Layunin ng Diyos na ang Tao’y Maligayahan sa Buhay sa Paraiso
“At kinuha ni Jehovang Diyos ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden upang kaniyang alagaan at ingatan iyon.”—GENESIS 2:15.
1. Ano ang orihinal na layunin ng Maylikha tungkol sa masunuring mga tao?
ORIHINAL na layunin ng Maylikha, at ito pa rin ang kaniyang layunin ngayon, na magtamasa ang masunuring mga tao ng buhay na walang pagtanda, laging may sigla ng kabataan, walang anumang pagkainip, laging may kanais-nais na layuning tutupdin, may minamahal ka at may nagmamahal naman sa iyo sa tunay na paraang walang pag-iimbot, sakdal—sa isang paraiso!—Genesis 2:8; ihambing ang Lucas 23:42, 43.
2. (a) Ano ang tiyak na nangyari nang ang unang tao’y magkamalay? (b) Kailan nilalang ang unang tao, saan, at sa anong panahon ng taon?
2 Upang mapag-alaman iyan, pagbalikan natin ang panahon na ang bagong kalilikhang si Adan ay unang magkamalay, nang kaniyang suriin ang sariling katawan niya at lahat ng kaniyang nakita at narinig at nadama sa kaniyang palibot, nang kaniyang matanto na siya pala noon ay buháy na! Ito’y nangyari mga 6,000 taon ang nakaraan na, noong taóng 4,026 bago ng ating Karaniwang Panahon, sang-ayon sa bilang ng panahong ibinibigay ng Banal na Bibliya. Ito’y nangyari sa lupain na ngayon ay kilala sa tawag na Turkey, o sa timog-kanlurang bahagi na ngayo’y tinatawag na Asya, sa isang dako na kung saan naroon ang Ilog Eufrates at ang Ilog Tigris, at sa gayo’y sa hilagang panig ng ating makalupang globo. Ang panahon ay humigit-kumulang Oktubre 1, yamang ang mga pinakamatatandang kalendaryo ng sangkatauhan ay nagsimulang bumilang ng panahon malapit sa petsang iyan.
3. (a) Sa anong kalagayan nagpasimula ang buhay ng unang tao? (b) Ano ang naging pangalan ng unang tao, at ano ang kahulugan niyaon?
3 Ang buhay ng unang tao ay nagpasimula na husto na ang kaniyang paglaki, sakdal ang anyo, may sakdal na kalusugan, sakdal sa moral. Ang pangalan na paulit-ulit na ikinakapit sa kaniya sa Bibliya ang tumatawag-pansin sa atin sa materyal na ginamit sa paglalang sa kaniya. Ang kaniyang pangalan ay ’A·dhamʹ.a Ang lupa, o alabok, na ginamit sa paglalang sa kaniya ay tinatawag na ’a·dha·mahʹ. Kaya ang kaniyang pangalan ay masasabing ang kahuluga’y “Makalupang Tao.” Ito ang naging personal na pangalan ng unang taong ito—si Adan. Anong laki ng panggigilalas marahil ni Adan nang siya’y magkaroon na ng buhay, maging isang may-malay, intelihenteng tao!
4. Anong kakatuwang pagkagising sa buhay ang hindi naranasan ng unang tao, kaya’t siya’y hindi anak ng ano?
4 Nang ang unang taong ito, si Adan, ay magkaroon na ng buhay, magising pagkatapos na magkamalay, at magdilat ng kaniyang mga mata, siya’y hindi nakahimlay sa isang mabalahibong dibdib, na niyayakap-yakap ng malalakas at mahahabang bisig ng isang babaing mistulang bakulaw, at siya [si Adan] ay nangungunyapit dito samantalang kaniyang tinititigan ito at malumanay na tinatawag ng Nanay. Ang unang tao, si Adan, ay hindi nakaranas ng gayong kakatuwang pagkagising sa buhay. Hindi niya nadamang siya’y kamag-anak ng isang bakulaw, kahit nang bandang huli na siya’y makakita ng isa nito. Nang araw na siya’y lalangin, walang nagpapahiwatig man lamang na siya’y inapo, isang malayo nang anak, ng isang bakulaw o ng anumang kinapal na katulad niyan. Gayunman mananatili kayang isang hiwaga sa unang tao, si Adan, ang tungkol sa kung papaano siya naging tao? Hindi.
