Magsagawa ng Pananampalataya Ukol sa Buhay na Walang-Hanggan
“May pananampalataya sa ikaliligtas nang buháy ng kaluluwa.”—HEBREO 10:39.
1. Ano ba ang kinikilala ng isang ensayklopediang Katoliko tungkol sa paggamit sa Bibliya ng salitang “kaluluwa”?
SAANMAN ay hindi sinasabi ng Bibliya na ang mga tao’y may kaluluwang di-namamatay na umaalis sa katawan sa kamatayan at nabubuhay nang walang-hanggan sa dako ng mga espiritu. Kinikilala maging ng New Catholic Encyclopedia: “Ang ideya na ang kaluluwa’y patuloy na nabubuhay pagkatapos ng kamatayan ay hindi agad mauunawaan sa Bibliya. . . . Ang kaluluwa sa M[atandang] T[ipan] ay tumutukoy hindi sa isang bahagi ng tao, kundi sa buong tao—ang tao bilang isang nabubuhay na kinapal. Sa katulad na paraan, sa B[agong] T[ipan] ito’y tumutukoy sa buhay ng tao: ang buhay ng isang indibiduwal.” Samakatuwid ang mga tao ay walang mga kaluluwa, sila ay mga kaluluwa.
2. (a) Saan ba nagmula ang paniwalang di-namamatay ang kaluluwa? (b) Ano ba ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng tao pagkamatay?
2 Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, ang paniwala na di-namamatay ang kaluluwa ay isang ideyang pagano na matutunton sa sinaunang mga panahon sa kasaysayan. Ang autor nito ay yaong isa na sumalungat sa malinaw na pangungusap ng Diyos na ang tao ay “tiyak na mamamatay” dahil sa pagsuway. (Genesis 2:17) Ang mananalansang, si Satanas na Diyablo, ang nagsabi: “Kayo ay tiyak na hindi mamamatay.” (Genesis 3:4) At iyon ay isang kasinungalingan. (Juan 8:44) Nang maglaon, itinaguyod ni Satanas ang doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwang-tao. Ngunit ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng tao pagkamatay ay gaya ng sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos sa Eclesiastes 9:5: “Ang mga patay . . . ay walang nalalamang anuman.”—Tingnan din ang Roma 5:12.
Ang Pag-asang Buhay na Walang-Hanggan
3. Tungkol sa anong pag-asa maraming sinasabi ang Bibliya?
3 Bagaman ang Bibliya’y malinaw na nagpapakitang walang di-namamatay na kaluluwa, marami ang sinasabi nito tungkol sa buhay na walang-hanggan. Ang pag-asa ng walang-hanggang buhay ay isang pangunahing turo ni Jesus. Sinabi niya: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Tungkol doon sa mga nagsasagawa ng pananampalataya sa Diyos at kay Kristo, sinabi ni Jesus: “Sila’y binibigyan ko ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 10:28) Taglay ang lubos na pagtitiwala, sinabi niya: “Ang sumasampalataya ay may buhay na walang-hanggan. . . . Siya’y mabubuhay magpakailanman.” (Juan 6:47, 51) At sinabi rin niya: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 3:16.
4. Ano ba ang sinabi ni Jesus tungkol sa pag-asa para sa hinaharap?
4 Yamang wala namang di-namamatay na kaluluwang patuloy na nabubuhay pagkatapos ng kamatayan, papaano nga matutupad ang ipinangako ng Bibliya na buhay na walang-hanggan? Si Jesus ay nagbigay ng higit na impormasyon tungkol dito nang kaniyang dalawin si Marta at si Maria pagkatapos na mamatay ang kanilang kapatid na si Lasaro. Sinabi niya kay Marta: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Ang nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, bagaman siya’y mamatay, ay mabubuhay.” Kaniyang tinanong si Marta: “Ikaw ba’y naniniwala rito?” Ito’y sumagot: “Opo, Panginoon; ako’y naniniwala na ikaw ang Kristo ang Anak ng Diyos.”—Juan 11:25-27.
5, 6. Ano ba ang ipinakita ng pagbuhay ni Jesus kay Lasaro?
5 Upang ipakita na siya, bilang ang Anak ng Diyos, ay may kapangyarihang buhayin ang mga patay, si Jesus ay naparoon sa pinaglibingan kay Lasaro. Si Lasaro’y apat na araw nang patay, at ang kaniyang katawan ay nagsimula nang mabulok. Gayunman, “[si Jesus] ay sumigaw nang malakas: ‘Lasaro, lumabas ka!’ Ang taong iyon na namatay ay lumabas na natatalian ang mga paa at mga kamay ng mga káyong panlibing, at ang kaniyang mukha ay nababalot ng isang panyo. Sinabi sa kanila ni Jesus: ‘Siya’y inyong kalagan at bayaan ninyo siyang yumaon.’ ” (Juan 11:43, 44) Ang patay na si Lasaro ay binuhay uli!
