Malapit Na—Isang Daigdig na Walang Dalamhati!
ISA bang daigdig na walang dalamhati ang malapit nang dumating? Anong kapana-panabik na balita para sa mga taong talamak na ang pagdurusa—ang kanilang ipinagdadalamhati man ay sakit sa katawan, sa isip, o sa damdamin! Halimbawa, angaw-angaw ang labis na magagalak sa pagkaalis ng matinding kirot na likha ng ilang klase ng kanser, ng karamdamang tic douloureux, at ng sakit sa puso na angina pectoris. Ang mga taong pinahihirapan ng matinding kapansanan sa isip ay magagalak na maibsan ang kanilang kadalasa’y di-mailarawang pagdurusa. At angaw-angaw pa ang magagalak kung ang sakit ng damdaming likha ng gayong emosyon na gaya ng takot, pamimighati, pagkadama ng kasalanan, pagkabalisa, at pagkabigo ay matatapos. Subalit talaga bang ibig nating makita ang katapusan ng lahat ng dalamhati?
“Kapaha-pahamak naman ang hindi pagkakaroon ng anumang dalamhati,” ang sabi ng anatomistang si Allan Basbaum ng University of California sa San Francisco. Ito’y sinabi niya na taglay ang mainam na pangangatuwiran. Bilang isang pinakaalarma, sa pamamagitan ng anumang kirot sa katawan ay nalalaman natin na mayroon tayong diperensiya.
Ang hindi pagkadama ng anumang kirot sa katawan ay tunay na kapaha-pahamak. Ito’y ipinakita sa ulat ng magasing Time na ganito: “Ang matamis na ngiti ng dose-anyos na batang lalaki ay isang malungkot na kaibahan sa kaniyang kaawa-awang hitsura. Ang kaniyang mga braso at binti ay sira ang korte at nakabaluktot, na para bagang siya’y may sakit na rickets. Kung ilang mga daliri ang wala. Ang isang tuhod ay may isang malaking sugat na nakatiwangwang, at ang nakangiting mga labi ay kinakagat na parang walang anuman. Siya’y mistulang isang batang binugbog . . . Siya’y isinilang na may labis na pambihirang depekto na anupa’t hindi siya nakararamdam ng kirot. Ang kaniyang mga daliri ay nadudurog o nasusunog dahil sa hindi niya nahihila ang kaniyang kamay pagka nakahipo sa mga bagay na mainit o mapanganib hipuin. Pangit ang korte ng kaniyang mga buto at mga kasu-kasuan dahil sa pagka siya’y lumalakad o tumatakbo ay inihahambalos niya nang napakatindi ang mga ito. Ang kaniyang tuhod ay nagsusugat na sa kaniyang pagkaluhod sa matatalas na bagay na hindi niya nararamdamang nakatusok pala sa kaniya. Sakaling mabalian siya ng isang buto o malinsad ang balakang, hindi niya gaanong mararamdaman iyon upang humingi ng saklolo.”
May mga taong kaybilis magparatang na ang Diyos ang may pananagutan sa gayong mga karamdaman at sa kadalamhatiang dinaranas ng angaw-angaw. Subalit, may karapatan ba tayong sisihin ang Diyos dahil sa dinaranas na dalamhati at pagdurusa ng sangkatauhan?
Ang Diyos ba ang Masisisi?
Sa loob ng mga 6,000 taon na ngayon, ang sangkatauhan ay alipin ng kadalamhatian dahil sa kapansanan ng katawan, isip, at emosyon. Sa katunayan, mga 19 na siglo na ang lumipas, tama ang sinabi ng Kristiyanong apostol na si Pablo: “Ang lahat ng nilalang ay patuloy na sama-samang dumaraing at sama-samang nagdaramdam ng sakit hanggang ngayon.” (Roma 8:22) Sa kabila ng maraming pamatay-kirot na mabibili sa mga botika at ng pagsisikap ng mga manggagamot at mga sikayatrista, patuloy pa rin ang malaganap na pagkaalipin sa lahat ng uri ng sakit. Aba, isinusumpa ng iba ang Diyos dahilan sa kanilang paghihirap, gaya ng asawa ng lalaking si Job na nanghimok sa kaniya na gawin ang gayon makalipas ang daan-daang taon na ngayon! Subalit, gaya ng kaniyang natanto, isang kahangalan at di-nararapat ang gayong saloobin.—Job 2:9, 10.
Ang kasalukuyang pagkaalipin ng tao sa kahirapan ay hindi matuwid na maisisisi sa Diyos. Bagkus, ang masisisi ay isang di-nakikitang sinungaling at ang ating mga unang magulang. Papaano nga nagkagayon?
