nga magagawa ito?
Mayroong malinaw na palatandaan. Halimbawa, ang isang matingkad-pulang dambana ay isang tanda ng tahanang Taoista o Budista gaya kung paanong ang isang rebulto ni Maria o ni Jesus ay tanda ng isang tirahang Katoliko. Nagsisilbing palatandaan din ang mga dahon ng mangga sa mga sambahayang Hindu o ang mga kasulatang Arabiko na galing sa Koran at nakasulat sa ibabaw ng pintuan ng mga tahanang Muslim.
Ang pagkakilala kung ano ang relihiyon ng maybahay ay isang bagay; ang paghikayat sa kaniya upang maging interesado sa mabuting balita ay isa ring bagay. Ang isang karaniwang tugon, kadalasa’y sa pinaghalu-halong Intsik, Malay, at Ingles, ay: “Semua agama sama lah.” Ito’y sinusundan ng, “Pasensiya na, ako’y hindi interesado.” Samantalang nangingiti, kasasabi lamang sa iyo ng maybahay na lahat ng relihiyon ay pare-pareho at na siya’y hindi interesado.
Maraming taga-Malaysia na isinilang na mga Budista, Taoista, o Hindu ang naaakit at dagliang nakukumberte ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan at sila’y nagiging mga miyembro ng sari-saring sektang Protestante. Palibhasa’y nadadala ng kanilang mga klerigo, marami sa kanila ang nagsarado ng kanilang mga pandinig sa mabuting balita. Gayunman, ang dakilang pangalan at layunin ni Jehova ay patuloy na ibinabalita sa lupaing ito na may sari-saring uri ng tao.
Dahilan sa tiyaga at pagkamaunawain ng mga Saksi ni Jehova, maraming mga taong tapat-puso ang tumutugon at tumatanggap sa pabalita ng Kaharian. Halimbawa, nariyan si Patrick, dating isang maninigarilyo na may mahabang buhok na halos hindi na sinusuklay. Siya’y sinanay sa martial arts ng Intsik at siya’y nagiging marahas pagka nagagalit. Bagaman wala siyang layunin sa buhay, siya’y pinukaw ng mga salitang “hindi na magkakaroon ng kamatayan,” nang isang mamamahayag ng Kaharian ang bumasa sa kaniya ng Apocalipsis 21:4. Kaya’t pumayag si Patrick na aralan siya ng Bibliya. Palibhasa’y galak na galak siya sa katotohanan sa Kasulatan na kaniyang natututuhan, hindi nagtagal at kaniyang ibinida iyon sa kaniyang nanay, sa pamamagitan ng liham at mismong siya ang nagbida niyaon nang siya’y makauwi na sa kanila. Subalit ang ina ay isang mahigpit na mananalansang.
Isang araw, si Patrick at ang kaniyang nanay ay naglalapat ng disiplina sa kaniyang bunsong kapatid, na isa ring eksperto sa karate. Nang ang kapatid na ito’y magsimulang manuntok at manipa, ang ina ay takang-taka nang makita niyang si Patrick ay hindi gumanti kundi nanatiling tahimik. Siya’y naging lubhang interesado sa natututuhan ng kaniyang anak na gumawa ng malaking pagbabago sa kaniya. Ang kaniyang ina ay mabilis na sumulong at nabautismuhan hindi nakalipas ang anim na buwan. Ito naman, sa kabilang banda, ay nagpatotoo sa kaniyang 73-taóng-gulang na ina, isang saradong Budista. Ang babaing ito ay nagpahalaga rin sa buhay na walang-hanggan. Bagaman di-makabasa’t makasulat, kaniyang sinimulang pag-aralan ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, na sinasaulo ang pinakamaraming masasaulo niyang mga karakter sa wikang Intsik. Ngayon siya man ay isang mamamahayag na rin ng mabuting balita.
Upang Mapagtagumpayan ang Sari-saring Wika at mga Kustumbre
Upang mapagtagumpayan ang suliranin ng pagkarami-raming wika, isang estante na punô ng literatura ang kailangan pagka ikaw ay nangangaral sa bahay-bahay. Subalit ito’y hindi laging lumulutas sa suliranin.