6 Si Lasaro ay hindi binuhay buhat sa langit o saan pa man sa dako ng mga espiritu. Siya’y hindi roon naparoon sa dako ng mga espiritu nang siya’y mamatay kundi siya’y walang malay na nasa libingan, na kung saan naroroon ang lahat ng mga patay. (Awit 146:4; Juan 3:13; Gawa 2:34) Hindi makatuwirang isipin na ang walang-kamatayang kaluluwa ni Lasaro ay nagtatamasa ng walang-kahulilip na kaligayahan sa langit at nang magkagayon ay inagaw buhat sa langit ang kaluluwang iyon upang muling mailagay sa kaniyang di-sakdal na katawan sa lupa upang mabuhay minsan pa sa isang daigdig na punô ng pagdurusa, sakit, at kamatayan. Ngunit yamang siya’y wala naman sa langit, ang pagsasauli sa kaniya sa buhay ay maligayang tinanggap, sapagkat ito’y nangangahulugan ng karagdagang mga taon para sa kaniya at ang muling pagiging kapiling ng kaniyang mga mahal sa buhay. Sa kalaunan, siya’y mamamatay rin.
7, 8. (a) Sa ano pang mga ibang pagkakataon bumuhay si Jesus ng mga patay? (b) Bakit ginawa ni Jesus ang mga himalang iyon ng pagbuhay-muli sa mga tao?
7 Nang buhayin ni Jesus ang isang namatay na dalagita, ang kaniyang mga magulang “ay galak na galak sa lubus-lubusang kaligayahan.” (Marcos 5:42) Gayunman, ang dalagitang iyon sa wakas ay namatay uli. Nang buhayin ni Jesus ang namatay na anak ng biyuda ng Nain, “takot ang nangibabaw sa kanilang lahat, at kanilang niluwalhati ang Diyos.” (Lucas 7:16) Ngunit ang taong iyon ay namatay rin sa wakas. Tungkol sa mga himalang ito, nagpapatotoo ang The New International Dictionary of New Testament Theology: “Yaong mga binuhay ni Kristo sa kaniyang makalupang ministeryo ay nangamatay rin, yamang ang mga pagkabuhay na ito ay hindi nagdulot ng pagkawalang-kamatayan.”
8 Bakit nga binuhay ni Jesus ang mga nangamatay na ito? Hindi upang magkaloob ng buhay na walang-hanggan noong panahong iyon, kundi upang ipakilala na siya ang Mesiyas at upang ipakita kung ano ang binigyang-kapangyarihan siya ng Diyos na gawin. Iyon ay nagpatibay ng pananampalataya sa pag-asa sa pagkabuhay-muli at sa buhay na walang-hanggan sa ilalim ng hinaharap na pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Kristo.—Mateo 6:9, 10; Juan 11:41, 42.
9. Papaano tama ang pagkaunawa ni Marta at ni Pablo sa turo ni Jesus tungkol sa pag-asang pagkabuhay-muli?
9 Alam na ni Marta ang tungkol sa pag-asang iyon dahil sa kaniyang pakikisalamuha kay Jesus, sapagkat bago pa noon ay sinabi na niya rito tungkol kay Lasaro: “Nalalaman ko na siya’y magbabangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” (Juan 11:24) Batid niya na ang pagkabuhay-muli ay mangyayari, hindi sa kaniyang (kay Lasarong) huling araw, kundi sa hinaharap, “sa ang huling araw”—Araw ng Paghuhukom, na ang mga patay ay bubuhayin sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Alam din iyan ni apostol Pablo, sapagkat kaniyang sinabi: “[Ang Diyos] ay nagtakda ng isang araw na kaniyang nilalayong ipaghukom sa tinatahanang lupa sa katuwiran.” (Gawa 17:31) Sinabi rin ni Pablo: “Magaganap ang pagkabuhay-muli kapuwa ng matuwid at ng di-matuwid.” (Gawa 24:15) Hindi niya sinabi na nagaganap na noon ang pagkabuhay-muli kundi na iyon ay sa hinaharap pa “magaganap”—sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian.
10. Ano ang komento ng isang propesor na Pranses tungkol sa mga paniwala ng Sangkakristiyanuhan hinggil sa pagkabuhay-muli kung ihahambing sa malinaw na turo ng Bibliya?
