Isinakdal ang Babilonyang Dakila
SA SUNUD-SUNOD na mga kombensiyon sa buong daigdig noong 1988-89, milyun-milyong mga Saksi ni Jehova ang nagtibay sa resolusyon na nagpapahayag ng kanilang pagkapoot sa paggawi ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon—lalo na yaong kinakatawan ng Sangkakristiyanuhan. Baka itanong ng ilang taimtim na mga tao, Hindi ba iyan ay totoong napakatinding paninindigan naman? Hindi, hinding-hindi! Sa pagkakita natin kung paanong buong tapang na ang mga propeta ng sinaunang Israel ay nagsalita laban sa idolatriya noong kanilang kaarawan at nang ibunyag ni Jesus sa pamamagitan ng matitinding pangungusap ang pagpapaimbabaw ng mga relihiyoso noong kaniyang kapanahunan, tayo bilang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na lubusang makatuwiran ang ganitong paninindigan. Ito’y iniuutos pa man din ng Diyos.—Isaias 24:1-6; Jeremias 7:16-20; Mateo 23:9-13, 27, 28, 37-39.
Kaya sa anong batayan kinapopootan natin ang paggawi ng Babilonyang Dakila? Anong makasaysayang ebidensiya ang maipakikita natin tungkol sa hindi pagpaparangal ng relihiyon sa tunay na Soberanong Panginoon ng sansinukob, si Jehova?
Hinahamak ng Modernong Babilonya ang Pangalan
Ang Soberanong Panginoon ng sansinukob ay may pangalan. Kaniyang ipinakilala ang kaniyang sarili nang mga 7,000 beses sa Bibliya bilang si Jehova. Kaniyang minamahalaga ang kaniyang pangalan. Ang ikatlo sa Sampung Utos ay nagsasabi: “Huwag mong babanggitin ang pangalan ni Jehova na iyong Diyos sa walang kabuluhan sapagkat hindi aariin ni Jehova na walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.” At itinampok ni Jesus sa Panalangin ng Panginoon ang pangalan ng kaniyang Ama, na nagsasabi, “Pakabanalin nawa ang pangalan mo.”—Exodo 20:7; Mateo 6:9.
Ang kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan sa pagpaparangal sa pangalan ng Diyos ay kalunus-lunos. Kahit na ang Bibliyang King James ng 1611 ay gumagamit ng pangalang Jehova, nang nag-iisa at may kasama, nang pitong ulit lamang.a Sa mga ibang salin naman ay lubusang inalis ang pangalan. Karamihan ng relihyon ay hindi nagpaparangal dito. Sa halip, ang kanilang “santisima” Trinidad ang kanilang inilagay sa mataas na kalagayan at, sa mga ibang kaso, si Maria na umano’y Ina ng Diyos ang kanilang itinaas na mataas pa sa Diyos ng Bibliya. Ang mahalagang pangalan ni Jehova ay pinabayaan upang mapalubog dahil sa hindi nila paggamit niyaon.b
Kapuri-puri, na kinikilala ng Islam ang iisang Diyos, na kanilang tinatawag na Allah, sang-ayon sa kanilang sagradong aklat, ang Koran. Gayunman, hindi nila ginagamit ang kaniyang pangalan, na Jehova, bilang unang isiniwalat sa Bibliya di-kukulanging dalawang libong taon bago umiral ang Koran. Ang mga Hindu ay sumasamba sa angaw-angaw na mga diyos at mga diyosa, subalit si Jehova ay hindi kasali sa mga iyan.
Ang isang kilalang nagkakasala laban sa pangalan ng Diyos ay ang Judaismo. Sa loob ng libu-libong mga taon, inangkin ng mga Judio na sila ang bayan ng Diyos na may taglay ng pangalan niya, subalit dahilan sa kanilang tradisyon, kanilang pinapangyari na ang tunay na pangalan ng Diyos ay lubusang hindi na gamitin.
Samakatuwid, bilang mga saksi ng Soberanong Panginoong Jehova, kailangang ipahayag natin ang ating pagkasuklam sa kapabayaan ng Babilonyang Dakila sa di pagpaparangal sa banal na pangalan ng Diyos.
