Ang Katotohanan Tungkol sa Impiyerno
MALIWANAG, ang pinakasaligang doktrina ng paniniwala sa pagpaparusa pagkamatay ay yaong paniniwala na ang talagang tao’y hindi aktuwal na namamatay pagkamatay ng katawang-laman kundi na isang bagay—kadalasa’y tinatawag na isang kaluluwa—ang nagpapatuloy na buháy pagkamatay ng katawan. Ang paniwalang ito, gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, ay malaon nang paniwala ng mga sinaunang Sumerio at Babilonyo sa Mesopotamia. Nang maglaon, ito ay hiniram ng mga Griego, na ang mga pilosopo, tulad ni Plato, ang gumawa ng pagpapakinis sa teorya. Ang kanilang pinakinis na dalawahang paniniwala sa “katawan at kaluluwa” ay naging isang bahagi ng apostatang paniwalang Judio.
Kailan hiniram ng nagpapanggap na mga Kristiyano ang paniniwala sa gayong kabilang-buhay? Tunay na hindi noong panahon ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Ang Pranses na Encyclopœdia Universalis ay nagsasabi: “Ang [apokripang] Apocalypse of Peter (ika-2 siglo C.E.) ang siyang unang akdang Kristiyano na naglalarawan sa pagpaparusa at pagpapahirap ng mga makasalanan sa impiyerno.”
Sa katunayan, lumilitaw na sa gitna ng sinaunang mga ama ng simbahan, nagkaroon ng malaking pagtatalu-talo tungkol sa impiyerno. Sina Justin Martyr, Clement ng Alexandria, Tertullian, at Cyprian ay para sa isang maapoy na impiyerno. Sinubukan naman ni Origen na bigyan ang impiyerno ng isang pangremedyong pilipit na kahulugan, anupa’t nagsasabing ang mga makasalanan sa impiyerno ay maliligtas din sa wakas. Sinundan ayon sa isang lalong malaki o lalong maliit na antas ni Gregory ng Nazianzus at ni Gregory ng Nyssa. Subalit tinapos ni Augustine ang gayong mahihinang paniniwala tungkol sa impiyerno. Sa kaniyang aklat na Early Christian Doctrines, ganito ang isinulat ng propesor sa Oxford na si J. N. D. Kelly: “Nang sumapit ang ikalimang siglo ang mahigpit na doktrinang hindi na bibigyan ng ikalawang pagkakataon ang mga makasalanan pagkatapos ng buhay na ito at hindi na mamamatay ang apoy na lalamon sa kanila ay kinikilalang mahalaga sa lahat ng dako.”
Tungkol sa purgatoryo, ang aklat na Orpheus—A General History of Religions ay nagsasabi: “May paniwala si San Augustine na may isang panggitnang kalagayan ng probation [pagsubok] sa pagitan ng panghinaharap na kaligayahan at pagkapahamak, yaong may kinalaman sa paglilinis ng mga kaluluwa sa pamamagitan ng apoy. Ito ang Orphic [paganong Griego] at Virgilian [paganong Roma] na doktrina ng Purgatoryo: walang isa mang salitang binabanggit tungkol dito ang mga Ebanghelyo. . . . Ang doktrina ng Purgatoryo . . . ay binuo noong ikaanim na siglo. At ipinahayag nilang isang turo ng Simbahan ng Konsilyo ng Florence (1439).” Inaamin ng New Catholic Encyclopedia: “Ang Katolikong doktrina ng purgatoryo ay salig sa tradisyon, hindi sa Sagradong Kasulatan.” Kung tungkol naman sa Limbo, inaamin ni Kardinal Ratzinger ng Roma na ito’y “isa lamang haka-haka ng mga teologo.”
Walang Pagpaparusa Pagkamatay
Ano naman ang masasabi tungkol sa Bibliya? Sinasabi ba nito na ang kaluluwa ay nagpapatuloy na buháy pagkamatay ng katawan at samakatuwid ay maaaring parusahan sa isang nag-aapoy na impiyerno o purgatoryo? Ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang paniwala na ang kaluluwa ay nagpapatuloy na buháy pagkamatay ay hindi agad-agad makikita sa Bibliya. . . . Ang kaluluwa sa M[atandang] T[ipan] ay tumutukoy hindi sa isang bahagi ng tao, kundi sa buong tao—ang tao bilang isang nabubuhay na kinapal. Gaya rin nito sa B[agong] T[ipan] ito’y tumutukoy sa buhay ng tao: ang buhay ng isang indibiduwal.”
Sa gayon ang pinagbabatayan ng pagpaparusa pagkamatay ay gumuguho. Ang Bibliya’y nagsasabi: “Ang kaluluwang nagkakasala ay namamatay.” (Ezekiel 18:4, Revised Standard Version, Edisyong Katoliko) Sinasabi rin nito: “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23, RSV) Samakatuwid, pagka tumutukoy ang Bibliya ng balakyot na mga taong walang pagsisisi na ibinubulid sa “Gehenna,” “walang-hanggang apoy,” o “dagat-dagatang apoy,” ito’y gumagamit lamang ng simbolikong pangungusap upang tukuyin na sila’y dumaranas ng kamatayang walang-hanggan, “ang ikalawang kamatayan.”—Mateo 23:33; 25:41, 46; Apocalipsis 20:14; 21:8;a ihambing ang 2 Tesalonica 1:7-9.
Basyo ang Impiyerno Dahilan sa Pagkabuhay-muli
Kung gayon, mainit ba ang impiyerno? Hindi, sang-ayon sa Bibliya. Tunay, ang mga salitang Hebreo at Griego na isinalin sa mga ibang Bibliya na “impiyerno” ay tumutukoy lamang sa karaniwang libingan ng mga taong nangamatay na. Ito’y hindi isang mainit na dakong pahirapan. Bagkus, ito’y isang dako ng kapahingahan, na kung saan babangon ang mga patay pagdating ng pagbuhay-muli sa mga patay. (Eclesiastes 9:10; Gawa 24:15) Si Oscar Cullmann, propesor sa Theological Faculty ng Unibersidad ng Basel, Switzerland, at ng Sorbonne, sa Paris, ay may binanggit na “malaking pagkakaiba sa pagitan ng pag-asang Kristiyano tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay at ng Griegong paniwala sa pagkawalang kamatayan ng kaluluwa.” Tama ang kaniyang sinasabi na “ang katotohanan na ang Kristiyanismo noong bandang huli’y gumawa ng magkaugnay na paniniwala . . . ay hindi sa katunayan isang pag-uugnay nga kundi pagtatakuwil ng isa [ang doktrina ng Bibliya na pagkabuhay-muli] pabor naman doon sa isa [ang paganong paniniwala sa pagkawalang kamatayan ng taong kaluluwa].”—Amin ang italiko.
Hindi itinatakuwil ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pananampalataya sa pagkabuhay-muli pabor sa ideya ng pagkawalang kamatayan ng kaluluwa. Sila’y malulugod na bahaginan kayo ng kanilang pag-asa at patunayan sa inyo buhat sa Bibliya na ang impiyerno ay hindi mainit.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon tungkol dito at sa mga iba pang teksto sa Bibliya na ginagamit ng iba upang tangkain na suhayan ang doktrina ng isang nag-aapoy na impiyerno, tingnan ang aklat na Ganito na Lamang ba ang Buhay? lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.