Pandaigdig na Kapayapaan—Ano ba ang Talagang Kahulugan Nito?
ANG pandaigdig na kapayapaan na nasa isip ng Diyos ay higit pa kaysa isang pangglobong pagtigil-putukan ng digmaan o isang pansamantalang paghinto sa paligsahang nuklear. Ito’y maliwanag buhat sa paggamit ng Bibliya sa salitang “kapayapaan.”
Halimbawa, sa Kasulatang Hebreo (ang “Matandang Tipan”) ang salita para sa kapayapaan ay sha·lohmʹ. Ang isang anyo ng salitang ito ay ginagamit sa Genesis 37:14, na kung saan sinasabi ng patriarkang si Jacob sa kaniyang anak na si Jose: “Tingnan mo kung ligtas at mabuti ang lagay ng iyong mga kapatid at kung ang kawan ay ligtas at mabuti ang lagay, at balitaan mo ako.”a Ang sha·lohmʹ ay ginagamit muli sa Genesis 41:16, na kung saan ito ay isinasaling “kabutihan.”
Samakatuwid, sa diwa sa Bibliya, ang tunay na kapayapaan ay hindi lamang ang paghinto ng mga digmaan kundi rin naman kasangkot dito ang kalusugan, kaligtasan, at kabutihan. Ang ating naunang labas ay nagpakita na hindi kaya ng tao na lutasin ang palaisipan ng kung papaano magdadala ng kapayapaan. Tanging si Jesu-Kristo, ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” ang bubuo ng nagkahiwa-hiwalay na mga bahagi at magdadala ng tunay na kapayapaan sa lupa. (Isaias 9:6, 7) Isaalang-alang, halimbawa, ang inihuhula ng Bibliya sa Awit 72:7, 8 tungkol sa pamamahala ng isang iyan: “Sa kaniyang mga kaarawan ay mamumukadkad ang matuwid, at saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan. At siya’y magkakaroon ng mga sakop sa dagat at dagat at mula sa Ilog hanggang sa mga wakas ng lupa.” Gunigunihin—kalusugan, kapanatagan, at kabutihan ang iiral sa buong daigdig! Walang anumang kasunduang pulitikal ang makagagawa niyan. Tanging ang Kaharian ng Diyos ang makagagawa niyan, at higit pa ang gagawin. Ang Bibliya’y nagbibigay sa atin ng maraming kapana-panabik na mga hula tungkol sa hinaharap na pandaigdig na kapayapaang ito. Talakayin natin ang ilan sa mga iyan.
Pag-aalis ng Armas sa Buong Mundo—sa Paraan ng Diyos!
Sa Awit 46:8, 9 ay sinasabi: “Halikayo, kayo bayan, tingnan ang mga gawa ni Jehova, kung papaano gumawa siya ng kamangha-manghang pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Kaniyang binabali ang busog at pinagpupuputol ang sibat; ang karo ay kaniyang sinusunog sa apoy.” Ang mga salitang “busog,” “sibat,” at ‘karo,’ ay mga sagisag ng anumang uri ng armas na pandigma o makinarya ng digmaan. Samakatuwid si Jehova ay higit pa ang ginagawa kaysa pagbabawas lamang ng armas o kahit na ang lubusang pag-aalis ng armas. Kaniyang lubos na inaalis ang mga armas nuklear, kanyon, tangke, mga tagapaglunsad ng missile, granada, plastik na mga pampasabog, riple, mga baril—anuman na maaaring magsilbing panganib sa kapayapaan ng mundo!
Gayunman, kung mga armas lamang ay hindi nagiging sanhi ng digmaan. Karaniwan, ang mga ugat ng digmaan ay nasa kalikasan ng di-sakdal na mga tao na mapootin, masakim, o marahas. (Ihambing ang Santiago 4:1-3.) Samakatuwid ang papawiin ng Kaharian ng Diyos ay ang ugat na sanhi ng digmaan sa pamamagitan ng pag-aalis sa gayong mga ugali ng personalidad sa mga tao. Sa papaano? Sa pamamagitan ng isang pangglobong progama sa pagtuturo. “Ang lupa ay mapupuno nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.”—Isaias 11:9.