Kung Bakit Ating Kinasusuklaman ang maka-Babilonyang mga Turo
Angaw-angaw na mga tao ang pinagsamantalahan at pinapamalagi sa takot dahil sa turong maka-Babilonya na ang tao’y may kaluluwang di-namamatay. Mula pa noong sinaunang panahon, sinamantala na ng huwad na relihiyon ang takot na ang kaluluwa’y baka pahirapan nang walang hanggan sa impiyerno ng apoy pagkamatay ng isang tao. Ang isang lalong mapandayang anyo ng turong iyan ay ang pansamantalang pagdurusa sa apoy ng purgatoryo. Taimtim na mga tao ang nagbabayad upang maipag-Misa ang kanilang mga patay subalit kailanman ay hindi nila nalalaman kung kailan baga hihinto ng pagbabayad ukol doon! Ang mapamusong na mga doktrinang ito ay walang saligan sa Bibliya.—Ihambing ang Jeremias 7:31.
Sa katunayan, itinuturo ng Bibliya na ang tao ay isang buháy, may kamatayang kaluluwa. Dahil sa kaniyang pagsuway si Adan ay hindi hinatulan na mapapunta sa apoy ng impiyerno o sa purgatoryo kundi sa kamatayan. Sa simpleng pangungusap, “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23; Genesis 2:7, 17; 3:19) Ang maka-Kasulatang pag-asa ukol sa mga patay ay nakasalig, hindi sa isang walang kamatayang kaluluwa, kundi, bagkus, sa pangako ng Diyos na pagkabuhay-muli sa sakdal na buhay sa isang lupang paraiso.—Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:1-4.
Gayunman, ang isa pang maka-Babilonyang turo ay ang “santisima” Trinidad. Ang turong ito na may tatlong persona sa iisang Diyos ay hindi kailanman naging bahagi ng pananampalataya ng sinaunang mga Hebreo. (Deuteronomio 5:6, 7; 6:4) Isang Judio mismo, si Jesus ay tunay na hindi naniwala o nagturo na siya ay Diyos na makapangyarihan-sa-lahat. Hindi niya inangkin na siya’y isang trinidad gaya ng itinuturo ng maka-Babilonyang doktrina o aral.—Marcos 12:29; 13:32; Juan 5:19, 30; 14:28; 20:17.
Kung gayon, ating tinatanggihan ang mapamusong na mga doktrina ng Babilonya na itinuturo sa huwad na mga relihiyon ng sanlibutan. Tayo’y nag-uukol ng pagsamba sa tanging tunay na Diyos, si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang Anak, na naging “isang pantakip na hain” ukol sa mga kasalanan hindi lamang ng pinahirang mga Kristiyano kundi ng buong sanlibutan ng sangkatauhan.—1 Juan 2:2.
Kung Bakit Ating Itinakuwil ang mga Pilosopyang Laban sa Diyos
Idinadaing ng mga papa at ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang mabilis na pag-unlad ng ateyismo, at ginagamit ito ng marami upang ipangatuwiran ang kanilang pagsuporta sa maka-kanang pulitika. Subalit, kailangang itanong: Sino ba ang nagkikibit-balikat sa mga pang-aapi at di-pagkakapantay-pantay na nagbigay-daan sa pagbangong ito ng ateyismo, lalo na noong nakalipas na siglo? Ito’y nangyari lalung-lalo na sa lupaing nasasakupan ng Sangkakristiyanuhan. Halimbawa, ang Rusong Iglesiya Orthodoxo ay nakiisa sa mga czar (mga pangulo roon), na buong kalupitang naniil sa mga mamamayan. Ang kawalan ng tunay na mga pamantayang Kristiyano na nagpapakilala sa kanila bilang mga kinatawan ng Diyos ay nagbigay-daan sa mga kalagayan na naging dahilan ng pag-unlad ng ateyismo.
Ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay yumakap din sa turo ng ebolusyon na lumalapastangan sa Maylikha. Sa bulag na puwersa ng sangkalikasan ipinagpapalagay nilang nagmula ang masalimuot at lubhang sari-saring mahigit na isang milyong uri ng buhay. Sa katunayan, kanilang sinasabi na ang ganitong pagkasari-sari ay umunlad sa pamamagitan ng sunud-sunod na kapaki-pakinabang na di-sinasadyang mga pangyayari. Dahil sa ganiyang pilosopya ang Diyos ay nagiging kalabisan na at ang tao’y walang pananagutan kaninuman. Ang tamang asal ay depende na lamang sa sariling kagustuhan. (Awit 14:1) Ang isang resulta nito ay ang mga pagpapalaglag ng sanggol na ngayo’y umaabot sa bilang na sampu-sampung milyon taun-taon—sa mga bansang namamaraling relihiyoso!