5. Ano ba ang tiyak na alam ni Adan tungkol sa kaniyang tulad-parkeng halamanan at tungkol sa kaniyang sarili?
5 Makatuwirang maunawaan na, naging isang hiwaga marahil sa kaniya kung papaano nangalalang ang lahat ng magagandang bagay na kaniyang namamasdan. Kaniyang nasumpungan na siya’y nasa isang tulad-parkeng halamanan, isang paraiso na hindi siya ang nagdisenyo, gumawa, at nagsaayos. Papaano nga nagkaroon nito? Bilang isang taong sakdal-talino, at nangangatuwiran, ibig niyang maalaman iyon. Wala pa siyang dating karanasan. Batid niya na siya’y hindi isang sariling-gawa, sariling-umunlad na tao. Siya’y hindi dumating sa ganitong kalagayan sa pamamagitan ng kaniyang sariling pagsisikap.—Ihambing ang Awit 100:3; 139:14.
6. Papaano malamang na naapektuhan si Adan ng kaniyang pagiging buháy at narito sa sakdal na makalupang tahanan?
6 Ang unang tao, si Adan, sa pasimula ay malamang na nabigla sa bagong karanasang ito na siya’y maligayang nabubuhay sa isang sakdal na makalupang tahanan upang pag-isipan kung saan siya nagbuhat at bakit. Hindi niya halos mapigil ang masayang pagbubulalas ng kagalakan. Kaniyang nadamang may mga pananalitang lumalabas sa kaniyang bibig. Kaniyang narinig ang sarili niya na nagsasalita sa wika ng tao, nangungusap tungkol sa magagandang bagay na kaniyang nakita at narinig. Anong sarap na maging buháy at narito sa halamanang ito ng Paraiso! Subalit samantalang siya’y malugod na kumukuha ng kaalaman sa lahat ng kaniyang nakikita, naririnig, naaamoy, at nadarama, siya’y mahihikayat na mag-isip-isip. Para sa atin, kung sakaling tayo’y nasa kaniyang katayuan, ang lahat ng iyon ay magsisilbing isang hiwaga, na hindi natin malulutas sa ganang sarili natin.
Hindi Isang Hiwaga ang Pag-iral ng Tao
7. Bakit hindi naging isang matagal na hiwaga kay Adan ang tungkol sa pagkakita niyang siya’y buháy at nasa isang paraisong halamanan?
7 Para sa unang tao, si Adan, hindi naging isang matagal na hiwaga ang tungkol sa kaniyang kalagayan na pagiging buháy at nag-iisa, na walang ibang nakikitang kasama sa Paraisong halamanan. Siya’y nakarinig ng isang tinig, ng isang nagsasalita. Naunawaan iyon ng tao. Subalit nasaan ang nagsasalita? Walang nakita ang tao na nagsasalita. Ang tinig ay nanggaling sa di-nakikita, na maka-espiritung dako, at iyon ang kumakausap sa kaniya. Iyon ang tinig ng Maygawa sa tao, ang kaniyang Maylikha! At ang tao ay makasasagot sa kaniya sa gayunding uri ng pananalita. Kaniyang nakitang siya’y nakikipag-usap sa Diyos, ang Maylikha. Ang tao ay hindi nangangailangan ng anumang modernong siyentipikong aparato ng radyo upang makarinig ng tinig buhat sa kalangitan. Ang Diyos ay nakipag-usap nang tuwiran sa kaniya bilang kaniyang nilikha.
8, 9. (a) Anong mga katanungan ang sasagutin kay Adan, at anong makaamang pangangalaga at interes ang ipinakita sa kaniya? (b) Anong sagot ang tinanggap ni Adan buhat sa kaniyang makalangit na Ama?
