Kami’y Nagpalaki ng Walong Anak sa Disiplina ni Jehova
INILAHAD NI OVERLAC MENEZES
“Sila’y dumating sakay ng isang bisikletang may dalawang upuan.” Ganito ang buong-pahinang pag-uulat ng Jornal de Resende tungkol sa aming pamilya noong 1988, nang kami ay paalis sa Resende para lumipat sa Lages sa timog ng Brazil.
ANG pag-uulat ay nagpapatuloy nang ganito: “Tiyak, nagugunita pa ng nakatatandang mga tao ang mag-asawang tumawag ng pansin ng Resende dahil sa kanilang orihinal at kakatuwang sasakyan, isang bisikleta na ang pinaka-katawan ay napakalaki at may dalawang upuan. Nasa harap, nagmamaneho, ang ‘tsuper,’ si Overlac Menezes; sa pangalawang upuan, naroon ang kaniyang maybahay, si Maria José. Ang taon: 1956.”
Ang autor ng artikulong ito ay isang taong nagngangalang Arisio Maciel, at siya rin ang direktor ng lokal na istasyon ng radyo. Unang nagkilala kami noong 1956 nang ang aking maybahay at ako ay gumanap ng bahagi sa lingguhang programa sa radyo ng Watch Tower Society, sa Things People Are Thinking About (Mga Bagay na Iniisip ng mga Tao). Sa artikulo, kaniyang sinipi ako sa sinabi kong sa panahon ng aming paglagi roon “lahat ng bahay sa Resende ay nadalaw kalye por kalye.”
Nais mo bang malaman kung papaano kami naging popular na popular sa Resende? At papaano, samantalang kami’y naroroon, nangyaring napalaki namin ang walong anak namin ‘sa disiplina ni Jehova’ samantalang nagtutulungan upang madalaw ang lahat ng bahay sa Resende at madalhan ng mabuting balita ng Kaharian?—Efeso 6:4.
Pagkatuto ng mga Daan ni Jehova
Noong Enero 1950, si Maria Minc, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa aking kapatid na babaing si Adeilde sa São Paulo. Ako noon ay 16 na taóng gulang at nabautismuhan bilang isang Katoliko. Ngunit may panahon na ako’y huminto ng pagsisimba. Gayumpaman, ako’y naniniwala sa Diyos at ibig kong maglingkod sa kaniya. Kaya isang gabi, naparoon ako sa tahanan ni Adeilde upang alamin ang tungkol sa bagong relihiyon na kaniyang pinag-aaralan. Ako’y inanyayahan ni Maria Minc na makisali sa pag-aaral, at sa unang pagkakataon sa aking buhay, ako’y nakakita ng isang Bibliya. Nang sumunod na mga pag-aaral ako’y namangha nang maalaman ko buhat sa Bibliya na ang pangalan ng Diyos ay Jehova, na malapit nang ang lupa’y maging isang paraiso, na wala naman palang impiyerno ng apoy at purgatoryo, at na ang tao’y walang kaluluwang di-namamatay. Ang sabi sa akin ng aking mga kamag-anak: “Mababaliw ka sa masyadong pagbabasa ng Bibliya!”
Mahusay ang pagsulong ko sa aking pag-aaral ng Bibliya at nagsimula na akong dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall ng Belém Congregation sa São Paulo. Palibhasa’y inaasahan kong mga matatanda lamang ang naroroon, naging isang sorpresa sa akin nang makita kong marami palang kabataan doon na kasing-edad ko. Noong Pebrero 5, 1950, ako’y nakibahagi sa pangangaral ng unang pagkakataon, at noong Nobyembre 4 ng taon ding iyon, aking sinagisagan ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig.
