Talaga Bang Kailangan Natin ang mga Orihinal?
MGA 3,500 taon na ngayon ang nakalipas, isang may edad nang lalaki sa Gitnang Silangan ang tumipon ng mga ulat tungkol sa kasaysayan ng daigdig magpahanggang noong kaniyang panahon. Ang kasaysayang iyon, na bumuo ng limang mahahabang aklat, ay tiyak na isang malaking pagpapagal. Ang taong iyon ay mahigit na 80 taóng gulang nang kaniyang pasimulan ang kaniyang pagsulat ng kasaysayan. Siya ni ang kaniyang bansa ay walang pirmihang tahanan kundi palipat-lipat ng lugar sa Disyerto ng Sinai. Subalit, sa wakas ang isinulat ng matanda nang lalaking iyan ay naging bahagi ng pinakamahalagang akdang pampanitikan na nakilala kailanman ng daigdig.
Ang taong iyon ay si Moises, na binigyan ng Diyos ng pribilehiyo na manguna sa sinaunang bansang Israel upang makalaya sa pagkaalipin sa lupain ng Ehipto. Ang limang aklat na kaniyang isinulat ay kilala sa ngayon bilang ang Pentateuch, ang unang bahagi ng Banal na Bibliya. Si Moises ay pinatnubayan ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Sa gayon, kahit na sa ngayon ating mababasa ang kaniyang mga isinulat upang tayo’y personal na makinabang nang malaki. Ngunit kung minsan ang mga tao ay nagtatanong: ‘Talaga bang makapagtitiwala tayo sa mga salita ni Moises at ng mga iba pang manunulat ng Bibliya? Taglay ba natin ang kanilang orihinal na mga manuskrito? Kung hindi, ano ang nangyari sa mga iyon? At papaano natin matitiyak na ang nasa Bibliya ay talagang yaong mga orihinal na isinulat ng mga manunulat?’
Ang Materyales
May maraming dahilan na magtiwala na ang Bibliya ay hindi nagbago ang nilalaman sapol nang ito ay unang isulat. Totoo, hindi natin taglay ang orihinal na mga manuskrito ng mga sumulat ng Bibliya. Ngunit tayo’y talagang di-dapat umasa na mayroon pa ng mga manuskritong iyon. Bakit? Dahilan sa materyales na kanilang pinagsulatan, sa isang sinaunang kaugaliang Judio, at sa kasaysayan ng panahon sapol nang pagkasulat.
Una, pakisuyong isaalang-alang ang materyales. May mga bagay na umiiral pa rin na isinulat nang tinitipon ang mga ulat ng Bibliya. Ngunit karamihan dito ay isinulat sa bato o luwad, na naaaring tumagal nang mahahabang yugto ng panahon. Subalit, waring ang Bibliya ay sa simula isinulat sa isang bagay na lalong madaling masira. Halimbawa, ang mga ilang kasulatan na isinulat ng manunulat ng Bibliya na si Jeremias ay sinunog ni Haring Jehoiakim. (Jeremias 36:21-31) Ang mga tapyas na bato o luwad ay hindi madaling masisira sa ganiyang paraan.
Kung gayon, anong materyales na sulatán ang ginamit ng mga manunulat ng Bibliya? Bueno, “si Moises ay tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo,” at ang pinakakaraniwang materyal na sulatán sa Ehipto ay ang papiro. (Gawa 7:22) Samakatuwid, posible na si Moises ay sumulat sa nasisirang materyales na ito. Ang isa pang karaniwang materyal na sulatán sa Gitnang Silangan ay ang balat ng hayop—katad o vellum. Marahil si Jeremias ay sumulat sa katad. Alinman sa katad o papiro ay tiyak na masusunog nang ihagis ni Haring Jehoiakim sa apoy ang balumbon ni Jeremias.