8 Ngayon batid ng tao na siya’y hindi nag-iisa, kung kaya tiyak na nakaramdam siya ng higit na mabuting pakiramdam. Ang kaniyang isip ay punô ng mga katanungan. Sila’y matatanong niya tungkol sa Isang di-nakikita na nakikipag-usap sa kaniya. Sino ba ang gumawa sa kaniya at sa halamanang ito ng kaluguran? Bakit siya inilagay roon, at ano ang kailangang gawin niya sa kaniyang buhay? Mayroon bang anumang layunin ang buhay? Makaamang pangangalaga at interes ang ipinakita sa unang taong ito, si Adan, sapagkat ang kaniyang mga katanungan ay nasagot sa ikinasiya ng kaniyang mapag-usisang isip. Anong laking kaluguran sa kaniyang Manlilikha, ang kaniyang Tagapagbigay-Buhay, na kaniyang makalangit na Ama, nang marinig ang tao na magsimulang mangusap at bumigkas ng kaniyang mga unang pananalita! Anong laking kaligayahan ang idinulot sa makalangit na Ama na marinig na nakikipag-usap sa kaniya ang kaniyang anak! Ang natural na maging unang tanong ay, “Papaano ako naging ganito?” Nakalugod sa makalangit na Ama na sagutin iyon at sa gayo’y kilalanin na ang unang taong ito ay Kaniyang anak. Siya ay isang “anak ng Diyos.” (Lucas 3:38) Ipinakilala ni Jehova ang kaniyang sarili bilang ang Ama ng unang taong ito, si Adan. Buhat sa kaniyang makalangit na Ama, narito ang buod ng sagot na tinanggap ni Adan sa kaniyang tanong at kaniyang ipinasa naman sa kaniyang supling:
9 “At nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy. At, nagtanim ang Diyos na Jehova ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at inilagay niya roon ang taong kaniyang nilalang. At pinatubo ng Diyos na Jehova sa lupa ang lahat na punungkahoy na nakalulugod sa paningin at mabuting kanin at gayundin ang punungkahoy ng buhay sa gitna ng halamanan at ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. At may isang ilog na lumalabas sa Eden na dumidilig sa halamanan, at mula roo’y nabahagi at, wika nga, nagkaapat na sanga.”—Genesis 2:7-10.b
10, 11. (a) Anong katotohanan ang maliwanag na natutuhan ni Adan, subalit ano pang mga katanungan ang kailangang masagot pa sa kaniya? (b) Anong mga sagot ang ibinigay kay Adan ng makalangit na Ama?
10 Ang matalino, sariwang isip ni Adan ay may kasabikang tumanggap sa kasiya-siyang impormasyong ito. Ngayon ay nalaman niyang siya’y hindi doon nanggaling sa di-nakikitang dako na mula roon nagsasalita ang kaniyang Manlilikha at Tagapag-anyo. Bagkus, siya’y binuo mula sa lupa na kinaroroonan niya at sa gayo’y para siya sa lupa. Ang kaniyang Tagapagbigay-Buhay at Ama ay si Jehovang Diyos. Siya’y “isang kaluluwang buháy.” Palibhasa’y tinanggap niya sa Diyos na Jehova ang kaniyang buhay, siya’y isang “anak ng Diyos.” Ang mga punungkahoy na nakapalibot sa kaniya sa halamanan ng Eden ay namunga ng mga prutas na makabubuti bilang pagkain, upang kainin niya at siya’y manatiling buháy bilang isang kaluluwang buháy. Subalit, bakit siya’y kailangang manatiling buháy, at bakit siya inilagay rito sa lupa sa halamanang ito ng Eden? Siya’y isang ganap na taong may talino at may mga pisikal na katangian, at siya’y nararapat na makaalam. Sapagkat kung hindi, papaano niya matutupad ang kaniyang layunin sa buhay at sa gayo’y palugdan ang kaniyang Manlilikha at Ama sa pamamagitan ng paggawa ng banal na kalooban? Ang mga sagot sa wastong mga tanong na ito ay ibinibigay sa sumusunod na impormasyon:
11 “At kinuha ng Diyos na Jehova ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden upang kaniyang alagaan at ingatan iyon. At iniutos din ng Diyos na Jehova sa lalaki ang ganito: ‘Sa bawat punungkahoy sa halamanan ay makakakain kang may kasiyahan. Ngunit sa bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.’”—Genesis 2:15-17.