Hindi naman nagtagal pagkatapos, ako’y inatasan na maging isang pangmadlang tagapagpahayag. Nang panahong iyon, ito’y nangangahulugan ng pagpapahayag sa mga lansangan at sa mga parke sa pamamagitan ng paggamit ng isang loudspeaker na nakakabit sa bumper ng isang kotse. Ang isa pang gawain ay ang pamamahagi ng magasin. Noong mga kaarawang iyon kami’y tumatayo sa mga kanto dala ang aming mga bag ng magasin, at sumisigaw ng: “Watchtower at Awake! Naghahayag ng Kaharian ni Jehova!” Hindi naman maraming magasin ang aking nailalagay, ngunit nagkaroon ako ng lakas ng loob na magsalita sa publiko.
Buong-Panahong Paglilingkod Bilang Tunguhin
Ang aking pansin ay agad napadako sa kahalagahan ng paglilingkurang payunir, o buong-panahong pangangaral. Ang labas ng Abril 1, 1950 ng The Watchtower (Ingles) ay may artikulong pinamagatang “More and More Pioneers of Good News” (Parami Nang Paraming Payunir ng Mabuting Balita). Ito’y nagsasabi: “Ang ibig sabihin ng hanapin mo muna ang Kaharian ay na sa lahat ng panahon ang kapakanan ng Kaharian ang pangunahing nasa isip ng isa. Ang gayong tao ay hahanap ng mga pagkakataon upang makapaglingkod alang-alang doon, at hindi sa lahat ng panahon ay walang hinahanap kundi ang kaniyang materyal na mga pangangailangan at nagkakamal ng makasanlibutang mga bagay upang siguruhin ang kaniyang kinabukasan.” Ang mga salitang ito ay naghasik sa aking puso ng espiritu ng pagpapayunir.
Hindi nagtagal, isang kaakit-akit na dalaga na nagngangalang Maria José Precerutti ang bumago ng aking buhay sa isang mahalagang paraan. Mahusay ang kaniyang pagsulong sa pag-aaral niya ng Bibliya sa tulong ng isang mag-asawang Saksi, si José at si Dília Paschoal. Noong Enero 2, 1954, siya’y naging ang aking mahal na kabiyak, kasama, kaibigan, at katulong. Ang kaniyang tunguhin, din naman, ay ang magpayunir. Kaya naman, palibhasa’y pinalakas-loob ng mga halimbawa ng mga misyonero na tulad nina Harry Black, Edmundo Moreira, at Richard Mucha, kami’y nag-aplay pumasok sa paglilingkurang payunir. Gunigunihin ang aming kagalakan, at pagkabahala—nang kami’y tumanggap ng sagot: “Ang iyong rekomendasyon na maging isang tagapangasiwa ng sirkito ay aprobado na”!
Nang tanggapin ko ang aking unang atas na pansirkito, ako’y nabigla. Kasali sa aking bagong sirkito ang sampung kongregasyon sa kabisera noon ng Brazil, ang Rio de Janeiro, kasali ang ilan na malapit sa Bethel. Isang tahanang misyonero ng Watchtower Bible School of Gilead ang nasa unang kongregasyon na iniatas sa akin na dalawin. Sa edad na 22 anyos, inaakala kong kulang pa ako ng kakayahan at sinabi ko kay Brother Mucha, na noon ay siyang nakaaalam ng gawain sa Brazil: “Ano kaya ang maaari kong ituro sa mga taong ito?” Ang sagot niya: “Kapatid, basta ikapit mo ang payo buhat sa Bibliya at sa organisasyon.” Mabuting payo nga!