Totoo, sa mainit, tuyong klima ng Ehipto, maraming mga manuskritong papiro ang nakapanatili nang libu-libong taon. Ngunit iyan ay namumukod-tangi. Pangkaraniwan, kapuwa ang papiro at ang katad ay madaling nabubulok. Ang sabi ng iskolar na si Oscar Paret: “Kapuwa ang mga sulatáng ito ay nasa iisang matibay na uri na isinasapanganib ng kahalumigmigan, ng amag, at ng sarisaring mga uod. Batid natin buhat sa araw-araw na karanasan kung gaano kadali na ang papel, at maging ang matibay na katad, ay nabubulok pagka napahantad sa hangin o napalagay sa namamasa-masang silid.”
Sa sinaunang Israel, na kung saan doon ginawa ang karamihan ng mga aklat ng Bibliya, ang klima ay hindi kaaya-aya para maingatan ang mga manuskrito. Sa gayon, karamihan ng orihinal na mga manuskrito ng Bibliya ay marahil patuloy na nangasira noong matagal nang panahong lumipas. Kahit na kung ang mga ito man ay hindi nasira, may isang sinaunang kaugaliang Judio na malamang na dahilan kung bakit ang mga ito ay hindi makapamamalagi hanggang sa ating kaarawan. Ano ba ang kaugaliang iyon?
Pagbabaon ng mga Manuskrito
Noong 1896 isang iskolar na naghahalungkat sa isang genizah sa Cairo ang nakadiskubre ng 90,000 sinaunang manuskrito na gumawa ng malaking pagbabago sa pag-aaral ng kasaysayan ng Gitnang Silangan. Ano ba ang isang genizah? At ano ang kinalaman nito sa orihinal na mga manuskrito ng Bibliya?
Ang isang genizah ay isang silid na kung saan ang mga Judio noong sinaunang panahon ay naglalagay ng mga manuskrito na sira-sira na dahil sa kagagamit. Ganito ang isinulat ng iskolar na si Paul E. Kahle: “Kaugalian ng mga Judio na magtago ng lahat ng uri ng nasusulat at nilimbag na materyal sa gayong mga silid na nakalagay o malapit sa kanilang mga sinagoga; ang mga ito ay hindi nilayon na itago sa mga archives, kundi mananatili roon nang hindi ginagalaw sa loob ng takdang panahon. Nangangamba ang mga Judio na baka ang gayong mga kasulatan na maaaring may taglay ng pangalan ng Diyos ay malapastangan sa pamamagitan ng maling paggamit. Kaya naman ang gayong nasusulat—at nang bandang huli ay nilimbag na rin—na mga bagay ay dinadala pana-panahon sa konsagradong lugar at ibinabaon; sa gayo’y nawawala na. Natiyempuhan nga lamang na ang Cairo Geniza ay nakalimutan na at ang mga laman nito ay nakaiwas sa naging kapalaran ng mga ibang Geniza.”—The Cairo Geniza, pahina 4.
Ano kung ang isang orihinal na manuskrito ng Bibliya ay nakaligtas hanggang sa panahon na mauso na ang kaugaliang ito? Walang pagsala, ang manuskrito ay sira-sira na sa kagagamit at ito’y ibabaon na.
Mga Pangyayari sa Kasaysayan
Sa pagsasaalang-alang ng maaaring nangyari sa orihinal na mga manuskrito ng Bibliya, ang isang katapusang salik na dapat tandaan ay ang maligalig na kasaysayan ng mga lupain ng Bibliya. Halimbawa, isaalang-alang ang nangyari sa mga aklat na isinulat ng matanda nang lalaking si Moises. Sa atin ay sinasabi: “At nangyari nang matapos ni Moises na maisulat ang mga salita ng kautusang ito sa isang aklat hanggang sa matapos, si Moises ay nag-utos sa mga Levita, na may dala ng kaban ng tipan ni Jehova, na sinasabi: ‘Kunin ninyo ang aklat na ito ng kautusan, at ilagay ninyo sa siping ng kaban ng tipan ni Jehova ninyong Diyos.’ ”—Deuteronomio 31:24-26.
