Ang Walang Kasinsamáng Patutot—Ang Kaniyang Pagbagsak
“Siya’y bumagsak na! Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na, na siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng galit ng kaniyang pakikiapid!”—APOCALIPSIS 14:8.
Ang artikulong ito at ang kasunod nito ang katapusang pahayag sa symposium na pinamagatang “Ang Itinakdang Panahon Ay Malapit Na,” na ipinahayag noong 1988 sa Banal na Katarungang Pandistritong mga Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova
1. Sino ang walang kasinsamáng patutot, at bakit kailangang makilala natin siya?
ANG walang kasinsamáng “patutot”—sino ba siya? Bakit tayo’y kailangang mag-usap-usap tungkol sa kaniya? Hindi ba ang nakakikilig na mga nobela, palabas sa mga sine at TV, at mga video ay nagtatanghal ng sapat nang nakaririmarim na imoralidad? Totoo iyan! Subalit ito’y isang karaniwang kalapating panggabi. Siya, sa katunayan ang pinakamaimpluwensiya, pinakabantog, ang numero-unong patutot na salarin sa buong kasaysayan. At kaniyang patuloy na ipinagbibili ang kaniyang mga pabor sa loob ng mahigit nang 4,000 taon! Kailangang makilala natin siya para sa ating proteksiyon. Sa Apocalipsis 14:8, ang tawag ng isang makalangit na anghel sa babaing ito na may masamang reputasyon ay “Babilonyang Dakila” at inilalarawan siya na isang manghihibo sa mga bansa. Yamang siya’y ganiyang kapanganib, ikagagalak nating malaman na ang “itinakdang panahon ay malapit na” para sa pagsasagawa ni Jehova ng inihatol sa kaniya.—Apocalipsis 1:3.
2. Saan kinuha ng patutot na ito ang kaniyang pangalan, at paano nagsimula ang isang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon?
2 Ang kaniyang pangalan ay kinuha ng patutot na ito sa sinaunang Babilonya, ang palalong siyudad na mahigit na 4,000 taon na ang lumipas ay itinatag sa Mesopotamia ni Nimrod, ang “makapangyarihang mangangaso na kasalungat ni Jehova.” Nang ang mga taga-Babilonya’y nagsimulang magtayo ng isang paganong tore ng relihiyon, ginulo ni Jehova ang kanilang wika at sila’y pinapangalat sa kadulu-duluhan ng lupa. Dala nila ang kanilang relihiyon saanman sila makarating, at ganiyan nagsimula ang isang pandaigdig na imperyo ng maka-Babilonyang relihiyon. Tunay, ito ANG DAKILANG Babilonya. (Genesis 10:8-10; 11:1-9) Magpahanggang sa panahon natin, ang mga hiwaga ng sinaunang Babilonya ay mababanaag sa mga paniwala at mga kinaugaliang gawain ng mga relihiyon ng sanlibutan. (Apocalipsis 17:7) Ang pangalang Hebreo para sa lunsod, ang Babel, ay nangangahulugang “Kalituhan,” isang angkop na salitang ikapit sa kasalukuyang kagusutan ng huwad na relihiyon!
3. (a) Gaano katagal naging bihag ng Babilonya ang bayan ng Diyos, at napalagay sila sa malapit sa ano? (b) Kailan dumanas ang Babilonya ng isang kapaha-pahamak na pagbagsak, at bakit hindi dumating ang kaniyang wakas nang panahong iyon?