Makalipas ang isang taon, si Maria José ay nagdalang-tao, at kami’y kinailangang huminto sa gawaing pansirkito. Nakatutuwa naman, kami’y nanatili pa ring nasa buong-panahong paglilingkod. Bilang sagot sa kahilingan ng dalawang pamilyang Pinlandes, ang Edviks at ang Leiniös, kami’y inatasan ng Samahan na maglingkod sa Resende bilang mga espesyal payunir, halos isang teritoryong di pa nagagalaw na may 35,000 tao. Ang pamilyang Leiniös ang nagbigay sa amin ng dalawang-upuang bisikletang binanggit sa artikulo sa Jornal de Resende. Nang gamitin namin ito, kami’y nakapaghasik ng maraming binhi ng katotohanan sa matabang teritoryong iyan, at kami’y nagpatuloy ng paggawa roon nang may mga ilang buwan pagkatapos isilang noong 1956 ang aming anak na babaing si Alice. Nang kami’y lumisan, dalawang kapatid na babae, si Anita Ribeiro at Marian Weiler, ang dumating upang diligin ang binhi at ‘ang Diyos ang patuloy na nagpalago roon.’ Sa ngayon, ang Resende ay may siyam na kongregasyon at mahigit na 700 mamamahayag.—1 Corinto 3:7.
Isa sa mga unang nakilala ko sa Resende ay si Manoel Queiroz. Samantalang naghihintay ng isang bus, ako’y nakapagpasakamay sa kaniya ng dalawang aklat sa dako na kaniyang pinagtatrabahuhan. Siya, at nang dakong huli ang kaniyang maybahay, si Piedade, ay nagkaroon ng mahusay na pagsulong at sila kapuwa ay nabautismuhan. Si Manoel ay naging isang elder sa kongregasyon at nagpatuloy na tapat hanggang sa kaniyang kamatayan. Ako’y nakipag-aral din kay Álvaro Soares. Sa unang pulong na kaniyang dinaluhan, siya ay nagtaka nang makita niya na may anim katao lamang doon, ngunit sa ngayon siya ay tagapangasiwa ng lunsod (city overseer) sa Resende na kung saan mahigit na isang libo ang dumadalo sa mga pulong sa iba’t ibang kongregasyon. Noong 1978, ang anak na lalaki ni Álvaro na si Carlos ay naging asawa ng aming anak na si Alice. Sa ngayon, mahigit na 60 ng pamilyang Soares ang mga Saksi.
Ang paglisan namin sa Resende ay nangangahulugan na ang aming buong-panahong paglilingkod ay ipinagpalit ng isa pang obligasyong Kristiyano, ‘ang pagkakandili sa mga miyembro ng aming sambahayan.’ (1 Timoteo 5:8) Gayunman, sinikap namin na mapanatili sa amin ang espiritu ng pagpapayunir, ipinagpapatuloy ang buong-panahong paglilingkod bilang aming tunguhin. Ako’y nagtrabaho sa isang kompanya sa São Paulo, at sa loob ng isang taon ako ay nagbibiyahe tuwing dulo ng sanlinggo ng layong 300 kilometro sa pagpunta sa Resende upang tulungan ang grupo ng 15 mamamahayag doon. Pagkatapos, noong 1960, kami’y bumalik sa Resende.
Pagpapalaki ng mga Anak—Isang Karagdagang Pribilehiyo
Talaga naman hindi namin plano ang magkaroon ng napakaraming anak, ngunit nagkagayon nga, sunud-sunod. Sumunod kay Alice si Léo, pagkatapos ay si Márcia, Maércio, Plínio, André, at sa wakas, noong 1976, ang kambal, si Sônia at si Sofia. Bawat isa sa kanila ay maligayang tinanggap bilang “isang mana buhat kay Jehova.” (Awit 127:3) At bawat isa ay pinalaki ayon sa “pangkaisipang-patnubay ni Jehova” lakip ang kaniyang tulong.—Efeso 6:4.
Gayumpaman, ito ay isang gawaing hindi madali. Kung minsan kami ay napapaiyak dahilan sa mga problema. Ngunit iyon ay kasiya-siya. Papaano kami nagpagal ng pagpapalaki sa kanila? Sa pamamagitan ng pampamilyang pag-aaral, pagsasama sa kanila sa mga pulong at sa ministeryo sa larangan mula sa kanilang pagkasanggol, sa pamamagitan ng sama-samang pagsasagawa ng mga bagay, paniniguro na sila’y may mabubuting kasama, na binibigyan sila ng matatag na pagdisiplina, at pagpapakita namin ng mabuting halimbawa.