Ang kaban ng tipan ay isang sagradong kahon na sumasagisag sa presensiya ng Diyos sa gitna ng mga Israelita. Iyon ay dinala sa Lupang Pangako (kasama ang mga manuskrito ni Moises), na kung saan iyon ay itinago sa iba’t ibang lugar. Sa loob ng isang panahon, iyon ay sinamsam ng mga Filisteo. Nang malaunan, ang Kaban ay dinala ng hari ng Israel na si David sa Jerusalem, at nang bandang huli ay inilagay iyon sa templo na itinayo roon ni Haring Solomon. Ngunit si Haring Ahaz ay nagtayo ng isang paganong dambana sa templo at sa wakas isinara iyon. Iyon ay pinunô ni Haring Manases ng paganong pagsamba.
Samantala, ano ba ang nangyari sa kaban ng tipan at sa mga isinulat ni Moises? Hindi natin alam. Ngunit ang iba niyaon ay nawala. Noong panahon ni Haring Josias, sa di-inaasahan natagpuan ng mga manggagawa sa templo “ang mismong aklat ng kautusan,” marahil ang aktuwal na dokumentong isinulat ni Moises. (2 Hari 22:8) Karamihan ng nilalaman nito ay dati nang di-alam ng hari, at ang pagbabasang ito ay humantong sa isang malaganap na muling kasiglahan sa espirituwal.—2 Hari 22:11–23:3.
Pagkamatay ni Josias, ang mga tao sa Juda ay minsan pang naging masuwayin at sa wakas sila’y ipinatapon sa Babilonya. Ang templo ay pinuksa, at lahat ng may halaga roon ay dinala sa Babilonya. Walang rekord tungkol sa noo’y nangyari sa Kaban o sa mahalagang dokumentong natuklasan noong panahon ni Josias. Gayunman, makalipas ang mga taon na maraming Judio na nangagbalik sa kanilang tinubuang-bayan ang hinihimok na muling itayo ang Jerusalem at isauli roon ang malinis na pagsamba, ang saserdoteng si Ezra at ang mga iba pa ay bumasa sa kanila sa madla buhat sa “aklat ng kautusan ni Moises.” (Nehemias 8:1-8) Sa gayon, nagkaroon ng mga kopya ng orihinal na mga kasulatan. Saan nanggaling ang mga ito?
Pagkopya sa Salita ng Diyos
Inihula ni Moises ang panahon na ang Israel ay paghaharian ng isang hari at kaniyang isinulat ang pantanging utos na ito: “Pagka siya’y luluklok sa trono ng kaniyang kaharian, kaniyang susulatin sa isang aklat para sa kaniyang sarili ang isang kopya ng kautusang ito na nasa pag-iingat ng mga saserdote, na mga Levita.” (Deuteronomio 17:18) Samakatuwid, gagawa ng mga ibang kopya ng Kasulatan.
Ang pagkopya ng Kasulatan ay naging isang propesyon sa Israel nang bandang huli. Oo, ang Awit 45:1 ay nagsasabi: “Harinawang ang aking dila ay maging panulat ng isang bihasang tagakopya.” Ang mga tagakopya tulad baga nina Shaphan at Zadok ay binanggit sa pangalan. Ngunit ang pinakakilalang tagakopya noong sinaunang panahon ay si Ezra, na may bahagi rin sa orihinal na mga kasulatan sa Bibliya. (Ezra 7:6; Nehemias 13:13; Jeremias 36:10) Kahit na nang ang mga huling bahagi ng Bibliya ay isinusulat, ang mga aklat na kumpleto na ay kinokopya pa rin at ipinamamahagi.