Palibhasa’y “tinuruan ni Jehova,” ang pagkakaiba ng lahi ay hindi na magsisilbing dahilan ng anumang alitan, pagkakapootan, o pagkamuhi sa iba. (Juan 6:45) “Ang Diyos ay hindi nagtatangi,” at sa mga tao sa lupa ay mababanaag ang kaniyang kawalang-pagtatangi. (Gawa 10:34) Aalisin din ng Kaharian ang anumang maaaring maging sanhi ng pambansang paglalaban-laban sa pamamagitan ng pag-aalis sa mga hangganan ng mga bansa. ‘Mula sa dagat hanggang sa dagat at sa kadulu-duluhan ng lupa,’ lahat ay manunumpa nang kusa at mapagpasalamat na katapatan sa pamamahala ni Kristo.—Awit 72:8.
Upang ang gayong kapayapaan ay mamalagi, aalisin din ng Kaharian ang numero unong tagapagbaha-bahagi sa tao: huwad na relihiyon. (Zefanias 2:11) Ang sangkatauhan ay magkakaisa sa kaniyang pagsamba sa tanging tunay na Diyos. (Isaias 2:2, 3) Isang pambuong daigdig na pagkakapatiran ang iiral!
Kapayapaan sa Tahanan
Subalit, ano ba ang kabuluhan ng pandaigdig na kapayapaan kung sa pribadong mga tahanan ay nariyan ang alitan na may kasamang mga pag-iinsulto, nakasasakit na mga salita, at mga pagbabantaang palagi. Ganiyan nga ang nangyayari sa maraming pamilya ngayon. Ang iba namang pamilya ay mayroon ding malalim-ang-pagkakaugat na mga pagkakapootan kaya nga lamang ay nagsasawalang-kibo na lamang.
Samakatuwid kasali sa tunay na kapayapaan ang katahimikan sa tahanan. Sa ilalim ng programa ng pagtuturo sa Kaharian, ang mga mag-asawa ay tuturuan na makitungo sa isa’t isa sa pag-ibig at paggalang. (Colosas 3:18, 19) Ang mga anak ay tuturuan na ‘maging masunurin sa kani-kanilang magulang sa lahat ng bagay.’ (Colosas 3:20) Wala na roon ang mapaghimagsik na mga tinedyer na magdadala ng kabiguan at pagkabalisa sa kani-kanilang magulang. Ang pagkamasunurin ang magiging pamantayan, ang pagtutulungan ang susunding alituntunin. Ang mga anak ay magiging isang kaluguran na panoorin at isang kagalakan na makasama mo sila.
Sa ngayon, dahil sa mga kagipitan sa kabuhayan ay patuloy na lumulubha ang mga igtingan sa pamilya, palibhasa ang kapuwa mga magulang ay kalimitang napipilitang pumasan ng mabibigat na pasanin ng paghahanapbuhay. Subalit sa ilalim ng pamamahala ni Kristo, ang mga pamilya ay maaalisan ng mabibigat na suliranin sa pananalapi—pataas na pataas na mga upa ng tirahan, pagkalalaking mga hulog sa mga sangla, patuloy na tumataas na mga buwis, kawalang hanapbuhay. Ang kasiya-siyang gawain na nagsisilbing hamon ay marami roon. Walang sinuman doon ang walang tahanan. Pansinin kung papaanong ang hula sa Isaias 65:21-23 ay nagtatampok sa mga katotohanang ito: “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan . . . Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain. . . . Ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay. Sila’y hindi gagawa nang walang kabuluhan o manganganak man para sa kasakunaan; sapagkat sila ang lahi ng mga pinagpala ni Jehova, at ang kanilang mga anak na kasama nila.”
Gunigunihin ang pamumuhay sa isang kapaligiran na kung saan hindi na bumbagabag sa iyo ang pangit na tanawin, tunog, at amoy ng nabubulok na lunsod! Gunigunihin ang pamumuhay sa luntiang lupain—ang iyong lupa—na natamnan nang husto, pinaganda ang paysahe, pinakinis. Gunigunihin ang paglanghap ng hangin na pagkalinis-linis at dalisay; ang pagkarinig, hindi ng mababagsik na kaingay ng modernong kabihasnan, kundi nakagiginhawa, natural na mga tunog. Totoo nga, ang ibang mapapalad na mga tao ay nagtatamasa na ng katamtamang pakinabang sa mga bagay na ito. Subalit sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang mapayapang mga kalagayan ng pamumuhay ay tatamasahin ng lahat. Hindi magkakaroon ng dukha, walang magugutom, walang daranas ng anumang nakapipinsala.—Awit 72:13, 14, 16.