Halimbawa, ang pagiging Intsik at ang pagkakaroon ng literaturang Intsik ay hindi kusang nangangahulugan na ang isang Saksi ay maaaring kumausap sa isang maybahay na Intsik. Iisa ba ang kanilang diyalekto? Kung ang Saksi ay Hokkien at ang maybahay naman ay Cantonese, ito’y magiging isang problema. Yamang ang diyalektong Intsik ay may tono, kahit ang bahagyang pagkakaiba ng bigkas ay maaaring maghatid ng isang lubusang naiibang mensahe. Bilang halimbawa: Nagsilbing katatawanan nang isang Hokkien-ang-wikang payunir sister ang nagbahay-bahay sa isang lugar na Cantonese at sinabi sa mga tao na siya’y isang “estudyanteng baliw” gayung ang ibig niyang sabihin ay isa siyang “estudyante ng Bibliya.”
Kahit na kung ang tamang salita ang ginagamit, baka hindi ang kaparehong bagay ang ibig sabihin niyaon sa bawat isa. Palibhasa’y naroon sila sa isang lipunan na marami ang mga lahi-lahi, ang mga taga-Malaysia ay sa pangkalahatan mapagpahinuhod at nag-iingat na huwag makasakit ng damdamin ng sinuman. Ang lalo nang mahirap para sa kanila ay ang magsabi ng hindi sa mga estranghero. Sa gayon, ang isa’y natututo na huwag labis na matuwa pagka ang isang maybahay ay nagpaunlak sa isang paanyaya na siya’y aralan ng Bibliya o dumalo sa mga pulong-Kristiyano. Bakit? Sapagkat hindi naman ang tiyakang ibig sabihin nito ay na sumasang-ayon siya sa anuman. Panahon at karanasan ang kailangan upang matiyak kung sino talaga ang mga taong interesado.
Ang Malaysia ay kabilang sa mga bansa na may pinakamaraming pista opisyal at mga kapistahang relihiyoso. Ito ay mga panahon na ang mga tao’y abala ng pagdalaw sa mga kaibigan at kamag-anak. Ang mga Saksing taga-Malaysia rin naman ay nag-ibayo sa kanilang aktibidad at kanilang ginagamit ang gayung mga pista opisyal upang maipahayag ang mabuting balita. Subalit kailangang gawin nila ito nang may taktika at unawa kung ibig nilang magkaroon ng mabuting resulta.
Ang Bagong Taon ng Intsik ang isa sa gayung araw. Upang masiguro ang pagpapatuloy ng kasaganaan sa buong santaon, ang mga Taoista ay naniniwala na ang bagong taon ay kailangang pasimulan ng mga salitang kabaitan at ng mabubuting gawa. Sa araw na iyan, ang isang Saksi ay iiwas sa paggamit ng mga salitang gaya ng “kamatayan,” “sakit,” at “kirot.” Bagkus, ang pag-uukulan niya ng kaisipan ay masasayang tema, tulad baga ng “buhay na walang-hanggan sa mabuting kalusugan lakip ang namamalaging kapayapaan at kasaganaan sa isang bagong sanlibutan.” Ang kapistahang ito ay hindi siyang panahon upang ipaalaala sa mga tao ang kanilang kaabahan.
Sa “Lupain ng mga Pumupugot-ng-Ulo”
Yamang ang “malaking pulutong” ay binubuo ng mga tao “mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika,” hindi natin maiwasan na hindi pag-isipan ang maraming katutubong mga tribo ng Silangang Malaysia. (Apocalipsis 7:9) Nakagagalak na makitang ang parami nang paraming tao sa Sarawak—minsa’y tinatawag na ang Lupain ng mga Pumupugot-ng-ulo—ay tumutugon sa balita ng Kaharian.
Halimbawa, apat na taon na ngayon ang nakalipas sa baybaying bayan ng Miri na minahan ng langis, sa Sarawak, mayroon lamang tatatlu-tatlong mga mamamahayag ng Kaharian. Sa ngayon, marami ang nagpapakita ng interes na mag-aral ng Bibliya. Isang payunir na sister ang nag-uulat ng 17 mga pag-aaral sa Bibliya, at ang iba sa kaniyang mga estudyante ay nagdaraos naman ng pag-aaral sa iba pang taong interesado. Mayroon na ngayong isang lumalagong kongregasyon sa munting bayan ng Miri.
Isang katangian ng mga mamamayan ng Iban ng Sarawak ay ang mahabang-bahay. Ang mahabang bahay na ito na nasa mga tiyakad ay yari sa matigas na kahoy at mga dahon ng palma. Karaniwan nang itinatayo ito sa pampang ng ilog sa may gilid ng kagubatan, at ito’y binubuo ng isang hilera ng mula 30 hanggang 40 o higit pang mga tirahan na tabi-tabi at sa tagiliran ay may iisang bulwagan para sa lahat. Ang kalakhan ng aming gawaing pangangaral ay dito sa ganitong uri ng teritoryo isinasagawa.