3 Ang sinaunang Babilonya ay nakabangon sa unang balakid na iyan at, sa pagbagsak ng Asirya noong 632 B.C.E., naging ang ikatlong kapangyarihang pandaigdig. Ang kaniyang kaluwalhatian sa kalagayang iyan ay sandalian—wala pang sandaang taon—ngunit sa halos 70 ng mga taóng iyon, kaniyang naging bihag ang bayan ng Diyos, ang Israel. Kaya sila’y napalagay sa malapit sa libu-libong mga templo at mga simbahan ng Babilonya, sa kaniyang trinidad ng mga diyos at sa trinidad ng mga diyablo, sa kaniyang ina-at-anak na pagsamba, at sa kaniyang astrolohiya na nagtuturo ng pagsamba sa ipinagpapalagay na mga diyos na walang kamatayan. Samakatuwid, ang mga bihag na mga Israelita ay naroroon sa pandaigdig na sentro ng huwad na relihiyon nang, noong 539 B.C.E., ang lunsod ng Babilonya ay dumanas ng isang kapaha-pahamak na pagbagsak. Subalit ang kaniyang wakas ay hindi pa dumating noon! Patuloy na ginamit siya ng kaniyang mga mananakop bilang isang bantog na sentro ng relihiyon.
Isang Panggolobong Imperyong Relihiyoso
4. (a) Ano ang ipinahayag ng mga propeta ni Jehova tungkol sa Babilonya, at ano ang nangyari sa Babilonya? (b) Ano ang isa pang Babilonya na buháy pa, sa ikinapipinsala ng mga tao sa lupa?
4 Ipinahayag ng mga propeta ni Jehova ang kaniyang kahatulan na ang Babilonya ay kailangang palisin “ng walis na panlipol”—“gaya nang gibain ng Diyos ang Sodoma at Gomora.” Ang mga hula bang iyan ay natupad nang bandang huli? Oo, sa ultimong detalye! Nang takdang panahon, ang sinaunang Babilonya ay naging isang bunton ng dumi—walang tumatahan kundi mga reptilya at mababangis na hayop—gaya ng mismong inihula! (Isaias 13:9, 19-22; 14:23; Jeremias 50:35, 38-40) Gayunman, ang isa pang Babilonya, ang modernong-panahong Babilonyang Dakila, ay buháy pa. Bilang ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, kaniyang ipinagpapatuloy ang orihinal na mga turo ng Babilonya at ang espiritu ng kapalaluan. Siya ang pangunahing ginagamit ni Satanas para sa pambubulag sa mga tao sa mga layunin ni Jehova tungkol sa Kaharian.—2 Corinto 4:3, 4.
5. (a) Anong mga relihiyon ang umunlad nang ang Babilonya ay nasa kasukdulan ng kaniyang kaluwalhatian, subalit bakit si Satanas ay hindi nagtagumpay ng pagpapabaha ng huwad na relihiyon sa buong sanlibutan? (b) Paano ginamit ni Satanas ang huwad na relihiyon pagkatapos maitatag ang Kristiyanismo?
5 Humigit-kumulang noong ikaanim na siglo bago kay Kristo, nang ang pandaidig na kapangyarihan ng Babilonya ay nasa kasukdulan ng kaniyang kaluwalhatian, ang mga relihiyon ng Hinduismo, Buddhismo, Confusianismo, at Shintoismo ay umunlad din. Subalit si Satanas ba’y nagtagumpay ng pagpapabaha ng huwad na relihiyon sa buong sanlibutan? Hindi, sapagkat isang nalabi ng sinaunang mga Saksi ni Jehova na nasa Babilonya ang nangagbalik sa Jerusalem upang muling itatag ang pagsamba kay Jehova. Samakatuwid, mayroon na roong tapat na mga Judio, makalipas ang anim na siglo, upang tanggapin ang Mesiyas at maging ang mga unang miyembro ng kongregasyong Kristiyano. Ang huwad na relihiyon ang nagpangyari ng kamatayan bilang isang martir ng sariling Anak ng Diyos at naging instrumento ni Satanas sa pananalansang sa tunay na pagka-Kristiyano, gaya ng ibinabala ni Jesus at ng kaniyang mga apostol.—Mateo 7:15; Gawa 20:29, 30; 2 Pedro 2:1.
6. (a) Paano pinasamâ ni Satanas ang mga turong Kristiyano, at anong kalapastanganan-sa-Diyos na mga turo ang umunlad? (b) Ano ang nangyari sa libu-libong mga may ibig sa katotohanan ng Bibliya kaysa turong maka-Babilonya?