Ating tinatanggihan ang mga pilosopya at mga gawaing ito na laban sa Diyos. Ang ating sinasamba ay si Jehova, “ang Isa na nabubuhay magpakailan-kailanman, na lumikha sa langit at sa mga bagay na naroroon at sa lupa at sa mga bagay na naririto at sa dagat at sa mga bagay na naroroon.”—Apocalipsis 10:6; 19:6.
Kung Bakit Kinapopootan Natin ang Bunga ng Babilonyang Dakila
Ang Sangkakristiyanuhan ay hindi nakinig sa babalang mga mensahe sa pitong kongregasyon na nalalahad sa Apocalipsis kabanata 2 at 3. Ito’y nagpapayo laban sa gawain ng pagtatayo ng mga sekta-sekta, ng idolatriya, at ng pakikiapid, at laban sa pagkamalahininga at pagpapabaya.
Ang pagdalaw sa halos anumang dako ng pagsamba ay magsisiwalat kung gaano karaming mga taong relihiyoso ang higit na nagpapahalaga sa nilalang kaysa Maylalang. Sa paano nga? Sa pamamagitan ng kanilang pagsamba sa mga imahen at mga rebulto at ng kanilang pagsamba sa “mga santo,” Madona, at krus.—Ihambing ang Awit 115:2-8; 2 Corinto 5:7; 1 Juan 5:21.
Sa kanilang kalagayan, natutupad ang mga salita ni Pablo: “Sapagkat, kahit kilala nila ang Diyos, siya’y hindi nila niluwalhati tulad sa Diyos . . . Sila’y naging mga mangmang at ang kaluwalhatian ng Diyos na walang pagkasira ay pinalitan nila ng isang katulad ng larawan ng tao na may pagkasira at ng mga ibon at ng mga hayop na may apat na paa at ng mga nagsisigapang.”—Roma 1:21-23.
Kung Bakit Ating Isinusumpa ang Imoralidad ng Babilonya
Sa nakaraang 20 taon ang homoseksuwalidad ay sinang-ayunan o pinayagan bilang isang estilo ng pamumuhay na maaaring sundin kagaya ng iba. Angaw-angaw na mga homoseksuwal ang “naglabasan na” at ngayo’y langkay-langkay na makikita sa mga lansangan, ipinagmamalaki pa ang kanilang “pagka-bakla.” Ano ba ang pagkakilala ng Diyos sa kanilang pagkahomoseksuwal?
Malinaw na sinasabi ng Bibliya 3,500 taon na ngayon ang nakalipas: “At huwag kang sisiping sa isang lalaki na gaya ng pagsiping sa isang babae. Ito’y karima-rimarim nga.” (Levitico 18:22) At halos 2,000 taon na ang nakalipas ipinakita ni Pablo na ang mga pamantayan ng Diyos ay hindi nagbago nang siya’y sumulat: “Dahil dito’y ibinigay sila ng Diyos sa kahiya-hiyang mga pita ng sekso, sapagkat binago kapuwa ng kanilang mga babae ang likas na kagamitan nila tungo sa isang laban sa kalikasan; at gayundin iniwan ng mga lalaki ang likas na paggamit sa mga babae at nagbigay-daan sa kanilang malalaswang pita sa isa’t isa, lalaki sa lalaki, na gumagawa niyaong mahalay at tumatanggap sa kanilang sarili ng lubos na kagantihan, na karapatdapat sa kanilang kamalian.”—Roma 1:26, 27; 1 Corinto 6:9, 10; 1 Timoteo 1:10.
Gayunman, napakarami sa mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan ang namihasa na sa gawang homoseksuwal kung kaya’t sila’y nakapagtayo ng isang malakas na pangkat ng mga homoseksuwal na maimpluwensiya sa marami sa mga pangunahing relihiyon. Kanilang hinihiling na kilalanin ang kanilang estilo ng pamumuhay at sila’y kilalanin na mga ministro. Ang isang halimbawa nito ay yaong sa pinakamalaking denominasyong Protestante ng Canada, ang Iglesiya Unida ng Canada, na ang mga lider ay bumoto ng 205 sa 160 noong Agosto 24, 1988, bilang pabor sila sa pagtanggap ng mga homoseksuwal sa ministeryo.