Minsan, isang pahayag sa Bibliya sa paksang “Ano ang Pag-asa para sa mga Namatay?” ang nakatakdang idaos sa isa sa mga mahahabang bahay na ito. Ang tuai rumah, o pinuno, ay nagsikap na tipunin ang lahat ng tao upang matipon sila sa ruai, o bulwagan para sa lahat. Bawat isa’y nakinig nang magalang at tahimik na tahimik hanggang sa matapos ang pahayag. Nang magkagayon, isang lalaki ang nagtanong: “Paano nga mangyayaring walang alam ang mga patay?” Iginiit naman ng isa na ang mabubuti raw ay nasa langit na at ang masasama’y nasa nagniningas na impiyerno. Subalit para sa iba ay nakaakit ang pag-asang buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso at ibig nilang makaalam nang higit pa. Iyon ay gaya nang magsalita si Pablo sa mga taga-Atenas sa Areopago.—Gawa 17:32-34.
Sa isa pang mahabang bahay ay doon nakatira si Juing Insoll, isang 72-anyos na Iban na kasapi sa Iglesiya Anglicano. Bilang isang bata, siya’y naguluhan sa mga katanungang gaya nito: Paanong ang isang maibiging Diyos ay makapagpaparusa nang walang-hanggan sa nagniningas na impiyerno sa mga taong patay na? Kung mayroon ngang Diyos, bakit napakarami ang mga kaapihan? Walang sinuman ang nakapagbigay sa kaniya ng nakasisiyang mga kasagutan. Isang araw isang kaibigan niya sa siyudad ang nakakuha ng isang kopya ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang Hanggan. Sa pag-aakalang baka ito ang kasagutan sa mga tanong ni Juing, ang aklat ay ipinahiram sa kaniya ng kaibigan. Anong laking kagalakan para kay Juing! Sa wakas, pagkatapos ng 60 taon ng paghahanap, kaniyang nasumpungan ang katotohanan tungkol sa Diyos!
Si Juing ay desididong makakuha ng isang kopya ng aklat para sa kaniyang sarili. Siya’y naglakbay ng 240 kilometro hanggang sa Kuching, ang kabisera ng Sarawak, at hinalughog niya ang mga tindahan ng aklat. Walang isa mang bakas ng aklat. Nang gabing iyon, sa tahanan ng isang kamag-anak, nabalitaan niya na isa pang kamag-anak niya ang mayroon ng aklat na yaon. Siya’y pinagsabihan na pumaroon sa lokal na Kingdom Hall at kumuha ng 15 iba’t ibang lathalain upang maiuwi sa kaniyang mahabang-bahay.
Pagkatapos basahing lahat ang materyal na iyan, si Juing ay nagbalik sa siyudad, at hiniling na siya’y bautismuhan. Ang matatanda ay ngumiti at umiling. Subalit, sa kanilang pagtataka, agad nilang natuklasan na siya pala’y lubusang kuwalipikado. Kaya, siya’y binautismuhan! Pagkabalik niya sa mahabang-bahay, at ngayong siya’y may lalung maraming literatura sa Bibliya, si Juing ay nagsimulang mangaral sa kaniyang mga kalapit-bahay. Sa simula, siya’y nagtaka kung bakit ang kaniyang mga kaibigan ay hindi tumanggap sa katotohanan pagkatapos na pagkatapos mabasa ang mga aklat. Subalit hindi nagtagal at natalos niya na kailangan palang siya’y makipag-aral sa kanila ng Bibliya. Ang report ng paglilingkod ni Juing sa larangan ay laging nasa anyo ng isang Diary o talaarawan!
Buhat sa nabubukod na bayan ng Lahad Datu sa estado ng Sabah ay nanggaling ang pag-uulat na ito: Isang kabataang babaing may asawa na tatlo ang anak ang nakaalam ng katotohanan sa tulong ng isang pag-aaral sa Bibliya na sa pamamagitan ng koreo ay idinaos ng isang sister sa Kota Kinabalu, ang kabisera ng estado. Sa wakas, ang babae ay nagpasiyang magpabautismo sa isang pansirkitong asamblea. Subalit sa kalagitnaan ng pahayag sa bautismo biglang sumulpot ang kaniyang asawa at iniutos na ang babaing ito’y sumama sa kaniya sa pag-uwi.