12. Dahil sa ano tiyak na pinasalamatan ni Adan ang kaniyang Maylikha, at papaanong sa ganoo’y maluluwalhati ng tao ang Diyos?
12 Tiyak na pinasalamatan ni Adan ang kaniyang Maylikha dahil sa binigyan siya ng isang bagay na patuloy na magbibigay sa kaniya ng gawain sa magandang halamanang ito ng Eden. Ngayon ay batid na niya ang kalooban ng kaniyang Maylikha, at siya’y makagagawa ng isang bagay sa lupa para sa Kaniya. Siya ngayon ay mayroong pananagutan na nakaatang sa kaniya, ang pangangalaga sa halamanan ng Eden at pag-iingat niyaon, subalit iyon ay magiging isang kalugud-lugod na gawain. Sa paggawa nito, ang halamanan ng Eden ay kaniyang mapananatiling maganda na anupa’t magdadala ito ng kaluwalhatian at kapurihan sa Manlilikha nito, ang Diyos na Jehova. Pagka si Adan ay nagutom sa pagtatrabaho, siya’y maaaring kumain hanggang sa mabusog sa mga bunga ng punungkahoy sa halamanan. Sa ganitong paraan ay maaaring manumbalik ang kaniyang lakas at magpatuloy ang kaniyang buhay sa kaligayahan hanggang sa panahong walang takda—walang hanggan.—Ihambing ang Eclesiastes 3:10-13.
Ang Pag-asang Buhay na Walang-Hanggan
13. Anong pag-asa ang taglay ng unang tao, at bakit gayon?
13 Walang-hanggan? Halos hindi mapaniniwalaan marahil ang bagay na ito ng sakdal na tao! Subalit bakit hindi? Ang kaniyang Maylikha ay walang kaisipan o layunin na wasakin ang dinisenyong obra-maestrang ito na halamanan ng Eden. Bakit niya wawasakin ang kaniyang sariling gawa, gayong ito ay napakabuti at nagpapakita ng kaniyang pagkadalubhasang lumikha? Makatuwiran, hindi niya layunin na gawin iyan. (Isaias 45:18) At yamang ang walang-katulad na kayamanang ito ay aalagaang palagi, kakailanganin ang isang tagapag-alaga at tagapag-ingat na katulad ng sakdal na tao, si Adan. At kung ang taong tagapag-alaga nito ay hindi kakain ng bunga ng ibinabawal na “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama,” siya’y hindi mamamatay kailanman. Ang sakdal na tao ay mabubuhay magpakailanman!
14. Papaano makapagkakamit si Adan ng buhay na walang-hanggan sa Paraiso?
14 Ang buhay na walang-hanggan sa Paraisong halamanan ng Eden ay inilagay sa harapan ni Adan! Ito’y maaaring tamasahin nang walang-hanggan, kung siya’y mananatiling sakdal sa pagsunod sa kaniyang Maylikha, na huwag kakain ng bungang-kahoy na ibinawal ng Maylikha sa tao. Nais Niya na ang sakdal na tao’y manatiling masunurin at magpatuloy na nabubuhay nang walang-hanggan. Ang pagbabawal ng pagkain ng bunga ng “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” ay hindi dahil sa iyon mismo’y nagdadala ng kamatayan. Iyon ay isa lamang pagsubok sa lubos na pagsunod ng tao sa kaniyang Ama. Nagbigay iyon ng pagkakataon na patunayan ng tao ang kaniyang pag-ibig sa Diyos, ang kaniyang Maylikha.