Ipinangangako pa rin ng Bibliya na “tungkol sa mga balakyot, sila’y lilipulin.” (Kawikaan 2:22) Iyan ay nangangahulugan ng pagpawi sa krimen. Kung ang pinakamaliit mong anak ay lalabas upang makipaglaro, ikaw ay hindi kailangang mag-alala na may pipinsala sa kaniya o mangambang may mga kidnaper na nagkukubli ng pag-aabang sa kaniya, mga sasakyang minamaneho ng lasing na mga driver na nawawalan ng kontrol at nakakasagasa, o gumagala-galang mga pangkat ng mga kabataang mga sugapa sa droga. Ang iyong mga anak ay maglalaro nang may lubos na kapanatagan at katiwasayan.
Ang Kapayapaan at ang Kabutihan ng Iyong Sarili
Sa katapus-tapusan, nariyan ang tungkol sa kabutihan ng sarili. Maging ang mga kalagayan man na mala-Paraiso ay hindi magpapahupa sa kirot na dulot ng kanser o ng arthritis. Samakatuwid sa tunay na kapayapaan ay kasali ang pag-aalis ng sakit, karamdaman, at kamatayan. Posible ba ang gayong bagay? Nang siya’y narito sa lupa, paulit-ulit na ipinakita ni Jesu-Kristo ang kaniyang pagkadalubhasa na magpagaling ng mga sakit ng tao. (Mateo 8:14-17) Buhat sa langit sa kaniyang mainam na pagkapuwesto, si Kristo ay makapagsasagawa ng mga himala sa buong lupa! “Sa panahong iyon,” ang pangako ng Bibliya, “madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.”—Isaias 33:24; 35:5, 6.
Gayunman, ang kampanya ni Kristo laban sa abang kalagayan ng tao ay hindi hihinto rito. Si apostol Pablo ay nagpapaliwanag tungkol sa paghahari ni Kristo: “Sapagkat siya’y kailangang maghari hanggang mailagay ng Diyos ang lahat ng kaniyang mga kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay lilipulin.” (1 Corinto 15:25, 26) Ito’y nangangahulugan na papawiin ang lahat ng pinsala na nilikha ng kamatayan sa sangkatauhan sa mismong pasimula pa lamang. Gaya ng ipinaliwanag ni Jesu-Kristo: “Dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ni Kristo] at magsisilabas.” (Juan 5:28, 29) Ang di-mabilang na angaw-angaw na mga taong nabuhay at namatay sa abang kalagayan ay magkakaroon ng pagkakataon kung gayon na makibahagi sa darating na kapayapaang pandaigdig.
Ikaw ba’y makababahagi rito? Ikaw ay hinihimok ng mga Saksi ni Jehova na matuto pa nang higit tungkol sa itinuturo ng Bibliya sa bagay na ito.b Lubhang nakasasabik ang natatanaw nang pandaigdig na kapayapaan, talagang tunay, upang ipagwalang-bahala. Isang katiyakan na kung magsisikap ka na matuto at ikapit ang Salita ng Diyos, “ang Diyos ng kapayapaan ay sasaiyo”—nang walang -hanggan!—Filipos 4:9.
[Mga talababa]
a Isang walang bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang maaaring isaayos sa pamamagitan ng pagsulat mo sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
b Sa literal, “Tingnan ang kapayapaan ng iyong mga kapatid at ang kapayapaan ng kawan.”
[Larawan sa pahina 5]
Pangyayarihin ni Jehova na huminto ang mga digmaan “hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa”
[Credit Line]
USAF Opisyal na Larawan
[Larawan sa pahina 6]
Ang mga mag-asawa ay tuturuan na makitungo nang may kapayapaan sa isa’t isa