Nang sila’y makauwi na, ang asawang lalaki ay nagpaliwanag subalit hindi pinakinggan. Sa wakas, ang lalaki ay sumigaw: “Bueno, ano ba ang ibig mo ngayon?” “Ang ibig ko’y pabautismo,” ang tugon ng kaniyang maybahay. “Ganiyan bang kahalaga iyan sa iyo?” ang tanong ng lalaki. “Oo, ito ang pinakamahalagang okasyon sa aking buhay.” “Sige!” ang tugon niya sa wakas. “Tawagin mo ang inyong elder. Ako’y magpapagawa ng swimming pool upang ikaw ay dito mabautismuhan.”
Tinupad niya ang kaniyang salita at iyan nga ang ginawa ng lalaki. At ang kaniyang maybahay ay nabautismuhan ng sumunod na dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito—sa swimming pool na ipinagawa para sa kaniya ng kaniyang asawa! Subalit ano ba ang nagbigay sa sister na ito ng gayung determinasyon? Bueno, bagaman siya’y nabubukod, siya’y regular na naghahanda ng lahat ng materyal para sa iba’t ibang mga pulong. Kung sakaling nakaligtaan niya ang isang “pulong,” ang pakiwari niya’y nakaligtaan niya ang isang pagkain. Ang sister na ito ay nagtuturo ngayon sa kaniyang mga anak at nagdaraos ng tatlong pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
‘Ang Munti ay Magiging Isang Libo’
Ang gawaing pang-Kaharian sa Malaysia ay pinasimulan ni Alfred at Thelma Wicke, na naparoon doon buhat sa Australya noong 1939. Ang kanilang tapat na paglilingkuran bilang misyonero ay tumagal nang halos 50 taon, at lubhang kagila-gilalas na pinagpala ni Jehova ang kanilang pagpapagal! Sapol nang maitayo ang tanggapang sangay sa Penang noong 1972, na si Brother Wicke ang tagapangasiwa ng sangay, ang gawaing pangangaral sa Malaysia ay patuloy na bumilis. Noon, mayroong 207 mamamahayag ng Kaharian. Sampung taon ang nakalipas, ang dami nila ay naging tatlong suson. Kaya, noong Hulyo 1983, ang sangay ay inilipat sa Klang, isang daungang lunsod malapit sa kabisera federal, ang Kuala Lumpur. Ang mga bagong pag-aari ng sangay ay binubuo ng isang hilera ng tatlong dalawang-palapag na mga gusali, na bagay na bagay sa kasalukuyang pangangailangan. (Tingnan ang pahina 26.)
Mga ilang taon na ngayon ang nakaraan, gumawa ng puspusang pagsisikap na ang balita ng Kaharian ay dalhin sa higit pang maraming mga taong ang wika’y Intsik at Tamil. Ngayon, bukod sa dalawang kongregasyong Intsik, may mga grupong Intsik at Tamil sa mga iba pang kongregasyon at gayundin isang sumusulong na grupo ng mga Hapones na binubuo ng mga 20 katao.
Sa buong teritoryo, mayroon ngayong 20 kongregasyon, at halos 900 na ang mga mamamahayag ng Kaharian. Ito’y nagbibigay ng isang katumbasan na humigit-kumulang 1 sa 18,500 mamamahayag-sa-populasyon. Kaya’t malaki pa ang gawaing dapat isagawa. Bilang isang pagkakakilanlan ng potensiyal para sa pagsulong, 2,633 katao ang dumalo sa 1988 selebrasyon ng Memoryal. Ang mga Saksi sa Malaysia ay galak na galak dito, at higit pa ang naghahangad na lumahok sa buong-panahong ministeryo. Oo, at ang mga Saksi ni Jehova sa Malaysia ay sabik na umaasang maaabot nila ang tunguhing 1,000 mamamahayag. Kanilang natatandaan ang pangako ni Jehova na: “Ang munti ay magiging isang libo at ang maliit ay magiging matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.”—Isaias 60:22.
[Mapa sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
THAILAND
MALAYSIA
Penang
Kuala Lumpur
Klang
Singapore
MALAY PENINSULA
SUMATRA
EQUATOR
South China Sea
PHILIPPINES
SABAH
Kota Kinabalu
Mt. Kinabalu
Lahad Datu
BRUNEI
Miri
MALAYSIA
SARAWAK
Kuching
BORNEO
600 Km
400 MI