15. Bakit makaaasa si Adan sa isang magandang hinaharap, na may pagpapala buhat sa kaniyang Maylikha?
15 Yamang batid niya sa kaniyang puso na siya’y hindi isang hamak na lumitaw nang hindi sinasadya kundi mayroon siyang isang makalangit na Ama, at yamang ang kaniyang isip ay naliwanagan ng pagkaunawa ng kaniyang layunin sa buhay, na buhay na walang-hanggan sa Paraiso ang tinatanaw na kinabukasan, ang sakdal na tao ay umasang isang magandang hinaharap ang kakamtin niya. Siya’y kumain ng mga bunga ng punungkahoy na mabuting kanin, at iniwasan “ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Ibig niyang kamtin ang pagpapala buhat sa kaniyang Maylikha. Ang gawain, hindi yaong uring nagpapahamak, kundi ang pag-aalaga sa halamanan ng Eden ay mabuti, at ang sakdal na tao ay gumawa.
Hindi Nakadama ng Obligasyong Ipaliwanag ang mga Bagay-Bagay
16-18. Sa anong tinatawag na mga hiwaga hindi nakadama si Adan ng obligasyong lutasin at bakit?
16 Unti-unting napapawi ang liwanag samantalang lumulubog ang malaking tanglaw sa maghapon, na kaniyang nababanaagan sa pagbagtas nito sa kalangitan. Kumagat na ang dilim, gumabi, at ang buwan ay halos makita na niya. Siya’y hindi nakadama ng bahagya mang takot; ang maliit na tanglaw ang nagpupunò sa gabi. (Genesis 1:14-18) Malamang, may mga alitaptap na nagliliparan sa loob ng halamanan, ang kanilang malamig na ilaw ay kukuti-kutitap na mistulang mumunting lampara ng liwanag.
17 Habang gumagabi at dumidilim, kaniyang nadama ang pangangailangan ng pagtulog tulad din ng mga hayop sa palibot niya. Pagkagising ay nakaramdam siya ng gutom, at siya’y nagkaroon ng gánang kanin ang bungangkahoy na ipinahintulot na kanin, upang makapag-almusal, wika nga.
18 Palibhasa’y nanumbalik na ang kaniyang lakas at siya’y nakadama ng malaking kaginhawahan dahil sa pamamahinga sa gabi, ang maghapong gawain ang ngayo’y binalingan na niya ng pansin. Habang kaniyang pinagmamasdan ang lahat ng luntiang halaman sa palibot niya, hindi niya naisip na siya’y kailangang magsaliksik upang alamin ang hiwaga ng panganganlan ng mga tao na photosynthesis makalipas ang libu-libong taon, anupa’t ito’y ang nakapagtatakang paraan na kung saan ang luntiang kulay ng mga halaman, ang kanilang chlorophyll, at ang liwanag ng araw ay nagkakatulungan upang gumawa ng pagkain para sa tao at sa hayop, at kasabay nito ay ginagamit ng mga ito ang carbon dioxide na inilalabas ng tao at ng hayop sa kanilang paghinga at nagbibigay ng oksiheno para kanilang langhapin. Baka tawagin ito ng isang tao na isang hiwaga, subalit hindi na kailangan para kay Adan na lutasin ito. Ito’y isang himala ng Maylikha ng tao. Kaniyang nauunawaan iyon at pinaaandar ukol sa kapakinabangan ng mga nabubuhay na nilalang sa lupa. Kung gayon, sapat na para sa sakdal na talino ng unang tao na maalamang pinatutubo ng Diyos, na Maylikha, ang mga halaman, at ang bigay-Diyos na gawain para sa tao ay ang alagaan ang mga uring ito ng buhay-halaman na nagsisitubo sa halamanan ng Eden.—Tingnan ang Genesis 1:12.
Nag-iisa—Ngunit May Kagalakan
19. Bagaman natatalos ni Adan na siya’y nag-iisa, walang kasamang sinuman na katulad niya sa lupa, ano ang hindi ginawa ni Adan?