6 Lalung-lalo na pagkatapos ng ikalawang pagkapuksa ng Jerusalem noong 70 C.E., ginamit ni Satanas ang mga bulaang apostol upang pasamain ang mga turong Kristiyano, at hinaluan ito ng hiwagang maka-Babilonya at ng makasanlibutang pilosopya ng Gresya. Sa gayon, isang ‘diyos na tatluhan,’ ang Trinidad, ang inihalili sa “isang Jehova” ng Bibliya. (Deuteronomio 6:4; Marcos 12:29; 1 Corinto 8:5, 6) At ang doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, gaya ng turo ng paganong pilosopong si Plato, ay ipinasok upang ikaila ang mahalagang mga turo ng Bibliya tungkol sa pantubos na handog ni Kristo at tungkol sa pagkabuhay-muli. Ito’y nagbukas ng daan para sa paniniwala sa isang maapoy na impiyerno at ang isang di-gaanong maapoy na purgatoryo. (Awit 89:48; Ezekiel 18:4, 20) Ang gayong kalapastanganan-sa-Diyos na mga turong nagsamantala sa takot ng mga tao ay tumulong upang magpanhik ng maraming salapi sa mga simbahan. Bukod diyan, noong mga kaarawan ng Inquisicion at ng Repormasyon, ang klero ay hindi na nakapaghintay na ang mga alab ng apoy ng impiyerno ang gumawa ng pagpapahirap. Libu-libong may ibig sa katotohanan ng Bibliya kaysa turong maka-Babilonya ang tinupok na buháy sa tulos kapuwa mga Katoliko at mga Protestante. Subalit gaya ng makikita natin, ang pagpapatutot ng Babilonyang Dakila ay higit pa ang narating kaysa pagpapalaganap lamang ng kasinungalingan.
Ang Araw ni Jehova ng Paghuhukom
7. (a) Kailan at paano pinasimulan ni Jehova na isauli ang saligang mga katotohanan sa Bibliya at ibinunyag ang kasinungalingang, maka-Babilonyang mga turo? (b) Anong saligang mga katotohanan sa Bibliya ang isinauli ng mga Estudyante ng Bibliya?
7 Ang araw ni Jehova ng paghuhukom sa patutot na ito ay dumating na! (Hebreo 10:30) Nagkaroon ng isang panahon ng paghahanda, pasimula noong mga taon ng 1870, nang suguin ni Jehova ang kaniyang “mensahero”—isang taimtim na grupo ng mga estudyante sa Bibliya—upang isauli ang saligang mga katotohanan sa Bibliya at ibunyag ang kasinungalingang maka-Babilonyang mga turo. (Malakias 3:1a) Ang ‘mensaherong’ grupong ito ay sumang-ayon sa makahulang salita ng Apocalipsis 4:11: “Karapat-dapat ka, Jehova, na aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahilan sa iyong kalooban kung kaya’t sila’y umiral at nangalalang.” Ang “mensahero” ay naging isa ring tuwirang tagapagtaguyod ng pantubos na inihandog ni Jesus, ang paglalaan ng Diyos para sa ikatutubos ng sangkatauhan. Ang natubos na sangkatauhan ay bubuuin, una, ng “munting kawan” na maghaharing kasama ni Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian at, sa bandang huli, ng daan-daang milyon na mabubuhay magpakailanman sa lupang Paraiso—na karamihan sa kanila ay bubuhaying-muli buhat sa mga patay. (Lucas 12:32; 1 Juan 2:2; Gawa 24:15) Oo, yaong mga Estudyante ng Bibliya ang nagsauli ng mahalagang mga katotohanang ito, at sa isang makasagisag na paraan, kanila pang ‘ibinaling sa impiyerno ang gomang pandilig at pinatay ang apoy’ ng maka-Babilonyang turo ng walang-hanggang pagpapahirap!a
8. (a) Paano ginamit ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang Digmaang Pandaigdig I upang sikaping ipahamak ang mga Estudyante ng Bibliya? (b) Ano ang nangyari sa hukom na gumawa ng paraan upang ang walong opisyales ng Watch Tower Society ay manatiling nasa bilangguan sa pamamagitan ng pagtangging sila’y mapiyansahan?
