Dahilan sa Siya’y Nanalangin
SA 1 Tesalonica 5:17, 18, sinabi ni apostol Pablo: “Manalangin kayong walang patid. Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo. Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kaisa ni Kristo Jesus tungkol sa inyo.” Gayunman, kung minsan ba’y nakikita mong ang iyong sarili’y atubili na magpasalamat pagka kumakain ng masarap na pananghalian sa isang pangmadlang lugar, tulad baga ng isang restauran? Sa liwanag ng payo ni Jesus laban sa pakitang-taong pananalangin, mauunawaan na ang isa’y naghahangad marahil na iwasan na siya’y makatawag ng di-nararapat na pansin. (Mateo 6:5, 6) Gayunman, ang isang maingat na pananalangin ay marahil makaaakit ng kaaya-ayang pansin.
Ito ang karanasan ng isang kabataang ministro na naglilingkod sa Brooklyn Bethel, ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Siya’y nag-aalmusal sa isang restauran, nagbabalak na pumunta sa kaniyang kinauugnayang kongregasyon at makipagtipon sa isang grupo na lalabas upang mangaral ng Kaharian. Nang idating na ang kaniyang almusal, siya’y nanalangin gaya ng kaniyang kinaugalian. Nang idilat niya ang kaniyang mga mata, siya’y tumingala at nakita niya ang isang serbidora na nakatayo roon at nakatitig sa kaniya.
“Ikaw ay nananalangin, di ba?” ang tanong niya (ng babae). Nang siya’y sumagot ng oo, sinabi nito: “Tiyak na isa ka sa mga Saksi ni Jehova. Ganiyan din ang mga magulang ko. Talaga namang hindi ako nakikialam sa kanilang relihiyon, pero alam kong dapat kong gawin iyan. Baka dapat akong kumuha ng suskripsiyon sa Ang Bantayan at Gumising! Puwede bang makakuha ako nito sa iyo?”
“Halos nahirinan ako sa aking pagkain,” ang sabi pa ng kapatid na ito. Gayunman, siya’y nakapagpasakamay ng dalawang suskripsiyon at ng dalawang pinakabagong magasin at nagsaayos ng isang pagdalaw-muli—pawang dahilan sa siya’y nanalangin.