May ilang taon na ngayon ang lumipas, sa programa sa isang asamblea sa Cruzeiro, São Paulo, kami’y kinapanayam ng tagapangasiwa ng sirkito. Pagkatapos talakayin ang tungkol sa aming pampamilyang pag-aaral, itinanong sa akin ng tagapangasiwa ng sirkito: “Anong papel ang ginampanan dito ng iyong maybahay?” Naaalaala ko na tumulo ang aking luha, at para bang ako’y may malaking bikig sa aking lalamunan anupa’t hindi ako makasagot. Bakit? Sapagkat talagang pinahahalagahan ko ang mahalagang papel na ginampanan ni Maria José sa patuloy na pag-aasikaso sa aming teokratikong pamilya. Kung wala ang kaniyang tapat na pagsuporta, iyon ay magiging napakahirap nga!
Mula pa nang kami’y maging magkatipan, kami ni Maria José ay magkasama nang nag-aral ng Bibliya. Nang isa-isang dumami ang aming mga anak, naging isang tunay na hamon na ipagpatuloy ang pag-aaral nang palagian. Upang makatulong sa bagay na ito, sa bawat linggo sa pinto ng refrigerator ay ipinapaskel ko ang oras ng pag-aaral para sa susunod na linggo at ang materyal na pag-aaralan. Ako’y gumawa rin ng mga pantanging atas na kinakailangan. Halimbawa, isang araw si Márcia at si Plínio ay nag-away sa hapag-kainan. Kaya kinabukasan, nakakuha sila sa refrigerator ng atas na “Kung papaano mo makakasundo ang iyong mga kapatid.” Sa sumunod na pag-aaral, silang dalawa ay may kani-kaniyang nasabi at nalutas ang kanilang di-pagkakaunawaan.
Ang isa pang problema ay kung mga linggo ng umaga na ang mga batang lalaki ay kalimitan nagsasabing sila’y may sakit at di-makalalabas sa paglilingkod sa larangan. Si Léo at si Plínio ay mga eksperto sa pag-imbento ng mga sakit ng tiyan at iba pang karamdaman upang makaiwas ng pagsama sa amin sa pangangaral. Kailanma’t ako’y nagdududa tungkol sa kung sila baga’y talagang may sakit, ganito ang sinasabi ko: “Kung kayo’y may sakit nga at di-makakasama sa paglilingkod, siyempre kayo ay hindi makapaglalaro ng football mamaya.’ Kadalasan, sila’y gumagaling agad.
Kung minsan, kailangang aming maingat na harapin ang mga kalagayan. Nang si Léo ay 11 anyos, siya’y sumama sa pakikipagpiknik sa mga kapuwa Saksi, at walang pahintulot na siya’y bumili ng isang kilo ng hamón upang kanin. Nang maglaon, nang tanggapin namin ang lista ng nabili, tinanong ni Maria José si Léo: “Nakalimutan mo bang bumili ka ng hamón?” “Hindi po,” ang sagot niya nang walang kamalay-malay. “Hindi po ako ang bumili niyaon.” “Bueno,” ang sabi niya, “pumunta tayo at makipag-usap sa may-ari ng tindahan.” Nang sila’y papunta na roon, nawala ang pagkamalilimutin ni Léo. “Ngayon ay naalaala ko na,” ang kaniyang pagtatapat, “kulang nga pala ang pera ko, kaya’t inutang ko iyon at nakalimutan ko nang bayaran.” Aking binayaran ang halaga at hiniling ko sa may tindahan na arkilahin si Léo, at pagtrabahuhin siya hanggang sa siya’y kumita nang sapat upang mabayaran ako. Iyan ang kaniyang parusa. Tuwing umaga sa alas kuwatro, si Léo ang unang dumarating sa trabaho at sa loob ng isang buwan nabayaran na niya sa akin ang buong halaga.