8 Sa loob ng mga 40 taon ang mga Estudyante ng Bibliya ay buong tapang na nagbalitang ang taóng 1914 ang katapusan ng mga Panahong Gentil. Gaya ng maaasahan, sa taońg iyan ay naganap ang mga pangyayaring yumanig sa daigdig, na isa sa pinakamahalaga rito’y ang unang digmaang pandaigdig. Oh, anong laki ng pagsisikap ng klero ng Sangkakristiyanuhan—ang pinakaprominenteng bahagi ng Babilonyang Dakila—na gamitin ang krisis na ito sa daigdig upang ipahamak ang tahasang-mangusap na mga Estudyante ng Bibliya! Sa wakas, noong 1918, walong opisyales ng Watch Tower Society ang kanilang sinikap na mabilanggo sa pamamagitan ng inimbentong mga paratang na sedisyon. Subalit ang mga opisyales na ito ay pinalaya pagkaraan ng siyam na buwan at nang bandang huli ay pinawalang-sala. Ang federal na hukom ng E.U. na si Martin T. Manton, na gumawa ng paraan upang ang mga Estudyanteng ito ng Bibliya’y manatiling nasa bilangguan sa pamamagitan ng kaniyang pagtangging sila’y mapiyansahan, ay nang bandang huli pinarangalan pa ni Papa Pio XI, nang siya’y gawing isang “kabalyero ng orden ni San Gregoriong Dakila.” Gayumpaman, ang Kaniyang kadakilaan ay pansandalian, sapagkat noong 1939 siya’y sinentensiyahan na mabilanggo ng dalawang taon at magbayad ng malaking multa. Bakit? Sapagkat siya’y nasumpungan na nagkasala ng pagbibili ng anim na disisyon ng hukuman sa kabuuang halagang isinuhol na $186,000!
9. Paanong ipinaliwanag ng hula ni Malakias ang nangyari sa bayan ni Jehova, kaya’t ang paghuhukom ay nagsimula kanino?
9 Gaya ng ating katatalakay lamang, ang bayan ni Jehova ay pumasok sa isang panahon ng mahigpit na pagsubok noong 1918. Ang iba pang mga salita ng propeta sa Malakias 3:1-3 ay nagpapaliwanag ng nangyari: “At biglang darating sa kaniyang templo ang tunay na Panginoon [si Jehova], na inyong hinahanap, at ang sugo ng [Abrahamikong] tipan”—si Jesus. Oo, si Jehova ay dumating kasama ang kaniyang Kristo upang maghukom. Nang magkagayo’y itinatanong ni Jehova: “Sino ang makatitiis sa araw ng kaniyang pagparito, at sino ang tatayo pagka siya’y napakita? Sapagkat siya’y magiging parang apoy ng mandadalisay at parang sabon ng mga tagapagpaputi.” Sang-ayon sa 1 Pedro 4:17, ang paghuhukom ay magsisimula sa mga nag-aangkin na sila’y bahagi ng “sambahayan ng Diyos.” Sa gayon, ang tunay na mga Kristiyano ay dinalisay at nilinis ukol sa paglilingkod kay Jehova.
“MAGSILABAS KAYO . . . SA KANIYA, OH BAYAN KO”!
10. Anong banal na kahatulan ang dumating sa Sangkakristiyanuhan at sa lahat ng huwad na relihiyon nang sumapit ang 1919, na ang resulta ay ano para sa Babilonyang Dakila?