10 Sa aklat na Immortality of the Soul or Resurrection of the Dead? ganito ang isinulat ng Pranses na Protestanteng propesor na si Oscar Cullmann: “May malaking pagkakaiba sa pagitan ng Kristiyanong pag-asang pagkabuhay-muli ng mga patay at ng Griegong paniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa. . . . Bagaman ang Kristiyanismo nang malaunan ay nagtatag ng kaugnayan sa pagitan ng dalawang paniwalang ito, at sa ngayon ay lubusang nalilito ang karaniwang Kristiyano tungkol dito, wala akong nakikitang dahilan na ikubli ang itinuturing ko at ng karamihan ng mga iskolar na siyang katotohanan. . . . Ang buhay at kaisipan na nasa Bagong Tipan ay lubusang dominado ng pananampalataya sa pagkabuhay-muli. . . . Ang buong tao, na talagang patay, ay ibinabalik sa buhay sa pamamagitan ng isang bagong paglalang na gawa ng Diyos.”
Pagkabuhay-muli—Saan Ba?
11, 12. (a) Ano ba ang layunin ng Diyos para sa mga tao at sa lupa? (b) Papaano ipinakita ni Jesus na ang layunin ng Diyos para sa lupa ay hindi nagbago?
11 Nang lalangin ng Diyos ang mga tao, kaniyang ibinigay sa kanila ang lupa bilang kanilang walang-hanggang tahanan at nilayon na punuin ang planetang ito ng isang matuwid na lahi ng mga tao. (Genesis 1:26-28; Awit 115:16) Sa Bibliya ay tinutukoy si Jehova bilang “ang Nag-anyo ng lupa at ang Gumawa nito, Siyang Isa na nagtayong matatag nito, na hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan, at kaniyang ginawa ito upang tahanán.”—Isaias 45:18.
12 Sa kabila ng libu-libong mga taon ng di-kasakdalan at kamatayan buhat nang maghimagsik ang tao, layunin pa rin ng Diyos na ang lupa ay maging walang-hanggang tahanan ng tao: “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:29) “Maligaya ang maaamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Sa gayon, nang buhayin noon ni Jesus ang mga patay, dito mismo sa lupa binuhay niya sila, at sila’y kaagad nakilala ng iba bilang mga taong dating mga patay. Ito’y nagpapatunay na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ang mga patay ay bubuhayin dito sa lupa upang magkaroon ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman dito. (Apocalipsis 20:12, 13) Iyan ay katuparan ng layunin ng Diyos para sa mga tao at para sa lupa.—Isaias 46:9-11; 55:11; Tito 1:1, 2.
13. Sa anong suliranin napapaharap ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, at papaano nila tinatangkang lutasin iyon?
13 Gayunman, yamang ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay naniniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, sila’y napapaharap sa isang suliranin: Papaano nila maiaayon ang pagkabuhay-muli ng “buong tao,” gaya ng ipinakita ni Jesus, sa kanilang paniniwala sa isang walang-kamatayang kaluluwa na umiiral na sa langit o sa impiyerno? Sinasabi ng The Catholic Encyclopedia: “Itinuturo ng Fourth Lateran Council na lahat ng tao, mabuti man o masama, ‘ay muling mabubuhay taglay ang kanilang sariling katawan na kanilang taglay ngayon.’ ” Isinusog pa: “Yamang ang katawan ang katambal ng kaluluwa sa paggawa ng mga krimen, at siyang kasama sa kaniyang magagaling na gawa, ang katarungan ng Diyos ay waring humihingi na ang katawan ay magkaroon ng bahagi sa parusa at gantimpala na tinatanggap ng kaluluwa.” Sang-ayon sa paniwalang ito, ang katawan ay mapapakatnig sa kaluluwa sa langit o sa impiyerno. Hanggang kailan? “Ang nabuhay na mga katawan ng kapuwa mga santo at mga makasalanan ay sasangkapan ng pagkawalang-kamatayan,” ang sabi ng ensayklopediang iyan.
14. Papaano ipinaliwanag ng isang manunulat na Jesuita ang paniwala ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa pagkabuhay-muli ng katawan?