Nang narito sa lupa si Jesu-Kristo, mga kopya ng Kasulatang Hebreo (Genesis hanggang Malakias) ang maaaring makuha hindi lamang sa Jerusalem kundi maliwanag na makukuha sa mga sinagoga sa Galilea. (Lucas 4:16, 17) Aba, sa malayong Berea sa Macedonia, ang mararangal-isip na mga Judio ay ‘nagsusuri ng Kasulatan araw-araw’! (Gawa 17:11) Naiingatan hanggang sa ngayon ang mga 1,700 manuskritong kopya ng mga aklat ng Bibliya na isinulat bago isinilang si Jesus, gayundin mga 4,600 niyaong mga natipon ng kaniyang mga alagad (Mateo hanggang Apocalipsis).
Ang mga kopya ba ay wasto? Oo, labis-labis na gayon nga. Ang propesyonal na mga tagakopya ng Kasulatang Hebreo (tinatawag na Sopherim) ay totoong maingat ng pag-iwas sa anumang pagkakamali. Upang maalaman kung tama ang kanilang pagkakopya, kanilang binibilang ang mga salita at maging ang mga letra ng bawat manuskrito na kanilang kinopya. Samakatuwid, si Jesus, si apostol Pablo, at ang mga iba pa na malimit sumipi sa sinaunang mga manunulat ng Bibliya ay walang alinlangan tungkol sa pagiging tunay ng mga sipi na kanilang ginamit.—Lucas 4:16-21; Gawa 17:1-3.
Totoo, ang mga tagakopyang Judio at nang malaunan ang mga tagakopyang Kristiyano ay mga nagkakamali rin. May sumingit na mga pagkakamali, subalit ang maraming kopya na umiiral pa rin ay tumutulong sa atin na matunton ang mga kamaliang ito. Papaano? Bueno, ang iba’t ibang mga tagakopya ay may iba’t ibang pagkakamali. Samakatuwid, sa paghahambing-hambing sa gawa ng iba’t ibang tagakopya, maaari nating makilala ang marami sa kanilang mga kamalian.
Kung Bakit Tayo Makapagtitiwala
Noong 1947 sa di-inaasahan ay nakadiskubre ng mga ilang antigong balumbon sa mga kuweba malapit sa Dagat na Patay. Ipinakita ng mga balumbong ito kung gaano kawasto ang ginawang pagkopya sa Kasulatan. Kabilang sa mga balumbon ang isang kopya ng aklat sa Bibliya ni Isaias na mga isang libong taon ang katandaan kaysa anumang manuskritong ginagamit na mas una. Gayunman, pagkatapos paghambingin ay nakita na ang tanging pagkakaiba ng manuskritong Dagat na Patay at ng mga kopya noong bandang huli ay naroon lamang sa ayos ng mga salita at balarila. Ang kahulugan ng teksto ay walang pagbabago makalipas ang isang libong taong pagkopya! Tungkol sa teksto ng Kasulatang Hebreo, ang iskolar na si William Henry Green ay makapagsasabi samakatuwid: “Ligtas na masasabing walang ibang sinaunang kasulatan ang naihatid sa atin hanggang ngayon nang may kawastuan.” Nahahawig na mga komento ang sinabi tungkol sa walang kamali-maling pagkahatid sa atin ng Kasulatang Griegong Kristiyano.
Totoo, nakatutuwang masumpungan ang tunay na dokumentong isinulat ni Moises o ni Isaias. Ngunit talaga namang hindi na natin kailangan ang mga orihinal. Ang importante ay hindi ang mga dokumento kundi ang nilalaman nito. At makahimala, sa kabila ng paglipas ng maraming maliligalig na mga siglo at maraming pagkopya at paulit-ulit na pagkopya, tayo’y makapagtitiwala na taglay pa rin ng Bibliya ang impormasyon na matatagpuan sa mga sinaunang orihinal na manuskrito. Samakatuwid, ang ganitong maka-Kasulatang pangungusap ay napatunayang totoo: “Ang lahat ng laman ay gaya ng damo, at ang lahat ng kaniyang karangalan ay gaya ng bulaklak ng damo; ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta, ngunit ang salita ni Jehova ay namamalagi magpakailanman.”—1 Pedro 1:24, 25.