10 Bilang isang walang pagsisising bahagi ng Babilonyang Dakila, ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay hindi makatatayo sa paghuhukom ni Jehova. Kanilang dinumhan nang husto ang kanilang mga kasuotan bilang mga nakibahagi sa patayan na naganap sa digmaang pandaigdig at bilang mga tagapag-usig sa mga tunay na Kristiyano. (Jeremias 2:34) Sa halip na ipagbunyi ang dumarating na makalangit na Kaharian ni Kristo, ang kanilang itinaguyod ay isang gawang-taong Liga ng mga Bansa, na kanilang tinukoy na “ang makapulitikang kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa.” Sa pagsapit ng 1919 ay maliwanag na iginawad ni Jehova ang hatol sa Sangkakristiyanuhan—at tunay nga sa lahat ng huwad na relihiyon. Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na, hinatulan ng kamatayan! Lubhang napapanahon na para lahat ng umiibig sa katotohanan at sa katuwiran ay kumilos may kaugnayan sa makahulang pag-uutos sa Jeremias 51:45: “Magsilabas kayo sa gitna niya, Oh bayan ko, at iligtas ng bawat isa ang kaniyang kaluluwa buhat sa mabangis na galit ni Jehova.”
11, 12. (a) Ano ba ang sinasabi ng isang anghel sa Apocalipsis 17:1, 2 tungkol sa kahatulan sa Babilonyang Dakila? (b) Ano ang “maraming tubig” na kinauupuan ng dakilang patutot, at paano niya ginawang ang mga nananahan sa lupa ay ‘malasing ng alak ng kaniyang pakikiapid’?
11 Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na! Subalit siya’y hindi pa pinupuksa. Bilang isang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, siya’y iiral nang sandali pang panahon bilang obra maestra ng pandaraya ni Satanas. Ano ba ang pangwakas na kahatulan sa kaniya ng Diyos? Tayo’y hindi iniiwan sa pag-aalinlangan! Buklatin natin ang ating mga Bibliya sa Apocalipsis 17:1, 2. Dito ang isang anghel ay bumabaling kay apostol Juan at, sa pamamagitan niya, sa mga nag-aaral ng hula sa ngayon, na nagsasabi: “Halika, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa dakilang patutot na nakaupo sa maraming tubig, na siyang pinakiapiran ng mga hari sa lupa, at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.” Ang terminong “maraming tubig” ay tumutukoy sa magugulong masa ng sangkatauhan, na malaon nang inaapi ng dakilang patutot. At sinasabi ng hula na “ang mga nananahan sa lupa” ay nalasing sa kaniyang alak. Ang kasinungalingang mga turo at makasanlibutang, imoral na mga lakad ng Babilonyang Dakila ay mistulang alak na kanilang naiinom at sila’y sumusuray-suray, na para bagang nalasing ng mumurahing, ibinabawal na alak.
12 Sa Santiago 4:4 ay mababasa natin: “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos?” Ang relihiyon sa ikadalawampung siglong ito ay totoong handang-handang mambola sa sanlibutan, at iyan ay totoong-totoo tungkol sa Sangkakristiyanuhan. Ang kaniyang klero ay hindi lamang tumatangging maghayag ng mabuting balita ng dumarating na Kaharian ni Jehova kundi kanila ring binabantuan upang mawalang-bisa ang mga turo ng Bibliya sa moral, anupa’t kanilang ipinagkikibit-balikat ang makasanlibutang kaluwagan sa moralidad ng mga miyembro ng kanilang relihiyon. Maging ang klero man ay hindi mapawawalang-sala kung tungkol sa makalamang pakikiapid, na mariing hinatulan ni apostol Pablo nang kaniyang sabihin: “Huwag kayong padaya. Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. At ganiyan ang iba sa inyo noong dati. Ngunit kayo’y nahugasan nang malinis.”—1 Corinto 6:9-11.
“Paglulubalob sa Pusali”
13, 14. (a) Anong mga halimbawa ang nagpapakita na ang modernong-panahong klero ay hindi “nahugasan nang malinis”? (b) Sa isang pagpupulong ng klero ng Iglesiya ng Inglatera, anong saloobin ang ipinakita kung tungkol sa homoseksuwal na pagtatalik, at ano ang iminungkahi ng isang manunulat ng balita na ihalili sa pangalan ng simbahan? (c) Ang apostatang klero ay angkop na angkop sa anong mga salita ni apostol Pedro?