Ang aming bahay ay palaging punô ng mga payunir, naglalakbay na mga tagapangasiwa, mga misyonero, at mga taga-Bethel. Ang kalakhang bahagi ng panahon ay wala kaming telebisyon sa bahay at ito’y tumulong sa amin na magkaroon ng mabubuting kaugalian sa pag-aaral at ng mga saloobing Kristiyano. Sa ganitong kapaligiran pinalaki namin ang aming mga anak. Ang iba sa mga liham na kanilang ipinadadala sa amin nang sila’y magsilaki na, ay nagpapatunay na ito’y naging mabisa.—Tingnan ang kahon sa pahina 30.
Muling Pagpapayunir!
Nang karamihan ng aming mga anak ay magsilaki na, naalaala ko ang isang artikulo sa Marso 1, 1955, labas ng Ang Bantayan (sa Ingles) na pinamagatang “Para ba sa Iyo ang Buong-Panahong Ministeryo?” Ang isang bahagi nito ay nagsasabi: “Mamalasin marahil ng iba ang buong-panahong ministeryo bilang isang kataliwasan. Ngunit dito sila’y nagkakamali, sapagkat dahilan sa kaniyang panatang pag-aalay ang bawat Kristiyano ay obligado na maglingkod nang buong-panahon maliban sa may sumapit na mga kalagayang wala siyang kapangyarihang daigin kung kaya’t imposible iyon.”
Isang gabi ako’y nanalangin kay Jehova na buksan-muli ang pinto para sa akin upang ako’y makapasok sa buong-panahong paglilingkod. Ang aking pamilya ay nakipagtulungan, at pinalakas-loob naman ako ng aking mga kaibigan. Sa laki ng aking pagtataka, ang direktor ng kompanya na aking pinagtrabahuhan nang may 26 na taon ay pumayag na ako’y magtrabaho nang part-time upang ako’y makapagregular payunir. Kaya’t may kagalakang bumalik ako sa gawain na kinailangang iwanan ko nang maraming taon. At tatlo sa aking mga anak ang sumunod sa aking halimbawa.
Kami’y naglingkod nang may dalawang taon sa Itatiaia, na kung saan ako’y naging isang elder nang may 15 taon, at pagkatapos ay aming ipinasiya na lumipat upang maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan. Ito’y nangangahulugan ng pamumuhay na taglay ang isang katamtamang pensiyon, katumbas ng mga isang-kapat ng isang mainam na sahod. Gayumpaman, sa pagtitiwala sa pangako ni Jesus sa Mateo 6:33, kami’y sumulat sa Samahan tungkol sa aming mga plano. Makalipas ang isang linggo, halos mapalundag kami sa kagalakan nang matanggap namin ang kanilang sagot: “Waring makatuwiran sa amin na imungkahing kayo’y lumipat sa siyudad ng Lages. Sa kabila ng populasyon nito na mahigit na 200,000, mayroon lamang 100 mamamahayag doon sa tatlong maliliit na kongregasyon. Kayo ay malaking tulong sa teritoryong iyan.”
Kami’y lumipat noong Pebrero 1988. At narito pa kami, mahigit na 1,000 kilometro ang layo sa aming mga anak at mga kaibigan. Katatapos lamang ng pinakamatinding taglamig sa lumipas na 20 taon. Ako ang nag-iisang elder sa aming kongregasyon, kaya napakaraming dapat na gawin. Gayunman, kami ay totoong-totoong pinagpala. Lubhang nakatutuwa ang teritoryo. Pagka kami’y tumuktok sa mga pintuan, sinasabi ng mga tao: “Pakisuyong pumasok kayo!” Madaling makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ang aming literatura’y ipinagpapalit namin ng iba’t ibang mga bagay pagka mahirap sa pera; at kami’y umuuwi na dala na ang sabon, deodorant, mga talim ng labaha, damit ng bata (para sa aming apo), binutil, gulay, prutas, yogurt, alak, at pati pa sorbetes. Minsan aming naipalit ang mga magasin ng mga bangkong kahoy!