Kung Bakit Kinapopootan Natin ang Espirituwal na Pagpapatutot ng Babilonya
Matindi ang pananalita ng Apocalipsis laban sa pakikiapid ng Babilonya sa “mga hari sa lupa,” ang mga pinunong pulitiko. Ang patutot ay inilalarawan na nakaupo “sa maraming tubig,” na tumutukoy sa “mga bayan at mga karamihan at mga bansa at mga wika.” (Apocalipsis 17:1, 2, 15) Sa pagkakaroon ng maalwang kaugnayan sa mga pinunong pulitiko, sa nalakarang mga siglo ay hayagan o palihim na ginamit ng huwad na relihiyon ang kaniyang impluwensiya sa panunupil at pagsasamantala sa karaniwang mga mamamayan.
Ang halimbawa ng ganitong pagkadominante ay ang mga concordat, o mga kasunduan, na nilagdaan ng Vaticano sa pagitan niya at ng mga pangulong Nazi at Fascista sa ika-20 siglong ito. Bilang resulta, ang impluwensiya ng simbahan sa kanilang mga kawan ay humantong sa lubusang pagpapasakop sa malulupit na pangulo. Noong 1929 ang Vaticano ay pumasok sa isang pakikipagkasundo sa Fascistang diktador na si Benito Mussolini. Ano ang kasunod nito sa Alemanya? Ang Alemang cardinal na si Faulhaber, sa palagay niya na si Pio XI ang bumigkas ng sumusunod na pananalita, ay nagbigay ng ganitong pangangahulugan sa kaisipan ng papa tungkol kay Hitler: “Ako’y nalulugod; siya ang unang estadista na nagsalita laban sa Bolshevismo.” Nang malaunan ay sinabi ni Faulhaber: “Ang aking paglalakbay sa Roma ay nagpatunay sa marahil ay hinala ko sa loob ng matagal na panahon. Sa Roma, ang Pambansang Sosyalismo at Fascismo ay itinuturing na tanging kaligtasan buhat sa Komunismo at Bolshevismo.”
Ang mga obispong Katoliko ng Alemanya ay sumalungat na sa pilosopyang Nazi bago pa noong 1933. Subalit gaya ng sinabi ng autor na Alemang si Klaus Scholder sa kaniyang aklat na The Churches and the Third Reich, ang mga obispo ay pinag-utusan ng embahador ng Vaticano sa Alemanya, si Cardinal Pacelli, na baguhin ang kanilang saloobin tungkol sa Pambansang Sosyalismo. Ano ba ang nag-udyok sa pagbabagong ito? Iyon ay ang pag-asang makabubuo ng kasunduan sa pagitan ng Third Reich at ng Vaticano, na binuo nga noong Hulyo 20, 1933.
Ganito ang ulat ni Klaus Scholder: “Sa eleksiyon at plebisito ng 12 ng Nobyembre [1933] inamin ni Hitler ang bunga ng kasunduan na ginawa ng Reich sa pamamagitan ng sorpresang napakaraming mga botong ‘oo,’ higit sa lahat sa nangingibabaw ang mga Katolikong lipunan ng mga manghahalal.
Bagaman ang ilang mga lider Protestante ay nagpahayag ng pagsalansang sa paghalili ng mga Nazi ng pamamahala noong 1933, hindi nagtagal at napawi rin ang kanilang mga tinig sa ingay ng nasyonalismo. Ganito ang paliwanag ni Scholder: “Maliwanag na ang Iglesiyang Protestante ay hindi na gaanong nagpakaingat gaya noong nakaraan at ngayon sa wakas siya ay nadala rin ng nasyonalismo. . . . Opisyal na mga pangungusap ng Iglesiya ang napalathala nang unang pagkakataon na sumusuporta sa bagong Reich nang walang pasubali.” Sa katunayan, ipinagbili ng Protestantismo ang kaniyang sarili sa nasyonalismo ng Nazi at naging kaniyang utusang babae, gaya ng ginawa ng Iglesiya Katolika.