14 Sa aklat na The Future Life, ng Jesuitang si J. C. Sasia, mababasa natin: “Ang buhay sa langit samakatuwid ay isang buhay ng mga kalayawan sa pamamagitan din ng niluwalhating mga sentido [ng katawan na muling napakatnig sa kaluluwa].” Tungkol sa mga katawang muling napakatnig sa kanilang mga kaluluwa sa impiyerno, ang aklat na iyan ay nagsasabi: “Sa impiyerno, pagkatapos ng pagkabuhay-muli [ng katawan], bawat sentido ng katawan ng tao ay daranas ng kaniyang sariling kaparusahan . . . Ang sentido ng pandama o paghipo ang lalong higit na pahihirapan, sapagkat lalung-lalo na dahil sa mga pagkakasala ng laman nagkasala sa Diyos ang masasama. . . . Ang kanilang pagkakatnig sa kanilang mga katawan ay magdudulot sa kanila ng karagdagang mga pahirap at kaabahan.”
15. Bakit isang pamumusong na ituro na ang mga tao ay pinarurusahan ng Diyos nang walang-hanggan sa impiyerno?
15 Sa gayon, sa pagtanggap sa paganong ideya ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ang daan ay nabuksan para tanggapin ng Sangkakristiyanuhan pati ang paganong ideya ng sukdulang kakila-kilabot na pagpaparusa sa mga kaluluwa—at maging sa mga katawan—sa impiyerno magpakailanman. Subalit, tungkol sa sinaunang kaugalian sa pagsunog sa mga anak bilang hain sa mga diyus-diyusan, sinabi ni Jehova: “Kanilang . . . sinusunog ang kanilang mga anak sa apoy bilang mga pinakahandog na sinusunog kay Baal, na hindi ko iniutos o sinalita man, at hindi pumasok sa aking puso.” (Jeremias 19:5) Kaya isang pamumusong na ituro na ang mga tao’y pinarurusahan ng Diyos nang walang-hanggan, gayong ang kaniyang sariling salita ay malinaw na nagpapakitang ang mga manggagawa ng masama na hindi nagsisisi ay pupuksain, lilipulin. “Sinumang kaluluwa na hindi makikinig sa Propetang iyon [si Jesus] ay pupuksaing lubos.”—Gawa 3:23; tingnan din ang Mateo 10:28; Lucas 17:27; Juan 3:16; 2 Pedro 2:12; Judas 5.
Pagkawalang-Kamatayan
16. Ano ba ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa pagkawalang-kamatayan?
16 Gayunman, hindi ba itinuturo ng Bibliya na ang mga tao’y dadalhin sa langit upang mabuhay nang walang-kamatayan doon? Oo, totoo iyan. Ngunit ito’y walang kinalaman sa anumang walang-kamatayang kaluluwa ng tao. Ang pagkawalang-kamatayan ay bunga ng pagbuhay-muli sa isang tao bilang isang espiritung nilalang (gaya ni Jesus) at hindi ng kaniyang pagkakaroon ng isang kaluluwang walang-kamatayan na patuloy na nabubuhay pagkatapos ng kamatayan. Ang panghinaharap na gantimpalang pagkawalang-kamatayan ay isang pag-asang iniaalok sa mga ibang tapat, tulad-Kristong mga tao at matutupad lamang pagka si Kristo’y naghahari na sa Kaharian sa langit, hindi kaagad pagkatapos na umakyat si Jesus sa langit noong unang siglo.—Awit 110:1; 1 Corinto 15:53, 54.
17. Ilan ang magkakamit ng pagkawalang-kamatayan, at anong bahagi ang kanilang ginagampanan sa layunin ng Diyos para sa lupa?
17 Isa pa, ang pag-asang iyan ay inialok sa kakaunti lamang sa sangkatauhan. Ang mga ito ay tinawag ni Jesus na isang “munting kawan.” (Lucas 12:32) Ang grupong ito, 144,000 ang bilang, ay binubuhay-muli sa makalangit na buhay bilang walang-kamatayang mga espiritung nilalang upang kanilang pagharian ang lupa kasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 7:4; 14:1, 4; 20:4) Ang lupa na kanilang paghaharian ay tatahanan, pagdating ng panahon, ng pinasakdal na mga tao, walang alinlangang libu-libong milyon sa kanila. Ang marami sa gayong mga tao ay yaong magsisibalik sa lupa sa “pagkabuhay-muli kapuwa ng matuwid at ng di-matuwid.” (Gawa 24:15) Gayunman, magkakaroon ng mga iba pa na magkakamit ng buhay sa bagong sanlibutan bukod sa mga bubuhaying-muli buhat sa mga patay. Sino ba ang mga iba pang ito?