Bunga na Nagdadala ng Saganang Kagantihan
Sa ngayon, sa edad na 56 na taon, ako’y tuwang-tuwa kailanma’t pag-iisipan ko ang aming pamilya. Ang mga anak namin ay hindi “ipinanganak sa katotohanan.” Sila’y isinilang sa isang tahanang Kristiyano, at ang katotohanan ay kinailangan na ikintal sa kanilang mga batang kaisipan at mga puso. Yaong mga nag-asawa ay nangag-asawa ng “nasa Panginoon.” (1 Corinto 7:39; Deuteronomio 6:6, 7) Totoo naman, kami’y nagkakamali at sumasala ng paghatol. Kung minsan ay nakagagawa kami ng mga bagay na di-makatarungan. Paminsan-minsan, ako’y hindi nakapagpapakita ng mabuting halimbawa o napapabayaan ko ang aking pananagutan bilang ama at asawang lalaki. Pagka naman natanto ko ang aking pagkakamali, ako’y humihingi ng kapatawaran kay Jehova at sa aking asawa o sa aking mga anak, at sinisikap kong ituwid ang pagkakamali.
Sa kabila ng aming mga di-kasakdalan, ang pamilya—ngayo’y lumaki na dahil sa mga manugang na lalaki, manugang na babae, at mga apo,—ay may anim na nasa buong-panahong ministeryo, apat na elder, at isang ministeryal na lingkod. Lahat maliban sa mga apo ay bautismado na. Ang tatlong mga anak na menor-de-edad na kapiling pa rin namin ay nagpaplano na pumasok sa buong-panahong paglilingkod bilang kanilang bokasyon. Ano pa ang lalong malaking gantimpala na maaasahan ng isa? Ako’y napasasalamat kay Jehova sa kaniyang pag-akay sa amin sa pagpapalaki ng aming mga anak sa kaniyang disiplina. Kami’y lubos na natutuwang makita sila na sumusunod pa rin sa kaniyang mga turo. At idinadalangin ko na kami, pati na rin sila, ay huwag sanang humiwalay kailanman sa daan ng buhay.
[Kahon sa pahina 30]
Pagkatapos na sila’y magsilaki na, kung minsan ang aming mga anak ay nagpapahayag ng pagpapahalaga sa kanilang pagsulat sa amin dahil sa paraan ng pagpapalaki namin sa kanila. Narito ang ilan sa kanilang mga komento:
“Itay, siguradong ikaw at si Inay ay gumawa ng pinakamagaling para sa amin, bagaman kayo’y nakagagawa rin ng mga pagkakamali—na nangyayaring madalas ngayon sa aming dalawa ni Carlos sa pagpapalaki sa aming anak na si Fabrício.”
Ang aming anak na si Alice, 33, may dalawang anak na lalaki.
“Inaamin namin na kayo ay magkasamang nagsikap na palakihin kami sa pangkaisipang-patnubay ni Jehova. At anong laki ng aming napapakinabang mula roon ngayon!”
Ang aming anak na si Márcia, 27, at ang kaniyang asawa, na nasa gawaing pansirkito.
“Natatalos ko na ang pribilehiyong taglay ko ngayon ay hindi ko marahil makakamit kung hindi sa kapuwa pagtulong ninyo sa akin upang magkaroon ng matatag na espirituwalidad at pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang paglilingkuran.”
Ang aming anak na si Maércio, 23, espesyal payunir.
“André, lubusan mong samantalahin ang pakikisama sa Itay at makinabang sa kaniyang karanasan. Kailanman ay huwag mong ipagwalang-bahala ang kaniyang payo. Kayo’y makapagtutulungan sa isa’t isa. Higit na maligaya ako ngayon kaysa kailanman.”
Ang aming anak na si Plínio, 20, nasa Bethel.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Foto: MOURA
[Picture Credit Line sa pahina 27]
Foto: CALINO