Sa buong nalakaran ng maraming siglo, ayon sa ipinakikita ng ulat ng kasaysayan, ang huwad na relihiyon ay nakiisa sa makapangyarihang mga grupong namiminuno at pinalakas ang kanilang prestihiyo sa ikapipinsala ng karaniwang mga mamamayan. Ang ‘kaisipan ni Kristo’ ay hindi nabanaag sa mga lider ng relihiyon ng daigdig, na gahaman sa pagkakamal ng kapangyarihan, ari-arian, at kayamanan. Bilang mga Saksi ni Jehova, ating kinapopootan ang gayong espirituwal na pagpapatutot.—Juan 17:16; Roma 15:5; Apocalipsis 18:3.
Kung Bakit Natin Kinasusuklaman ang Kasalanan ng Babilonya na Pagbububo ng Dugo
Sa aklat ng Apocalipsis, ang Babilonyang Dakila ay inaakusahan ng kasalanang malaganap na pagbububo ng dugo: “At nakita ko na ang babae ay lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus. Oo, sa kaniya’y nasumpungan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.”—Apocalipsis 17:6; 18:24.
Ang kasaysayan ng huwad na relihiyon ay lipos ng kapootan at pagbububo ng dugo, anupa’t ang Sangkakristiyanuhan ang pinakamalubha ang gayong pagkakasala. Dalawang digmaang pandaigdig ang nagsimula sa lupaing nasasakupan ng di-umano’y mga bansang Kristiyano. Ang “Kristiyanong” mga pinunong pulitiko ay bumaling sa paggamit ng armas noong 1914 at 1939, at ang klero sa lahat ng kasangkot na mga bansa ay nagbigay ng kanilang pagbasbas. Ang The Columbia History of the World ay nagsasabi ng ganito tungkol sa Digmaang Pandaigdig I: “Ang katotohanan ay niyurakan pati na ang buhay, at halos walang nagtaas ng tinig bilang pagtutol. Ang mga tagapangalaga ng salita ng Diyos ang nanguna pa sa pag-awit ng mga awiting pandigma. Ang lubus-lubusang digmaan ay napauwi sa lubus-lubusang pagkakapootan.” (Amin ang italiko.) Ang mga kapilyan ng hukbo ay nag-udyok sa kanilang mga kawal na magpatuloy ng paglaban ukol sa kapakanan ng bayan habang ang mga kabataan naman ng magkabilang panig ay nagsisilbing mga pambala sa kanyon. Ang aklat ding iyan ng kasaysayan ay nagsasabi: “Ang sistematikong paglason sa isip ng mga tao sa pamamagitan ng silakbo ng damdamin ng nasyonalismo . . . ang isa pang nakahadlang sa paghanap sa kapayapaan.”
Ang huwad na relihiyon sa buong daigdig ay patuloy na naghahasik ng pagkapoot habang nag-aalab ang digmaan sa pagitan ng Judio at ng Muslim, ng Hindu at ng Sikh, ng Katoliko at ng Protestante, ng Muslim at ng Hindu, ng Buddhista at ng Hindu. Oo, ang huwad na relihiyon ay patuloy na may bahagi sa pagdanak ng dugo “ng lahat ng mga pinatay sa lupa.”—Apocalipsis 18:24.
Sa liwanag ng lahat ng patotoo na iniharap ngayon, inaakala ng mga Saksi ni Jehova na ang resolusyon ng kombensiyon sa 1988 ay angkop at napapanahon. Angkop naman, aming ibinubunyag ang huwad na relihiyon bilang ang patutot na may kasalanan sa pagbububo ng dugo, ang Babilonyang Dakila. Aming inihahayag sa sanlibutan ang tanging tunay na daan patungo sa kapayapaan at sa tunay na pagsamba—pagbaling sa Soberanong Panginoon ng sansinukob, ang Diyos na Jehova, sa pamamagitan ng Isa na kaniyang sinugo sa lupa, ang Kristo, o Mesiyas, si Jesus. Ito’y nangangahulugan ng pagtanggap sa Kaharian ng Diyos bilang ang matuwid, walang-hanggang pamahalaan na tanging makapagtatakip ng lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan. At ito’y nangangahulugan din na ngayon na ang panahon upang tumalima sa utos na: “Lumabas kayo sa kaniya [sa Babilonyang Dakila], bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”—Apocalipsis 18:4; Daniel 2:44; Juan 17:3.
[Mga talababa]
b Para sa isang detalyadong pagtalakay sa kahalagahan at kahulugan ng pangalan ng Diyos, tingnan ang 32-pahinang brosyur na Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.