“Hindi Na Mamamatay Magpakailanman”
18. Bukod sa pag-asang pagkabuhay-muli para sa mga taong namatay na, anong kagila-gilalas na bagay ang inihula ni Jesus?
18 Samantalang ang tiyak na pag-asa para sa mga taong namatay na ay ang pagkabuhay-muli, mayroon pang isang kahanga-hangang pag-asa sa panahon natin. Ito’y may kinalaman sa sinabi pa ni Jesus kay Marta. Pagkatapos sabihin: “Ang nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, bagaman siya’y mamatay, ay mabubuhay [sa pagkabuhay-muli],” ang sinabi pa ni Jesus, “at ang bawat nabubuhay at nagsasagawa ng pananampalataya sa akin ay hindi na mamamatay magpakailanman.” (Juan 11:25, 26) Sa huling pangungusap na ito, inihula ni Jesus ang isang kagila-gilalas na bagay: Darating ang panahon na ang mga taong nabubuhay ay hindi na nangangailangan pang mamatay! Ngunit kailan iyan mangyayari?
19. (a) Kailan mangyayari ang panahon na matutupad na ang pag-asang hindi na mamamatay ang mga tao? (b) Papaano inilalarawan ng Bibliya ang mga taong may pag-asang hindi na mamatay?
19 Ngayon—sa panahon natin—ang panahon para sa katuparan ng pangakong iyan! Ipinakikita ng lahat ng ebidensiya na tayo’y pagkalapit-lapit na sa katapusan ng masamang sanlibutang ito. (Mateo 24:3-14; 2 Timoteo 3:1-5, 13) Samakatuwid, ang mga taong sa ngayon ay nagsasagawa ng pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang Anak ay may nakagagalak na pag-asang makaligtas sa wakas ng sistemang ito at patuloy na mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos—hindi na mamamatay kailanman! Ang mga ito ay tinutukoy sa Apocalipsis 7:9, 14 bilang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika . . . [na] lumalabas buhat sa malaking kapighatian,” iningatan ng Diyos dahilan sa kanilang pagsasagawa ng pananampalataya. Binanggit ni Jesus ang dumarating na pagpanaw ng kasalukuyang masamang sistemang ito bilang isang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.”—Mateo 24:21; tingnan din ang Kawikaan 2:21, 22; Awit 37:10, 11, 34.
20, 21. Papaanong milyun-milyon ngayon ang nagsasagawa ng pananampalataya sa Diyos at kay Kristo, at ano ang hindi na kakailanganin ng marami sa kanila?
20 Sa buong daigdig, milyun-milyon na kabilang sa malaking pulutong na ibig mabuhay magpakailanman sa lupa ay nagsasagawa na ng pananampalataya sa mga pangako ng Diyos at sa isa na kaniyang binigyang-kapamahalaan na maging “ang pagkabuhay-muli at ang buhay,” si Jesus-Kristo. At kanilang inialay ang kanilang sarili sa Diyos, at sinagisagan ito ng bautismo sa tubig. (Mateo 28:19, 20) Kanilang kinikilala na wala silang pinagkakautangan ng kaligtasan kundi ang “Diyos, na nakaupo sa trono, at ang Kordero,” si Jesu-Kristo.—Apocalipsis 7:10.
21 Yaong mga kabilang sa malaking pulutong na maliligtas nang buháy sa katapusan ng sanlibutang ito ay hindi na kakailanganing buhaying-muli sa mga patay sapagkat sila’y “hindi na mamamatay magpakailanmnan”! Ikaw ba’y gumagawa na ng mga hakbang upang maging isa na kabilang sa grupong ito? Kung gayon, anong kagila-gilalas, pambihirang pribilehiyo ang bukás sa iyo—ang ikaw ay makaligtas sa katapusan ng masamang sistema ni Satanas at makapasok sa isang matuwid na bagong yugto ng panahon na magdadala sa iyo ng sakdal na kalusugan at buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso! (Lucas 23:43; Apocalipsis 21:4, 5) Sa pamamagitan ng pagkatuto sa kalooban ng Diyos at pagtitiyaga ng paggawa nito, iyong ipakikita na ikaw ay ‘hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan.’ Ikaw rin naman ay maaaring “may pananampalataya sa ikaliligtas nang buháy ng kaluluwa.”—Hebreo 10:39; 1 Juan 2:15-17; Apocalipsis 7:15.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ano ba ang tunay na pag-asa para sa mga patay?
◻ Bakit ang paniwala ng Sangkakristiyanuhan sa pagkabuhay-muli ng katawan ay isang insulto sa Diyos?
◻ Ano ba ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa pagkawalang-kamatayan?
◻ Anong kagila-gilalas na pag-asa ang maaaring kamtin ng mga tao ngayon?