19 Ang pagtuturo sa tao ng kaniyang makalangit na Ama ay hindi pa tapos noon. Inalagaan ng tao ang halamanan ng Eden samantalang walang sinumang katulad niya sa lupa na makakasama niya o tutulong sa kaniya. Kung tungkol sa kaniyang kauri, ang tao, masasabi na, siya’y nag-iisa. Siya’y hindi humayo upang humanap ng sinumang katulad niya na maaari niyang maging kasama rito sa lupa. Hindi niya hiniling sa Diyos, na kaniyang makalangit na Ama, na bigyan siya ng isang kapatid na lalaki o babae. Ang kaniyang pag-iisa bilang isang lalaki ay hindi nagtulak sa kaniya na mabaliw at maiwala ang kagalakan ng pagiging buháy at ng paggawa. Ang kaniyang kasa-kasama noon ay ang Diyos.—Ihambing ang Awit 27:4.
20. (a) Ano ang sukdulan ng kagalakan at kaluguran ni Adan? (b) Bakit ang pagpapatuloy sa ganitong paraan ng pamumuhay ay hindi isang nakamamatay na kahirapan para kay Adan? (c) Ano ang tatalakayin ng susunod na artikulo?
20 Batid ni Adan na ang kaniyang makalangit na Ama ang magsusuri sa kaniya at sa kaniyang gawain. Ang sukdulan ng kaniyang kaluguran ay ang pagpapalugod sa kaniyang Diyos at Maylikha, na totoong kamangha-mangha gaya ng ipinakikita ng lahat ng magagandang gawang paglalang na nakapalibot sa tao. (Ihambing ang Apocalipsis 15:3.) Ang pagpapatuloy sa ganitong paraan ng pamumuhay ay hindi isang nakamamatay na kahirapan o nakababagot na gawaing dapat atupagin ng sakdal at timbang na taong ito na naaaring makipag-usap sa kaniyang Diyos. At inilagay ng Diyos sa harap ni Adan ang isang kawili-wiling gawain, kabigha-bighaning trabaho, na magdudulot sa kaniya ng malaking kasiyahan at kaluguran. Ang susunod na artikulo ay maglalahad ng higit pa tungkol sa mga pagpapala at mga pagkakataon sa Paraiso na tinamasa ni Adan sa kamay ng kaniyang maibiging Maylikha.
[Mga talababa]
a Ito ang salita sa orihinal na wika sa ulat ng paglalang na nasa Banal na Bibliya.—Genesis 1:26, New World Translation Reference Bible, talababa.
b Si propeta Moises, na sumulat ng impormasyon sa aklat ng Genesis noong ika-16 na siglo bago ng ating Karaniwang Panahon, ay nagsusog ng sumusunod na impormasyon tungkol sa ilog na ito ng Eden, ayon sa kaalaman noong kaniyang kaarawan:
“Ang pangalan ng una ay Pishon; na siyang lumiligid sa buong lupain ng Havilah, na doo’y may ginto. At ang ginto sa lupang yao’y mabuti. Mayroon din naman doong bodelyo at batong onyx. At ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang lumiligid sa buong lupain ng Cush. At ang pangalan ng ikatlong ilog ay Hiddekel; na siyang umaagos sa gawing silangan ng Asirya. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.”—Genesis 2:11-14.
Ano ang Iyong mga Sagot?
◻ Bakit hindi naging isang matagal na hiwaga kay Adan ang tungkol sa kaniyang pag-iral?
◻ Anong gawain ang ibinigay ng Diyos kay Adan at papaano siya tiyak na tumugon?
◻ Anong pag-asa ang ibinigay sa sakdal na tao, at bakit?
◻ Bakit hindi ginawa ni Adan na isang panghabambuhay na gawain niya ang lutasin ang mga hiwaga?
◻ Bakit ang pag-iisa ni Adan bilang isang lalaki ay hindi nag-alis sa kaniya ng kagalakan sa pamumuhay?
[Picture Credit Line sa pahina 10]
NASA photo