13 Ang modernong-panahong klero ba’y “nahugasan nang malinis”? Bueno, bilang halimbawa, pansinin ang kalagayan sa Britanya, dating isang moog ng Protestantismo. Noong Nobyembre 1987, nang ang pangulong ministro ng Britanya ay nanawagan sa klero upang manguna tungkol sa moral, ang rector ng isang simbahang Anglicano ay nagsabi: “Ang mga homoseksuwal ay may kasinlaking karapatan na magpahayag ng pita ng sekso gaya ng sino pa mang iba; ang dapat nating tingnan ay ang kabutihan na taglay nito at himukin [ang mga homoseksuwal] tungo sa katapatan.” Isang pahayagan sa London ang nag-ulat: “Ang mga kaugaliang homoseksuwal ay naging totoong palasak sa isang kolehiyong Anglicano sa teolohiya na anupa’t ang mga estudyante buhat sa isang kolehiyo ay pinagbawalan ng mga tauhan niyaon na dalawin iyon.” Isang pag-aaral ang may kalkulasyon na “sa isang distrito sa London, ang dami ng mga klerigong may homoseksuwal na hilig ay baka mahigit na kalahati ng kabuuang lahat.” At sa isang pulong ng simbahan, 95 porsiyento ng klero ng Iglesiya ng Inglatera ang sumuporta sa isang mosyon na ang pakikiapid at pangangalunya ay itinuring na mga kasalanan, ngunit hindi ang homoseksuwal na pagtatalik; ang gayong mga homoseksuwal na pagtatalik ay sinabing hindi lamang nakaaabot sa pamantayan. Bilang komento sa lahat na ito, isang manunulat ng balita ang nagmungkahi na baka mabuting ang pangalan ng Iglesiya ng Inglatera ay halinhan ng pangalang Sodoma at Gomora. Isa pang pahayagan sa London ang nagpahayag: “Ang mga tao sa Britanya ay nangingilabot samantalang kanilang binubulay-bulay ang resulta ng isang salinlahi na maluwag sa moral.”
14 Angkop na angkop nga sa apostatang klero ang mga salita ni apostol Pedro: “Nangyari sa kanila ang kasabihan ng tunay na kawikaan: ‘Ang aso’y bumalik uli sa kaniyang sariling suka, at sa paglulubalob sa pusali ang babaing baboy na nahugasan na’”!—2 Pedro 2:22.
15. (a) Anong pagguho ng mga pamantayang moral ang nagaganap sa buong Sangkakristiyanuhan? (b) Sino ang may pananagutan din ukol sa nakahahapis na aning ito?
15 Sa buong Sangkakristiyanuhan, at talaga namang sa buong sanlibutan, mayroong nakasisindak na pagguho ng mga pamantayang moral. Sa mga ibang lipunan, ang kasal ay itinuturing ngayon na di na kailangan, at yaong mga may asawa ay nag-aakalang hindi na uso ang katapatan ng mag-asawa sa isa’t isa. Kakaunti na lamang ang nagpapakasal nang legal, at sa mga gumagawa nang gayon ay dumarami naman ang nagdidiborsiyo. Sa Estados Unidos, ang mga diborsiyo ay naging mahigit na tatlong suson noong nakalipas na 25 taon at umaabot sa mahigit na isang milyon taun-taon. Sa loob ng 20-taóng yugto ng panahon mula noong 1965, makaapat na beses ang idinami ng diborsiyo sa Britanya, mula 41,000 hanggang sa umabot sa 175,000. Ang mga nagsosolo ay gustong makipag-live in sa mga nagsosolo kahit sa alin mang sekso, at marami ang naghahali-halili ng kapareha. Kanilang ipinaghihinanakit ang kakila-kilabot na mga sakit na sa seksuwal na pakikipagtalik nakukuha, na ang pinakalitaw ay ang AIDS, na lumalaganap sa pamamagitan ng kanilang imoral na estilo ng pamumuhay subalit nagpapatuloy pa rin sila sa kanilang napakababang uri ng seksuwal na mga kinaugalian. Ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay hindi gumawa ng pagdisiplina sa nagkakasalang mga miyembro ng kanilang relihiyon. Sapagkat kanilang ipinagkikibit-balikat ang imoralidad, sila’y may pananagutan din ukol sa nakahahapis na aning ito.—Jeremias 5:29-31.