Ipinakikita ng Kasulatan na bagaman sa simula’y matuwid, isang espiritung nilalang ang naging sakim sa kapangyarihan at katanyagan. Sa pasimula pa lamang ng buhay ng tao sa lupa, kaniyang nakini-kinita ang isang lahi ng tao sa paraisong lupa, na pawang nagbibigay ng lubusang debosyon sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Palibhasa’y inuudyukan ng isang pusong nahulog na sa kasamaan, ang espiritung nilalang na ito ay naghimagsik laban sa Maylalang, anupa’t kaniyang hinangad na siya ang sambahin at pag-ukulan ng debosyon ng tao. Ang kaniyang masasamang intensiyon ay nahayag nang siya’y magsinungaling nang may katusuhan. Ito, sa kabilang dako, ang nagpasok ng kasalanan sa sanlibutan.
Ang unang tao, si Adan, ay sinabihan ng Diyos na Jehova na ang pagkain ng bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay magbubunga ng kamatayan. (Genesis 2:15-17) Ngunit ang asawa ni Adan, si Eva, ay nahikayat na sumuway. Sa pamamagitan ng ahas na nagsilbing kaniyang tagapagsalita, ang espiritung Manlilinlang ay nagsabi sa kaniya: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo niyaon ay madidilat ang inyong mga mata [yaong kay Eva at sa kaniyang asawa] at kayo [kapuwa] ay magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 3:1-5) Iyan ang unang kasinungalingan, at dahil diyan ay tinawag ang balakyot na espiritung nilalang na ito na ‘ang ama ng kasinungalingan.’ (Juan 8:44) Ang kaniyang paggamit sa ahas sa pagkakataong iyon sa halamanan ng Eden ay may kahambing sa tawag sa kaniya sa Kasulatan bilang “ang matandang ahas, ang isang tinatawag na Diyablo at Satanas.”—Apocalipsis 12:9.
Ang kasalanan ay nagdala ng karaingan at pagkaalipin ng sangkatauhan sa kadalamhatian. Bilang katuparan ng salita ng Diyos, noong mismong araw na magkasala si Adan, iginawad ng Diyos ang sintensiyang kamatayan sa mga nagkasala. Sa pangmalas ni Jehova, ayon sa kaniyang katarungan, si Adan at si Eva ay namatay ng araw na iyon. (Ihambing ang Lucas 20:37, 38.) Sa Eden, sinabi ni Jehova sa noo’y nagkasalang unang babae: “Pararamihin kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan.” (Genesis 3:16) Si Adan naman ay hahanap ng ikabubuhay sa labas ng halamanan ng Eden sa lupa na malayo sa kalagayang pagkaparaiso. Sinabi ni Jehova: “Sa pawis ng iyong mukha kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa, sapagkat diyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” (Genesis 3:17-19) Ang pagkaalipin sa dalamhati ay nagsimula sa ganiyan para sa lahi ng sangkatauhan.
Samakatuwid, ang pagkaalipin sa kadalamhatian ay may kaugnayan sa di-kasakdalan, kasalanan, at kamatayan na minana kay Adan. Gaya ng pagkasabi ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayo’y lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Ngunit ang Salita ng Diyos ay tumutulong sa atin na magbata ng dalamhati, sapagkat sinasabi nito sa atin kung bakit ito’y pinayagan ni Jehova at tinitiyak sa atin na malapit nang matapos ito. Pinayagan ng Diyos ang tulad-ahas na ‘ama ng kasinungalingan,’ si Satanas na Diyablo, na pumighati sa matuwid na si Job at sa gayo’y subukin ang kaniyang katapatan. Sinabi ng Diyablo na naglilingkod si Job sa Diyos dahil sa kaimbutan, hindi dahil sa pag-ibig. (Job 1:8-12) Ngunit si Job ay nanatiling tapat sa Diyos, nagpapatunay na ang di-sakdal na mga tao ay makapaglilingkod sa Kaniya nang dahil sa pag-ibig at kanilang tapat na itataguyod ang Kaniyang soberanya sa kabila ng mahigpit na pagsubok sa kanilang pananampalataya. Ang pagtitiis ni Job bilang isang taong nanatili sa katapatan ay may bahagi sa pagbanal sa pangalan ni Jehova, pinatunayan na si Satanas ay sinungaling, at nagdala ng saganang kagantihan sa ulirang patriarkang iyan. (Job 42:12-17; Santiago 5:11) Buhat sa karanasan ni Job, masasabi natin na pagka natupad na ang layunin ng Diyos, matatapos na rin ang pagkaalipin ng sangkatauhan sa kadalamhatian. Ngunit papaano natin matitiyak iyan?