16. (a) Ano ang nagdiriin ng katotohanan na bumagsak na ang Babilonyang Dakila, at ano ang angkop na inihiyaw ng anghel sa Apocalipsis 18:2? (b) Ano ang kailangang gawin ng lahat ng may ibig na makaligtas sa katapusan ng sanlibutan?
16 Ang malungkot na kalagayang moral sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay nagdiriin din ng katotohanan na bumagsak na ang Babilonyang Dakila. Siya’y hinatulan ng Diyos at itinakda siya sa pagkapuksa. Anong pagkaangkup-angkop nga, kung gayon, ang malakas na hiyaw ng anghel sa Apocalipsis 18:2: “Siya’y bumagsak! Bumagsak ang Babilonyang Dakila, at siya’y naging tahanan ng mga demonyo at kulungan ng bawat espiritung karumal-dumal at kulungan ng bawat karumal-dumal at kasuklam-suklam na ibon!” At anong pagkahala-halaga nga na lahat ng may ibig na makaligtas sa katapusan ng sanlibutan ay kumilos na ngayon sa pagsagot sa panawagan na nasa Apoc 18 talatang 4: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot”! Ang paglabas sa huwad na relihiyon ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagkaligtas sa “malaking kapighatian” na napipinto na. (Apocalipsis 7:14) Subalit higit pa ang kinakailangan, gaya ng ating makikita!
[Talababa]
a Noong Nobyembre 1, 1903, kasunod ng huling serye ng mga debate sa Carnegie Hall, Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A., na isinagawa ni Charles T. Russell at ni Dr. E. L. Eaton, isa sa mga klerigong kasali roon ang umamin ng tagumpay ni Brother Russell, at nagsabi: “Nagagalak akong makita ka na ibinaling mo sa impiyerno ang gomang pandilig at pinatay mo ang apoy.”
Paano Mo Sasagutin?
◻ Sino ang walang kasinsamáng patutot, at paano siya nagkaroon ng ganiyang pangalan?
◻ Bagaman ang sinaunang Babilonya ay bumagsak noong 539 B.C.E., ano ang nabubuhay pa ngayon?
◻ Paano nagkaroon ng modernong-panahong katuparan ang Malakias 3:1-3?
[Kahon sa pahina 8]
ANG MORAL NG KLERO
“Daan-daang mga bata na hinalay ng mga paring Katoliko sa Estados Unidos noong nakalipas na limang taon ang dumanas ng matinding sakit ng kalooban, ang sabi ng mga magulang, sikologo, mga opisyal ng pulisya at mga abogado na kasangkot sa mga kaso.”—Akron Beacon Journal, Enero 3, 1988.
“Ang Iglesiya Katolika Romana sa Estados Unidos ay napilitang magbayad ng angaw-angaw na dolyar sa kapinsalaang naidulot sa mga pamilya na nagreklamong ang kanilang mga anak ay hinalay ng mga pari. Sa kabila niyan, ang suliranin ay naging totoong matindi na anupa’t maraming mga abogado at mga biktima ang nagsasabi na ang gayong mga kaso’y ipinagwawalang-bahala at pinagtatakpan ng simbahan.”—The Miami Herald, Enero 3, 1988.
[Mga larawan sa pahina 6]
Mga imahen ng trinidad ng mga diyos—mula sa sinaunang Ehipto at mula sa Sangkakristiyanuhan
[Credit Lines]
Saint-Remi Museum collection, Reims, kuha ni J. Terrisse
Louvre Museum, Paris
[Larawan sa pahina 9]
Sa Bibliya ang imoral na mga lider ng relihiyon ay inihahambing sa isang napaliguan nang baboy na bumabalik sa paglulubalob sa pusali