Kung Papaano Matatapos ang Dalamhati
Sa katunayan, si Jehova’y naglaan ng isang ganap na epektibong paraan upang matapos ang pagkaalipin ng tao sa dalamhati. Ito’y kaniyang ginawa salig sa haing pantubos na ibinigay ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Si Jesus “ang Kordero ng Diyos na umaalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29) Siya’y naparito sa lupa, “hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa [ang kaniyang sakdal na buhay-tao] bilang isang pantubos kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Dahil sa pagsuway, naiwala ni Adan ang kaniyang sakdal na buhay-tao, lakip na ang lahat ng karapatan at pag-asa niyaon. At iyan ang mismong tinubos sa pamamagitan ng haing pantubos na inihandog ni Jesus. (1 Timoteo 2:5, 6; Hebreo 7:26) Oo, “gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 3:16.
May katiyakang ipinangako rin ng Diyos na ang pagkaalipin sa dalamhati ay matatapos. Sa paghula ng panahon na ang dalamhating may kaugnayan sa kasalanan ay mapaparam na, ang Kristiyanong apostol na si Juan ay kinasihang sumulat:
“Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay naparam, at ang dagat ay wala na. . . . Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang bayan. At ang Diyos mismo ay sasa-kanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.’ At ang Isang nakaupo sa trono [si Jehovang Diyos] ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.’ At, sinasabi niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ ”—Apocalipsis 21:1-5.
Ang mga taong masunurin ay malapit nang tumanggap ng lubos na kapakinabangan sa inihandog ni Jesus na haing pantubos. Ito’y magaganap sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian na malaon nang idinadalangin ng mga matuwid, na nagsasabi: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang kalooban mo, kung papaano sa langit gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Sa makalangit na Kaharian, si Jesu-Kristo ay maghahari hanggang mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga paa ang lahat ng mga kaaway, kasali na ang pagkaalipin sa dalamhati at ang huling kaaway, ang kamatayan.—1 Corinto 15:25, 26.
Oo, gaya ng inaasam ng masunuring mga tao, malapit nang ‘pahirin [ng Diyos] ang bawat luha, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man.’ (Apocalipsis 21:4) Kung magkagayo’y ang sumusunod na makahulang mga salita na ngayo’y may espirituwal na katuparan ay magkakaroon din ng literal na katuparan: “Purihin mo si Jehova, Oh kaluluwa ko, . . . na siyang nagpapatawad ng iyong lahat ng mga kasamaan, na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit.” “Walang nananahan doon ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ ”—Awit 103:1-3; Isaias 33:24.
Kailan ang Katapusan ng Dalamhati
Ang katapusan ng pagkaalipin sa dalamhati ay napipinto na. Oo, ito’y magaganap sa ating kaarawan, at ang mismong salinlahing ito ang makakakita nito. Ang katuparan ng hula sa Bibliya ay nagpapakita na tayo’y nabubuhay sa katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Ang wala pang nakakatulad na mga digmaan, taggutom, at mga lindol, pati na rin ang pambuong-lupang pangangaral ng mabuting balita na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova, ay kasali sa maramihang-bahaging “tanda” ng di-nakikitang “pagkanaririto” ni Jesus sa kaluwalhatian ng makalangit na Kaharian.—Mateo 24:3-14, 21, 34.
Hindi na magtatagal, “ang unang langit at ang unang lupa,” na si Satanas na Diyablo ang nag-organisa ng sistema ng mga bagay lakip na ang kaayusan nito ng pamamahala, ay mapaparam. Ang maligalig na “dagat” ng balakyot na sangkatauhan ay mapaparam na. Tayo kung gayon ay nakatayo sa mismong pintuan ng isang pinagpalang makalangit na pamahalaan ng “bagong langit” na maghahari sa “isang bagong lupa,” isang matuwid na lipunan ng tao. Ito ay “tinatahanan ng katuwiran.”—Apocalipsis 21:1; 2 Pedro 3:13.
Sa gitna ng ganiyang mga pagpapala sa ilalim ng isang bagong pamahalaan—ang Kaharian ng Diyos—na napakalapit na, lakasan mo ang iyong loob. Kumuha ka ng higit pang kaalaman tungkol sa bagong sanlibutan na walang dalamhati at kamatayan. Oo, asam-asamin mo ang pinagpalang araw na ngayo’y napakalapit na kapag lahat ng umiibig at tumatalima sa Diyos na Jehova ay mamumuhay sa isang bagong sanlibutan na walang dalamhati.